Paano nga ba nagsimula? Nagsimulang ang mga pangamba ko ay mawala, nagsimulang pangamba ay mapalitan ng pag-asa't pagtitiwala. Mga pagluha sa aking mata, ay tila naglaho na Napalitan ng pagtawa, lumbay ay lumisan na.
Paano nga ba nagsimula?
Mamuhay nang kasama ka Sa mga araw na kapiling ka—- bawat araw ay puno ng galak at pagsinta. Tinuruan mo akong, mamuhay nang may saya Pait ng kahapon ay naitapon na, mula nang ikaw ang makasama ko, sinta. Samahang walang papantay, punung-puno ng buhay! Pag-aalaga ay damang-dama, suporatado ang isa't-isa.
Paano nga ba nagsimula?
Malalim na pinagsamahan Masasayang ala-ala, na tila hindi maaantala—- ng kahit anong problema, sa atin man ay naka-amba Magkahawak mga kamay, tayo ay hindi bibitaw.
Mga gala at lakad natin, na minsan ay biglaan pa
Mga oras na hindi natin alam, kung paano napagkasya. Basta't alam nating... tayo ay masaya—- kahapon man o ngayon, at kahit na bukas pa!
Ngunit dumating ang panahon, tayo'y sinubok na ng pagkakataon
Masasaya nating bukas ay nagsimula na ngang kumupas Hindi alam kung paano, tayo'y biglang nagbago Tila nalagas na puno, hindi na lumago.
Akala ko ba ikaw ay "KASAMA?"
Hindi lang kaibigan o basta-bastang kasintahan Kasama sa lungkot at pighati, kasiyahang hindi mawari Pagkatalo man o pagkapanalo—- tayo pa rin ang magwawagi. At ngayon... Bumalik tayo kung saan... Paano nga ba nagsimula?
Nagsimulang mawala ang paniniwala na tayo ay para sa isa't-isa
Nagsimulang matalo sa digmaan at piniling wag na lumaban? Nagsimulang maglaho ang mga katagang "mahal kita" Nagsimulang magbulag-bulagan sa katotohanang baka tayo ay pwede pa?
Isip at damdamin ay di makaunawa
Hirap pagalingin ang sugat na sariwa Sugat na iwan ng ating pinagsamahan Pinagsamahan na akala ko ay aabot sa simbahan
Paano nga ba nagsimula?
Paano at kailan nagsimula? Nagsimulang matapos ang ating pagmamahalan?
Kahit kailan pinangarap ko, maging ikaw at ako—- hanggang sa dulo
Paano mangangarap kung ako ay gising na? Gising sa katotohanan na tayo ay w a l a n a?