You are on page 1of 3

Parac, Camille Anne F.

Sanaysay Bilang 1
2018-01196 Section 27 Setyembre 4, 2019

Pinanghahawakan ng karamihan sa pamilyang Pilipino ang paniniwalang tanging


edukasyon ang pinakamainam na pamana sa kanilang mga anak. Mataas ang pagtingin sa mga
taong nakakamit ng tagumpay bunsod nito. Kaya naman kahit sa gitna ng matinding kahirapan,
iniraraos pa rin ang halos araw-araw na pagpasok sa eskwelahan sa pag-iisip na makatutulong ito
sa pag-asenso ng kanilang mga buhay. Ngunit sa bansang gaya ng Pilipinas na hininog ng mga
banyaga at tila hindi na alintana ang importansya ng sariling wika, masasabi pa ba nating ikauunlad
nga ng bawat isa ang pagkakaroon ng edukasyon o mas ikalulugmok pa ito ng buong sambayanan?
Sumasang-ayon ako sa ipinahiwatig ni Renato Constantino na ang pagmamando sa isipan
ng mga tao ang siyang pinakamabisang paraan ng pananakop. Marahil ay nakita ko ang bahagya
sa katotohanang ito sa mismong loob pa lamang ng ating mga tahanan. Pagmasdan ang mga paslit.
Hindi ba’t kung ano ang ituro ng kanilang mga magulang ay ang likas din nilang gagawin o
gagayahin? Na sa paglipas ng panahon ay maitatanim sa kanilang mga murang isipan na sila pala
ay nabibilang sa kanilang mga pamilya. Gayunpaman, may malaking kaibahan ito sa itinuro sa
atin noon ng mga Amerikano dahil iba nga naman ang kanilang motibo. Hindi gaya ng mga
magulang na naghahangad na ang mga anak ay umusbong, itinigil nila ang pagsibol ng sarili nating
pagkakakilanlan at sa halip ay ipinataw ng ganoon na lamang ang mga patakarang dayuhan kung
saan wikang Ingles ang pinakamakapangyarihan.
Sinamantala ang nananaig pang takot ng mga Pilipino at sinimulang burahin ang ating
kamalayan na kung susuriin ay kapapalayas pa lamang sa isa pang dayuhan. Iniutos ang daliang
pagbubukas ng mga paaralan na sa unang tingin nga naman ay kapakipakinabang— matututo
tayong magbasa at magsulat, malilinang ang kaalaman, at magiging mahusay, hindi ignorante.
Mistulang katanggap-tanggap ngunit talagang mapanlinlang. Sa likod ng sinasabing pagsusulong
ng kapayapaan sa buong arkipelago ay ang nakatagong kolonisasyon na hanggang sa kasalukuyan
ay sumasalakay sa ating sariling pagkakakilanlan. Gamit ang “edukasyon”, nagawang pagandahin
ng mga Amerikano ang kanilang tunay na adyenda. Naging isang pribilehiyo pa nga ang pag-aaral
ng Ingles na kung tutuusin ay patuloy lamang na lumilikha ng mga mas mangmang na Pilipino.

Pahina 1 ng 3
Naaalala ko ang napanuod kong balita sa telebisyon. Noong Hulyo 2019, isang online
education platform ang nag-aalok ng trabaho para sa libo-libong Pinoy na maaaring magturo ng
wikang Ingles. Ayon sa kompanyang 51Talk, nasa 100,000 Pinoy na guro ng Ingles ang balak
nilang kuhanin sa susunod na limang taon. Pinakamagaling daw kasi ang mga Pinoy sa pagtuturo
ng Ingles, ayon kay 51Talk founder at chief executive officer (CEO) Jack Huang. Sa kasalukuyang
18,000 online English teachers ng 51Talk, 16,000 rito ay mga Pinoy. Isa lamang ito sa
napakaraming indikasyon ng pagtatagumpay ng mga Amerikano. Maliwanag na ang Pilipinas ay
binubuo ng mga mamamayang sinanay ng Estados Unidos.
Sa paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo, nahati ang mga Pilipino sa mga bihasa o
edukado at ordinaryong masa. Naging pamantayan ng karunungan ang Ingles kahit pa nga ito ay
panibago at kakaibang mundo. Sa halip na matuto tayo bilang mga Pilipino ay naging masunuring
nasasakupan lamang ng mga bagong panginoon na inakalang nagmamalasakit sa bayan. Ibinalot
bilang isang magandang regalo ang sa totoo’y lason na pagdurusahan natin ng ilang henerasyon.
Ito ang edukasyon natin magpasangayon. Tayo ay nagpapakadalubhasa ng mas para sa ikauunlad
ng ibang bansa.
Aminadong hirap ang Department of Education sa pagtuturo ng asignaturang Filipino at
Panitikan sa ilalim ng K-12. Ayon kay Undersecretary Lorna Dig-dino noong Pebrero 2018,
marami na talagang estudyante ang mas nakakaunawa sa Ingles. Gayunpaman, ang naging aksyon
pa ng Commission on Higher Education (CHED) ay ang panukalang pagtatanggal nito sa kolehiyo
sa kadahilanang itinuro na ito sa K-12. Ang antas ng pag-aaral sa wikang Filipino ay nananatiling
nakabinbin sa balanse samantalang ang Ingles ay sigurado na sa tinatamo nitong respeto at
paghanga mula sa mga paaralan at pamantasan.
Nakalulungkot isipin na isang matinding pakikibaka ang pagsusulong ng sariling wika.
Isang malaking kabalintunaan ang pagdadalawang-isip sa kung magiging mabisa kaya ito sa pag-
aaral yamang wala namang duda na mas magiging komportable tayo rito. Dahil sa kolonyal na
edukasyon, napakalala ng ating pagkabagabag sa usapin ng paggamit ng sarili nating lenggwahe
sa puntong nagiging kontrobersiyal pa ito. Lalo pa ngang masama na karamihan sa mga Pilipino
ang nag-iisip na ang kasanayan sa Ingles ay ang hindi dapat mawawalang salik ng tunay na
edukasyon. Habang ang wikang Filipino ay nananatiling opsyonal lamang.
Isa pa sa mga hindi matatawarang ebidensya ng tagumpay ng mga Amerikano ang
paglalarawan sa kanilang nasyon bilang tagapagligtas ng Pilipinas. Sa tanan ng aking pag-aaral,

