You are on page 1of 9

Rizal at ang Makulay niyang Buhay Pag-ibig

May 18, 2016


Si Dr. Jose Rizal ay tunay na kahanga-hangang nilalang. Bukod sa pagiging optalmolohista,
alagad ng sining, siyentipiko, nobelista, manunulat, peryodista, at repormista ay isa rin pala
siyang dakilang mangingibig. Sa katunayan, hindi bababa siyam na kababaihan ang kanyang
napusuan. Ilan sa kanila ay ang mga sumusunod.

Segunda Katigbak

Taon: 1877
Edad ni Rizal: 17 anyos
Sino siya?
Si Segunda ay ang puppy love ni Rizal. Siya ay 14 na taong gulang na dalagita na kapatid ng
kaklase at kaibigan ni Pepe na si Mariano Katigbak. Kolehiyo ng La Concordia ang kanyang
paaralang pinasukan kung saan rin nag-aral ang kapatid ni Rizal na si Olympia.
Paano nagkakilala?
Ayon sa iba, nagkita ang dalawa sa Trozo, Manila kung saan binisita ni Rizal ang kanyang lola
na nakatira mismo sa nasabing lugar. May mga nagsasabi rin na nagkita sila sa Lipa, Batangas
kung saan nanggaling ang pamilya Katigbak. Malimit na pumupunta noon si Pepe sa Kolehiyo
ng La Concordia hindi lang para dalawin ang kanyang kapatid kundi upang masulyapan ang
dalagita na ayon sa kanya ay,
“... rather short, with eyes that were eloquent and ardent at times and languid at others, rosy-
cheeked, with an enchanting and provocative smile that revealed very beautiful teeth, and the air
of a sylph; her entire self diffused a mysterious charm.”
Paano nagwakas ang relasyon?
Nakatakda ang pagpapakasal ni Segunda sa isang taga-Lipa rin na si Manuel Luz.

Leonor Valenzuela
Taon: 1878
Edad ni Rizal: 18 anyos
Sino siya?
Si Leonor na kilala rin sa kanyang palayaw na “Orang”. Siya ay katorse anyos at kapitbahay ni
Rizal sa Intramuros nang minsang mag-aral ito sa Unibersidad ng Santo Tomas. Matangkad ang
dalaga, at Pagsanjan ang kanyang lupang tinubuan.
Paano nagkakilala?
Sa kadahilanang magkapitbahay lamang ang dalawa, madalas makitang nakaistambay si Pepe
kasama si Orang. Madalas din ang pagsusulat ni Rizal ng liham pag-ibig sa dalaga sa
pamamagitan ng paggamit tintang hindi nakikita.
Paano nagwakas ang relasyon?
May espesyal na pagtingin ang batang Rizal kay Orang, subalit maaaring hindi parehas ang
nararamdaman nila para sa isa’t isa sa pagtanggap niya ng ibang manliligaw. Ni-hindi man
lamang bumuhos ang luha sa kanyang mga mata sa pag-alis ni Rizal papuntang Espanya.

Leonor Rivera
Taon: 1878 – 1890
Edad ni Rizal: 17 – 29 anyos
Sino siya?
Si Leonor ay anak ng kanyang amain na si Antonio Rivera na siyang pinsan ng kanyang amang
si Francisco. Sa madaling sabi, naging katipan niya ang kanyang pinsan. Siya ang inspirasyon ni
Rizal sa paglikha ng karakter na si Maria Clara sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Paano nagkakilala?
Nagkakilala ang dalawa noong 13 taong gulang pa lamang si Leonor. Hindi naputol ang
koneksyon ng dalawa kahit nangibang-bayan ni Rizal matapos ang dalawang taon upang
magpakadalubhasa. Sa katunayan, nagtagal pa nga ng 11 taon ang kanilang relasyon at sa mga
panahong yaon naging inspirasyon ang dalaga sa kanyang pag-aaral.
Paano nagwakas ang relasyon?
Noon pa man ay tutol na ang ina ni Leonor na isang filibustero sa pag-iibigan ng dalawa. Sa
halip na kay Rizal, gusto nito na maipakasal ang dalaga kay Henry Charles Kipping, isang Ingles
na inhinyero. Ayaw ni Leonor sa Ingles na ito, subalit pilit siyang kinumbinsi ng matigas niyang
ina rito. Nagawa pa nitong itago ang mga sulat mula kay Pepe at sabihan ang dalaga na ikakasal
na diumano si Rizal sa anak ni Ferdinand Blumentritt. Sa kalaunan ay napaniwala si Leonor sa
kasinungalingang ito at piniling magpakasal kay Kipping.

