You are on page 1of 18

Ang Iba’t Ibang Ngalan ng Hangin ni Mikael de Lara Co

mga Tula And I have nothing more to write about than gratitude. For la mer, soleil-
la, the bow of the arc-en-ciel and the archery of blackbirds from its radiant bow.
The rest of the year is rain. Derek Walcott Ang Iba’t Ibang Ngalan ng Hangin Ukol
sa Akin

Marahil ipinagtataka mo kung ano ang ginagawa natin dito. Hindi ko rin nasisiguro
kung paanong nangyaring ganito: Kausap kita, ngunit walang paraan upang makatugon
ka. Pagtutuos sigurong maituturing ito. O pagtatapat, itim na sugat sa papel na
maghihilom lamang kung bubulong ka nang gamit ang aking tinig. Hayaan mo akong
magpakilala sa iyo: kapangalan ko ang pinakamatalik mong kaibigan, at kung minsan,
ang pinakamarahas na halimaw ng iyong pagkabata. Kung minsan, ikaw. Hilig kong pag-
usapan ang kamatayan at kasalanan, at kung tatanungin mo ako ukol sa pananalig,
titingin ako sa malayo at hihinga nang malalim at sasabihing “Oo.” O kung minsan,
“Hindi,” depende marahil sa hihip ng hangin o sa kulay ng nagdaang takipsilim.
Paborito kong kulay ang abo, sapagkat minsan nanaginip akong naglulunoy sa isang
ilog ng tuyong dahon at may isang batong kumausap sa akin, naninimdim sa
pagkakabilad sa init ng araw. Mahilig rin ako sa pusa, at sa ahas, lalo na iyong
mga kahuhunos lamang. Paminsan-minsan kung may dadapong bato -bato o maya sa
kalawanging bubungan ng aking kapitbahay, iniisip ko na lamang na uwak ito at sa
wakas ay nakamtan ko na ang pinakamasidhi kong pangarap. Oo, hindi pa kailanman ako
nakakikita ng uwak. Sa isang nakaraang buhay maaaring isa akong pulubi, bulag na
nakahandusay sa harap ng simbahan. Sa isa pa, maaaring usa o salagubang, maaaring
insektong isinilang at yumaong nakaipit sa pakpak ng isang tagak. Paminsan-minsan
ay kaya ko rin namang magsalita sa isang paraang mauunawaan mo, ngunit sa kasong
ito, mas mahalagang magpakilala ako sa iyo: Aaminin ko, hindi ko pa rin kayang
pangahasang gamitin ang pangalang Makata. Huwag mo sanang mamasamain, ngunit
matagal na akong sumuko sa kapalarang kailanman ay hindi ko maririnig ang iyong
tinig. Huwag mong mamasamain, ngunit kung minsan, nagsusulat din ako para sa akin.
Prolepsis

Magsimula tayo sa kagubatan. Magtapos tayo sa apoy. Palibutan ng naratibo ang


nangyari: sa pagitan ng kulubot na mga ugat ng isang puno, natutulog ang isang
bubuli. O nagtatago. Nagpapatay-patayan. Mga uwak na sumisirko sa kalangitan,
naghahanap ng mapupugaran. Binubulag ng kalawakan. Tuyong dahon, sukal, sala-
salabid na mga tangkay, lahat nag-aabang ng ulan. Kailangang may mangyari: Tunog ng
dahong nagsasalupa sa ilalim ng talampakan. Tunog ng paghingal. Alam mong may
tumatakbo, bagaman hindi mo maaninag kung sino. Nasabi ko na bang madilim noong
gabing iyon? At kailan ka ba huling nakaramdam ng takot? Papalabas ng kagubatan,
humihingal ang isang bata, mata sa nag-iisang gasera sa malayo niyang bintana.
Kayrami niyang hindi nalalaman. Umaapaw sa kuwento ang kagubatan. Ang Nakikita

