You are on page 1of 6

#LabanLang

Ni Mick Mars P. Silvano

Si Kim ay isang mag-aaral sa elementarya doon sa kanilang barangay.

Pinagsumikapan niya ang kanyang pag-aaral dahil pinangaral sa kanya ng kanyang

mga magulang na ito ang susi sa isang magandang kinabukasan. Mapagkumbaba at

maintindihin. Ito ang kanyang taglay na katangian. “Papa, Papa, dito na lang ako

papasok sa sekundarya para hindi na po kayo gagastos pa.” Iyon ang sinabi ni Kim sa

Ama dahil gusto nito ay doon siya pag-aralin sa sekundaryang may Special Science na

kurikulum sa isang siyudad.

Ayon sa kagustuhan ng Ama, pinaenrol nga ni Max si Kim sa sekundaryang may

Special Science na kurikulum sa siyudad. Dinala muna ito sa isang National Science

High School na may kalayuan ngunit inilipat din kalaunan sa mas malapit na

sekundaryang may kaparehong kurikulum. Lumipas ang ilang linggo sa simula ng

pasukan, naging masigasig si Kim sa klase at lagi itong tumatayo at sumasagot sa mga

tanong ng kanyang guro. Pinagpatuloy niya ang kanyang nasimulan sapagkat para sa

kanya ito ay makabubuti upang siya ay makakuha ng matataas na marka sa bawat

asignatura. Sa paraang ito, hindi niya mabibigo ang kanyang Ama at pamilya.

Dumating ang isang araw sa klase ni Kim. Parang pinanghinaan siya ng loob na

tumayo at sumagot ulit sa mga tanong ng kanyang guro. Napaisip tuloy siya kung bakit

at napatanong, “Kung Class Valedictorian ako sa elementarya, bakit pinagtatawanan

nila ako?” Ilang araw ding nagambala ang puso at isipan ni Kim dahil sa nangyari. Pati

mga guro niya sa elementarya ay tila ba sinisi niya pati kanyang mga magulang.

Nalaman ni Kim sa kwento ng kanyang mga kamag-aral na sila pala ay nagkaroon ng


tutorial sessions upang mapasa ang entrance examination ng paaralang ito.

Samantala, hindi lingid sa kaalaman ni Kim na meron palang ganito, pagkat hindi ito

nangyayari sa kanilang Barangay.

Gayunpaman, napasa ni Kim ang exam at nakalamang pa nga kesa sa mga

nagpatutor pa para sa exam. Ano kaya ang nangyari kay Kim? Bakit kaya siya

nababagabag sa kanyang karanasan sa klase? Bakit kaya tila sinisisi niya ang

kanyang mga guro sa elementarya o kaya’y kanyang mga magulang? Walang kaalam-

alam ang mga magulang ni Kim sa kanyang mga nararamdaman. Si Kim ay isang

taong walang gustong ihatid sa kanyang pamilya kundi tagumpay. Habang sumasagot

si Kim sa tanong ng guro ay biglang napatawa ang kanyang mga kaklase. “Bakit sila

napatawa sa sagot ko?”, tanong ni Kim sa kanyang sarili.

Tama naman ang mga sagot ni Kim pero bakit kaya biglang tatawa nalang ang

kanyang mga kaklase? ‘Yun pala ay pinagtatawan nila ang hindi maayos na

pagkakabigkas ni Kim sa ilang mga salita. Ni minsan ay hindi ito alam ni Kim sapagkat

buong akala nya’y tama ang pagkakabigkas niya ng mga salita. “When a human-baby

is born…” “Hahaha hahaha hahaha” tawang-tawa ang kanyang mga kaklase nang

narinig nilang sinabi ni Kim na human-baby sapagkat lagi naman talagang human ang

isang newborn baby. Dagdag pa ito sa mga naging libangan nila kay Kim maliban sa

mga mispronounced words.

Ang buong unang taon ni Kim sa sekundarya ang naging adjustment period niya

sa high school. Naging mahirap ang karanasan ni Kim noong mga panahong iyon lalo

na’t wala siyang kakilala kahit isa. Siya lang kasi ang nag-iisang galing sa kanilang

Barangay habang ang karamihan ay mula sa magkaparehong elementarya. At


pinagpatuloy ni Kim ang pagharap sa mga hamon ng kanyang buhay. Nilakasan ni Kim

ang kanyang loob. Pinanghinaan nga siya ngunit kailangan nyang lumaban. Dugo at

pawis handa niyang ibuwis para patunayan sa lahat na kaya niya; kaya rin nyang

maging tulad ng kanyang mga kaklase na bihasa sa Wikang Ingles. Araw-araw, gabi-

gabi, nagsusunog ng kilay si Kim upang pilit maging mahusay sa mga bagay na dapat

nyang matutunan ng mabuti. Hanggang sa nakaabot na sa ikaapat na taon si Kim.

Dito napagtanto ng lahat ang kahusayan ni Kim na noo’y pinagtatawanan lang. Sa mga

programa at seremonya, siya ang laging kinukuhang tagapagpapakilala. Ngunit hindi

nawawala sa mga alaala ni Kim ang mga pinagdaanan niya. Napadaan sa isipan niya

ang pag-audition niya upang maging broadcaster sa isang patimpalak sa journalism

subalit hindi siya natanggap.

Hindi naging madali para kay Kim ang pagpapakatatag sa kanyang sarili

sapagkat alam niyang hindi rin madali na kunin ang tiwala ng kanyang mga kaklase sa

kanya. Sa pagdaan ng mga araw, pinagkatiwalaan din siya ng kanyang mga kamag-

aral. Si Kim na dating pinagtatawanan ang siya na ngayo’y nangungulo sa lahat ng

kanilang mga class presentations. May mga pagkakataon nga’ng nananalo sila sa ilang

mga kompetisyon gaya ng Math Jingle at Science Investigatory Project hanggang sa

Regional Level.

