You are on page 1of 2

“PAGMAMAHAL NG MAGULANG ATING BIGYANG HALAGA AT

IPAGPASALAMAT”
Naalala ninyo pa ba kung kalian ninyo huling sinabihan ng “I love you” o “mahal kita”
ang inyong mga magulang? Sino ang mas madalas ninyong sabihan ng mga katagang
iyan? Sino nga ba ang mas pinahahalagahan ninyo? Simula’t sapul minahal na tayo ng
ating mga magulang. Hindi pa lamang tayo iniluluwal, alagang-alaga na nila tayo. Siyam
na buwang pagtitiis ng ating ina, magisnan lang natin kung gaano kaganda ang daigdig.
Habang ang ating ama naman ay nagpapakahirap, mapaghandaan lamang ang ating
kinabukasan. Nang tayo’y isinilang, hindi masusukat ang kasiyahang naramdaman nila.
Lumipas ang panahon, tinuruan nila tayo kung paano maglakad, magsalita, magbasa at
magsulat. Sila ang gumabay sa atin sa tamang landas. Kahit nalilito at namomoblema
kung saan kukunin ang pampaaral sa atin, ginawa nila ang lahat, mapag-aral lamang
tayo sa isang maganda at de-kalidad na paaralan. Nang tayo’y lumaki, natuto tayo kung
paano sagut-sagutin ang ating mga magulang. Natuto rin tayo kung paano suwayin ang
mga utos nila. Tila biglang nakalimutan ang mga sakripisyong ginawa nila para sa atin.
Isinawalang-bahala natin ang mga araw na halos himatayin sa pagod sa pagtatrabaho
ang ating mga magulang. Sakit at pighati lamang. Dapat nga iparamdam natin sa kanila
na naririto lang tayo handang damayan at pasayahin sila. Pero alam n’yo ba, na kahit
nasasaktan sa mga maling ginagawa at sa masasakit na salita na ibinigay natin sa
kanila ay hindi nila magawang ipagtabuyan tayo? Hindi nga talaga masusukat ang
pagmamahal nila para sa atin, na kahit talikuran, saktan at ipagtabuyan natin sila,
handa pa rin nila tayong tanggapin at mahalin. Alam naman natin kung gaano nila tayo
kamahal pero ang tanong, magbubulag-bulagan pa rin ba tayo? Sa simpleng pag-I love
you natin sa kanila, alam ninyo ba kung gaano na sila kasaya? Hindi naman tayo
gagastos kung sasabihin natin ang mga katagang iyan. Paano pa nga ba natin sila
pasasayahin? Paano pa nga ba natin masusuklian ang mga sakripisyong ginawa nila
para sa atin? Simple lang, mag-aral nang mabuti upang makatapos at magkaroon ng
diploma. Dahil ang diploma natin ay katumbas ng isang ginto para sa kanila. Yaman na
hindi mapapalitan ng kahit na ano. Yaman na katumbas ay walang hanggang
kasiyahan. Maaari rin na bigyan natin sila ng panahon na makasama tayo. Lagi nating
tatandaan na mabilis lang ang takbo ng oras. Bawat minuto o segundo ay mahalaga,
kaya habang nandyan at kapiling pa natin ang ating mga magulang, iparamdam kung
gaano natin sila kamahal at kung gaano sila kahalaga sa ating buhay. Magpasalamat
sa pagbibigay-buhay nila sa atin, lalung-lalo na sa mga sakripisyong ginawa nila,
mabigyan lang tayo ng magandang kinabukasan. Humingi ng tawad sa lahat ng ating
ginawang pagkakamali at sa mga panahong pinaiyak natin sila at ang panghuli, sabihan
sila ng mga katagang, “mahal kita” o “mahal ko kayo mama’t papa”. Salamat, patawad,
mahal ko kayo, simpleng mga salita pero katumbas ay walang hanggang kasiyahan.

BISENIO, JESSICA CAMILLE


BEED-4A

You might also like