You are on page 1of 4

TOVERA, Juris Justin M.

September 18, 2019


2018-03625 Sir John Venson Villareal
“The Voice”
Ang dokumentaryong “The Voice” ni Prop. David Howard ay tumatalakay sa boses ng tao – mula
sa pagkakabuo nito sa ating mga lalamunan hanggang sa paglalapat nito sa teknikal na kagamitan. Kabilang
sa mga ito ang imbensyon ni Baron von Kempelen, pagkakabuo ng mga makinang nakauunawa ng mga
berbal na mensahe o tinatawag na “voice prompt”, at mga makinang nakapaglalabas ng mga salita tulad ng
DECtalk synthesizer na ginagamit ng siyentistang si Stephen Hawking at Speak & Spell na pityur ng mga
laruang pambata. Inungkat sa programa ang mga dahilan kung bakit sa paglaon ng panahon at sa pagsulong
ng teknolohiya ay nananatiling artipisyal ang tunog ng mga salitang lumalabas sa mga kagamitang ito, kung
saang napag-alaman na ang kumplikadong mekanismo sa ating lalamunan at bibig, tulad ng pagkontrol ng
utak sa mga vocal folds, at ang pagpasok ng mga vibrations sa mga resonating chambers ang responsable
sa pagkakabuo ng magkakaibang tunog. Sa pagrereplika nito gamit ang iba’t ibang mga set-up, tulad ng
pagpapadaan ng hangin sa isoladong vocal flaps ng isang baka, nakakukuha ng datos ang mga siyentista na
maaari nilang magamit sa pagsintesa ng mga artipisyal na boses. Subalit, ang pagiging artipisyal ng boses
ay maaaring bunga ng kawalan ng emosyon – isang bagay na naipakikita sa pamamagitan ng pagbabago sa
ating pitch o pagtaas at pagbaba ng tono ng ating boses.

Matapos suriin ang mga mekanismo sa ating katawan na nakapagdudulot ng pagsasalita, dumako
naman ang dokumentaryo sa mekanismo sa likod ng pag-awit kung saan sinuri naman ang pagkontrol ng
boses ng dalawang indibidwal – sila Jeremy Hardy, isang komedyanteng hirap sa pagkontrol sa pitch ng
kanyang boses sa tuwing sya ay umaawit, at Christella Antoni, isang speech therapist na napag-aralan ang
iba’t ibang mga mang-aawit at kayang gayahin ang mga ito. Ang pagkakaiba sa istilo ng pagkanta ng mga
mang-aawit ay nakaugat sa pagkontrol nila sa kanilang resonating chambers tulad ng posisyon ng dila,
pagkakabuka at pagkabilog ng bibig, at lawak ng lalamunan. Ang distinksyon na ito ay nagiging dahilan
din ng pagkakagaya ng mga impersonators sa iba’t ibang mga tao tulad ni Rory Bremner, subalit may mga
pagkakataong nag-iiba ang boses niya sa mga taong kanyang ginagaya dahil sa mga katinig na kanyang
binabanggit. Ang kaso ng pag-awit ni Antoni ay naiiba sa kaso ng panggagaya ni Bremner dahil mas alam
ni Anatoni ang mga pisyolohikal na pagbabago sa kanyang bibig na nakapagdudulot sa kanyang kakaibang
boses pang-awit, habang si Bremner naman ay nakatuon sa kanyang pakikinig at paggaya ayon sa kanyang
intwisyon.

Bukod sa mga nabanggit na pisikal na makinismo, tiningnan din ang kaugnayan ng mga kemikal
na pagbabago sa pag-iiba ng boses ng tao. Natapik sa bahaging ito ang pagsasalamin ng emosyon sa boses
at ang epekto ng alak o alcoholic na mga inumin sa pagkontrol ng ating mga boses. Nabanggit din na
nagbabago ang paraan ng ating pakikipagtalastasan batay sa ating mga kinakausap, isang prosesong
tinatawag na “accommodation” o “convergence”. Ang mga alterasyong ito ay nakikita sa intonasyon, bilis,
at ekspresyon ng wika – tulad ng rehistro o jargon na nakabatay sa ating relasyon sa ating kausap. Inisa-isa
rin ang mga aspetong pangkaligiran ng isang tao na nakaapekto sa kaniyang vocal learning tulad ng lugar
na kanyang kinalakhan, pangkat subkultural, antas sa lipunan, at sikolohiya. Dahil dito, nasasalamin na rin
ng boses ang ating kultura o bansang pinagmulan sa pamamagitan ng ating accent, na sinasabi ring
nakapagdudulot ng pagkakabukod dahil sa pagkakaiba ng paraan ng pagsasalita at hindi pagkakaunawaan
sa pagitan ng dalawang indibidwal mula sa magkaibang kaligiran. Bagamat maraming magkakaibang
‘bersyon’ ng pagsasalita ng wikang ingles, nilinaw ng voice coach na si Caroline Goyder na walang ‘tamang
paraan’ ng pananalita nito, ngunit idiniin din niya na ang pagkontrol sa boses ay mahalaga para sa malinaw
na unawaan sa pagitan ng dalawa o higit pang panig na nagtatalastasan.

