You are on page 1of 14

XXVI.

ANG "VISPERA" NG "FIESTA."

Tayo'y na sa icasampô ng̃ Noviembre, vispera (araw na sinusundan) ng̃ fiesta (pagsasayá).
Iniiwan ang caugaliang anyó sa araw-araw, at gumagamit ang bayan ng̃ isáng waláng cahulilip
na casipagan sa bahay, sa daan, sa simbahan, sa sabung̃an at sa cabukiran; pinupunô ang mg̃a bintanà
(durung̃awán ó linib) ng̃ mg̃a "bandera" at ng̃ mg̃a "damáscong may iba't ibang culay; napupuspos
ang alang-alang ng̃ mg̃a ugong ng̃ mg̃a putóc at ng̃ música; nasasabugan at nalalaganapan ang hang̃in
ng̃ mg̃a cagalacan.
Sarisaring minatamis na mg̃a bung̃ang cahoy rito ang nang̃acalagay sa mg̃a "dulcerang"
(lalagyán ng̃ matamís) cristál na may sarisáring masasayáng cúlay na pinag aayos-áyos ng̃ dalaga sa
isang "mesita" (maliít na mesa), na natátacpan ng̃ maputing "mantel" na "bordado." Sumisiap sa
"pátio" ang mg̃a sisiw, cumacacac ang mg̃a inahing manóc, humagukhoc ang mg̃a baboy, na
nang̃aguíguitla sa catuwaan ng̃ mg̃a tao. Nagmamanhic manaog ang mg̃a alilang may mg̃a daláng
doradang "vagilia" (sasisaring bágay na lalagyan ng̃ pagcaing napapamutihan ng̃ mg̃a dibujong
dorado), pilac na mg̃a "cubierto" (cuchara, cuchillo at tenedor) dito'y may kinagagalitan dahil sa
pagcabasag ng̃ isang pingan, doo'y pinagtatawanan ang isang babayeng tagabukid; sa lahat ng̃ daco'y
may nang̃ag-uutos, nang̃ag-uusapan, sumisigaw, nang̃agpipintasan, nangagbabalacbalac, nang̃ag-
aaliwan ang isa't isá, at pawang caguluhan, ugong, caing̃ayán. At ang lahat ng̃ pagsusumicap na itó
at itong lahat na pagpapagal ay dahil sa panauhing kilala ó hindî kilala; ang cadahilana'y ng̃
pagpakitaan ng̃ magandang loob ang taong marahil ay hindî pa nakikita cailan mán, at marahil cailan
man ay hindî na pakikita pagcatapos; ng̃ ang tagaibang bayan, ang naglalacbay-bayan, ang caibigan,
ang caaway, ang filipino, ang castila, ang dukhâ, ang mayaman ay umalis doon pagca Páhiná 219tapos
ng̃ fiestang natutuwa at walang maipintas: hindî man lamang hinihing̃ì sa canilang cumilala ng̃ utang
na loob, at hindî hinihintay sa mg̃a panauhing yaong huwag gumawâ ng̃ anó mang isasamâ ng̃
mapagcandiling magcacasambaháy samantalang tinutunaw ó cung matunaw na sa tiyan ang canilang
kinain. Ang mg̃a mayayáman, ang mg̃a nacakita ng̃ higuit cay sa mg̃a ibá, palibhasa'y nang̃aparoon
sa Maynilà, nang̃agsisibili ng̃ cerveza, champagne, mg̃a licor, mg̃a alac at mg̃a pagcaing galing
Europa, mg̃a bágay na bahagyà na nilá natiticman ang isáng subò ó isáng lagóc. Magandang totoó
ang pagcacahanda ng̃ canyáng mesa.
Sa dacong guitnâ'y naroroon ang isáng "pinya-pinyahang" kinatutusucan ng̃ mg̃a panghining̃áng
marikít na lubhâ ang pagcacagawâ ng̃ mg̃a "presidiario" sa mg̃a horas ng̃ caniláng pagpapahing̃alay.
Ang mg̃a panghining̃áng itó'y may mg̃a anyong "abanico," cung minsa'y catulad ng̃ mg̃a
pinagsalitsalit na mg̃a bulaclac, ó isáng ibon, isáng "rosa", isáng dahon ng̃ anahaw, ó mg̃a tanicalâ,
na pinapagmulâ ang lahát ng̃ itó sa isáng caputol na cahoy lamang: isáng bilanggong pinarurusahan
sa sapilitang pagtatrabajo ang may gawâ, isáng pang̃al na "cuchillo" ang gamit na casangcapan at ang
voces ng̃ bastonero ang siyang nagtuturò.—Sa magcabilang tabí ng̃ pinyang itó, na tinatawag na
"palillera", nacalagáy sa mg̃a cristal na "frutero" (lalagyan ng̃ bung̃ang-cahoy) ang nacatimbóng mg̃a
"naranjitas" (santones ang tawag ng̃ iba), lansones, ates, chicos at manggá pa cung magca minsan,
bagá man buwan ng̃ Noviembre. Sacâ sa mang̃a bandeja sa ibabaw ng̃ mg̃a papel na may burdang
inukit at may mg̃a pintáng makikináng na mg̃a cúlay, nacahayin ang mg̃a "jamong" galing Europa ó
galing China, isáng malaking "pastel" na ang anyó'y "Agnus Dei," (tupang may tang̃ay na banderang
may nacadibujong isang cruz), ó cayá'y calapati, ang Espíritu Santo marahil, mg̃a "pavo rellenado,"
at ibá pa; at sa casamahan ng̃ lahat ng̃ ito'y ang pangpagana sa pagcaing mg̃a frasco ng̃ mg̃a "achara"
na may caayaayang mg̃a dibujong gawâ sa bulaclac ng̃ bung̃a at ibá pang mg̃a gúlay at mg̃a bung̃ang
halaman na totoong mainam ang pagcacahiwà na idinigkít ng̃ "almibar" sa mg̃a taguiliran ng̃ mg̃a
garrafón.
Linilinis ang mg̃a globong vidrio, na pinagmanamana ng̃ mg̃a ama't ng̃ mg̃a anác, pinakikintab
ang mg̃a tansong aro; hinuhubdan ang mg̃a lampara ng̃ petróleo ng̃ canilang mapupuláng mg̃a funda,
na sa canila'y naglalagac sa loob ng̃ isang taón sa mg̃a lang̃aw at sa mg̃a lamoc na sa canila'y sumisirâ;
umuugoy, cumacalansing, umaawit ng̃ caligaligaya ang mg̃a "almendra" at mg̃a palawit na cristal na
nagkikinagan ng̃ sarisaring maniningning na cúlay dahil sa anyô ng̃ pagcacatapyas; na ano pa't
anaki'y nang̃akikisaliw sa pagcacatuwâ, nang̃agsasayá Páhiná 220pinagpag-iiba't-iba ang ningning at
pinasisinag sa ibabaw ng̃ mapuputing mg̃a pader ang mg̃a cúlay ng̃ bahag-hari.
Ang mg̃a bata'y nang̃aglalarô, nang̃agcacatuwâan, hinahabol ang maniningning na mg̃a cúlay,
nang̃atitisod, nababasag ang mg̃a tubo, datapuwa't ito'y hindî nacacagambalà upang ipagpatuloy ang
catuwaan ng̃ fiesta: ibáng ibá ang caniláng casasapitan at ang mg̃a luhà ng̃ caniláng mabibilog na
mg̃a matá, ang siyang magsaysay cung mangyari ang ganitóng pagbabasag sa ibáng panahon ng̃ isáng
taón.