Una sa lahat: kailangan mong maniwala: wala akong kayang sabihin kundi ang
nakikita. Nagsasanib ang tubig-ulan at dura at grasa sa pitak-pitak na mukha ng
kalsada, namumuo ang liwanag, namamaga ang alangaang, ito ang madaling-araw, ito
ang Maynila, ito ang Maynila sa tuwing madaling-araw. Kanina lamang ay tinitigan mo
ang buwang nakalambitin sa madawag na kalangitan. Mamaya, kung sa pagtingala ay
walang buwang nag-aabang sa iyo, tititigan mo ang espasyo kung saan, sa mga
himulmol ng iyong paghaharaya, ay iisipin mong may buwang tumititig pabalik. Alam
mo ito:
Ang pagdilat ay isa lamang sa maraming anyo ng pag-asa. Nakikita mo rin ang
nakikita ko: ito, akong nagwiwika; ito, ikaw na pilit humahalukay ng sariling
kahulugan sa mga sukal ng lahat ng nakikita; ito, ang lungsod na di makayanang
punan ang mga uka sa nababakbak mong puso. Kanina lamang ay nakita ko kung paano,
sa kabila ng sala-salabid na busina at huntahan ng pasahero, isang pawisang babae
ang naglabas ng rosaryo, pumikit, at bumulong nang para bang may nakaririnig. Ito,
panalangin. Sabay tayong magtaka kung paanong nagkakasya ang gayong kalawak na pag-
asa sa pagitan ng dadalawang palad. Ang Makasalanan

Walang makapapansin. Maglalakad ako sa hardin ng aking kapitbahay at isa-isang


durukutin ang mata ng mga bulaklak. Darapa ang damo sa ilalim ng aking talampakan.
Lalapat ang mga dahon sa kapwa nila dahon. Kaba ang tawag dito, o alisuag. Sapagkat
kung ako’y magkakasala, at walang makakikita, maaari kong sabihing hangin ang
nagkuyom sa makahiya. Hindi ako. Sapagkat hindi mo matitiyak kung ano ang naglalaho
sa bawat pagpikit mo. Maaaring wala. Maaaring may isang talulot na naligaw sa iyong
paanan. Maaaring sa isang balkonahe, sa isang dako ng mundo, may dumarapong
paruparo. Ang totoo? Madaling-araw dito. Nakakuyom ang mga makahiya. Heto: isang
sugat. Sa iyo ko lamang aaminin. Sa dakong ito ng mundo, iisa ang ngalan namin ng
hangin. Dalawang talukap, kalahating kabang langib,

Isang tabong dugo. Lahat ng kaya mong sabihin O ihagis sa ilog. Maghanap ka pa ng
sasabihin. Ako, Ayaw ko, dahil kung tanungin kita kung may naiwan ka ba, Litrato o
iskapular na gusto mo sanang ilakip ko sa sobre
Bago sunugin, may maisasagot ka ba? Hindi ko alam, Baka. Basta. Ang alam ko:
Mamaya, mananaog ang tubig Mula sa mga ulap, luluhod sa harap ko, hahandugan ako Ng
tinig. Iyan ang sinabi mo kagabi, sa akin, Sa isang panaginip. Ang sabi mo pa,
huwag kong tatanggapin. At kung magpumilit sila, isauli ko, dagdagan ko pa:
Dalawang talukap, kalahating kabang langib, isang tabong dugo. Lahat ng kaya kong
sukatin o ibaon sa lupa. Marami pa, Pero di ko na maalala. Nalulungkot ka na yata.
Ako? Marahil. Bahala na. Kung may panahon ka, dumalaw ka Sa sementeryo. Sa tabi ng
estero, sa ilalim ng kalansay Ng puno ng akasya, may makikita kang payong,
nakasandal Sa isang puntod. Payong, dalawang talukap, Kalahating kabang langib,
isang tabong dugo. Lahat Ng kaya mong angkinin. Pasensiya ka na. Hindi ngayon ang
panahon ng mga bulaklak. Liriko: Tag-araw

