You are on page 1of 7

Sa Huling Pagkakataon

May isang malakas na alon ang paparating. Nakita na lamang ni


Raquel ang sarili na nasa gitna ng isang isla, mag-isa lamang siya at hindi
niya alam kung paano siya napunta roon. May mga ibon na nagsisiliparan,
ang araw ay unti-unting nang bumababa kaya makikita ang repleksyon nito
sa dagat na para bang nagiging kulay kahel din ito at maririnig naman ang
malalakas na hampas ng tubig pati na rin ang malumanay na pag-ihip ng
hangin.

“Raquel, ikaw ba yan?”

Isa.

“Raquel? Raquel, nandito ako!”

Dalawa. Tatlo.

Paulit-ulit na naririnig ni Raquel ang kaniyang pangalan, parang


kagaya lamang ng panaginip na ito na ilang beses na niyang napapaginipan.
Paulit-ulit. Isinisigaw ng isang lalaki ang kaniyang pangalan, sa tuwing
mapapaginipan niya ito ay makararamdam siya ng lungkot at sakit pero
kung tatanungin niya naman ang kaniyang sarili kung kilala niya ba ang
lalaking nasa panaginip niya ay baka wala lamang siyang maisagot.

“Raquel.”

Pang-apat. Pang-apat na beses na siya nitong tinatawag at para bang


pagod na pagod na ito. Pang-apat na beses na rin niyang napapaginipan
nang paulit-ulit ang panaginip na ito. Gayunman, kahit ilang beses niya
man subukang tanungin kung sino ba ang lalaking nasa kaniyang
panaginip ay palagi na lamang siya nagigising bago man niya ito magawa.

Nagpalinga-linga si Raquel sa paligid at nang mapadaan ang kaniyang


mga mata sa gitna ng dagat ay napatigil siya sa paglalakad. May isang
lalaki na nakatayo sa dagat, nakasuot ito ng ternong dyaket at polo, may
salamin at kulay itim ang buhok. Nakatayo lang siya roon na para bang
hindi siya nadadala sa lakas ng alon.

Hindi namalayan ni Raquel na unti-unti na siyang humahakbang


patungo rito. Napansin niya ang mukha ng lalaki, may malalim at
mapupungay na mga mata, mababakas dito ang lungkot na parang matagal
na siya nitong hinihintay. Ngayon niya lang napagmasdan ng malapitan
ang lalaki. Sa hindi malaman na dahilan, nakaramdam ng konting pagkirot
ang puso niya. Bakit siya nasasaktan?

Mas lalapitan pa sana ni Raquel ang lalaki dahil gustong-gusto na


niyang masagot ang mga gumugulong katanungan sa isipan niya datapwa't
sa hindi inaasahan ay nakarinig siya ng malalakas na putok ng baril at
pagkatingin niya muli sa lalaki ay may bakas na ng dugo sa damit nito.
Hindi, hindi maaari. Iyan ang isinasambit ni Raquel sa kaniyang sarili.
Kailan niya nga ba makikilala ito? Hindi na matapos-tapos ang mga tanong
niya sa kaniyang sarili. Hindi na niya alam kung ano pang marapat na
gawin.

“Patawad.” iyan ang ibinulong ng lalaki bago siya tuluyang matangay


ng alon. Sunod-sunod ang pag-agos ng luha ni Raquel, nakaramdam siya
ng panghihina at tila bang bumagsak na lamang ang kaniyang mga tuhod.
Napaluhod na lamang siya, hindi niya mapigilang mapahagulgol at
makaramdam ng labis na pagkasakit at pagkalungkot. Heto na naman ang
isang pamilyar na sakit na hindi niya mawari kung bakit niya nga ba
nararamdaman. Sino ba siya?

Isa na namang panaginip. Kadiliman ang dahan-dahang bumalot sa


paligid hanggang sa maimulat ni Raquel ang kaniyang mga mata. Gising
na muli siya. Napansin niyang mag-uumaga na sapagkat ang langit ay
malapit na magliwanag. Inangat niya ang kaniyang katawan at umupo sa
kama. Napansin niyang basa ang kaniyang mga pisngi. Pinunasan niya ito
at tumayo mula sa kama. Binuksan ang ilaw at inayos ang pinaghigaan.
Pagkatapos ay lumabas siya ng kwarto at nagtungo sa pinto ng kaniyang
bahay upang kumuha ng dyaryo. Pagkabukas niya nito ay napatigil siya.
Nagtaka si Raquel sa nakita. Isang kahon ang nasa tapat ng kaniyang bahay.
Sino ang nagpadala nito? Tanong niya sa sarili. Lumuhod siya para abutin
ang kahon sa baba. Walang nakalagay na pangalan kung kanino o kung
saan ito nagmula. Kulay ginto ang hindi masyadong kalakihang kahon at
may nakaukit na inisyals na S.M. Marahan niyang isinara ang pinto at
naupo sa sala.