Kaakibat din ng pagkontrol ng boses ay ang pagnanais na magamit ito sa anumang dahilan na ating
nasasaisip – tulad ng pagpaparamdam ng awtoritatibong kapangyarihan sa mga kausap. Batay sa
dokumentaryo, malimit itong gamitin ng mga orador at pulitiko tulad ni Winston Churchill. Ang kanyang
mga malakas at epektibong talumpati ay sinasabing kanyang sinasanay sa loob ng ilang oras sa bawat araw.
Ibinigay din bilang halimbawa si Adolf Hitler, kung saan sinasabing ang kanyang tinig ay mas agresibo at
masasabing “hindi kontrolado” dahil sa kalakasan at katigasan nito na sinabayan pa ng mas eksaheradong
galaw na syang nagpatindi ng pwersa sa kanyang lalamunan. Kabaliktaran naman nito ang malakas,
makapangyarihan, ngunit reguladong boses ni Martin Luther King. Ang istilo ng pananalita ni King ay
sinasabing nagbabago mula sa pagiging mabagal sa umpisa, hanggang sa bumilis sa paglaon ng kanyang
talumpati. Ang kanyang pag-uulit ng mga linya nang tatlong beses ay nagiging epektibo rin upang maikintal
sa isipan ng kanyang mga tagapakinig ang mga mensaheng nais nyang iparating. Ipinakita rin sa
dokumentaryo ang pagbabago sa istilo ng mga pulitiko sa kanilang mga talumpati buhat ng pag-usbong ng
mga telebisyon. Dahil sa paglipat ng mga mananalita mula sa mga pulpito patungo sa mga silid ng mga
manonood, naging mas personal at mapagkumbaba ang kanilang dulog sa kanilang mga tagapakinig.

Mahalaga ang boses para sa tagapagsalita dahil ito ay nagagamit sa pagpapahayag ng mga ideya at
saloobin. Halimbawa ng aplikasyon nito ay sa nabanggit nang kalagayan ni Stephen Hawking kung saan
kinakailangan niyang gumamit ng artipisyal na pamamaraan ng pagsasalita para lamang maihatag ang
kanyang mga naiisip at makapagturo sa kanyang mga mag-aaral. Kung hindi siya nabigyan ng
pagkakataong makipag-usap nang pasalita, marahil ay mahihirapan syang ibahagi ang kanyang kaalaman
sapagkat maski ang kaniyang kakayahang magsulat ay nawala dahil sa kanyang karamdaman. Katulad din
nang nabanggit nang sitwasyon tungkol sa Speak and Spell na pityur ng mga laruang pambata, ang boses
ay nagiging daluyan ng mga panuto o instruksyon na maaaring magturo sa mga bata na matutunan ang
kanilang wika nang mas mainam. Bagamat masasabing ang pagkatuto ay maaaring maisakatuparan sa
pamamagitan ng pagbabasa, hindi pa rin maikakaila na hindi matutunan ng isang bata ang tamang
pagkakabigkas at pagdidiin ng mga salita kung hindi niya ito maririnig.

Ang kahalagahan ng boses ay makikita rin sa pagbabahagi ng talento at kakayanan. Tulad sa kaso
ni Christina Anatoli, ang boses ay mahalaga para sa mga taong namumuhunan sa kanilang boses upang
mabuhay, at ito ay madaling makita sa mga mang-aawit. Kapag walang boses, ang ating musika ay
magiging mga serye lamang ng mga instrumental na tunog at magiging bikaryo lamang ng mga emosyong
walang kalinawan para sa mga nakikinig. Ang mga birong naiisip ng mga komedyante katulad ni Jeremy
Hardy ay mananatili lamang sa kanyang isipan, o di naman kaya’y nakatala lamang sa mga babasahin at
walang makatatawa sa mga ito sapagkat magiging imposible ang pagtawa kung mawawalan ng boses ang
mundo. Subalit, hindi naman maikakaila na maaari pa rin tayong humanap ng ibang alternatibong paraan
na syang papalit sa ating boses kung sakali mang ito ay mawala sapagkat bahagi na ng disenyo ng ating
pagiging tao ang pakikibagay o pag-adapt sa mga kondisyong ating kinalalagyan.