Consuelo Ortiga y Rey


Taon: 1884
Edad ni Rizal: 23 anyos
Sino siya?
Si Consuelo ay sinasabing pinakamagandang anak dating alkalde ng Maynila na si Don Pablo
Ortiga sa panahon ng panunungkulan ni Gobernador-Heneral Carlos Maria dela Torre noong
1869-1871. Labing walong taong gulang ang dalaga.
Paano nagkakilala?
Unang nagkita ang dalawa noong ika-16 ng Setyembre taong 1882. Dahil nga nag-iisa at malayo
sa kanyang pamilya at bayang sinilangan, hindi maiiwasang tumibok muli ang puso ni Rizal para
sa iba. Maraming regalo ang inihandog niya kay Consuelo: telang gawa sa sinamay, panyong
gawa sa pinya. at tsinelas Bilang paghanga sa dalaga, napasulat pa nga ito ng tula na
pinamagatang A La Senorita C.O. y R.
Paano nagwakas ang relasyon?
Hindi na pinalalim pa ni Pepe ang relasyong namamagitan sa kanila ni Consuelo. Ito ay sa
kadahilanang nakatali pa siya kay Leonor Rivera noong mga panahon na iyo. Isa pang dahilan ay
ang pagtingin ng kaibigan niyang si Eduardo de Lete, isang mestizo mula sa Leyte, sa dalaga.
Ayaw niyang ipagpalit ang pagkakaibigan para sa isang babae.

Seiko Usui
Taon: 1888
Edad ni Rizal: 27 anyos
Sino siya?
Si Seiko Usui, na tinawag ni Rizal na O Sei-San, ay 23 anyos na Haponesa na anak ng isang
samurai. Nagtatrabaho ang dalaga sa legasyon ng Espanyol sa Tokyo.
Paano nagkakilala?
Noong Pebrero 1888, nagtrabaho si Pepe sa legasyon ng Espanyol sa bansang Hapon at doon
nagkakilala ang dalawa. May kakayahang magsalita ng wikang Ingles at Pranses ang Hapones,
kaya madaling nakapagbuo ng relasyon ang dalawa. Tinuruan rin ng dalaga si Rizal ng wikang
Hapon. Mababasa sa kanyang talaarawan ang sulat niya para kay Seiko na nagsasabing,
“… To you I dedicate the final chapter of these memoirs of my youth. No woman, like you, has
ever loved me. No woman, like you has every sacrificed for me. Like the flower of the chodji that
falls from the stem, fresh and whole without falling leaves or without withering, with poetry still
despite its fall – thus you fell. Neither have you lost your purity nor have you the delicate petals
of your innocence faded.”
Paano nagwakas ang relasyon?
Dahil sa kanyang misyon para sa Inang Bayan, kinailangan niyang umalis at iwan ang Haponesa
papuntang San Francisco sa Estados Unidos noong April 13, 1888.

Gertrude Beckett
Taon: 1888
Edad ni Rizal: 25 anyos
Sino siya?
Si Gertrude ay isa sa anim na anak ni Charles Beckett. Si Charles ay ang Ingles na nagmamay-ari
37 Chalcot Cresent, isang paupahang bahay sa London, England kung saan namalagi noon si
Rizal noong Mayo taong 1888.
Paano nabuo ang kanilang relasyon?
Dahil minsang tumira si Rizal sa lupa ng mga Beckett, nagkakilala niya si Gertrude na tinawag
niyang Gettie. Hindi naglaon ay nagkagusto na ang dalaga kay Pepe. Tinutulungan niya si Rizal
sa kanyang mga gawang sining. Kabilang dito ay ang Prometheus Bound, The Triump of Science
over Death at The Triump of Death over Life.
Paano nagwakas ang relasyon?
Umiwas si Rizal sa lalo pang lumalalim na pagtingin ni Gettie. Bago pumunta ng Paris noong
Marso 1889, ibinigay niya ang eskultura ng magkakapatid na Beckett na mismong kanyang
nililok.

Suzane Jacoby
Taon: 1890
Edad ni Rizal: 28 anyos
Sino siya?
Si Suzane ay ang pamangkin ng may-ari ng paupahang bahay na tinirhan noong ni Rizal sa
Brussels noong Pebrero taong 1890.
Paano nagkakilala?
Sa mahal ng gastusin sa Paris, naisipan niyang iwan ang lugar para pumunta sa Brussels at doon
mamalagi. Dito niya nakilala si Suzane. Anim na buwan rin ng sila ay nagkasama.
Paano nagwakas ang relasyon?
Umalis si Rizal papuntang Madrid. Pero bago yaon ay nag-iwan siya ng tsokolate para kay
Suzane. Sumulat ang dalaga sa kanya na bumalik sa Brussels. Bumalik nga siya noong Abril
taong 1891, subalit hindi para kay Suzane kundi para ipagpatuloy gawin ang kanyang nobelang
El Filibusterismo.

