You are on page 1of 7

I.

BACKGROUND INFORMATION

URI: KWENTONG BAYAN

Sa isang kabundukan, may dalawang magkapatid na inutusan ng kanilang ama upang


mangahoy sa kagubatan. Sila ay nakakuha ng isang mahabang kahoy at kanila itong pinaghatian.
Ang napunta sa panganay ay ang punong bahagi nito samantalang ang napunta naman sa kaniyang
kapatid ay ang dulong bahagi ng kahoy. Nang sila ay makarating sa kanilang tahanan, nakita ng
kanilang ama ang kanilang nakuhang kahoy ngunit siya ay nagalit sa bunsong kapatid. Sinabi niya
na ang kaniyang nakuhang kahoy ay marupok kung ikukumpara sa nakuha ng panganay na kapatid.
Ang magkapatid ay natahimik na lamang dahil ang pagkakaalam nila ay iisang kahoy lamang ang
kanilang kinuha at pinaghatian. Sila ay nagtaka kung bakit ganoon na lamang ang galit ng kanilang
ama.
Isang araw, inutusan muli sila ng kanilang ama upang manguha ng kahoy sa kagubatan at
pinaalalahanan nito ang kaniyang bunsong anak na kumuha ng kahoy na hindi marupok. Gaya ng
dati, muli silang nakakuha ng isang kahoy at kanila na naman itong pinaghatian. Pinili ng bunso
ang punong bahagi ng kahoy upang makatiyak na hindi na siya pagagalitan muli ng kaniyang ama.
Pagkarating sa kanilang tahanan ay muli na namang nagalit ang kanilang ama sa bunsong kapatid
at sinabing marupok ang kaniyang nakuhang kahoy. Muli naman silang nagtaka dahil iisang kahoy
lang kanilang kinuha at pinaghatian. Nang sila ay nakapapahinga, tinawag sila ng kanilang ama
upang kumain ng kamote. Ang unang pumasok ay ang panganay na kapatid at sumunod naman
ang kaniyang kapatid. Nang papasok na ang bunsong kapatid ay binuhusan siya ng mainit na tubig
na pinagpakuluan ng kamote. Ganoon na lamang ang kaniyang pag-iyak sama ng kaniyang loob
dahil sa nangyari.
Nagpasya siyang magpunta sa kagubatan hanggang sa siya ay makarating sa isang puno ng
pino (pine tree). Habang siya ay umaaakyat dito, ay siya namang kaniyang pagbalat ng nasabing
puno gamit ang kaniyang itak hanggang sa siya ay makarating sa dulo. Ang dahilan kung bakit
niya binalatan ang puno habang siya ay umaaakyat ay upang walang sinoman ang makakaakyat
dahil sa ito ay madulas.
Sinundan naman siya ng kaniyang nakatatandang kapatid sa kaniyang kinaroroonan.
Nagmakaawa siyang sumama ang kaniyang bunsong kapatid sa kaniya sa kaniyang pag-uwi ngunit
hindi ito pumayag. Sinabi nitong bumalik na lamang ang kaniyang kuya dahil sa siya lamang ang
paborito at mahal ng kanilang ama. Inihulog niya ang kaniyang itak at sinabi niya sa kaniyang
kuya na dalhin ito sa kanilang ama tanda ng hindi niya pagbalik sa kanilang tahanan. Pagkatapos
nito ay umawit siya na kung maaari ay bigyan siya ng pakpk ng mga ibon upang siya ay makalipad
papunta sa malayong lugar upang malayang makakuha ng kaniyang makakain. Nang marinig ito
ng kaniyang kuya, napahagulgol ito sa iyak dahil gusto niyang sumama sa kaniyang kapatid. Pinilit
niyang akyatin ang puno ngunit ito ay sadyang madulas kaya wala na lamang siyang nagawa kundi
ang umiyak nang umiyak.
Muling umawit ang kaniyang kapatid sa ikalawang pagkakataon. Habang siya ay umaawit
ay nagsidatingan ang napakaraming mga maliliit na ibon. Ang bawat ibon ay nagtanggal ng isang
piraso mula sa kanilang mga katawan at kanila itong ipinasak sa bata hanggang sa ang katawan
nito ay mapuno ng balahibo. Muli nitong inulit ang kaniyang awit at nagsimulang lumipad kasama
ng mga maliliit na ibon. Ang kaniyang kuya ay naiwang tumatangis at nang hindi na niya matanaw
ang kaniyang kapatid ay nagpasya na siyang umuwi na lamang sa kanilang bahay.
Pagkarating sa kanilang tahanan ay ihinagis ng panganay na kapatid ang itak na ibinigay
sa kaniya ng kaniyang kapatid sa harapan ng kanilang ama at inilahad ang nangyari sa kaniyang
kapatid na may sama ng loob. Muli rin niyang inulit ang awit ng kaniyang kapatid upang iparinig
din ito sa kanilang ama.
Samantala, nagpatuloy naman sa paglipad ang mga maliliit na ibon hanggang sa madaanan nila
ang isang bahay. Nagpatuloy sa paglipad ang iba pang mga maliliit na ibon at naiwan ang bunsong
kapatid sa puno malapit sa bahay na iyon. Kinabukasan, lumabas ang mga dalaga mula sa bahay
upang magbayo ng palay. Nakita ng ibon ang isa sa mga dalaga at nahulog ang kaniyang
