Panalangin Sa Buwan NG Wika 2018

You might also like

You are on page 1of 1

PANALANGIN SA BUWAN NG WIKA 2018

Arvel V. Ocampo
Paaralang Elementarya ng Quetegan
Mangatarem, Pangasinan

Ama naming nasa langit. Sa Inyo po nagmumula ang lahat ng wika at karunungan.
Kayo po ang gumagabay sa lahat ng pananaliksik para sa kaunlaran ng Iyong bayan. Ang
Diyos na Lumikha ng aming bagay na nakikita at di’ nakikita. Ang Diyos namin noon,
ngayon at bukas. Kayo po ang patuloy na umagapay upang maisulong ang temang
“Filipino: Wika ng Saliksik”. Kayo po ang pinakadakilang Direktor ng Kawanihan, Direktor
ng Panrehiyon, Tagapamanihala ng Paaralan, Katiwalang Punungguro at Dakilang Guro
sa lahat ng panahon. Ang lahat ng papuri ay alay namin sa Iyo Panginoon.
Taus-puso po kaming nagpapakumbaba sa lahat ng aming mga nagawang
pagkukulang; sa isip, sa salita, sa gawa at sa aming kapabayaan. Humihingi rin kami ng
tawad sa lahat ng aming mga pagkukulang sa Inyo at ganon din po sa aming kapwa mula
sa umpisa at pagsasakatuparan ng pagdiriwang ngayong taon. Ganoon din po Panginoon,
sa mga pagkakataon na minsa’y hindi namin nagamit nang tama ang iyong kaloob na
wika sa amin.
Pinasasalamatan po namin Kayo Panginoon upang ang Pagdiriwang na ito ay
matagumpay na maidaos. Walang hanggang pasasalamat din sa Inyo sa lahat ng grasya
na aming natanggap at sa mga biyaya pang aming tatanggapin. Nagpapasalamat din po
kami Panginoon sa mga pagsubok upang lalo kaming lumakas at matatag na harapin ang
susunod pang mga suliraning pangwika.
Samo’t dalangin namin Panginoon na gabayan po kami ng Inyong Banal na Ispiritu
Santo upang manguna sa isa na namang mahalagang okasyon sa aming bansa.
Bendisyunan Ninyo po ang bawat isa sa amin upang lalo naming pahalagahan ang wikang
sarili, ang Inyo pong pagmamahal lalo na po Ama ang Inyong banal na presensiya.
Patuloy ninyo pong pagpalain ang aming Kalihim ng Edukasyon, pamunuan ng Komisyon
ng Wikang Filipino, katiwalang punungguro, mga guro, mga magulang, mga kaibigan at
sa lahat ng tagapagtaguyod ng Wikang Filipino. Panalangin din namin Panginoon naming
Mapagkalinga na maidaos nang matagumpay ang isang buwang pagdiriwang,
Filipino: Kasangkapan sa Pambansang Karunungan; Kayamanang Kultural: Saliksikin
Gamit ang Sariling Wika Natin; Filipino, Isang Dakilang Pamanang-Bayan at
Intelektuwalisasyon ng Filipino, Para sa Kaunlaran ng Bansa. Patuloy Ninyo rin pong
bendisyunan ang aming mga mag-aaral upang makasabay sa pabago-bagong panahon
upang magamit nang tama ang sariling wika sa isip, sa salita at sa gawa. Ang lahat pong
ito ay hinihingi namin po sa Inyo sa Makapangyarihang pangalan ng Inyong Anak na si
Hesus.
Amen at Amen.

You might also like