You are on page 1of 4

Aking Dalangin

“Panginoon sa ikatlong pagkakataon lalapit pa ako sa inyo. Sana naman po sa ikatlong


pagkakataon ay huwag niyo akong biguin. Huwag niyo pong gawing huli na ito. Iligtas niyo po sana ang
aking mahal na ina.”

Nandito na naman ako, nakaluhod sa harapan ng altar. Nananalangin na sana ay makaligtas ang
aking inang ginugupo ng isang malubhang karamdaman. Nananalig na sana sa pagkakataong ito ay
pakikinggan na ako ng Panginoon. Umaasa na hindi na ako bibiguin pa.

Katatanggal ko lang sa trabaho. Hindi ko alam kung saan kukuha ng pambayad sa ospital at
pambili ng gamot. Wala akong pagkukunan ng pera, pantugon sa pangangailangan ng aking pamilya.
Magmula ng layasan kami ng magaling kong ama ay ako na ang tumayong haligi ng aming marupok na
tahanan. Ayaw kong dumating ang panahong mapundi ang ilaw ng aming tahanan dahil sa palagay ko ay
hindi ko na kaya pang maging ilaw pa nito.

Madalas na akong nawawalan ng tiwala sa Panginoon. Sunod sunod ang bato niya ng suliranin sa
buhay ko. Sa tuwing lumalapit ako sa kanya ay wala akong tugon na nakukuha. Buti na lang at nandiyan
si Michael. Siya ang patuloy na naglalapit sa akin sa Panginoon, na kahit anong sabihin niya ay tumatagos
sa puso at isipan ko. “Hindi sa lahat ng pagkakataon ay mapagbibigyan ka ng Panginoon. May mga bagay
siyang dapat isaalang-alang upang may mas magandang bagay na mangyari.” Ang mga katagang sadyang
hindi ko makalimutan at patuloy na nagbibigay sa akin ng pag-intindi sa mga nangyayari sa paligid.

Naaalala ko pa hanggang ngayon mula ng una kaming magtagpo ni Michael, mga dalawampu’t
limang araw na ang nakakaraan ng ang ikalawang pagsubok sa buhay ko ay dumating. Umuulan ng
gabing iyon, ang gabing iniwan kami ng aking ama, habang nakaupo ako sa bench ng parke at basang
basa sa ulan. Nabigla ako at tila huminto ang ulan sa bahaging kinauupuan ko. Nang aking pagmasdan
ang paligid ay pinapayungan na niya ako. Para siyang anghel na dumating upang iligtas ako sa isang
denubyo.

“Maitatago mo sa ulan ang mga luhang pumapatak sa iyong mga mata, ngunit hindi nito
matatangay ang sakit na iyong nadarama,” ang mga salitang namutawi sa kanyang mga labi na para
bang alam ang aking pinagdadaanan.

“Anong ibig mong sabihin?” ang tanong ko sa kanya na kunwari’y hindi alam ang kanyang
sinasabi.

“Sa halip na tumakbo ka sa ulan, bakit hindi ka pumunta sa simbahan at manalangin?” ang
suhestiyon ni Michael.

“Ginawa ko na iyan pero walang nangyari. Hindi ako pinakinggan ng Panginoon!” halos pasigaw
na sabi ko sa kanya na tila ba ako’y galit na galit.
“Sa halip na ganyan ang isipin mo, isipin mo na lang na ang lahat ay nangyayari dahil may mas
magandang plano ang Panginoon,” sabi ni Michael.

“Mas maganda?” tanong ko sa kanya na nanlalaki ang aking mga mata. “Walang mas
magandang mangyayari kapag sira na ang pamilya. Sabihin mo sa akin anong mas magandang
mangyayari ngayon sa buhay ko!” galit na galit na ako at inaaway ko na siya.

“Hinihingi ng Panginoon ang iyong pang-unawa. Matuto ka sanang maghintay. Hindi sa lahat ng
pagkakataon ay mapagbibigyan ka ng Panginoon. May mga bagay siyang dapat isaalang-alang upang
may mas magandang bagay na mangyayari,”padiin na sabi niya na pilit kong inaalis sa isipan ko dahil
ayaw kong maniwala at maimpluwensiyahan niya. Iniwan ko siya at nagdesisyong uuwi na lamang kaysa
sa makinig sa mga pangaral niya.

Nais ko na sanang matulog ngunit hindi ko magawa. Tila ba mayroon pa akong hindi nagagawa.
Hindi pa pala ako nagdarasal. Nakasanayan ko ng magdasal bago matulog ngunit ngayon ayaw ko na.
hindi naman niya ako pinakikinggan. Nagsasawa na ako, ayaw ko na. Kaya pinipilit kong ipikit ang aking
mga mata. “Ang lahat ay nangyayari dahil may mas magandang plano ang Panginoon,” ang mga
katagang paulit ulit na sumisingit sa isipan ko. Naalala ko ang binata sa parke. Tama siya! Tama siya!
Hindi ko siya dapat trinato ng ganoon. Nais niya lang akong maliwanagan sa pagkakataong ito na
nabubulagan ako. Unti unti ng pumasok sa isip ko ang lahat ng mga sinabi niya at nagulat na lang ako,
nakita ko ang aking sariling nakaluhod sa harapan ng altar at hinihiling na sana’y makita ko pa ang taong
iyon.