Nang nagsimula ang pagkakaroon ni Raquel ng mga panaginip tungkol


sa isang lalaki na hindi niya kilala ay sinimulan na rin niyang kuwestyunin
ang halos lahat sa kaniyang buhay. Ang daming taon na lumipas na palagi
na lamang nararamdaman ni Raquel na para bang may kulang sa buhay
niya at noong mga nakaraang linggo lang nagsimula ang kaniyang mga
panaginip tungkol sa isang lalaki na hindi naman niya kilala. Para bang sa
isang iglap ay hindi na siya naging sigurado sa buhay niya. Ang dami-dami
niyang tanong na gustong masagot. Ang hindi niya alam ay naroon na pala
sa loob ng kahon ang ilang mga kasagutan sa mga tanong na
pagkatagal-tagal na niyang gustong malaman subalit bago man ang lahat
ay may isang tanong si Raquel na kailanman ay hindi niya pa natatanong sa
kaniyang sarili. Handa na nga ba siya sa katotohanan?

Naging maayos at mapayapa naman ang naging buhay niya noon. Isa
lamang siyang simpleng babae. Si Raquel Murillo na nagpipinta at
gumuguhit. Ilang beses na rin niyang iginuhit ang mga panaginip niya.
Inaalam kung ano ba ang nais ipahiwatig ng mga ito. Hindi naman talaga si
Raquel ang tipo na naniniwala sa mga panaginip ngunit nagbabakasali
lamang siya na masasagot ng mga ito ang kaniyang katanungan. Kahit pa
walang kasiguraduhan.

Pinagmasdan niya muli ang kahon na kaniyang hawak. Pagkabukas ng


kahon ay bumungad kay Raquel ang maraming papel na nakatupi. Mga
sulat. Bawat papel ay parang pinagdaanan nang ilang taon. Labis ang
pagtataka sa mga mata ni Raquel. Nang binuksan niya ang unang sulat ay
mas naguluhan siya.

“Agosto 2011

Raquel,

Si Sergio ito. Sa oras na mabasa mo ito ay ilang taon na ang


nakalipas at maaaring hindi mo na ako naaalala. Una tayong nagkakilala sa
dating eskwelahan sa Intramuros na ngayon ay museo na. Taong 2002
nang tayo’y nagkakilala. Parehas tayong nag-aaral ng medisina noon pero
sa isang iglap ay nagbago ang iyong gusto at pinili mong mag-aral ng
sining at pagguhit. Sinuportahan kita at ilang taon tayong nagkasama.
Minahal kita. Minahal mo ako. Taong 2008 nang nagbalak akong
pakasalan ka. Raquel, patawad. Nagsimula ng magkagulo-gulo ang lahat
noon. Nasangkot tayo sa gulo sa pagitan ng ating pamilya. Hindi sila
pumayag na magpakasal tayo sapagkat iba ang gusto nila para sa’yo. Ang
tatay mo ay isang gobernador. Nagbalak na sana tayong magpakasal ng
patago noong Oktubre 21, 2008 pero sa hindi inaasahan ay may
nangyaring masama. Isang pangyayari na kung sana ay hindi na lamang
nangyari.

Naaksidente tayong dalawa, Raquel. Ikaw ang mas naapektuhan.


Wala kang maalala simula ng magising ka. Ilang buwan kitang hindi
nakausap. Hindi mo na ako maalala. Tiniis ko ang lahat. Pinalayo na ako
ng pamilya mo sa’yo. Lubos akong pinanghinaan nang malaman kong
ikakasal ka na kay Angel pagkatapos ng isang taon simula ng nangyaring
aksidente. Ngayong isinusulat ko ito ay halos tatlong taon na ang nakalipas
simula ng maikasal ka sa iba. Hindi mo na talaga ako naalala. Nabura na
lang lahat ng pinagsamahan natin sa isang iglap. Para bang simula noon ay
palagi nalang kitang napapaginipan, nagmamakaawa kang iligtas kita at
ilayo kay Angel dahil hindi mo naman talaga siya mahal.. subalit panaginip
lamang ang mga iyon at hanggang ngayon pa rin naman ay para akong nasa
isang bangungot. Alam kong mahal mo na siya. Napagtanto kong hindi na
natin maibabalik pa ang dati. Natalo tayo sa laban, Raquel.. pero
kailanman ay hindi kita kalilimutan.
Mahal na mahal pa rin kita. Raquel.”