Lumalabás, na gaya rin ng̃ mg̃a cagalang-galang na mg̃a lámparang itó, sa mg̃a pinagtatagúan,
ang mg̃a pinagtiyagaang gawín ng̃ dalaga: mg̃a "velo" na sa "crochet" ang pagcacayarì, maliliit na
mg̃a alfombra, mg̃a bulaclac na gawáng camay; inilalabás din ang mg̃a caunaunahang bandejang sa
calaguitnaa'y may nacapintáng isáng dagatang may mg̃a maliliit na isda, mg̃a buaya, mg̃a lamáng
dagat, mg̃a lúmot, mg̃a coral at mg̃a batóng vidriong maniningning ang mg̃a cúlay. Namamauló ang
mg̃a bandejang itó sa mg̃a tabaco, mg̃a cigarrillo at maliliit na hitsóng pinilí ng̃ maiínam na mg̃a
dalirì ng̃ mg̃a dalága.
Cumikintáb na parang salamín ang tablá ng̃ báhay; mg̃a cortinang júsi ó piña ang mg̃a pamuti
ng̃ mg̃a pintúan, sa mg̃a bintana'y nacasabit ang mg̃a farol cristal, ó papel rosa, azul, verde ó pulá:
napupuspos ang bahay ng̃ mg̃a bulaclac at ng̃ mg̃a lalagyan ng̃ mg̃a halamang namumulaclac ó
magaling na mg̃a pamuti na ipinapatong sa mg̃a pedestal na loza sa China; pati ng̃ mg̃a santo'y
nang̃agsisigayac, ang mg̃a larawan at ang mg̃a, "reliquia" ay nang̃agsásaya namán, pinapagpagán silá
ng̃ alabóc at binibitinan ng̃ pinagsalitsalit na mg̃a bulaclac ang caniláng mg̃a marco.
Nang̃agtátayô sa mg̃a daán, sa láyong hálos nagcacatuladtulad, ng̃ maiinam na mg̃a arcong
cawayang binurdahan sa libolibong paraang tinatawag na "sincában", at naliliguid ng̃ mg̃a caluscós,
na makita lámang ng̃ mg̃a bata'y nang̃agsasayahan na. Sa paliguid ng̃ patio ng̃ simbaha'y naroon ang
malaking toldang pinagcagugúlan ng̃ mainam, na mg̃a punò ng̃ cawayan ang mg̃a túcod, at ng̃ doon
magdáan ang procesion. Sa ilalim ng̃ toldang ito'y nang̃aglalaró ang mg̃a báta, nang̃agtatacbuhan,
nang̃ag-aacayatan, nang̃aglulucsuhan at caniláng pinupunit ang mg̃a bagong barong talagáng
caniláng pagbibihisan sa caarawan ng̃ fiesta.
Nang̃agtayô doon sa plaza ng̃ tablado, palabasan ng̃ comediang ang mg̃a guinamit na
kasangcapa'y cawáyan, páwid at cáhoy. Diyan magsasaysay ng̃ mg̃a cahang̃ahang̃à ang comediang
Tundo, at makikipag-unahan sa mg̃a dios sa cababalaghan: diyán cácanta at sásayaw si na Marianito,
Chananay, Balbino, Ratia, Páhiná 221Carvajal, Yeyeng, Liceria at iba pa. Kinalulugdan ng̃ Filipino ang
teatro at nang̃agsusumicap ng̃ pagdaló sa mg̃a guinágawang palabas na mg̃a drama; pinakikinggang
hindî umiimíc ang cantá, kinatutuwâan ang sayáw at ang "mímica", hindî-sumusutsot, (tandâ ng̃
pagpintas,) ng̃uni't hindi namán pumapacpac (tanda ng̃ pagpupuri) ¿Hindî niyá naibigan ang
pinalabas? Ang guinágawa'y ng̃inang̃ang̃ang̃à ang canyáng hitsó, ó cung dílì cayá'y umaalis na hindî
guinagambálà ang ibáng maráhil ay nang̃alúlugod sa pinalálabas na iyón. Manacanacang humíhiyaw
lámang ang mg̃a mámamayang hang̃ál, pagcâ hináhagcan ó niyayacap ng̃ lumálabas na mg̃a laláki
ang lumálabas na mg̃a babae; datapwa't hindî lumálampas sa gayóng gawâ. Ng̃ úna'y walang
pinalálabas cung hindî mg̃a drama lamang; gumágawa ang poeta ng̃ bayan ng̃ isáng cathang doo'y
hindî naaaring hindî magcaroon ng̃ labanán, pagcacadalawang minuto, isang mapagpatawang "túpay
at cakilakilabot na mg̃a malicmatang pagbabagobago ng̃ anyô. Datapwa't mula ng̃ maisipan ng̃ mg̃a
artista sa Tundóng gumawa ng̃ labanán bawa't icalabing limáng "segundo" at maglagay ng̃ dalawang
túpay, at magpalabas ng̃ mg̃a cathang lálò ng̃ dî súcat mapaniwalâan, mulâ noó'y caniláng natabúnan
ang caniláng mg̃a capang̃agáw na mg̃a tagá lalawígan. Sa pagca't totoóng malulugdin sa bagay na
gayón ang gobernadorcillo, ang guinawâ niya'y canyang piniling camalam ang cura, ang comediang
"Principe Villardo, ó ang mg̃a pácong binúnot sa imbíng yung̃ib," dramang may "magia" at may mg̃a
"fuegos artificiales."
Mayá't mayá'y nirerepique ng̃ boong galác ang mg̃a campanà, ang mg̃a campanà ring iyón ang
dumúdoblas ng̃ camacasampong araw. Mg̃a ruedang may mg̃a bomba at mg̃a "verso" (morterete) ang
siyáng umu-ugong sa împapawid; ipakikita ang canyáng dunong ng̃ "pirotécnico" ó castillerong
filipino, na natutuhan ang canyáng "arte" na sino ma'y waláng nagtuturo, naghahanda ng̃ mg̃a toro,
mg̃a castillong may mg̃a paputóc at may mg̃a "luces de Bengala", mg̃a globong papel na pinapantog
ng̃ hang̃ing mainit, mg̃a "rueda de brillante," mg̃a bomba, mg̃a cohetes at ibá pá.
¿Tumútunog sa maláyò ang caayaayang aling̃awng̃áw? Pagdaca'y nang̃ag tatácbuhan ang mg̃a
batang lalaki at nang̃ag-úunahan sa pagtúng̃o sa labás ng̃ báyan upang salubúng̃in ang mg̃a banda ng̃
música. Limá ang inupahan, bucód sa tatlóng orquesta. Hindî dapat mawala ang música ng̃
Pagsanghang ang escribano ang siyang may arì, at gayón din ang música ng̃ S.P. de T., na balitang
totoo ng̃ panahóng iyón, dahil sa ang namamatnugot ay ang maestro Austria ang lagalag bagáng si
"cabo Mariano," na ayon sa sabihana'y dala raw niya sa dulo ng̃ canyáng batuta ang pagcabantog at
ang magagandang tínig. Pinupúri ng̃ Páhiná 222mg̃a musico ang canyáng marcha fúnebre "El Sauce",
at canilang pinanghihinayang siya'y hindî nacapag-aral ng̃ música, sa pagcá't sa cagaling̃an niyáng
umísip ay macapagbibigay dang̃al sana siyá sa canyáng kináguisnang báyan.