damdamin. Pumitas siya ng bunga ng kahoy sa kaniyang kinalalagyan at ibinato sa dalagang
kaniyang napusuan. Natamaan naman ang dibdib ng dalaga ngunit nang tingnan niya kung sino
ang bumato sa kaniya ay walang sinuman ang nasa paligid at ipinagpalagay na nahulog lamang
ang bunga mula sa puno. Muling pumitas ang ibon ng bunga ng puno at ipinukol sa dalaga.
Nagtaka ang dalaga at napaisip kung sino ang bumato sa kaniya. Napagpasyahan niyang umakyat
sa puno upang tingnan kung sinong bumabato sa kaniya. Nang marating niya ang dulo ay nakita
niya ang isang maliit na ibon na may magandang kulay ay kinuha niya ito at ipinakita sa kaniyang
ama. Sinabi naman nag kaniyang ama na ihawin na lamang ang ibon upang mayroon silang
makain. Tumanggi naman angt dalaga at iginiit na alagaan na lamang nito ang ibon.
Isang araw, pumunta ang pamilya sa bukid upang magtrabaho. Pagkarating nila sa kanilang
bahay ay nagulat ang mga ito dahil ang lalagyan ng tubig ay napuno. Nakahanda naman ang
sinaing na kanin at malinis ang buong bahay. Nagtaka ang mag-anak lalo na ang dalaga kaya
naman tinanong nila ang kanilang kapitbahay kung sila ba ang nag-igib ng tubig at naglinis sa
kanilang bahay. Ngunit sinabi ng kanilang kapitbahay na wala silang kinalaman doon.
Kinabukasan, muling nagpunta ang mag-anak upang magtrabaho sa bukid. Nagpaiwan naman ang
dalaga at sinabi sa kaniyang mga magulang na susunod na lamang siya sa kanila. Nagtago siya na
kanilang bahay upang tignan kung sino ang gumagawa ng mga gawaing bahay kung sila ay nasa
bukid. Hapon na ng araw iyon nang mapansin niyang masyadong magalaw ang kulungan ng
kaniyang ibon at inisip niyang baka tumakas ang ibon. Gayunpaman, nanatili siyang tahimik sa
kaniyang kinatataguan. Nagulat siya nang tumalon ang kaniyang alagang ibon mula sa kaniyang
kulungan at naglakad sa sahig habang tinatanggal nito isa isa ang kaniyang mga balahibo. Nang
natanggal na lahat ang balahibo ng ibon ay nagpalit na ito ng anyo at naging isang tao. Pagkatapos
mag anyong tao ng ibon ay nag-igib na ito ng tubig at naglinis ng bahay. Pinagmasdan lamang
siya ng dalaga at nang ito ay bumalik upang mag-igib ay lumabas na siya sa kaniyang
pinagtataguan. Nakita niya ang balahibo ng ibon at kaniya itong sinunog. Nang bumalik ang binata
mula sa pag-iigib ay kinausap siya ng dalaga at sinabing mabuti na lamang at hindi niya inulam
ang binate noong nasa anyong ibon pa lamang ito. Hinanap ng binate ang kaniyang balahibo ngunit
sinabi ng dalaga na sinunog na niya ang mga ito.
Hiindi nagtagal, nagpakasal ang binata at dalaga at nagkaroon sila ng maginhawang
pamumuhay. Nag-alaga sila ng mga hayop at hindi nagtagal ay yumaman din sila. Nang sila na ay
mayaman, naisip ng ng lalaki na magdaos ng isang pagdiriwang at sinabi niya rin na iimbitahan
niya ang kaniyang mga magulang upang dumalo rito. At ganoon nga ang nangyari. Nagkaroon ng
masayang pagdiriwang at ang lahat ay masaya at ngsasayawan. Dumalo rin sa pagdiriwang ang
magulang ng lalaki. Sa gitna ng pagdiriwang ay umawit ang lalaki para sa kaniyang magulang lalo
na sa kaniyang ama na naging malupit sa kaniya. Agad namang nakilala ng kaniyang anak dahil
sa inawit nito at naalala niya lahat ng kaniyang nagawang pagkakamali rito. Umawit din ang
kaniyang ama bilang pagtugon sa inawit ng kaniyang anak at humingi ito ng tawad sa kaniyang
nagawang kamalian ngunit hindi siya pinatawad ng kaniyang anak.
Nang matapos na ang pagdiriwang sa ikatlong araw ay nagsiuwian na ang mga dumalo.
Sinabi ng lalaki sa kaniyang ama na mag uwi ng karne ng kanilang mga kinatay na hayop at piliin
ang pinakamagandang parte sa kaniyang pag-uwi. Ngunit sinabi ng ama na doon na hindi siya
uuwi at doon na lamang manirahan sa bahay ng kaniyang anak. Iginiit naman ng kaniyang anak
na umuwi na siya at sinabing ang kaniyang ina lamang ang maiiwan at titira sa kaniyang bahay.
Walang nagawa ang ama kundi ang umiyak na lamang at umuwi pabalik sa kaniyang bahay habang
siya ay walang tigil sa pagluha hanggang sa siya ay makabalik sa kaniyang lugar. Hindi nagtagal
ay namatay siya sa sama ng loob. Kung ano ang sama ng loob na kaniyang ipinaramdam sa
kaniyang anak ay siya ring kaniyang naramdaman hanggang sa siya ay bawian ng buhay.

