You are on page 1of 1

EDITORYAL - PNP, pinasama ng aroganteng general

(Pilipino Star Ngayon) - June 25, 2019 - 12:00am

HINDI tumitigil si PNP chief General Oscar Albayalde para maibangon ang imahe ng pinamumunuang
organisasyon at maibalik ang tiwala ng mamamayan. Pero kabaliktaran naman ang ginagawa ng ilang
miyembro ng PNP na pinasasama sa mata ng mamamayan. Sa halip na tumulong para maiangat ay lalo
pang ibinabagsak.

Hindi lang ang mga patrolman ang gumagawa ng palso kundi maging ang mga matataas ang ranggo na
kinabibilangan ng mga heneral. Kaya hindi masisisi ang taumbayan kung maging masama ang tingin sa
mga pulis dahil pati ilang heneral ay barumbado ang ugali na akala mo ay sila na ang “hari”. Nagkaroon
lang ng “estrella” sa balikat ay yumabang na at lumaki ang ulo.

Ganito ang inasal ni dating Eastern Police Director P/Brig. Gen. Christopher Tambungan noong nakaraang
Mayo 12, 2019 na naging dahilan para alisin siya sa puwesto. Dahil sa pagiging arogante, nawala sa kanya
ang mataas na posisyon na ninanais ng mga pulis.

Nag-viral sa social media ang ginawang pananakit at panghahampas at pagsalya ng pintuan ng sasakyan
ni Tambungan sa isang babaing pulis na nakilalang si P/Cpl. April Santiago noong Mayo 12, bisperas ng
eleksiyon. Kitang-kita na napaatras si Santiago nang tamaan nang malakas na pagkakasalya ni
Tambungan sa pintuan ng sasakyan. Bukod sa pananakit, pinagsalitaan pa rin nang hindi maganda ang
babaing pulis.

Ayon sa report, ikinagalit ni Tambungan nang hindi siya mabigyan ng patrol car para maeskortan patungo
sa isang restaurant na pagkikitaan nila ni PNP chief General Albayalde. Wala umanong sasakyan ayon kay
Santiago dahil ng mga panahong iyon ay abala ang mga pulis sa Comelec checkpoint. Pero para kay
Tambungan, hindi iyon rason kaya nag-init ang kanyang ulo at napagdiskitahan ang kawawang babaing
pulis.

Hindi lamang si Albayalde ang nadismaya sa ginawa ni Tambungan kundi maging si National Capital
Region Police Office chief P/Maj. Gen. Guillermo Eleazar. Sa galit ni Eleazar, hinikayat niya si Santiago na
kasuhan si Tambungan.

Nawala ang posisyon na pinangarap ni Tambungan dahil sa maling ginawa. Sana, hindi siya tularan ng iba
pang heneral. Matuto na rin sana siyang maging mapagkumbaba.

You might also like