Pumasoc na ang música sa bayan at tumutugtog ng̃ masayang mg̃a "marcha" na sinúsundan ng̃
mg̃a bátang marurumi ang pananamit ó halos mg̃a hubo't hubád: may ang bárò ng̃ canyáng capatíd
ang suot, may ang salawál ng̃ canyáng amá. Pagdacang tumitiguil ang música'y nasasaulo na nilá ang
tugtuguing caniláng nárinig, caniláng inuulit na sa aguing-íng ng̃ bibig ó isinusutsot ang tugtuguing
iyón ng̃ lubós na cakinisan, at caniláng pinasisiyahan na cung magandá ó pang̃it.
Samantala'y nang̃adarating̃an ang mg̃a carromata, mg̃a calesa ó mg̃a coche ng̃ mg̃a camag-anac,
ng̃ mg̃a caibigan, ng̃ mg̃a hindî cakilala ng̃ mg̃a tahur na dalá ang canicanilang lalong magagaling na
mg̃a manóc at mg̃a supot ng̃ guintô, at nang̃aháhandang ipang̃anib ang caniláng pamumúhay sa
sugalan ó sa loob ng̃ "rueda" ng̃ sabung̃án.
—¡Tumatanggap ang alférez sa gabigabí ng̃ limáng pong piso!—ang ibinúbulong ng̃ isáng
laláking pandác at matabâ sa taing̃a ng̃ mg̃a bágong dating;—paririto si capitang Tiago at maglálagay
ng̃ bangcâ; may labíng-walóng libong dalá si capitang Joaquin. Magcacaroon ng̃ "liampó," sampóng
líbo ang ilálagay na puhúnan ni insíc Carlos. Magsisirating na gáling sa Tanawan, sa Lipá at sa
Batang̃an at gayón din sa Santa Cruz, ang malalacás na mg̃a "punto" (mananayà). Ng̃uni't
magchocolate cayó. Hindî tayo aanitan ni capitang Tiago, na gaya ng̃ taóng nagdaan: tátatlong misa
de gracia ang canyáng pinagcagugulan, at aco'y may mutyâ sa cacáw. At ¿cumusta pô bâ ang familia?
—¡Mabuti po! ¡mabuti po! ¡salamat!—ang isinásagot ng̃ mg̃a nang̃ing̃ibang báyan;—at ¿si párì
Dámaso?
—Magsesermón sa umaga si pári Dámaso at pagcágabí casama nating siya'y magbábangcâ.
—¡Lalong mabuti! ¡lalong mabuti! ¡cung gayo'y walang ano mang pang̃anib!
—¡Panátag, totoóng panatag tayo! ¡Bucód sa roo'y susubò si insic Carlos!
At inaacma ng̃ matabang tao ang canyáng mg̃a daliring warì'y nabibilang ng̃ salapî.
Sa labas ng̃ bayan ang nangyayari nama'y nabibihis ang mg̃a tagabundoc ng̃ lalong magagaling
nilang pananamit upang dalhín sa bahay ng̃ canicanilang mamumuhunan ang pinatabang magalíng
na mg̃a inahing manoc, mg̃a baboy-ramó, mg̃a usa, mg̃a ibon; inilululan ng̃ mg̃a ibá sa mabibigat ng̃
hilahing mg̃a Páhiná 223carretón ang cáhoy na panggátong; ang mg̃a iba'y mg̃a búng̃áng cáhoy, bihirang
makitang mg̃a dápò na nasusumpung̃an sa gúbat; at ang mg̃a iba'y nagdádala namán ng̃ bigà na may
malalápad na mg̃a dáhon, ticás ticas na may mg̃a bulaclac, na cúlay apóy upang ipamúti sa mg̃a
pintuan ng̃ mg̃a báhay.
Ng̃uni't ang kinaroroonan ng̃ lálong malakíng casayahang hálos ay caguluhan na'y doón sa isang
malápad na capatágang mataas, na iláng hacbáng lámang ang láyò sa báhay ni Ibarra. Cumacalairit
ang mg̃a "polea", umaaling̃awng̃aw ang mg̃a sigawan, ang mataguintíng na tunóg ng̃ batóng nilalabrá,
ang martillong pumúpucpoc ng̃ pácò, ang palacól na inilalabrá ng̃ cahab-an. Caramihang táo ang
dumúducal ng̃ lupa at gumágawâ silá ng̃ isáng maluang at malálim na húcay naghahanay ang ibá ng̃
mg̃a batóng tinibág sa tibagan ng̃ báyan, nagbábaba ng̃ lulan ng̃ mg̃a carretón, nagbúbunton ng̃
buhang̃in, nang̃aglálagay ng̃ mg̃a torno at mg̃a cabrestante....
—¡Dito! ¡doón iyan! ¡Madali!—ang isinísigaw ng̃ isáng maliit na matandáng laláking ang
pagmumukhá'y masayá at matalínò, na ang háwac na pinacatungcód ay isáng metro na may tansô
ang mg̃a cantó at nacabilíbid doón ang lúbid ng̃ isáng plomada. Iyón ang maestro ng̃ paggawâ, si ñor
Juang arquitecto, albañil, carpintero, blanqueador, cerrajero, pintor, picapedrero at manacánacâ pang
escultor.
—¡Kinacailang̃ang itó'y mayari ng̃ayón din! ¡Hindî macapagtatrabajo búcas at gágawin na ang
ceremonia sa macalawa! ¡Madalî!
—¡Gawín ninyó ang hoyo sa isáng paraang maipasoc na angcáp na angcáp ang tila híhip na
itó!—ang sinasabi sa iláng mg̃a picapedrero na nang̃agpapakinis ng̃ isang malaking batóng
parisucát;—¡sa loob nitó iing̃atan ang ating mg̃a pang̃alan!
At inuulit sa báwa't tagaibáng báyang lumalapit, ang macalilibong canyáng sinábi na:
—¿Nalalaman bâ ninyó ang áming itátayô? Talastasín ninyóng itó'y isáng escuélahan, huwáran
ng̃ mg̃a ganitóng bágay rin, catúlad ng̃ mg̃a escuélahan sa Alemania, higuít pa ang cabutihan! ¡Ang
arquitectong si guinóong R. at acó ang gumuhit ng̃ plano, at acó ang namamatnugot sa paggawâ!
Siyá ng̃â, pô; tingnán ninyo. Itó'y maguiguing isáng palaciong may dalawáng pinacapacpác; úcol ang
isa sa mg̃a bátang lalaki at ang isá'y sa mg̃a bátang babae. Magcacaroon dito sa guitnâ ng̃ isáng
malaking halamanang may tatlóng huwád sa bucál ng̃ túbig na sumusumpít na paitaas, at caligaligaya
ang sambúlat ng̃ mg̃a patác; mg̃a púnò ng̃ cáhoy diyan sa mg̃a taguilíran, maliliit na halamanan, at
ng̃ ang mg̃a báta'y Páhiná 224magtatanim at mag-aalágà ng̃ mg̃a halaman sa mg̃a horas ng̃ pagliliháng,
sasamantaláhin ang panahón at hindi sasayáng̃in. ¡Tingnán ninyó't malalalim ang mg̃a simiento!