Naririnig mo ba ako? Itinatanong ko ito sapagkat kanina, sa isang panaginip, ay


natagpuan ko ang sariling naglulunoy sa isang ilog ng abo. Natanaw kita sa pampang,
at pinilit kitang kausapin, bagaman alam kong aangkinin lamang ng alangaang ang
tuyot kong tinig. Hindi ito tungkol sa pag-ibig. Tungkol ito sa alaala: Minsan
akong nagnakaw ng isang araw mula sa tag-ulan. Hindi ko na maalala kung saan ko ito
isinilid. Tungkol din ito sa mga ulap, kung paanong minsan, habang sila’y
minamasdan, nakaulinig ako ng pagkuskos sa kalawakan.
Kailan ko bang natutunan: Iyon ang tunog ng tanghaling isinusulat ang maikli at
mapait niyang talambuhay. Nauunawaan mo na ba? Kanina lamang ay nakita ko ang isang
kaibigan, nakatanghod sa bintana. “Araw-araw, walang bigo, ay minamasdan kong
tumubo ang isang puno. Ganito nga siguro,” wika niya, “ang pakiramdam ng tunay na
kapayapaan.” Maaari ngang tungkol ito sa kapayapaan, bagaman mas hilig kong
pagmasdan ang malungkot na sayaw ng mga dahon bago sila tuluyang lumapag sa lupa.
At maaari ring tungkol ito sa pag-ibig. Maaaring tungkol ito sa pananahimik, isang
pagtatangkang magsinungaling gayong alam kong anumang sugat ang mapamaga sa iyong
paniniwala ay maghihilom at uuwi lamang sa gaspang ng katotohanan. Gaya nito:
Tungkol ito sa alaala: Minsan ko nang nasukat ang kalawakan. Ilang dangkal nga ba
ito? Nangamba akong makalimot, kaya’t pinilit kong magwika: Magugunaw ang lahat,
pati tinig, pati gunita. Binalot ng alinsangan ang aking mga salita kaya’t di mo
ako narinig, ngunit sa isip ko’y tumugon ka, at naunawaan kita, (naaalala ko ito
hanggang sa ngayon,) bagaman ang totoo’y nakatingin ka sa malayo, taimtim na
nakikinig sa paghuni ng tag-araw. Sa Kabila Ng Lahat
Matagal na mula noong nagsawa akong matakot sa hindi ko nakikita. Wala pa ring
nagbabago hanggang ngayon. Magaspang pa rin ang hihip ng hangin. Ang mga ahas sa
kagubatan, alam kong nasa kagubatan pa rin, patuloy na naghuhunos, bagaman sa
tuwing hahanapin ko sila’y wala akong matagpuan kundi ang tuyot at maninipis nilang
balat. Gayundin sa lungsod. Humuhuni pa rin ang langit sa tuwing ipipinid ko ang
aking mga labi. Akala siguro nito’y hindi ko siya maulinig kaya’t nananahimik ako.
Nagtataka rin kaya ito, tinitimbang kung may awit ding nagliliyab sa abuhin kong
kalooban? Sa kabila ng lahat, hindi ko alam. Hindi ko alam kung anong tayantang na
lupalop ang nasa kabila ng lahat, kung anong halimaw ang payapang natutulog,
humihilik, nag-aabang na mahagilap ko ang anumang naglaho mula nang magsawa akong
maniwala. Sa isip ko, isang araw, kakaharapin ko ang halimaw na iyon, walang
sandata kundi gusgusing pananalig. Maaamoy niya ang aking pangamba, at ngingiti
siya, at ibabahagi ang dalumat na alam ko na, dati pa: “Naiintindihan mo? Walang
nagbabago.” At saka siya titindig. Tatakbo akong papalayo, ngunit hahabulin ako ng
numinipis at numinipis niyang tinig. “Bakit ka natatakot? Alam mong magwika man
ako, wala akong ibang tinig na magagamit kundi ang sa iyo.” At pipikit ako,
ipipinid ang mga labi, dahil sa kabila ng lahat, hindi ko alam kung akin pa ring
talaga ang tinig na iigpaw mula sa nag-aapoy kong lalamunan. Liham

