You are on page 1of 5

Sa Kabataang Pilipino

Jose Rizal

Itaas ang iyong noong aliwalas

ngayon, Kabataan ng aking pangarap!

ang aking talino na tanging liwanag

ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas!

Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan

magitang na diwang puno sa isipan

mga puso nami'y sa iyo'y naghihintay

at dalhin mo roon sa kaitaasan.

Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw

na mga silahis ng agham at sining

mga Kabataan, hayo na't lagutin

ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan ang putong na lubhang makinang

sa gitna ng dilim ay matitigan

maalam na kamay, may dakilang alay

sa nagdurusa mong bayang minamahal.

Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais


kagyat na lumipad sa tuktok ng langit

paghanapin mo ang malambing na tinig

doon sa Olimpo'y pawang nagsisikap.

Ikaw na ang himig ay lalong mairog

Tulad ni Pilomel na sa luha'y gamot

at mabisang lunas sa dusa't himuntok

ng puso at diwang sakbibi ng lungkot

Ikaw, na ang diwa'y makapangyarihan

matigas na bato'y mabibigyang-buhay

mapagbabago mo alaalang taglay

sa iyo'y nagiging walang kamatayan.

Ikaw, na may diwang inibig ni Apeles

sa wika inamo ni Pebong kay rikit

sa isang kaputol na lonang maliit

ginuhit ang ganda at kulay ng langit.

Humayo ka ngayon, papagningasin mo

ang alab ng iyong isip at talino

maganda mong ngala'y ikalat sa mundo

at ipagsigawan ang dangal ng tao.

Araw na dakila ng ligaya't galak


magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas

purihin ang bayang sa iyo'y lumingap

at siyang nag-akay sa mabuting palad.

Tapunan ng Lingap

ni Andres Bonifacio

Sumandaling dinggin itong karaingan

Nagsisipag-inot magbangon ng bayan,

Malaong panahon na nahahandusay

Sa madlang pahirap sa Kastilang lalang.

Nangasaan ngayon, mga ginigiliw,

Ang tapang at dangal na dapat gugulin?

Sa isang matuwid na kilala natin

Ay huwag ang gawang pagtataksil.

At ating lisanin ang dating ugali

Na ikinasira ng taas ng uri,

Ang bayang Tagalog ay may asa dili

Ang puring nilupig ng bakang maputi.

Aanhin ang yama’t mga kapurihang

Tanawin ng tao at wikang mainam

King mananatili ina nating Bayan


Sa Kastilang ganid, Kastilang sungayan?

Kaya nga halina, mga kaibigan,

Kami ay tulungang ibangon sa hukay

Ang inang nabulid sa kapighatian

Nang upang magkamit ng kaligayahan.

Mga kapatid ko’y iwaksi ang sindak

Sa mga balita ng Kastilang uslak;

Ugali ng isang sa tapang ay salat

Na kahit sa bibig tayo’y ginugulat.

At huwag matakot sa pakikibaka

Sa lahing berdugo na lahing Espanya;

Nangaririto na para mangga-g*g*,

Ang ating sarili ibig pang makuha.

Sa Diyos manalig at huwag pahimok

Sa kaaway natin na may loob hayop,

Walang ginagawa kundi ang manakot

At viva nang viva’y sila rin ang ubos.

Ay! Ang lingap mo po, nanunungong langit,

Diyos na poon ko’y huwag ipagkait

Sa mga anak mong napatatangkilik


Nang huwag lumbagos sa masamang hilig.

Kupkupin mo nama’t ituro ang landas

Ng katahimikan at magandang palad;

Sa pakikibaka’y tapunan ng lingap,

Kaluluwa naming nang di mapahamak.

You might also like