You are on page 1of 1

Jose Dale L.

Viacrucis III
FIL 20

HAIBUN

Isang Gabi sa Square

Isang baso ng alak ang hawak ko sa isang kamay, at sa kabila naman ay isang yosi na wala
pang sindi. Nandito na naman ako at iniisip ang lahat ng mga nangyari. Pero bakit ba lagi’t-lagi
ang una nating naaalala ay ang mga pilit nating kinakalimutan?

Alak at yosi
Limot ang alaala
Pansamantala.

Nakikita ko na ang numero ng kanta ko na nilalagay ko lagi sa bidyoke, 4292. Baka dito
pwede ko muna itigil ang mundo ko sa pag-ikot. Tanging inaasam ko lang naman ay malaman ang
direksyon ko at maramdaman ulit kung paano mabuhay.

Kantang inulit
Hangad lang ay ligaya
Pansamantala.

Patapos na ang gabi at nagsilabasan na ang mga wallet para sa ambagan. Nasa huling kanta
na at huling baso ng alak. Nakikita ko na ang mga tanod na naghuhudyat na sa pagpatay ng
bidyoke. Ang pagdating nila ay siya rin ang aming pag-alis, papunta sa sari-sarili naming bahay,
balik sa sari-sarili naming realidad. At ang mga pilit kong iniwan at kinalimutan sa Square, ay sila
rin ang sumama s’akin pauwi.

Lakad pauwi
Lungkot, pighati, luha
Bagong umaga.

You might also like