1.
Kaninang madaling-araw, dumungaw ako sa bintana at buong-lakas na isinigaw ang
iyong pangalan. Nangatal ang mga dahon. Patuloy na nagsayaw ang nag-iisang gamugamo
sa paligid ng umaandap-andap na ilaw-poste. Umusad ang mga ulap. Nagkubli ang
buwan. Walang sinumang lumingon. 2. Gusto kong ipaalam sa iyo kung gaano nang
kahirap ang dumilat. Nagdurugo ang kalawakan sa bawat kong pagtingala, nagiging
simbigat ng tingga, at wala na akong magawa kundi abangan ang marahas nitong
pagbulusok. Ilang libong taon nang uso ang kamatayan, sabi ng isang makata, at oo,
ilang libong taon na nga tayong binabagabag ng mga hangganan, ngunit iyon at iyon
pa rin ang katahimikang sumasakop sa ating mga lalamunan sa tuwing napagtatantong
di na babalik ang lumisan. Iyon pa rin ang mga pagnanasang alam nating di kailanman
makakamtan: Gusto kong isiping naririnig mo ako, nababasa mo ito, at sa gilid ng
papel, napapansin mo ang isang linya, nangungulila, walang mapagsingitan: Nasaan ka
na? Kayhirap magtanong nang walang tumutugon. Kayhirap pumikit nang nalalamang
kadiliman din lamang ang sasalubong sa aking pagdilat. 3. Kailangan kong
magpatuloy. Sapagkat may mga bagay na hindi mo nagawa.
4. Kayraming balakid sa paglimot: Dalawang talukap, kalahating kabang langib, isang
tabong dugo. Sa pader ng kusina, sintaas ng tuhod, may sampulgadang linya. Iginuhit
mo iyon, dati, gamit ang pulang krayola. Hanggang dito ang inabot ng huling baha.
Sandakot na abo. Singsing, kupas na salamin. Pitak sa marmol na sahig. Sa ibabaw ng
aparador, may bukbuking kahon, puno ng mga luma mong liham. Paminsan-minsan,
ibinababa ko pa rin iyon, hinaharaya ang tinig mong binibigkas ang mga linya. Hindi
mo kailangang magpaliwanag. Naiintindihan kita. Butas-butas na maleta. May-lamat na
kopita. Kalawanging kuwadra ng mga ibon. Sa tokador: Ilang aklat. Kuwaderno,
listahan ng mga ipamimili. Huwag kalilimutan! Tinitigan ko nang masinsin ang lahat
nang ito, isinilid sa isang baul, pilit pinagkasya sa bukbukin kong puso. Sa
hardin, nakaukit sa sandalan ng bangko, isang puso, pangalan mo, pangalan ko,
Mayroon pa bang kulang? Mayroon pa bang naiwan? Sapagkat kailangan kong sunugin ang
lahat nang natira. 5. GAMUGAMONG NAGSASAYAW: Kaylapit nang magliwanag, ngunit di ko
matiis na lumapit sa iyong init. UMAANDAP-ANDAP NA ILAW-POSTE: May hanggan ang
halat. GAMUGAMONG NAGSASAYAW: Alam kong kapag lumapit ako nang tuluyan,
masusunog ako. UMAANDAP-ANDAP NA ILAW-POSTE: May mga pagkakataong kailangan nating
magpasya. GAMUGAMONG NAGSASAYAW: Ngunit kaydilim ng lungsod! Kaylamig! Kailangan ko
ng kapirasong liwanag. Iyon lamang, at maaari na akong pumanaw. UMAANDAP-ANDAP NA
ILAW-POSTE: Huwag nating pag-usapan ang kamatayan. 6. Kailangan kong magpatuloy.
Sapagkat malapit nang magliwanag. 7. Gusto kong pagkasyahin sa iilang saknong itong
dambuhalang kadilimang dumaragan sa kumikipot at kumikipot kong sulok ng lungsod.
Ngunit paano? Kung bukas, may maalala ako, isusulat ko na lamang iyon sa lumang
diyaryo, sa likod ng kalendaryo, ibubulong sa mga ibon, iguguhit sa hangin, at saka
hihipan. Aasa na lamang na babalik sa akin ito bilang hininga, o ulan. Aasa na
lamang na maririnig mo ako. Gusto kong isigaw, paulit-ulit, buong-lakas, ang iyong
pangalan. Gusto kong bulungan ako ng bintana gamit ang nangangatal mong tinig.
Kayrami ko pang gustong sabihin, ngunit sadya nga sigurong tungkol ito sa mga
hangganan. Gusto kong maglaho ang lahat ng hangganan. Gusto kong ipagbawal ang
kamatayan.
Gusto ko nang pumikit, at dumilat nang hindi nangungulila, nakaantabay sa muling
pagliwanag ng kalawakan, at naririto pa rin, palagi, umaalala. Matapos Itaboy ng
Tag-araw at Kalungkutan mula sa Lungsod

Malamig dito sa kabundukan. Dumating ako nang mag-isa, naghahanap ng katahimikan,


ngunit ano ang sumalubong kundi mga kuliglig na humuhuni ng sarili-sariling
pagdurusa sa ilalim ng makapal na damo? Tinatawag ng mga kuwago ang mga kaluluwa ng
nagsilagas na dahon. Pinagpapasahan ng mga puno ang tinig ng mga nag-iinuman sa
pusod ng gubat, iniaabot sa nakapinid kong bintana. Paano kong malilimot ang daan
pauwi? Ibinubulong ng mga bulaklak ang huling linya ng tulang ito. Mapangutya ang
titig ng buwan. Walang sapilitang paglimot. Sangandaan