Pagkagising ko ay nakakapanibago. Walang sigla ang lahat. Hindi pa rin sila makawala sa
kadenang iniwan ng aking ama. Nakatanikala pa rin sila sa mga pangyayari kagabi. Hindi pa rin sila
makapaniwala na iniwan na kami ng aming ama. Bigla na lang may kumatok sa pinto na umagaw ng
atensiyon ng lahat, umaasa na babalik si tatay. Pinaka-umasa sa lahat ay si ina na labis na ang
panghihina. Binuksan ko ang pinto at nakita ko ang kanilang mukhang naging dismayado ngunit nabigla
ako ng makita ko ang binata iyon. Bigla na lamang nagbago ang paligid ng makita ko ang kanyang ngiti na
kakaiba sa tumambad sa akin pagkagising ko. Napag-alaman ko na siya na ang bagong border sa isa sa
mga kwarto ng apartment sa harapan ng bahay ng namin. Kaagad akong humingi ng patawad sa mga
inasta ko. Magmula noon ay lagi ko na siyang kasama at karamay. Tumayo siya bilang sandigan ko at
matalik na kaibigan.

Kakatapos ko lang magdasal ng makita ko ang doctor ng aking inang nakatayo sa may pinto ng
chapel ng ospital. Nilapitan niya ako at sinabi ang isang balitang ikinalugmok ko.

“Sorry we tried our best, but it didn’t work,” ang sabi ng doctor.

Bigla na lamang bumigat ang katawan ko na para bang pasan ko na ang daigdig. Dahan dahan
akong lumapit sa altar at tumingin sa crucifix. “Ikaw!” turo turo ko ang imahen ng Panginoon. “Bakit mo
ba ginagawa sa akin ito? Bakit hindi mo pinapakinggan ang mga hiling ko? Naging mabuting tao naman
ako ah! Hanggang kailan mo ba ako papahirapan? Kailan ka ba mapapagod?” Hindi ako makapumiglas
bumalik na lang ang ulirat ko na yakap yakap na ako ni Michael. Pinipigilan niya ako na magsalita.
“Huwag mong sabihin iyan! May balak sa iyo ang Panginoon. Maghintay ka! Umintindi ka!”
Tulad ng dati siya lang ang tanging nakakapagpakalma sa akin. Ang mga salitang binibitawan niya ay
tumatagos sa aking puso’t isipan.

Pagkalipas ng limang araw matapos ilibing si mama. Nandito na naman ako sa parehong lugar,
oras at pagkakataon ng umalis si tatay. Itong parkeng ito kung saan ko unang nakilala si Michael, gabi at
umuulan. Sinisisi ang Panginoon sa lahat ng mga masasamang bagay na nangyari sa buhay ko habang
pinapanuod ang bawat patak ng ulan na nagmumula sa langit. Napansin ko na muling tumigil ang buhos
ng ulan sa parting kinauupuan ko. Sigurado ako nandito na naman si Michael.

“Nandito ka na naman?” sabi ni Michael.

“Bakit? Saan mo ba akong gustong pumunta?”pataas ang tono ng boses ko dahil alam ko kung
saan niya ako gustong makita at ayaw ko ang nais niya. “Sa simbahan? Para saan pa? Para muling biguin
ng Panginoon!”

“Sa tingin mo ba kasalanan ng Panginoong bumagsak ka sa final exam mo dahil hindi ka


nagreview at inuna mo pa ang panunuod ng TV? Sa tingin mo ba na kung sakaling makasama niyo pa ang
ama niyo mas magiging maganda ang samahan niyo kahit na alam niyong may iba siyang babae? At
maaatim mo bang makita ang iyong inang nagdurusa sa sakit kaysa mapunta sa langit kapiling ng
Panginoon?” ayan na naman siya nagsasalita ng mga bagay na hindi ko matanggihan. Ayaw ko ng
makinig! Kaya tumakbo ako. Hanggang unti unti ng pumapasok sa isipan ko ang lahat. Napahinto ako sa
gitna ng kalsada at humarap kay Michael na halos kasunod ko lang.

Nilapitan niya ako at sinabing “hindi dapat matakot ang tao sa kamatayan dahil kayong lahat ay
hahantong dito”. Habang kinakausap niya ako ay napansin kong may nagliwanag sa gilid namin. Nakita
ko ang isang sasakyang palapit at sa halip na tumakbo palayo ay hinawakan niya ako ng mahigpit upang
manatili sa gitna ng kalsada. “Sa inyong kamatayan ay makakapiling ninyo ang Panginoon. Manalig ka,
umintindi at maghintay,” unti unting lumiliwanag ang kanyang mukha. “May plano sa iyo ang Panginoon.
Hindi ito kaagad darating ngunit pag ito ay dumating wala ka nang hihilingin pa,” mga huling salita na
lumabas sa kanyang bibig bago niya harangin ang sasakyang papalapit.

Mula ng araw na iyon ay hindi ko na nakita pa si Michael. Sinasabing wala akong kasama ng mga
oras na halos mabangga ako. Tinanong ko rin si Michael sa namamahala sa apartment ngunit sabi ng
tagapamahala ay isang taon ng walang umuupa sa nasabing kwarto. Maging ang aking mga kapatid ay
hindi kilala si Michael. Ako lang nga ba talaga ang nakakita sa kaibigan ko? Isa nga ba siyang Anghel na
ipinadala ng Panginoon? Hindi ko man siya hiniling sa Panginoon, ipinahiram niya ang isa sa kanyang
mga anghel ng buong puso. Ito ang mas magandang plano sa akin ng Panginoon, ang mas lalong
mapagtibay ang panananalig ko sa kanya at makatagpo ng isang tunay na kaibigan.

“Panginoon patawarin niyo po ako sa aking mga pagkakasala. Naging bulag ako at tinanggihan
ko ang iyong alok na maging driver ng buhay ko. Sana po ay hindi kayo magtampo at maging driver muli
ng buhay ng sa ganoon ay masisigurado kong ako’y nasa tamang landas. Salamat po sa mga biyaya iyong
ipinagkaluob sa buhay ko.”
“Sa ngalan ng Ina, ng Anak at ng Espirito Santo. Amen.”

You might also like