LUGAR/LOKASYON AT LAWAK NG PAGGAMIT NG KALINANGAN/KULTURA:


Ang lugar kung saan isinagawa ang pag-aaral ay matatagpuan sa Imugan, Santa Fe, Nueva
Vizcaya. Ang barangay ng Imugan ay isa sa mga lugar sa Santa Fe na nagpapahalaga pa rin sa
kulturang Kalanguya kaya naman ay nagkaroon ng mga pananaliksik upang isulat ang mga
pamanang kultura na isinalin lamang sa paraang muling pagkukwento.
KAUGNAY NA LARANGAN NG KALINANGAN/KULTURA
Ebidensya ng karunungan ng mga tao sa Sta. Fe hinggil sa kwentong-bayan ay ang patuloy
na paggamit nito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ang mga kwentong jto ang nagiging
batayan nila sa pagpapalaganap ng mga kabutihang-loob at iba pang positibong katangian sa mga
nasasakupan ng lugar. Ang patuloy na pag-alala at pagkwento ng mga ito ay nakatutulong sa
patuloy na paglinang ng kultura at pag-iwas sa maaaring pagkamatay nito. Hindi lamang mga
matatanda ang tunay at patuloy na gumagamit ng mga aral mula sa mga kwentong-bayan kundi
maging ang mga nakababatang parte mg lipunan sapagkat naipasa na sa kanila.

II. DESKRIPSYON NG KALINANGAN/KULTURA


A. Buod
Ang napiling kalinangan o kultura ay sumasalamin ng kulturang Kalanguya. Ang tribong
Kalanguya ang bumubuo sa mahigit sa pitumpung bahagdan ng buong populasyon ng Santa Fe.
Kaya naman hindi maipagkakaila ang mayamang kultura nito na pinahalagahan at patuloy pa ring
pinahahalagahan sa kasalukuyang panahon. Ang uri ng kalinangang napili ay isang halimbawa ng
kwentong bayang kapupulutan ng mga aral na magagamit sa buhay ng sinumang makakarinig nito.
Ang pamamaraan ng mga sinaunang Kalanguya sa pagpapayo o pagbibigay ng aral ay sa
pamamagitan ng paggawa ng kwento base sa konteksto pang araw-araw na pamumuhay ng mga
katutubo. Ang iba naman ay hinahaluan ng mga hindi pangkaraniwang pangyayari o kababalaghan
na nakakadagdag sa kawilihan ng mga nakikinig.

B. Culture-bearer o practitioner ng kalinangan/kultura


Ang culture bearer ng kalinangan ay ang mga nakatatanda sa komunidad na kung saan sila
ang mga huling nakasaksi at nakarinig sa pagsasalin ng mga kulturang kanilang kinagisnan.
Tuwing may mga pananaliksik na isinasagawa tungkol sa kultura ay ang mga nakatatanda sa
komunidad ang kanilang pinagsasanggunihan. Sa cultural mapping na isinagawa ay namili ang
mga mananaliksik ng isang nakatatanda sa komunidad na may sapat na kaalaman sa kalinangan at
sa kultura upang magkaroon ng makabuluhang resulta mula sa panayam na pananaliksik.