Huwag muna nating pag-usapan ang kasalanan, huwag munang bilangin ang mga
pagkukulang, ang kaban-kabang utang natin sa mundo.
Masdan sa halip ang pagsiksik ng araw sa sinapupunan ng isang kutsara, pakinggan,
sa likod ng kalangitan, ang paghuni ng mga anghel. Sino ba tayo upang makaintindi?
Nagsisiwalat ng lihim ang lupa ngunit mas hilig yata nating pumikit at kupkupin ang
sari-sarili nating mga pagdurusa. Sakaling magsawa ka sa pagsisisi, ibulong mo
lamang ang pangalan ng kapalaran. Sakaling hindi mo ito alam, ipagpatuloy mo na
lamang ang pagsisisi. O di kaya umupo sa mga ugat ng nag-iisang puno sa iyong
bakuran, at humaraya: Sa isang madilim na silid natutulog ang isang dalaga. Biniyak
mo ang kanyang puso, dati, sa isang panaginip. Maaaring hindi mo na siya naaalala.
Maaaring hindi ka na niya naaalala. Maaaring tanghali na ngunit nakapinid pa rin
ang bintana. Kung papasok ka sa silid, makita mo kaya ang kanyang blusang
nakalambong sa gasera? Mapabulong ka kaya, ikaw? At nasabi ko na bang kagabi,
inilapat ng dalaga ang kaniyang palad sa aking pisngi at sinabing, Patawad, mayroon
lamang akong naalala. Nang tanungin ko siya kung ano ito, ngumiti lamang siya at
bumulong: Wala kang dapat ikabahala. Narito tayo ngayon, hindi ba? Matapos
Matanggap ang Mensahe ng Isang Kaibigang Makata

Matagal na kaming hindi nagkikita ng makatang si Diego. Malungkot din kaya ang huni
ng mga kuliglig sa bayan ng San Pablo? Hindi ko mailarawan ang kagandahan
ng mga ilog sa San Pablo sapagkat hindi pa ako nakararating doon. Kanina, nabasa ko
ang kaniyang mensahe: “Masigasig ang kalikasan sa iyong mga tula ngayon, kaibigan.”
Hinaharaya ko siyang nakangiti, kamay-sa-tiyan, habang sinasabi ito. Sa labas ng
aking bintana, umuugong ang mga sasakyang tumatahak sa Avenida. Naglalako ng
sampaguita at ilang-ilang ang mga paslit sa paanan ng Labingwalong Istasyon ng
Tren. May mabibili kaya ang isang pirasong baryang pilak na nakasabit sa
kalangitan? Maalinsangan sa sinapupunan ng Maynila. Sa susunod na buwan, pupunta
ako sa San Pablo at magdadala ng isang boteng alak. Mapilit ko kayang uminom si
Diego? Pakikinggan namin ang tinig ng mga nalalagas na dahon. Magkukuwento ako
tungkol sa bundok na nakasiksik sa aking dibdib. Sakaling malasing siya, tiyak ko,
tatanungin niya ako, “Paano kang nakauwi?” At tutugon ako, “Hindi naman ako
umalis.” Paniniwala

Maniwala ka, dumaan din ako sa pagkabata, at nakarinig ng awit sa pagpatak ng tubig
sa yero, at kaydalas ding naglapat ng kamay sa lupa upang pakinggan ang pagpintig
ng puso ng daigdig. Ngayon, kaytanda ko na, at ano ang nagbago? Gusto kong
maniwalang wala, bagaman gusto ko ring isiping nagkamali sa pagbilang ng mga taon
ang panahon. Ilang ulit na akong tumingala
upang titigan ang mga ibong naghahabulan sa ibabaw ng mga gusali. Sinubok ko na
ring hanapin ang liwanag sa likod ng nakikita, ngunit sa anino pa lamang ng isang
nalalagas na talulot ay sinalubong na ako ng pagkabulag. Gusto kong ibulong sa iyo
ang lahat ng aking lihim, ngunit hinihintay ko pa rin ang hudyat ng iyong
pagtataka. Bakit hindi iumang ang palad sa labas ng bintana, pakiramdaman ang
pagdating ng ulan? Pumikit at mag-abang. Naririnig mo? May sinasabi ang mundo, at
dumadaing ang buhay na bato sa loob ng ating mga dibdib, nagliliyab, umaapaw sa mga
panalanging nalimot na natin kung paanong bigkasin. Elehiya, Bago pa Man

