Professional Documents
Culture Documents
FIL
FIL
DE LOS SANTOS
Kahulugan ng Wika
Ang wika ay bahagi ng ating kultura. Ang wika bilang kultura ay koliktibong kaban ng
karanasan ng tao sa tiyak na lugar at panahon ng kaniyang kasaysayan. Sa isang wika makikilala
ng bayan ang kanyang kultura at matututuhan niya itong angkinin at ipagmalaki.
Ang wika ay isang sistematikong balangkas ng mga sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos
sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong may iisang kultura. (Henry Gleason)
Itinuturing ang wika bilang saplot ng kaisipan; gayunman, mas angkop marahil sabihing ang
wika ay ang saplot-kalamnan, ang mismong katawan ng kasipan. (Thomas Caryle)
Ang wika ay isang kalipunan ng mga salita at ang pamamaraan ng pagsasama-sama ng mga ito
para magkaunawaan o makipagkomyunikeyt ang isang grupo ng mga tao. (Pamela Constantino
at Galileo Zafra)
Kahalagahan ng Wika
1. Ang wika ay isang masistemang balangkas dahil ito ay binubuo ng mga makabuluhang tunog
(fonema) na kapag pinagsama-sama sa makabuluhang sikwens ay makalilikha ng mga salita
(morfema) na bumabagay sa iba pang mga salita (semantiks) upang makabuo ng mga
pangungusap. Ang pangungusap ay may istraktyur (sintaks) na nagiging basehan sa
pagpapakahulugan sa paggamit ng wika.
2. Ang wika ay binubuo ng mga tunog. Upang magamit nang mabuti ang wika, kailangang
maipagsama-sama ang mga binibigkas na tunog upang makalikha ng mga salita. (Tingnan ang
ponolohiya)
3. Ang wika ay arbitraryo. Lahat ng wika ay napagkakasunduan ng mga gumagamit nito. Alam
ng mga Ilokano na kapag sinabing [balay], bahay ang tinutukoy nito. Sa Chavacano naman ay
[casa] kapag nais tukuyin ang bahay at [bay] naman sa Tausug samantalang [house] sa Ingles.
Kung sakaling hindi naintindihan ng isang tao ang isang salita o pangungusap ng isang wika,
nangangahulugan na hindi siya bahagi ng kasunduang pangkaunawaan. Ngunit kung pag-aaralan
at matututunan niya ang wika, nangangahulugang sumasang-ayon siya sa kasunduan ukol sa
naturang wika.
4. Ang wika ay may kakanyahan. Lahat ng wika ay may sariling set ng palatunugan, leksikon at
istrukturang panggramatika. May katangian ang isang wika na komon sa ibang wika samantalang
may katangian namang natatangi sa bawat wika.
Halimbawa:
Wikang Swahili – atanipena (magugustuhan niya ako)
Wikang Filipino – Opo, po
Wikang Subanon – gmangga (mangga)
Wikang Ingles – girl/girls (batang babae/mga batang babae)
Wikang Tausug – tibua (hampasin mo), pugaa (pigain mo)
Wikang French – Francois (pangngalan /fransh-wa/)
Mapapansin sa wikang Swahili (isang wika sa Kanlurang Afrika) isang salita lamang
ngunit katumbas na ng isang buong pangungusap na yunik sa wikang ito. Sa Filipino
lamang matatagpuan ang mga salitang opo at po bilang paggalang. Sa Subanon naman,
mayroong di pangkaraniwang ayos ng mga fonema gaya ng di-kompatibol na dalawang
magkasunod na katinig sa iisang pantig na wala sa karamihang wika. Sa Ingles naman,
isang fonema lamang ang idinagdag ngunit nagdudulot ng makabuluhang pagbabago.
Sa Tausug naman ang pagkabit ng fonemang /a/ ay nagdudulot na ng paggawa sa kilos
na saad ng salitang-ugat. Sa French naman, mayroon silang natatanging sistema sa
pagbigkas ng mga tunog pangwika.
5. Ang wika ay buhay o dinamiko. Patuloy na nagbabago at yumayaman ang wika. Nagbabagu-
bago ang kahulugan ng isang salita na dumaragdag naman sa leksikon ng wika.
Halimbawa: BOMBA
Kahulugan:
a. Pampasabog
b. Igipan ng tubig mula sa lupa
c. Kagamitan sa palalagay ng hangin
d. Bansag sa malalaswa at mapanghalay na larawan at pelikula
e. Sikreto o baho ng mga kilalang tao
6. Lahat ng wika ay nanghihiram. Humihiram ang wika ng fonema at morfema mula sa ibang
wika kaya’t ito’y patuloy na umuunlad. Gaya sa Chavacano, binibigkas na ang ‘ka’ na hiniram sa
Visaya bilang kapalit ng ‘tu’ at ‘bo’. Ang Filipino ay madalas manghiram gaya ng paghiram sa
mga salitang [jip, jus at edukasyon] na mula sa Ingles na [juice], [jip] at Kastilang [educaćion].
7. Ang wika at kultura ay magkabuhol at hindi maaaring paghiwalayin. Maraming salita na hindi
maisalin sapagkat wala silang katumbas sa ibang wika. Dahil sa ganitong pagkakataon,
napipilitang humiram ng salita mula sa isang wika sapagkat hindi komon ang salita sa kultura ng
wikang patutunguhan. Halimbawa, walang katumbas ang /malong/ sa Tagalog sapagkat hindi
bahagi ng kultura ng mga Tagalog ang salitang ito. Ang /lamaw/ naman ng Cebuano ay hindi rin
matutumbasan sapagkat iba ang paraan ng paghahanda ng buko ng mga Cebuano sa iba pang
komunidad sa bansa.
9. Nasusulat ang wika. Bawat tunog ay sinasagisag ng mga titik o letra ng alfabeto. Ang tunog na
“bi” ay sinasagisag ng titik na ‘b’. Ang simbolong ‘m’ ay sumasagisag sa tunog na “em”.