C. Paraan ng pagsasalin ng kalinangan/kultura


Dahil walang sistemang pangsulat ang mga Kalanguya noong unang panahon ay sa paraang
pasalita nila sinasalin ang kanilang mga kultura. Ang kanilang mga kwento noon ay hindi
nailimbag bagkus ito ay ipinasa sa pamamagitan ng muling pagwento ng mga ito sa bawat
henerasyong magdadaan upang ito ay hindi pa rin makalimutan ng mga katutubo. Ngunit sa
pagkakaroon ng sistema ng pagsulat at ang makabagong teknolohiya ay unti-unting inipon ang
mga pamanang kulturang ito at sinimulan itong ilimbag upang sa gayon ay hindi lang mga
katutubong Kalanguya ang makaalam nito kundi pati na rin ang iba pang mga katutubo sa
pamamagitan ng pagsasaling wika.

III. MGA KUWENTO AT NARATIBO NA NAUUGNAY SA KALINANGAN/KULTURA


A. Pamumuhay ng mga tagatugon
Ang pamumuhay ng mga tagatugon ay simple lamang at ang kanilang ikinabubuhay ay
pagsasaka at paggawa ng mga handicrafts. Sa kanilang paggawa ng handicrafts sa kanilang sari-
sariling mga bahay ay doon sila nagkukuwento sa kanilang mga apo tungkol sa mga kwentong
bahay noong unang panahon. Ang mga Kalanguya lalo na ang mga bata ay mahilig makinig sa
mga kwento kaya naman ito ang ginagamit ng mga matatanda upang sila ay hindi gumala sa
tanghali at sila ay matulog.
B. Gawain ng mga tagatugon
Ang mga tagatugon ay nagsasagawa pa rin ng mga ritwal tuwing darating ang mga okasyon
at kapistahan ngunit ito ay kanilang itinataas sa Maykapal. Sa pagdating ng mga misyonaryong
protestante ay naituro sa kanila ang pananampalataya. Kanila naman itong tinanggap ngunit hindi
nila kinalimutan ang kanilang kultura. Ipinagpatuloy nila ang pagpapayabong sa kanilang
paniniwala kasabay ng paglalim ng kanilang pananampalataya.
C. Paniniwala
Ang paniniwala ng mga tagatugon ay unti-unti nang napalitan sa paglipas ng panahon at
pagpasok ng modernisasyon. Maraming mga paniniwala ang napalitan dahil hindi na ito naaakma
sa kasalukuyang panahon tulad ng arranged marriage noong unang panahon na kung saan ay ang
mga magulang ang nagpapasya kung sino ang pakakasalan ng kanilang mga anak. Napalitan na
rin ang paniniwala na kung ang isang Kalanguya ay nakapaslang ng kaniyang kapwa, ang
pamamaraan at kung paano niya pinatay ito ay gagawin din sa kaniya ng pinakamalapit na kamag-
anak na lalaki ng napaslang bilang pagkamit ng hustisya. Ito ay hindi naaayon sa batas kaya naman
ay tinanggal na ang ganitong paniniwala.
D. Ugaliin
Ang ugaliin ng mga tagatugon ay may kaugnayan sa pagiging matulungin sa kapwa. Sila
ay nagtutulungan sa kanilang komunidad lalo na kung may mga okasyon katulad ng kasal kung
may namatay man. Sila ay tumutulong nang may kusang loob at hindi kailangan na sila ay bayaran.
Kung ano ang maitutulong ng bawat isa ay kanila itong ginagampanan. Naniniwala sila sa
kasabihang kung ano ang iyong itinanim ay ito rin ang iyong aanihin. Kung ikaw ay nagtanim ng
magandang gawain sa iyong kapwa ay siya mo rin itong matatamasa sa hinaharap. Kung masama
naman ang iyong itinanim sa iyong kapwa, hindi magtatagal ay mararanasan mo rin ito. Kaya
naman ito ay may kinalaman sa aral ng kwentong bayang nailahad. Ang mga aral dito ay base sa
mga ugaliin na pinapahalagahan ng mga Kalanguya.
IV. KAHALAGAHAN NG KALINANGAN/KULTURA
Kahalagahan batay sa tugon
Katulong sa pag-direkta sa ikabubuti ng kada buhay ng mga tao sa Sta. Fe ang taglay at
dulot na aral ng mga kwentong-bayan na parte na ng kultura ng nasabing lugar. Maaaring kwento