Nellie Boustead
Taon: 1891
Edad ni Rizal: 30 anyos
Sino siya?
Si Nellie ay may dugong Pinoy. Ang kanyang ina ay Pilipina samantalang ang kanyang ama ay
isang British nag nagngangalang Eduardo Boustead, isang negosyante. Manliligaw niya si
Antonio, kapatid ng kilalang pintor na si Juan Luna.
Paano nagkakilala?
Noong Pebrero 1891, tumira si Rizal sa Villa Eliada sa Biarritz, French Riviera kung saan
nakatira ang mga Boustead. Naging kaibigan ni Pepe ang pamilyang ito. Sa estudyo ni Juan Luna
ay madalas ding nakikipaglalaro ng fencing si Pepe kay Nellie at sa kapatid nitong si Adelina. Ito
ang panahon kung saan naputol na ang relasyon na namamagitan sa kanila ni Leonor Rivera, na
ikakasal na noon kay Henry Kipping. Kaya maaari na ulit siyang magkaroon ng panibago at legal
na katipan.
Nagkaroon ng paghanga si Nellie kay Rizal. Dahil dito, bigo si Antonio Luna na noo’y
nanliligaw rito. Sa sobrang pagkadismaya, nagpahayag ang nakainom na Heneral ng
maaanghang na salita laban sa dalaga. Dito na hinamon si Rizal ang nag-aamok na si Luna sa
isang duelo. Hindi naman natulo’y ang duelong ito sa paghingi ng tawad ni Antonio.
Paano nagwakas ang relasyon?
Naisipang minsan na alukin ng kasal ang dalaga, subalit hindi ito natuloy. Ito ay sa kadahilanang
hindi pinalitan ni Rizal ang kanyang pananampalataya sa relihiyong Protentantismo, na
kagustuhan ni Nellie. Isa pang dahilan ay ang pagtutol ng ina ni Nellie sa relasyon ng dalawa na
nagwikang hindi raw kayang buhayin ni Pepe ang kanyang anak. Maayos at mapayapang
naghiwalay ang naman dalawa.

Josephine Bracken
Taon: 1895 – 1896
Edad ni Rizal: 34 – 35 anyos
Sino siya?
Si Josephine ang huling babae ng kanyang buhay. Siya ang maituturing na legal na asawa ni
Rizal. Ang kanyang mga magulang ay parehong Irish, ngunit siya ay isinilang sa Hong
Kong. Dulce extranjera ang bansag ni Pepe sa kanya.
Paano nagkakilala?
Si Bracken, na noo’y 18 anyos, ay naglayag papuntang Dapitan upang samahan ang kanyang
ama-amahan na si George Taufer na magpatingin ng mata kay Rizal. Nabighani si Pepe sa
alindog ng dalaga. Hindi nagtagal ay nagkamabutihan ang dalawa. Nanirahan sila sa Barangay
Talisay sa Dapitan.
Hindi boto ang mga kapatid na babae ni Rizal kay Josephine sapagkat diumano’y tauhan siya na
pinadala ng mga prayle para matyagan si Pepe. Gayunpaman, hindi natinag ang relasyon ng
dalawa. Nang makabalik si Josephine sa Dapitan mula sa pamamalagi niya sa pamilya Rizal sa
Maynila, inareglo ni Pepe ang ang kanilang pagpapakasal. Nakipag-usap siya kay Padre Antonio
Obach ngunit ayon sa paring ito, ikakasal lamang niya ang dalawa kapalit ng retraksyon ni Rizal.
Sa kabila nito, itinuloy ng dalawa ang kanilang pagpapakasal kahit walang basbas ng simbahan.
Nagkaroon ng anak si Pepe kay Bracken, subalit patay ang bata pagkasilang. Pinangalan ni Rizal
ang kanyang anak na ito na Francisco.
Paano nagwakas ang relasyon?
Binitay si Rizal sa Bagumbayan. Pagkatapos nito’y bumalik si Josephine sa Hong Kong sa
kanyang ama. Napangasawa niya si Vicente Abad noong taong 1900. Nagkaroon siya ng anak
dito at pinangalanang Dolores.
sources of photos:
Photo from Pablo Trillana III, The Loves of Rizal and other Essays on Philippine History, Art,
and Public Policy
http://www.choosephilippines.com/do/history-and-culture/3145/rizal-and-loves-his-life/
http://onbecomingabetterperson.blogspot.com/2015/09/in-defense-of-josephine-bracken.html
https://kzriman.wordpress.com/tag/courtship/

You might also like