Sadyang mapagbiro ang tadhana. Minsan gagapang ka hanggang sa

mapapangiti ka na lang sa bawat gapang na naaalala mo. Sinubok ni Kim ang UPCAT

kahit hindi niya alam kung saan sa mga entrance exams na ‘yon ang mga

prestiheyusong Unibersidad sa bansa. Makalipas ang anim na buwan, “Uy

congratulations Kim! Napasa mo ang UPCAT!”, wika ng kanyang mga kaklase habang
naglalakad pa siya papasok sa silid-aralan. Anim lamang silang nakapasa sa mga

magkakaklase. Dito mas lalo pa siyang pinagkatiwalaan ng kanyang mga kaklase.

Nagbunga ang mga pagsisikap at hirap na kanyang dinanas. Ang lahat ng sakit

at puot noon ay napalitan ngayon ng kasiyahan at kapanatagan ng puso. Hindi lamang

sa sarili nagiging matatag si Kim kundi pati sa kanyang pananalig sa Dios.

Grumadweyt si Kim sa sekundarya. Hindi nagkaroon ng salo-salo sa bahay pagkat gipit

sila noong mga panahong iyon. Ang kanyang kapatid ay magtatapos rin sa kolehiyo

kaya maraming pinag-gagastohan. Di tulad ng kanyang selebrasyon sa elementarya,

ang pagtatapos niya sa sekundarya ay tila ba ordinaryong araw lamang para sa kanya

kahit alam nyang halos abot-langit ang mga pinagdaanan niya.

Binalikan niya ang kanyang unang araw pagtuntong niya sa sekundarya.

“Huhuhuhuhu” Napaiyak siya sa lungkot habang nanananghaliang mag-isa. Wala pa

kasi siyang mga malalapit na kaibigan noon. Summer is over. Kagaya ng nangyari

noon, sinangguni ni Kim sa kanyang Ama na dito nalang sa pinakamalapit na

Unibersidad mag-aaral ng kolehiyo ngunit ginusto parin ng Ama na sa UP. Nakapag-

aral si Kim sa UP subalit hindi ito nagtagal doon. Pagkatapos lamang ng isang

semester ay hindi na ito bumalik doon. “Ma, Pa, hindi nalang muna ako babalik sa UP

ngayong second semester para iwas gastos muna. Gagradweyt din kasi si Ate kaya

siya nalang muna.” Ito ang sabi niya sa mga magulang. Hindi sinabi ni Kim ang tunay

na dahilan kung bakit gusto niyang huminto nalang muna sa pag-aaral hanggang

makatapos ang Ate.

Kulang na kulang kasi ang pinapadala ng kanyang Ama at may mga

pagkakataon ding hindi talaga nakapagpapadala. Hirap, dusa at gutom ang dinanas ni
Kim sa Unibersidad na halos lahat ay mga mayayaman at may kaya. Natapos ang

isang semester at nakagradweyt na rin ang Ate ni Kim. Imbis na handa na ito upang

makabalik sa UP, tinatago-tago ng Ama nito na meron pala siyang iniindang sakit.

Dahil nahihirapan na siya, sinabihan siya ng asawa na ipapagamot nalang muna daw

siya at gagamitin muna ang nakalaang pera ni Kim para sa pagbabalik-aral niya.

Nangyari nga ito. At sa hindi inaasahan…

Pumanaw ang kanyang Ama. Kabilin-bilinan nito na talagang pag-aralin si Kim.

Kaya nga huli na nang sabihin niya ang tungkol sa kanyang nararamdaman dahil gusto

talaga nito na pag-aralin si Kim. Hindi mawari kung ano ang magiging buhay ni Kim at

ng kanyang pamilya ngayong wala na ang kanyang Ama. Ang Amang nagtataguyod at

tanging bumubuhay sa buong pamilya. Gayon nga, alinsunod sa habilin ng Ama,

nagpaenrol si Kim sa pinakamalapit na Unibersidad sa kanilang bayan. Ang dating

pinagtatawanan dahil sa mali-maling pagbigkas at paggamit ng mga salita o

pangugusap sa wikang Ingles ay nagtapos bilang Magna Cum Laude sa kursong

Bachelor of Secondary Education Major in English.

Agad nakapagtrabaho si Kim hanggang sa napasa rin niya ang Board Exam para

sa mga Propesyonal na Guro. Ang dami ng mga araw na wala silang makain,

binigyang-saya ng mga tagumpay ni Kim. Ang bawat tanghaliang mga libro sa silid-

aklatan ang kanyang kinakain, ngayo’y napalitan ng saya at tuwa. Ang mga araw na

kailangan niyang umutang upang makapunta sa paaralan at makauwi sa bahay ngayo’y

naging alaala nalang. Tumayo bilang isang anak at ama si Kim sa kanilang pamilya.

Pati mga kapatid niya ay siya ang nagpapaaral. Isang karangalan para sa kanya ang

magtaguyod ng buong pamilya sa batang edad. Ang bawat hapdi sa puso ng kanyang
karanasan ay unti-unting naghihilom tuwing nakikita niyang naging masaya ang

kanyang pamilya. Ang tunay na kasiyahan ay ang kasiyahan ng buong pamilya.

Wika nga ni Dr. Jose P. Rizal, “ang mabuhay sa mundo ay isang paghihirap at

ang tanging paraan upang mapagtagumpayan ang paghihirap na ito ay

pagsasakripisyo.” Kaya, mag-aral nang mag-aral nang mag-aral at isiping mabuti na

ikaw ay nag-aaral. Sa huli, kagaya ni Kim, sa buhay ng tao dapat #LabanLang.

You might also like