Tatlóng metro at pitompó't limáng centímentro. Magcacaroon ang bahay na itó ng̃ tatlóng bodega,
mg̃a yung̃íb sa ilálim ng̃ lúpà mg̃a bilangguan sa mg̃a tamád mag-aral sa malapít, sa totóong malapit
sa mg̃a pinaglalaruan at sa "gimnasio", at ng̃ márinig ng̃ mg̃a pinarurusahang bátà cung paano ang
guinágawang pagcacatuwâ ng̃ mg̃a masisipag-mag-áral. Nakikita pô bâ ninyó ang malaking lugar na
iyáng waláng caanoano man? Itinátalaga ang capatagang iyáng lampaslampasan ang hang̃in upang
diyán mang̃agtacbúhan at mang̃aglucsuhan ang mg̃a bátà. Magcacaroon ang mg̃a batang babae ng̃
halamanang may mg̃a uupán, mg̃a "columpio", mg̃a cacahúyan at ng̃ doon silá macarapaglarô ng̃
"comba", mg̃a bucál ng̃ túbig na pumapaimbulog, culung̃an ng̃ mg̃a ibon at ibá pa. Itó'y maguiguing
isang bágay na cárikitdikitan.
At pinapagkikiskis ni ñor Juan ang mg̃a camáy sa galác, at ang iniisip niya'y ang pagcabantóg
na mátatamo. Magsisìparito ang mg̃a tagá ibáng lupain upang daláwin iyón at sila'y
mang̃agtatanong:—¿Síno ang dakilang arquitectong gumawâ nitó?—¿Hindî bâ ninyó nalalaman?
¡Tila mandin hindî catotohanang; hindî ninyó makilala si ñor Juan! ¡Marahil totoóng maláyò ang
inyong pinangaling̃an!—ang isásagot ng̃ lahát.
Nagpaparoo't paríto sa magcabicabilang dúlong taglay ang ganitong mg̃a pagdidilidili, na
canyang inuusisang lahat, at ang lahát ay canyáng minámasdan.
—Sa ganáng ákin ay napacarami namang cahoy ang gamit na iyan sa isang cabria—ang canyáng
sinabi sa isang taong nanínilaw, na siyang namamatnubay sa ilang mg̃a manggagawà;—casucatan
na, sa ganang akin, ang tatlóng mahahabang trozo na papagtutungcuíng-calan ó "trípode", at sacâ
tatló pang cahoy na papagcapitcapitin!
—¡Aba!—ang isinagót ng̃ laláking nanínilaw na ng̃umíng̃itî ng̃ cacaibá;—lálong malakíng
pangguiguilalás ang áting tátamuhin samantalang lálong marámi ang mg̃a casangcapang gamítin
nátin sa gawaing itó. Lálong maínam ang anyô ng̃ caboôan, lálong mahalagá at caniláng wiwicâin:
¡gaano calakíng págod ang guinúgol díto! ¡Makikita ninyo cung anó ang cábriang áking itátayô! At
pagcatápos ay áking pamumutihan ng̃ mg̃a banderola, ng̃ mg̃a guirnaldang mg̃a dáhon at mg̃a
bulaclác ...; masasabi ninyó pagcatapos na nagcaróon cayó ng̃ magandáng caisipán ng̃
pagcacátanggap ninyó sa ákin sa casamahán ng̃ inyóng mg̃a manggagáwa, at walâ ng̃ maháhang̃ad
pa si guinóong Ibarra!
Sa dácong malayôlayô roo'y may natatanawáng kiosko, na nagcacahugpong Páhiná 225sa
pamamag-itan ng̃ isáng bálag na nahahabung̃an ng̃ mg̃a dáhon ng̃ ságuing.
Ang maestro sa escuélahang may mg̃a tatlompóng bátang laláki ay nang̃aggágawâ ng̃ mg̃a
corona, nang̃agtatali ng̃ mg̃a bandera sa mg̃a malilíit na mang̃a halíguing cawáyang napupuluputan
ng̃ damít na putíng pinacumbô.
—¡Pagsicápan ninyóng umínam ang pagcacasulat ng̃ mg̃a letra!—ang sinasabi sa mg̃a
nagpípinta ng̃ mg̃a salitáng itátanyag sa lahát;—¿paririto ang Alcalde, maráming mg̃a cura ang
magsísidalo, maráhil patí ng̃ Capitan General na ng̃ayo'y na sa lalawigan! Cung makita niláng
magalíng cayóng magdibújo, marahil cayo'y puríhin.
—¿At handugán camí ng̃ isáng pizarra ...?
—¿Síno ang nacaaalam! datapuwa't huming̃î na si guinoong Ibarra ng̃ isá sa Maynilà. Dárating
búcas ang iláng bágay na ipamamahágui sa inyóng pinacaganting pálà.... Datapuwa't pabayaan ninyó
ang mg̃a bulaclác na iyán sa túbig, gágawin natin búcas ang mg̃a ramillete, magdádala pa cayó ríto
ng̃ mg̃a bulaclác, sa pagca't kinacailang̃ang malatagan ang mesa ng̃ mg̃a bulaclac, ang mg̃a bulaclác
ay nacapagbíbigay sayá sa mg̃a matá.
—Magdádala ríto ang áking amá búcas ng̃ mg̃a bulaclác ng̃ bainô at sacâ isáng bácol na mg̃a
sampaga.
—Hindi tumatanggáp ng̃ báyad ang aking amá sa tatlóng carritóng buhang̃ing dinalá rito.
—Ipinang̃acò ng̃ aking tiong siya ang magbabayad sa isáng maestro,—ang idinugtong ng̃
pamangkin ni capitang Basilio.
At túnay ng̃a namán; kinalugdán ang panucálang iyón ng̃ lahát hálos. Hining̃î ng̃ curang siyá ang
mag-áamang-binyág at magbebendición sa paglalagáy ng̃ únang bató, pagdiriwáng na gágawin sa
catapusáng araw ng̃ fiesta, at siyáng gágawing isá sa mg̃a pinacamalaking pagsasaya. Patí ng̃
coadjutor ay lumápit ng̃ boóng cakimîan cay Ibarra, at sa canya'y inihandóg ang lahát ng̃ mg̃a
pamisang pagbayaran sa canyá ng̃ mg̃a mapamintacasi hanggáng sa mayarì ang báhay na iyón.
Mayroon pa, sinabi ni hermana Rufa, ang mayaman at mapag-impoc na babaeng sacali't cuculang̃in
ng̃ salapî, canyáng lilibutin ang iláng báyan upang magpalimós, sa ilálim ng̃ táng̃ing
pagcacasunduang sa canyá'y babayaran ang paglalacbáy, ang mg̃a cacánin at ibá pa. Pinasalamatan
siyá ni Ibarra at siyá'y sinagót:
—Walâ táyong macucuhang mahalagáng bágay, sa pagcá't hindi acó mayáman at hindî namán
simbahan ang báhay na itó. Bucód sa rito'y hindî co ipinang̃ácong áking itátayô ang báhay na itóng
ibá ang magcacagugol.
