You are on page 1of 1

HUKBALAHAP

Ang Hukbóng Báyan Lában sa mga Hapón, mas kilala bilang Hukbalaháp, ay isang kilusang
gerilyang binuo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig
bilang armadong bahagi nitó laban sa mga Hapon. Nagsimula bilang armadong kilusan laban
sa mga Hapon, ito ang nagpasiklab ng malaking rebelyon laban sa Pamahalaan ng Filipinas sa
panahon ng pamumunò ni Pangulong Carlos Quirino. Sa panahong ito higit na ginamit ang
pinaikli pang tawag na Huk sa Hukbalahap.

Ang kilusang Huk ay binubuo ng mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon. Sinasabing may
malalim na ugat ito sa sistemang encomienda ng mga Espanyol, isang sistemang sanhi ng
pagkakaroon ng malalawak na lupaing hawak ng iilan at ng malubhang pag-abuso sa mga
magsasaka. Ang patuloy na pagsikil sa karapatan ng magsasaka ang sanhi ng mga kilusang
nagsilang sa Huk.

Noong 29 Marso 1942, nagkaroon ng pulong sa Bawit, San Julian, Cabiao, Nueva Ecija ang
mga lider magsasaka upang bumuo ng isang organisasyon. Mula dito, binuo ang isang
komiteng militar na pinamunuan ni Luis Taruc, Castro Alejandrino bilang pangalawang
pinunò, Bernardo Poblete, at Felepa Culala. Mabilis na dumami ang kasapi nitó at sinasabing
noong 1943 ay mayroon itong 15,000 hanggang 20,000 na aktibong sundalo habang 50,000
naman ang reserba. Ang mga armas ay nakukuha mula sa pagnanakaw sa mga kampo ng mga
Hapon, Amerikano, at Filipino.

Nang manalo sa pagkapangulo si Manuel Roxas, ikinampanya niya ang pagsupil sa


Hukbalahap. Nang matanggal sa Kongreso si Luis Taruc, namundok muli ang mga gerilya at
idineklara ang kanilang rebelyon laban sa pamahalaan. Sinasabing nangungumpiska silá ng
pera at ari-arian para maipagpatuloy ang kanilang kilusan at umasa sa maliliit na baryo para
sa suportang politikal at materyal. Lumakas at kumalat ang kilusan sa Nueva Ecija, Pampanga,
Tarlac, Bulacan, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Laguna, Bataan, at Quezon.

Noong mga taóng 1950, sa pamamagitan ng interbensiyong Amerikano, itinalagang kalihim


ng Tanggulang Bansa si Ramon Magsaysay at naging epektibong pinunò sa kampanya ng
gobyerno laban sa mga Huk. Unti-unting lumiit ang tagatangkilik ng rebeldeng grupo at
marami ang naniwala sa handog na reporma ni Magsaysay. Noong 1954, ipinadala ng noon ay
Pangulong Magsaysay si Benigno “Ninoy” Aquino Jr upang makipagnegosasyon kay Luis
Taruc. Nagresulta ito sa pagsuko ni Taruc noong 17 Mayo 1954 at opisyal na nagwakas ang
rebelyong Huk. (KLL) ed VSA

You might also like