lamang ang mga ito, na maaaring nadagdagan din ng ibang mga detalye sa paglipas ng panahon,
pero ang mga ito ay ginamit, ginagamit at patuloy na gagamitin ng mga indibidwal na nais
mapabuti ang kanilang mga pang-araw-araw na desisyon at sitwasyon. Itong mga kwentong ito
ang pinanghuhugutan nila ng kanilang maaari ring mairuro at maipakita bilang magandang dulot
sa ibang tao, maging kabilang man sa kanilang lugar o hindi. Ang importante dito ay ang patuloy
na paggamit at paglaganap ng kulturang ito na nagbubunga rin ng patuloy na kabutihan ng
nakararamj sa pamamagitan ng pagtangkilik at walang-hintong pagtanong at pagkwento tungkol
dito.
V. KONDISYON NG KALINANGAN/KULTURA
A. KONDISYON NG KALINANGAN/KULTURA
Dahil sa pagsisikap ng mga tao sa komunidad ay napanatili nila ang kanilang kultura kaya
naman ay maayos ang kondisyon ng kanilang kultura. Patuloy pa rin ang pananaliksik ng mga
mananaliksik doon upang sa ganoon ay maidokumento at maisulat na ang mga kwentong bayan.
Hindi nila hinintay na mawala ang mga pamana ng kulturang ito kaya naman ay kanila itong
inilimbag sa mga aklat upang sa ganoon ay mapanatili at hindi makalimutan ang mga ito.
B. SULIRANIN/HADLANG /SAGABAL/ISYU UKOL SA KALINANGAN/KULTURA:
Ang kalinangan ay maunlad pa ring maituturing sapagkat may mga ebidensya na
nagpapatunay sa kahalagahan nito. Hangga’t mayroong isang indibidwal na gumugugol ng oras
para sa kalinangang ito, patuloy pa rin ang pag-unlad ng kalinangan. At ito ay pinapatunayan ng
mga indibidwal na nagbabasa ng mga librong pakahahanapan ng mga kwentong-bayan. Ngayon,
ang mga nakapagbasa ay magkukwento sa iba pang mga indibidwal hanggang umabot ito sa
maraming bilang ng tao, mamamayan man ng probinsya o hindi. At dahil dito, masasabing
maunlad pa rin ang nasabing kalinangan. At huwag sanang hayaan na humimbing ang pag-unlad
ng kalinganan sapagkat ito ay parte na ng kultura; at parte na sa pagiging tao ng mga taga-Sta. Fe,
Nueva Vizcaya. Patuloy na gamitin upang patuloy na marinig, malamang at magamit ng mga tao.
C. PARAAN NG PAGPAPAYABONG
Isa sa mga pamamaraan ng pagpapayabong ng kalinangan ay sa pamamagitan ng mother
tongue policy sa mga paaralang elementarya. Isa sa mga materyales na kanilang ipinababasa ay
ang mga sariling kwento ng mga katutubong mag aaral. Ang Indigenous Peoples Education o ang
IPed ay isang programa ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na naglalayong payabungin at
magkaroon ang bawat miyembro ng pangkat etniko sa Pilipinas ng kaalaman sa kanilang kaniya-
kaniyang kultura at kamalayan sa kasalukuyang kalagayan nito upang kanila itong pahalagahan at
higit sa lahat ay mahalin. Tuwing buwan ng Oktubre ay ipinagdiriwang ang IP Month. Kabilang
sa mga programang isinasagawa sa buwan na ito ay ang mga pagtuturo ng mga pamana nag kultura
tulad ng katutubong sayaw, awit, kwento, pagtutula, at pagtugtog ng mga katutubong instrumento.
At ang pinakahuling paraan ng pagpapayabong ay ang mismong pagdiriwang ng Kalanguya
Festival tuwing buwan ng Marso. Ipinapakita sa pagdiriwang na ito ang mayamang kultura ng mga
Kalanguya. Ang mga paraan ng pamumuhay ng mga Kalanguya, ang kanilang paniniwala at mga
aral ay masaya at makulay na ipinagdiriwang sa kapistahang ito.

VI. SANGGUNIAN:
DOKUMENTASYON:
Audio
Larawan
KEY INFORMANT:
Sario B. Oliano
AKLAT AT IBA PANG SANGGUNIAN:
PANGALAN NG PROFILER/MAPPER:
PETSA:

You might also like