Sa huli, mahalaga ang boses dahil ito ay nagiging instrumento ng pakikipagtalastasan at


nagsisilbing hulwaran ng pagkakabuklod o pagkakabukod ng iba’t ibang mga indibidwal. Batay sa mga
nabanggit na halimbawa ng pagtatalumpati ng iba’t ibang pulitikal na personalidad, makikita na malakas
na instrumento ang boses sa pagpukaw ng kalooban ng mga tagapakinig at potensyal na mga tagasuporta.
Dahil sa mga mabubulaklak na dilang mas lalo pang pinatamis ng mapagkumbabang dulog ng boses,
nagiging mas epektibo ang panghahalina ng mga pulitiko na nagiging sanhi ng kanilang pagbubuklod sa
kanilang mga tagasuporta, at pagbubukod sa mga mamamayan ng bansang kanilang ‘pagsisilbihan’. Kung
papansinin, mahihinuha na ang makataong dulog ng mga artista ay nakaugat din sa kanilang galing sa pag-
arte, isang bagay na nakabatay din sa kanilang paglalahad ng emosyon sa pamamagitan ng kanilang mga
boses. Bukod pa rito, ang boses din ay nagiging isang nakapagpapaisa o unifying na katangian ng isang
kalipunan ng tao. Dahil sa pagkakaiba sa mga accent at paraan ng pagsasalita ng mga tao mula sa
magkakahiwalay na lokasyon, maaaring mapagsama-sama ang mga indibidwal na magkakapareho ng
pananalita batay sa kanilang kulturang kinagisnan.

Gayon na rin lamang at nabanggit ang tungkol sa pagkakaiba ng mga accent ng mga taong may
iba’t ibang kaligirang kinalakhan, masasabing natutukoy din ng mga tao ang kaibahan ng kanilang ‘boses’
mula sa tinig ng mga banyagang mananalita. Kung pakikinggang mabuti, naiiba ang boses ng isang
mananalita ng Wikang Filipino mula sa Wikang Ingles ng mga Amerikano at Briton batay sa kawalan nito
ng esensya ng slang o bahid ng ‘kaartehan’ sa pagbigkas ng mga salita. Para sa akin, mas matalas at mas
mariin ang pagbigkas ng Filipino kesa sa mga wikang nabanggit na tila mas malambot at mas ‘mapurol’ sa
dila. Halimbawa nito ay ang pagkakaroon natin ng matigas na pagbigkas (rhotic) ng titik “r” sa tuwing
sinasabi natin ang salitang “parke”. Sa pagsasalin nito sa Wikang Ingles, maaaring banggitin ng isang
Amerikano ang salitang “park” na may malambot na pagbigkas (flap) sa titik “r”, habang ang isang Briton
naman ay maaaring bigkasin ang salitang ito sa paraang tila nawawala ang titik “r”.

Kung ito naman at ihahalintulad sa boses ng mga tagasalita ng mga wikang Ruso at Aleman,
masasabing mas garalgal at matigas ang kanilang mga katinig dahil sa pagiging dominante ng mga ito sa
kanilang wika. Nauugnay sa mga nauna nang nabanggit, ang wikang Aleman ang nagsilbing hulwaran at
lunsaran ng wikang Ingles, kung kaya’t nakapagtataka para sa akin na mapansing iba ang parametro ng
kaibahan ng boses ng ating wika sa wikang Ingles sa parametro ng kaibahan ng boses ng wikang Filipino
sa boses ng wikang Aleman. Bukod pa rito, masasabi ko rin na mas nagbabago ang mga pares ng patinig
sa mga salitang ating binabanggit sa Wikang Filipino. Halimbawa, ang tunog ng titik i sa isang salita ay
malimit na napapalitan ng tunog ng titik e. Ganoon din ang aking naoobserbahan sa pagitan ng mga titik o
at u. Samakatuwid, ipinagpapalagay ko na mas dynamiko ang posisyon ng bibig at dila pagdating sa
paglabas ng boses sa Wikang Filipino, habang mas limitado naman ang sa ibang wika. Marahil ito ay
nauugnay sa kasaysayan ng ating pre-kolonyal na ninuno. Kung susuriin ang ating sinaunang sistema ng
pagsulat, ang “baybayin” ay kumokonsidera lamang ng tatlong patinig – a, i, at u. Ang tunog ng e ay hindi
natutukoy mula sa tunog ng i, at ang tunog ng o ay kahalintulad din ng tunog ng u.

Kung ihahalintulad naman ang boses ng wikang Filipino sa boses ng wika ng ibang Asyanong
bansa, masasabing kadalasang mas ipit at mas mataas ang boses ng mga tagapagsalita ng mga wikang
Nihonggo, Mandarin, Thai, at iba pang lingguwahe sa Silangang Asya. Sa aking panonood ng ilang mga
anime at pelikulang gumagamit ng mga nabanggit na wika, napansin ko rin na tila mas malambing at mas
mababaw ang himig ng kanilang boses. Masasabi ring kahalintulad naman natin ang boses ng ating mga
karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya, bagamat ang pagkakaiba ay nakikita sa bilis at diin ng ating
pagbigkas. Nasabi ng aking dating guro sa elementarya na ang pagkakahalintulad ng ating wika sa wika ng
mga Indones at Malay ay dahil sa teorya ng pandarayuhan, at kung ito man ay totoo, ang naoobserbahang
pagkakaiba sa ating mga boses ay marahil bunga ng aspeto ng vocal learning na akin nang nabanggit sa
ikatlong talata.

You might also like