Pahina 2 ng 3
inakala ko ito ng buong katotohanan. Hindi ko nagawang tingnan sa ibang pananaw ang idinulot
ng klase ng edukasyon na kanilang ibinigay. Sa totoo lang, marahil ay magpasalamat pa ako noon.
Mapalad ako na unti-unti akong iminumulat ngayon sa kahalagahan ng mga pangyayari sa bansa.
Kung dati ay wala akong kabatiran at patuloy lang ang pagsasawalang-bahala, sa kasalukuyan ay
ginigising ako ng aking pag-aaral sa tulong na rin ng aking mga propesor at ibang may-akda.
Nabatid kong may pagtawag upang tayo ay kumilos tungo sa paninindigan para sa wikang Filipino
at iba pang dayalekto ng Pilipinas.
Sa “The Miseducation of the Filipino” ni Renato Constantino, ako ay muli na namang
tinamaan sa baluktot kong kaisipan. Aking napagtanto na nakaugat pala ang limitadong pagtingin
natin sa ikauunlad pa ng Pilipinas sa edukasyong Amerikano. Sa tuwing naiisip ko kasi ang
Pilipinas, hindi mawawala sa aking paglingap ang pagiging likas na agrikultura nito. Bukod dito,
wala na akong iba pang maisip na matibay na pahayag. Sa pagtagal ng panahon, ang saloobin ko
pala tungo sa Pilipinas ay nakakulong lamang sa ideya ng pagiging payak, tahimik o matiwasay.
Hindi ko namalayan ang kababawan nito kompara sa halos pagtingala ko na sa ibang bansa. Ako
pala mismo na isang estudyanteng inaasahang nakapagtamo ng may kalidad na edukasyon ang
magpapatunay na may nangyayari talagang maling pagtatakda sa hangganan ng potensyal ng
bansang Pilipinas. Dahil ito ang nasa kaisipan ko at nakalakihan na, hindi nga malabong
panindigan ko na lamang ang mga pinaniniwalaan. Gayunpaman, ngayon na napag-alaman ko na
ang mga bagay na ito, nawa ay magkaroon ako ng talino at kakayahan upang makiisa sa
pakikipaglaban sa bugso at agos ng kolonisasyon ng Amerikano na kay tagal nang nanaig sa bansa.
Wika ang isa sa mga tumutukoy sa anumang bansa. Kung hahayaan lang natin ang lubhang
pagsulong ng Ingles, hindi magtatagal ay mababaon na sa limot ang ating pagpapaka-Pilipino.
Maaaring sabihin na imposible itong mangyari sa ngayon dahil laganap pa naman ang paggamit
ng wikang Filipino sa midya at lipunan. Ngunit huwag sana nating hintayin na huli na ang lahat
bago tayo umapela. Tumatakbo ang oras at bawat segundo ay hindi na muling maiibabalik. Ilang
dekada na ang lumipas pero tila lumalala lamang ang sitwasyon. Sarado ang ating mga utak na
kanluranin kaya hindi natututo. Kung patuloy pa tayong magpapabaya ay magiging tiyak ang
pagiging isang bansang walang sariling pagkakakilanlan, indeperente sa kultura, at kasangkapan
o tau-tauhan sa anumang dayuhan ang bansang Pilipinas.

“American Dream, Philippine Nightmare”

Pahina 3 ng 3

You might also like