Páhiná 226Pinagtatakhan siyá at guinagawang ulirán ng̃ mg̃a bináta, ng̃ mg̃a estudianteng gáling
Maynilang pumaroón doón at ng̃ makipagfiesta; ng̃uni't gaya ng̃ nangyayari hálos cailán man, pagca
ibig nating tuláran ang mg̃a tinátakhang mg̃a táo, ang nagágagad lámang natin ay ang canyáng waláng
cabuluháng mg̃a guinágawâ, at cung magcaminsan pa'y ang canyáng mg̃a sawíng caasalan,
nang̃agtataca palibhasa'y walá táyong cáya sa ibáng bágay, minámasdan ng̃ maraming sa canya'y
nang̃agtátaca cung paano ang pagtatali ng̃ binátang iyón ng̃ canyáng corbata, ang mg̃a ibá nama'y
ang anyô ng̃ cuello ng̃ bárò, at hindî cácaunti ang nagmámasid cung ilán ang mg̃a botón ng̃ canyáng
americana at chaleco.
Tila mandin pawang nang̃apawi magpacailán man ang mg̃a masasamáng nangyayari sa
panahóng hináharap na guinuguniguni ni matandáng Tasio. Iyán ng̃â ang sinabi ni Ibarra isáng áraw
sa canyá; ng̃uni't siyá'y sinagót ng̃ matandáng mapag-ísip ng̃ malulungcót:
—Inyó pô sánang alalahanin ang sinasabi ni Baltazar:
"Cung ang isalubong sa iyong pagdatíng
Ay masayáng mukhá't may pakitang guìliw,
Lálong pag-ing̃áta't caaway na lihim..."
Cung gaano ang galíng ni Baltazar sa pagca poeta ay gayón din sa catalinuhang umísip.
Itó at ibá pang mg̃a bágay ang mg̃a nangyari sa áraw na sinusundan ng̃ fiesta bago lumubóg ang
áraw.
Páhiná 227

XXVII.
SA PAGTATAKIPSILIM.

Gumawâ rin namán ng̃ malaking handâ sa báhay ni capitang Tiago. Nakikilala natin ang may
báhay; ang canyáng hilig sa caparang̃alanan, at dápat na hiyaín ng̃ canyáng capalaluang pagca tagá
Maynila, sa caríkitan ng̃ piguing, ang mg̃a tagalalawigan. May isá pang cadahilanang sa canya'y
pumipilit na pagsicapan niyáng siya'y macapang̃ibabaw na lubos sa mg̃a ibá: casáma niyá ang
canyáng anác na si María Clara at sacâ naroroon ang canyáng mamanugang̃in, caya't waláng pinag
uusapan ang mg̃a tao cung dî siyá lámang.
At siyá ng̃a namán: hinandugan ang canyáng mamanugang̃in ng̃ isá sa lálong mg̃a dalubasang
pámahayagan sa Maynilà ng̃ isáng "artículo" (casulatan) sa canyáng únang mukhâ, na ang pamagát
(ng̃ artículong iyón) ay "¡Siya'y inyong tularan!" pinuspos siya ng̃ mg̃a pang̃aral at inaalayan siyá ng̃
iláng mg̃a papuri. Tinawag siyáng "marilag na binata at mayamang mamumuhunan;" pagcatapos ng̃
dalawáng renglon ay sinabing siya'y "tang̃ing mapagcaawang-gawâ"; sa sumúsunod na párrafo'y
ikinápit namán sa canyá ang saysay na: "alagad ni Minervang naparoon sa Ináng Bayan upang bumátì
sa wagás na lúpà ng̃ mg̃a arte at mg̃a carunung̃an" at sa dácong ibabà pa'y "ang español filipino" at
iba't ibá pa. Nag-aalab ang loob ni capitang Tiago sa magandang pakikipag-unahán sa gawáng
magaling, at canyáng iniísip na bacá magalíng na canyáng pagcagugulan ang pagtatayô namán ng̃
isáng convento.
Nang mg̃a nagdaáng áraw ay dumatíng sa báhay na tinatahanan ni María Clara at ni tía Isabel
ang maraming caja ng̃ mg̃a cacánin at mg̃a inumíng gáling Europa, mg̃a salaming pagcálalaki, mg̃a
cuadro at ang piano ng̃ dalaga.
Dumatíng si capitang Tiago ng̃ áraw rin ng̃ vispera: paghalíc sa canyá ng̃ camáy ng̃ canyang anác
na babae, hinandugán niyá itó ng̃ isáng magandang relicariong guintô na may mg̃a brillante at mg̃a
esmeralda, na ang lamá'y isáng Páhiná 228tatal ng̃ bangca ni San Pedro, sa dacong inup-án ng̃ ating
Pang̃inoong Jesucristo ng̃ panahón ng̃ pang̃ing̃isda.
Walâ ng̃ lalalò pa sa galing ng̃ pagkikita ng̃ bibiananin at ng̃ mamanugang̃in; cauculán ng̃ang
silá'y mag-úsap ng̃ nauucol sa escuelahan. Ang ibig ni capitang Tiago'y tawaguing "Escuela ni San
Francisco."
—Maniwalà cayó sa ákin,—ang sabi ni capitang Basilio,—¡isáng magalíng na pintacasi si San
Francisco! Wala cayong pakikinabang̃in cung tatawaguin ninyong "Escuela ng̃ Instrucciôn Primaria".
¿Sino pô si Instrucción Primaria?
Dumating ang iláng mg̃a caibigang babáe ni María Clara at caniláng inanyayahan itong
magpasial.
—Ng̃uni't bumalic ca agád,—aní capitang Basilio sa canyáng anác na babáe na sa canyá'y
humihing̃ing pahintulot;—nalalaman mo ng̃ sasalo sa átin sa paghápon si parì Dámasong bágong
carárating.
At canyáng lining̃on si Ibarrang nag-anyóng may iniísip, at idinugtóng:
—Cayó po namán ay sumalo ng̃ paghápon sa amin; magiisa cayó sa inyóng báhay.
—Malakíng totóo po ang áking pagca ibig, datapwa't dápat pong sumaaking bahay acó't bacá
sacáling may dumating na mg̃a "visita,"—ang isinagót ng̃ binatang nagcacang-uútal, at iniiwasan ang
títig ni María Clara.
—Dalhín po ninyó rito ang inyóng mg̃a caibigan, ang itinútol ng̃ boóng capanatagán ni capitang
Tiago;—May sagánang pagcain sa áking bahay.... Bucód sa roó'y ibig cong cayó at si párì Dámaso'y
magcáwatasan....
—¡Magcacaroon na pô ng̃ panahón sa bágay na iyán!—ang isinagót ni Ibarrang ng̃uming̃iti ng̃
sapilitang pagng̃itî, at humandáng samáhan ang mg̃a dalaga.
Nanaog silá sa hagdanan.
Nangguiguitnâ si María Clara cay Victoria at cay Iday, sumusunod sa licuran si tía Isabel.