Hindi mo kailangang maging matapang. Hindi mo kailangang isipin ang malawak na


parang ng iyong kabataan, ang hapdi ng hamog nang minsan kang abutin ng madaling-
araw sa pagtitig sa mabagal na sayaw ng kalawakan, sa pagbilang sa naglalaho at
naglalahong mga tala. Nabilang mo sila—ilan? ngunit hindi mo kailangang maalala.
Kailangan mo lamang makinig sa mga butil ng liwanag na nakatanim sa iyong kalooban.
Ibulong sa kanila ang bawat mong pangamba at dumantay sa payapa nilang pananatili.
Samantala nangungusap ang dilim, hinihintay kang tumugon sa kanyang anyaya.
Samantala, ang hamog, ang madaling-araw, ang naglalahong mga tala ay nakatanghod sa
sari-sarili nilang mga bintana.
Ngayon—naaalala mo? bumangon ka upang ipakita sa kanila ang mga mata mong mahapdi
rin, o abuhin, o nangangatal sa ginaw. Ngunit dilat. Malapit nang magliwanag, at
harapin mo man ito nang nakapikit, manalig kang sa kabila ng lahat ng iyong
pagkukulang ay nakangiti kang ihahalukipkip ng mundo sa nag-aabang niyang mga
braso. Avenida, Pagtila

Masdan mo, nagtatampisaw ang mga batobato at maya sa tubig na naipon sa mga uka sa
semento, tumitingala at para bang umiiling-iling sa bawat businang nambubulabog sa
di-kalayuan. Dinidilaan ng mga pusa ang isa’t isa sa ilalim ng mga namamahingang
sasakyan, at ang bawat bintana, nakapinid man o hindi, ay nakikinig sa payapang
pagtibok ng puso nitong lungsod. Kaibigan, gusto sana kitang kausapin tungkol sa
kalungkutan, ngunit ngayon, tinatawag ng liwanag ang hangin mula sa aking dibdib,
at saan man ako lumingon, naghahabulan ang mga batang di makapagpigil ng ngiti sa
pinilakang pagdilat ng lungsod. Kaytagal kong inabangan ang tag-ulan, at pagdating
nito, kaytagal ko namang inabangan ang pagtila. Masdan mo.
Pumikit lamang at dumilat muli, at mababatid mo ang lihim na ibinubulong ng
kalangitan matapos ang ulan: lahat, lahat, nahuhugasan. Tanging Pananalig

Hindi dugo ang tutubos sa kahirapan kundi pag-ibig na puspos. - Cirilo F. Bautista,
mula sa “Panangis ng Huling Tao sa Daigdig”

Ngunit may silbi pa ba ang pag-ibig na hindi tinubog sa dugo? Dakilang makata, dito
ko sa loob ng simbahan binabasa ang iyong tula, habang naaagnas ang lungsod at ang
Diyos ay nasa langit lamang. Matagal na akong nagsawa sa paniniwalang kumikirot din
ang Kanyang dambuhalang dibdib sa tuwing may batang inaangkin ng lansangan, sa
bawat dalanging naglalaho sa alangaang, sa bawat tulang humahamon sa Kanyang
kadakilaan. Ngunit ano ang lugar kong magmaktol gayong itong pasang tungkulin ay
singbigat lamang ng kalawanging pakong nakaturok sa Kanyang mga palad? Dakilang
makata, kailangang may magsabi sa Kanyang kailangan na Niya muling bumaba, ngunit
may kutob akong hindi rin Siya nagbabasa ng tula. Heto’t nagtatangka akong kumatha
ng panalangin habang di pa rin makahanap ng hiling na kayang kargahin ng hangin.
Kung hiwain ko itong aking palad— may mabago pa kaya ang dugong papatak sa
naghihingalong salita? Saan pupulot ng tinik na isisilid sa mga titik gayong ang
tangi kong alam na pag-aaklas
ay ang laban sa pananahimik? Gayong hawak mo na ngayon ang tangi kong paraan ng
pananalig?

You might also like