You are on page 1of 5

Si Langgam at si Tipaklong

Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay gising na si Langgam.
Nagluto siya at kumain. Pagkatapos, lumakad na siya. Gaya nang dati, naghanap siya ng
pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita niya. Pinasan niya ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita
siya ni Tipaklong.
“Magandang umaga, kaibigang Langgam”, bati ni Tipaklong. “Kaybigat ng iyong dala. Bakit ba
wala ka nang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?”
“Oo nga. Nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon”, sagot ni Langgam.
“Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Habang maganda ang panahon
tayo ay magsaya. Halika! Tayo ay lumukso, tayo ay kumanta.”
“Ikaw na lang, kaibigang Tipaklong”, sagot ni Langgam. “Gaya nang sinabi ko sa iyo, habang
maganda ang panahon, ako ay maghahanap ng pagkain. Ito’y aking iipunin para ako ay may
makain pagsumama ang panahon.”
Lumipas pa ang maraming araw. Dumating ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa hapon at sa
gabi ay umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat, kumukulog at lumalakas ang
hangin kasabay ang pagbuhos ng malakas na ulan.
Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kawawang Tipaklong. Naalaala nilang puntahan ang
kaibigang si Langgam.
Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni Langgam. Bahagya na siyang
makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si Tipaklong.
Tok! Tok! Tok! Bumukas ang pinto.
“Aba! Ang aking kaibigan”, wika ni Langgam. “Tuloy ka. Halika at maupo.”
Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Saka mabilis na naghanda siya ng pagkain.
Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang magkaibigan.
“Salamat, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniwala sa iyo. Kailangan nga
pa lang mag-ipon habang maganda ang panahon at nang may makain pagdating ng taggutom.”
Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang maganda ang panahon ay
kasama na siya ng kanyang kaibigang si Langgam. Natuto siyang gumawa at natuto siyang mag-
impok.
Si Kuneho at si Pagong

Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong.


Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.
“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal mong
lumakad.”
Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may maipagmamalaki
din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban.
“Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro akong matatalo kita sa
palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw
bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?”
Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak
na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng
kamag-anak niya.
Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya
ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban.
Maagang-maaga dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban.
Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang makasasaksi ng isang
tunggalian.
Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na maraming kamag-anak ni
Kuneho ang nagsulputan.
Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis na
pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban.
Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang
mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang kalahatian
ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban.
Maraming naawa sa mabagal na Pagong.
“Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay, nanay, kuya,
ate, at mga pinsan.
“Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-anak ni
Kuneho.
Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-isod.
Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali upang tanawin ang
anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa
isang puno at umidlip.
Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat ng lakas
upang unti-unting makapanhik sa bundok.
Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay lalong nagsikap umisud-
isod pataas ang pawisang Pagong.
Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang matanawang
isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok.
Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang lahat sapagkat
narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay.
Si Pagong at si Matsing

Isang araw, may magkaibigang Matsing at Pagong.

Alam ni Pagong na tuso ang kaibigan katulad na lamang noong nakakita siya ng isang puno ng
saging.

Ito'y hitik na hitik sa bunga at masayang masaya si Pagong.

Ngunit namataan din agad ito ni Matsing at agad nitong inunahan si Pagong at inangkin ang
puno.

Hindi pumayag si Pagong sapagkat siya ang unang nakakita sa puno. Dahil tuso, nakaisip si
Matsing ng isang ideya.

"Hatiin natin ang puno Pagong, sa akin ang itaas na bahagi at sayo ang ibabang bahagi" saad ni
Matsing

Pumayag naman si Pagong at nakangising umalis si Matsing dala dala ang puno na may bunga.

Buong pag aakala ni Matsing ay maiisahan nya si Pagong.

Lumipas ang mga araw ay naubos na ni Matsing ang bunga at namatay ang puno ng saging.

Dali dali syang naghanap muli ng makakain.

Samantala, ang ibabang bahagi ng puno ay itinanim ni Pagong at lumipas ang mga araw ay agad
din itong namunga.

Nalaman ito ni Matsing na dismayado at gutom na gutom na umalis.

Totoo nga ang kasabihan na "Tuso man ang Matsing, napaglalamangan din"
Ang Daga at ang Leon

Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat
ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.

Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan
sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.

“Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong


masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong
kainin,” ang sabi ng daga.

Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.

“Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog ko,” sabi ng
leon.

“Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo,” sagot ng daga.

Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang


napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang
nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng nangagaso sa kagubatan.

Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad
namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na
bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.

“Utang ko sa iyo ang aking buhay,” laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.
Si Paruparu at si Langgam

Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot


ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.
“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man
lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka magsaya na tulad ko?”
“Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago
dumating ang tag-ulan.”
“Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni Paruparo.
“Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam.
“Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya ang nasa di
kalayuan.
“Sino?’ tanong ni Langgam.
“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng
proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni
Paruparo.
“A, ganoon ba?” sabi ni Langgam.
“Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi ni Paruparo.
“Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,” mababa subalit
madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.”
Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.
Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang
bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang pagkain.
Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat.
Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng
ulan.
Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana
siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid.
Aba, ano ba ang kanyang nakita?
Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya’y
dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila.
Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili:
“Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.”

You might also like