Nagwawahi ang tao sa udyóc ng̃ paggálang, at ng̃ sila'y mabigyáng daan. Puspós ng̃ catacatacang
cagandahan si María Clara: napáwi ang canyáng pamumutlâ, at cung nananatiling tila may iniísip
ang canyáng mg̃a mata, ang canyáng bibig namán ay warì'y waláng ibang nakikilala cung hindî ang
ng̃itî. Tagláy iyáng cagandahan ng̃ loob ng̃ isáng lumiligayang dalaga, siya'y bumabatì sa canyáng
mg̃a dating cakilala mulâ pasa camusmusan, at ng̃ayo'y nagsisipangguilalás sa canyáng mapálad na
cabatâan. Sa cúlang pang labíng limáng áraw ay nanag-úlì sa canyá yaóng lubós na pagpapalagay ng̃
loob, yaóng catabiláng musmos na tila mandin nagulayláy sa guitnâ ng̃ makikipot na tahanang
nalilibot Páhiná 229ng̃ pader sa beaterio; masasabing kinikilala ng̃ paroparó ang lahat ng̃ mg̃a bulaclac
pagcaalís niya sa canyáng bahay-uod; nagcasiya sa canyá ang lumipád na sumandali at magpainit sa
mg̃a doradong sínag ng̃ áraw upang mawalâ ang catigasan ng̃ mg̃a casucasuan ng̃ bágong
nagcacapacpác. Cumikisláp ang bágong búhay sa boong cataohan ng̃ dalaga: pawang magaling at
maganda ang canyang ting̃in sa lahát; isinasaysay ang canyáng pagsintá sa pamamag-itan niyang
calugodlugód na asal ng̃ isáng virgeng palibhasa'y waláng namamasdán cung dî mg̃a budhîng dalísay,
hindî nakikilala cung anó ang dáhil ng̃ mg̃a paghihiyahiyâan. Gayón man, pagca siya'y inaalayan ng̃
masasayáng mg̃a aglahi'y tinatácpan niya ang canyáng mukhâ ng̃ abanico; datapuwa't pagca
nagcacagayó'y ng̃uming̃itî ang canyáng mg̃a matá at lumalaganap sa canyáng boong cataohan ang
bahagyang kilabot.
Pinasimulaang lagyán ng̃ mg̃a ílaw ang mg̃a pang̃ulong báhay, at sa mg̃a daang pinagdaraanan
ng̃ mg̃a música ay sinisìndihan ang mg̃a ílaw ng̃ mg̃a arañang cawayan at cahoy na inihuwad sa mg̃a
araña ng̃ simbahan.
Natatanaw buhat sa daan, sa mg̃a bintanang bucás, ang hindî naglilicat na pagpaparoo't parito ng̃
mg̃a tao sa mg̃a bahay, sa guitnâ ng̃ caliwanagan ng̃ mg̃a ílaw at halimuyac ng̃ mg̃a bulaclac, sa
caayaayang tínig ng̃ piano, arpa ú orquesta. Nang̃aglalacaran sa mg̃a daan ang mg̃a insíc, mg̃a castila,
mg̃a filipinong may suot europeo ó suot tagalog. Nang̃agcacahalòhalò sa paglacad, na
nang̃agcacasicuhan at nang̃agtutulacán ang mg̃a alilang lalaking may dalang carne ó mg̃a inahíng
manóc, mg̃a estudianteng nacaputî ang pananamit, mg̃a lalaki't mg̃a babae, na nang̃agsisipang̃anib na
sila'y matahac ng̃ mg̃a coche at mg̃a calesa, na cahit sumisigaw ng̃ "tabì" ang mg̃a cochero'y
nahihirapan din silang macapaghawì ng̃ daan.
Bumati sa ating mg̃a cakilala, ng̃ na sa tapát silá ng̃ báhay ni capitang Basilio, ang iláng mg̃a
kinabataan, at inaayayahang pumanhic muna sa báhay. Ang masayáng voces ni Sinang, na
tumatacbóng papanaog sa hagdanan, ang siyáng nagbigay wacás sa mg̃a pagdadahilan upang huwag
pumanhic.
—Pumanhíc muna cayóng sandalî upang aco'y macasama sa inyó,—ang sinasabi niya.
Nababagot acó sa pakikipanayam sa gayóng caraming hindî co mg̃a cakilalang walang pinag-uusapan
cung di mg̃a sasabung̃in at mg̃a baraja.
Nang̃agsipanhic silá.
Punongpuno ang salas ng̃ mg̃a tao. Nang̃agpauna ang ilán upang bumati cay Ibarra, na kilala,
ang pang̃alan ng̃ lahat; canilang pinagmamasdan ng̃ boong pagcahang̃a ang cagandahan ni María
Clara, at nang̃agbubulungbulung̃an ang ilang mg̃a matatandang babae, samantalang ng̃umang̃ang̃à:
¡mukhang vírgen!"
Páhiná 230Napilitan silá roong uminóm ng̃ chocolate. Naguing matalic na caibigan at taga
pagsanggalang ni Ibarra si capitang Basilio, mula ng̃ araw na sila'y maglibang sa caparang̃an.
Naalaman niya, sa pamamag-itan ng̃ telegramang inihandóg sa canyang anac na babaeng si Sinang,
na natatalos ni Ibarra ang canyang pananalo sa usapin, ayon sa hatol ng̃ hucom, at dahil dito'y sa
pagca't aayaw siyang pagahis sa cagandahan ng̃ loob, canyang ipinakiusap na pawalang cabuluhan
ang pinagcayarian ng̃ sila'y maglarò ng̃ ajedrez. Datapwa't sa pagca't aayaw pumayag si Ibarra sa
gayóng bagay, ipinakiusap naman ni capitang Basiliong ang salaping dapat na ibayad sa mg̃a costas
ay gamitin sa pagbabayad ng̃ isang maestro sa gagawing escuela ng̃ bayan. Dahil sa gayóng
nangyayari, guinagamit ni capitang Basilio ang canyang mainam na mg̃a pananalita, at ng̃ huwag ng̃
ipagpatuloy ng̃ ibang mg̃a causapin ang canilang mg̃a cacaibang adhica, at sa canila'y sinasabi:
—¡Maniwala cayó sa akin: sa mg̃a usapín ang nananalo'y siyang nahuhubdan!
Datapwa't wala siyang mapahinuhod na sino man, baga man canyang sinasambit ang mg̃a
romano.
Ng̃ macatapos ng̃ macainom ng̃ chocolate, napilitan ang ating mg̃a cabataang pakingan ang
pianong tinutugtog ng̃ organista ng̃ bayan.
Pagca siya'y pinakikinggan co sa Simbahan ani Sinang, nacacaibig acong magsayaw; ng̃ayong
piano ang canyang tinutugtóg ang naiisipan co nama'y magdasal. Dahil dito'y sasama acó sa inyó.
—¿Ibig pô ba nínyóng pumarito sa amin ng̃ayóng gabí?—ang inianás ni capitang Basilio sa
taing̃a ni Ibarra ng̃ itó'y magpaalam na—maglalagáy si parì Dámaso ng̃ isáng maliit na bang̃câ.
Ng̃umitî si Ibarra at sumagót ng̃ isáng tang̃ô ng̃ úlo, na mangyayaring ang maguing cahuluga'y
pagsang-ayon, at mangyayari namang hindî pagsang-ayon.
—Sino ba iyan?—ang tanóng ni María Clara cay Victoria, na itinurò sa isáng mabilís na sulyáp
ang isáng binatang sa canilá'y sumusunod.