Hindi alam ni Raquel ang dapat maramdaman, halo-halo ang emosyon


at gulong-gulo na siya sa lahat. Luma na ang mga sulat at ang iba ay
tungkol sa mga pinagsamahan nila ni Sergio. Parang mga nawawalang
puzzle ang mga ito sa memorya ni Raquel at unti-unting nabubuo habang
binabasa na niya ang lahat ng mga sulat. Bakit ngayon niya lamang naalala
ang lahat ng ito?

Limang taon na silang hiwalay ni Angel. Hindi naging masaya ang


pagsasama nila. Hindi rin sila nagkaroon ng anak. Ang daming taon na
nasayang. Pakiramdam ni Raquel ay ang dami niyang hindi alam sa
kaniyang buhay. Unti-unti na niyang naaalala si Sergio. Nang ipinikit niya
ang kaniyang mga mata, nakita niya ang mukha nito. Si Sergio at ang
lalaking napapaginipan niya ay iisa lang.

Papalipas na ang araw at nagtungo si Raquel sa tabi ng dagat.


Pinapanood niya na lamang bumaba ang araw. Malapit lang ang dagat sa
bahay niya kaya palagi niyang nasasaksihan ang paglubog ng araw.
Nakaupo siya sa mga buhangin. Natuyo na ang mga luha niya.
Pakiramdam niya’y halos kalahati ng buhay niya ang nawala sa kaniya.
Minahal niya si Angel pero mukhang mas minaha niya ng lubos noon si
Sergio. Ang isang lalaki na ngayon niya lamang naalala. Ang isang lalaki
na parang pinakamahal niya noon pa bago pa man niya makilala si Angel.
Nakakapagod. Pagod na pagod na si Raquel. Hindi na niya alam ang
gagawin. Hawak na niya ang huling sulat na nasa kahon. Ito ang
bukod-tangi sa lahat ng sulat. Para bang bagong-bago pa ito at kailan lang
din isinulat. Malinis at kulay puti ang papel. Hindi kagaya ng mga naunang
sulat na luma na. Maingat niyang binuksan ito. Napakunot siya ng noo
nang makita ang maikling mensahe.

“Oktubre 21, 2019. Tapat ng museo sa Intramuros. 4 p.m.


Sinabi sa akin ng kapatid mo ang lahat. Si Ramari, ang nag-iisang
kapatid mo na sinuportahan tayo noon. Napapaginipan mo raw ako. Sa
tingin ko ay oras na para maitama ko muli ang lahat. Ngayong pwede na
ulit tayong dalawa, sana’y ito na talaga.

Sana’y tayong dalawa sa huling pagkakataon na ika’y magiging akin.


Oras lang ang may alam, Raquel. Sa sandaling ito ay nagtitiwala muli ako
sa tadhana na’ting dalawa. Kahit sandali palayain ang ating mga puso.
Sana'y tayong dalawa sa huling pagkakataon kahit hindi na ito para sa'tin. Sa
bawat minuto ng aking buhay, ako'y ’di natuto. Ipilit mang iba, ako’y
maghihintay sayo. ”

Bumilis ang tibok ng puso ni Raquel. Tapos na ang sinabing oras sa


sulat sapagkat alas-singko na ng hapon. Nagmadali siyang tumayo at
nagtungo sa loob ng bahay. Nagpalit ng maayos na damit at dali-daling
nagtungo sa sakayan. Hindi na siya mapakali. Paano kung huli na ang lahat?
Hanggang ngayon nga ba ay hinihintay pa rin siya ni Sergio?

Pagkarating ni Raquel sa lugar na dapat pagkikitaan nila ay wala ng


masyadong tao rito. Hindi niya mahagilap si Sergio. Wala na ba siya?
Umalis na at hindi na babalik? Huli na ba ang lahat? Tanong ni Raquel sa
sarili.

Napaluha na lamang si Raquel at napatakip sa kaniyang mukha.

"Raquel."

Sobrang lakas ng tibok ng puso ni Raquel na para bang sasabog na ito,


hindi niya maipaliwanag ang kaniyang nararamdaman. Pagkalingon niya
sa likod ay naroon si Sergio. Hindi niya mapigilang makaramdam ng saya.
Kakaibang saya. Para bang napawi ang lahat ng sakit. Isang kakaibang
saya na hindi niya inaakalang mararamdaman niya muli.
Sa wakas at sa muling pagkakataon, naririto na sa kaniyang harapan
ang lalaking matagal na niyang hinahanap.

“Sergio.”

You might also like