—Iyan ... iya'y isáng pinsan co,—ang isinagót na halos nagugulumihanan.
—¿At ang isá?
Iya'y hindî co pinsan.—ang dalidaling isinagót ni Sinang;—iyá'y isáng anác ng̃ aking tía.
Nagdaan silá sa harapán ng̃ conventong tahanan ng̃ cura, na ang catotohanan ay hindî sahól sa
mg̃a ibáng lugar sa casayahan. Hindî napiguilan ni Sinang ang isáng sigaw ng̃ pangguiguilalás ng̃
canyáng makitang may mg̃a ílaw Páhiná 231ang mg̃a lámpara, mg̃a lámparang ang mg̃a anyó'y sa
caunaunahan pa, na hindî pinababayaan cailan man ni párì Salving siyang pag-ilawan at ng̃ huwag
magcagugol sa petróleo. May nang̃ariring na mg̃a sigawan at malalacás na halakhacan, napapanood
na ang mg̃a fraile'y lumalacad ng̃ mahinà, at iguinagalaw ang úlo ng̃ ayon sa compás, at malakíng
tabaco ang napapamuti sa mg̃a lábì. Pinagsisicapan ng̃ hindî páring sa canila'y nakikipanayam, na
caniláng gagarin ang lahát ng̃ guinágawà ng̃ mg̃a mababait na fraile. Ayon sa mg̃a damit europeong
caniláng casuutan, marahil sila'y mg̃a cawanì (empleado) ng̃ gobierno ó mg̃a punong lalawigan.
Natanawan ni María Clara ang mabilog na pang̃ang̃atawán ni parì Dámaso sa tabí ng̃ makisig na
tindíg ni parì Sibyla. Hindî cumikilos sa canyáng kinalalagyán ang matalinghaga at mapanglawing
si parì Salví.
—¡Nalulungcot!—ang ipinahiwatig ni Sinang;—canyáng pinag-iisip-isip ang canyáng
magugugol sa gayóng caraming mg̃a panauhín. Ng̃uni't makikita rin ninyóng hindî siyá ang
magbabayad cung hindî ang mg̃a sacristán. Sa tuwituwi na'y cumacain ang canyáng mg̃a panauhin
sa ibáng lugar.
—¡Sinang!—ang ipinagwicâ sa canyá ni Victoria.
—Totoóng aco'y galít sa canyá mulâ ng̃ iwasac ang "Rueda de la Fortuna," hindî na acó
mang̃ung̃umpisal sa canyá.
Natang̃î sa lahát ng̃ mg̃a bahay ang isáng waláng cailaw-ilaw, at hindî man lamang bucás ang
mg̃a bintana; ang bahay na iyón ang sa alférez. Nagtacá sa bágay na itó si María Clara.
—¡Ang asuang! ¡ang Musa ng̃ Guardia Civil, ang wicà ng̃à ng̃ matandáng lalaki!—ang bigláng
sinabi ng̃ catacot tacot na si Sinang.—¿Anó ang ipakikialam niyá sa ating mg̃a catuwaan? ¡Marahil
ay nagng̃ang̃alit! Pabayaan mong dumating ang cólera at makikita mong siya'y mag-aanyaya.
—Cailán ma'y kinasusutan co siyá, at lalonglalo na ng̃ guluhin ang ating pagcacatuwa sa
pamamag-itan ng̃ canyáng mg̃a guardía civil. Cung Arzobispo lamang aco'y ipacacasal co ang
babaeng iyán cay parì Salvi.... ¡makikita mo cung anó ang caniláng maguiguing mg̃a anác! Sucat
bang ipahuli ang caawaawang piloto, na sumugbá sa tubig macapagbigay loob lamang....
Hindî niyá natapos ang sinasabi; sa suloc ng̃ plaza na pinagcacantahan ng̃ isáng bulág na lalakî,
na isáng guitarra ang catono, ng̃ casaysayang ucol sa mg̃a isdà, may isáng hindî caraniwang
napapanood.
Yayó'y isáng lalaking ang nacapatong sa úlo'y isáng malapad na salacót na dáhon ng̃ bulí, at
dukhang totoo ang pananamít. Ang suut niya'y isáng gulagu Páhiná 232lanit na levita at salawal na
maluang, na cawang̃is ng̃ salawal ng̃ mg̃a insic, na punít sa ibá't ibáng lugar. Carukharukhaang mg̃a
panyapác ang nacasuut sa canyáng mg̃a paa. Sumasadilím ang canyáng mukhâ dahil sa canyáng
salacót; ng̃uni't manacanacang nagmumulâ sa cadilimáng iyón ang dalawang kisláp, na pagdaca'y
napapawi. Siya'y matangcád, at napagkikikilalang siya'y bátà pa, dahil sa canyáng mg̃a galáw.
Inilalagáy sa lúpà ang ísang baculan, at pagcatapos ay lumalayo't nagsasalitâ ng̃ mg̃a cacaibang tínig
na hindì mawatasan; nananatiling nacatindíg, lubós ang pagcalayô sa mg̃a ibá, na anaki'y siya at ang
caramihang tao'y talagáng nang̃agpapang̃ilagan ang isá't isá. Pagcacagayo'y nang̃agsisilapit ang iláng
mg̃a babae sa canyáng baculan at inilalagáy doon ang mg̃a bung̃ang cáhoy, isdâ, bigás at ibá pa.
Pagcâ walâ ng̃ lumalapit na sino man, nang̃agsisilabás sa mg̃a cadilimang iyón ang ibáng mg̃a tínig
na lalong malulungccót, ng̃uni't hindî na totoong nacalulunos, napasasalamat marahil; dinarampot
ang canyang baculan at sacâ lumalayô upang ulitin ang gayón ding gawâ sa ibáng lugar naman.
Nagunitâ ni María Clara sa gayóng nakita ang isáng sacunâ, at pinagsumakitang itanóng cung
anó anó nangyayari sa cacaibáng táong iyón.
—Iyan ang sanlázarohin,—ang isinagót ni Iday.—May apat na taón na ng̃ayóng kinapitan siyá
ng̃ sakit na iyan: ang wicà ng̃ ibá'y dahil sa pag-aalagà, sa canyáng iná, at anáng ibá namá'y dahil sa
pagcapiit niya sa malamíg na bilangguan. Siya'y doon tumatahan sa cabukiran, sa malapit na sa
libing̃an ng̃ mg̃a insíc; hindî siya nakikipag-abot-usap canino man, nang̃agsisilayóng lahát sa canyá
sa tacot na bacá mahawahan. ¡Cung makita mo sana ang canyang dampâ! Iyón ang dampâ ni Guiríng-
guiríng: ang hang̃in, ang ulán at ang araw ay pawang pumapasoc at lumalabas na catulad ng̃ carayom
sa damít. Ipinagbawal sa canyáng humipò ng̃ anó mang bagay na pag-aari ng̃ sino mang tao. Nahulog
isáng áraw sa sang̃há ang isáng batà; hindî naman malalim ang sang̃há, datapuwa't nagcátaong siya'y
dumaraan doon, ang guinawâ niya'y tinulung̃an niya ang batà sa pag-ahon doon. Napagtantô ng̃ amá
ng̃ batà ang nangyaring iyón, pagsacdal sa gobernadorcillo, at ipinapalò siya nito ng̃ anim sa guitnà
ng̃ daan at sacâ ipinasunog pagcatapos ang yantóc. ¡Cakilakilabot iyón! Tumatacbó sa pagtacas ang
sanlazarohin, hinahabol siya ng̃ tagapalo at sinisigawan siya ng̃ gobernadorcillo: "¡Mag-aral ca!
mabuti pang malunod na ng̃a ang isang tao, huwag lamang magcasakit na gaya ng̃ sakit mo."
—¡Tunay ng̃â!—ang ibinulóng ni María Clara.
At hindî nalalaman ang canyang guinagawa'y dalidaling lumapit sa baculan ng̃ cúlang palad, at
inilagay roon ang relicario na bago pa lamang cahahandóg sa canya ng̃ canyang ama.
Páhiná 233—¿Anó ang guinawâ mo?—ang sa canyá'y itinanóng ng̃ canyáng mg̃a caibigang babae.
—¡Walâ acóng ibang sucat máibigay!—ang isinagót, at canyáng inilihim sa pamamag-itan ng̃
isáng tawa ang luhà ng̃ canyáng mg̃a matá.
—¿At anó ang canyáng gágawin sa iyong relicario?—ang sa canyá'y sinabi ni Victoria.—
Binigyán siyá isáng araw ng̃ salapî. Ng̃uni't ang guinawâ ng̃ sanlazarohin ay inilayô sa canyá ang
salapíng iyón sa pamamag-itan ng̃ isáng patpat: ¿anó ang gágawin niyá sa salapî sa gayóng walâ sino
mang tumangáp ng̃ anó mang bágay na gáling sa canyá? ¡Cung macacain sana ang relicario!
Tiningnán ni María Clara ng̃ boong pananaghilì ang mg̃a babaeng nagbibilí ng̃ mg̃a cacanín, at
ikinibít ang mg̃a balicat.
Ng̃uni't lumápit ang sanlazarohín sa baculan, kinuha ang hiyás na cumináng sa canyáng mg̃a
camáy, lumuhód, hinagcán ang hiyás na iyón, at saca nagpugay at bago isinubsób ang canyáng noó
sa alabóc ng̃ bacás ng̃ dalaga.
Ikinublí ni María Clara ang canyáng mukhâ sa canyáng abanico at dinalá ang panyô sa canyáng
mg̃a matá.
Samantala'y lamapit ang isáng babae sa culang palad na anaki'y nagdárasal. Lugáy at gusamót
ang canyáng mahabang buhóc, at sa liwanag ng̃ ilaw ng̃ mg̃a faról ay napanood ang payát at
namumutlâ ng̃ mainam na pagmumukhâ ng̃ ul-ol na si Sisa.
Ng̃ maramdaman ng̃ sanlazarohin ang paghipò sa canyá, nagpacasigawsigaw, at tumindíg sa
isáng lucsó. Ng̃uni't humawac sa canyáng bísig ang ul-ol na babae, sa guitnâ ng̃ malakíng
pang̃ing̃ilábot ng̃ tao, at itó ang canyáng sinabi:
—¡Magdasál tayo! ¡magdasál tayo! ¡Ng̃ayón ang caarawan ng̃ mg̃a patáy! Ang mg̃a ilaw na iyá'y
siyáng mg̃a búhay ng̃ mg̃a tao; ¡ipagdasál natin ang aking mg̃a anác na lalaki!
—¡Ilayô ninyó ang babaeng iyán, papaglayuin ninyó silá! sa pagca't mahahawa ang ul-ol na
babae!—ang sigawan ng̃ caramihang tao, datapwa't waláng mang̃ahás na lumapit sino man.
—¿Nakikita mo ba ang ilaw na iyón sa campanario? ¡Ang ilaw na iyón ang aking anác na si
Basiliong nananaog sa pamamag-itan ng̃ isáng lúbid! ¿Nakikita mo ba ang ilaw na iyón na convento?
Ang ilaw na iyón ang aking anác na si Crispín, ng̃uni't hindî co silá paroroonan sa pagca't may sakit
ang cura at siya'y maraming mg̃a onza, at ang mg̃a onza'y nang̃awawalâ. ¡Magdasal tayo at ating
ipatungcol sa caluluwá ng̃ cura! Dinadalhán co siyá ng̃ amargoso at zazalidas; punongpunô ang aking
halamanan ng̃ mg̃a bulaclac at dating may Páhiná 234dalawa acong anác na lalaki. ¡Dati acóng may
halamanan, nag-aalagà aco mg̃a bulaclac at dating may dalawá acóng anác na lalaki!
At binitawan ang sanlazarohin at lumayóng cumacantá:
—¡Dáting may halamanan aco't mg̃a bulaclác, aco'y dating may mg̃a anác na lalaki, halamanan
at mg̃a bulaclác!
—¿Anó na ba ang nagawâ mong magaling sa cahabághabág na babaeng iyán?—ang tanóng ni
María Clara cay Ibarra.
—¡Walâ pa! siya'y nawala ng̃ mg̃a araw na itó sa bayan at hindi nangyaring siya'y
masumpung̃an!—ang isinagót ng̃ binatang nagdadaláng cahihiyan—Bucod sa roo'y totoong marami
ang aking guinawâ, ng̃uni't huwág ca sanang mahapis; ipinang̃acò sa akin ng̃ curang tutulung̃an niyá
acó, tulóy ipinagtagubilin niyá sa akin ang malaking pag-iing̃at at paglilihim sa pagca't tila mandin
isang cagagawán ng̃ guardia civil ¡Totoong ipinagmamalasakit ng̃ cura ang babaeng iyán!
—¿Hindî ba sinasabi ng̃ alférez na canyáng ipahahanap ang mg̃a bátà?
—¡Oo, ng̃uni't ng̃ sabihin iyo'y may caunting....calang̃uhan siyá!
Casasabi pa ng̃ gayóng bágay ng̃ caniláng makitang hindî inihahatíd cung di kinacaladcad ang
ul-ol na babae ng̃ isáng soldado: aayaw sumama si Sisa.
—¿Bákit ba ninyó hinuli ang babaeng iyán? ¿Anó ang canyáng guinawá? ang tanong ni Ibarra.
—¿Cung bákit? ¿Hindî ba ninyô nakita cung paano ang guinágawâ niyáng pag-iing̃ay?—ang
sagót ng̃ tagapag-ing̃at ng̃ catahimican ng̃ bayan.
Dalidaling kinuha ng̃ sanlazarohin ang canyáng baculan at lumayô.
Minagalíng ni María Clarang umuwî na, sa pagca't lumipas sa canyá ang tuwá at casayahan.
—¿Mayroon din palang mg̃a taong hindî lumiligaya! ang canyáng ibinulóng.
Pagdatíng niyá sa pintuan ng̃ canyáng bahay, canyáng naramdamang naragdagan ang canyáng
capanglawan, ng̃ canyáng mahiwatigang aayaw pumanhíc at nagpapaalam ang nang̃ing̃ibig sa canyá.
—¡Kinacailang̃an!—ang sabi ng̃ binatà.
Pumanhíc sa hagdanan si María Clarang ang sumasaisip ay totoong nacayayamot ang mg̃a araw
ng̃ fiesta, pagcá dumarating ang mg̃a panauhing tagaibang bayan.

You might also like