You are on page 1of 2

2nd draft

Makabuluhang serbisyo, hindi limos!


Pahayag ng Migrante-Philippines hinggil sa OWWA Rebate Program

Mariing tinututuligsa ng Migrante-Philippines ang Rebate Program na ipinatutupad


ng OWWA. Malaking insulto at malinaw na repleksiyon ng kawalang-puso sa
OFWs ang programang ito. Sa tagal ng kanilang paghihintay na mapakinabangan
ang pinaghirapang kontribusyon, limos lamang pala ang matatanggap nila sa
ahensiya. Pinatutunayan nito na ang tunay na minamahal at kinakalinga ng
OWWA ay ang pondo nito at hindi ang OFWs. Dagdag na naman ang programang
ito sa mga walang silbing programa ng ahensiya.
Walang patutunguhan ang labinlimang porsiyento (15%) o Php 941.25 hanggang
Php13, 177.50 na ibinibalik ng ahensiya mula sa Php 6,250 hanggang Php87,500
nakolekta nito sa OFWs na target maging benepisyaryo ng programa. Sa
pagpapamudmod Lalo lang pinatunayan ng OWWA na wala itong silbi sa OFWs

Mas mabigat pa nga ang gastos sa pamasahe at pasakit na inaabot ng mga OFW sa
masalimuot na proseso ng pagkuha ng ‘rebate’ kumpara sa pakinabang nila rito.
Matatandaang lumakas ang panawagan na maibalik sa OFWs ang kanilang
kontribusyon matapos mailantad ang kawalang-serbisyo at pakinabang para sa
kanila ng ahensiya. Makatarungan ang panawagang ito dahil kung tutuusin,
obligasyon ng gobyerno ang paghahatid-serbisyo sa OFWs at maituturing na ngang
isang malaking pagtalikod sa responsibilidad ang pagpasa ng tungkuling ito sa
kanila. Sa pagsasabatas ng RA 10801 noong 2016, binantayan ng maraming
OFWs kung paano at kailan ipatutupad ng ahensiya ang pagsasauli ng kanilang
kontribusyon.
Hindi rin maikakaila ng OWWA na ang nalikom nitong pondo ay lumago dahil
ginamit ito ng ahensiya sa iba’t-ibang iskema ng pamumuhunan sa kapakinabangan
ng malalaking negosyo sa bansa at programa ng gobyerno na hindi tumutugon sa
problema ng kahirapan sa bansa. Sa ganitong pagkakait, kailangang sagutin ng
ahensiya kung saan napunta ang hindi napakinabangang hulog ng OFWs at
kabuuang kita sa pamumuhunan nito. Ipinananawagan ng Migrante-Philippines
ang agarang pagsasagawa ng puspusan at independiyenteng audit sa pondo ng
OWWA.
Kailangang tuparin ng OWWA ang kagyat na kahilingan ng OFWs na maisauli ang
buong halaga ng kontribusyon nila sa OWWA upang makatulong sa pagbabalik
nila sa bansa.
Matagal nang inaasam ng mga OFW na makatanggap ng benepisyo na
makakaagapay sa kanilang pagre-retiro. Kung totoong mapagkalinga ang gobyerno
ni Duterte sa mga OFWs, sinuklian sana nito ang ilang dekadang pagatataguyod ng
OFW sa pamilya at bansa ng isang kommprehensibong ‘retirement program.’
Binalikat sana nito ang pagbibigay ng panlipunang proteksiyon sa OFWs at itinigil
ang kasalukuyang mapanghuthot at walang-silbing katangian nito.
Hindi papayag ang Migrante na ibulsa na lamang ng OWWA ang pinaghirapang
kontribusyon ng OFWs. Kakapit-bisig nila, ipaglalaban nito na ibalik ang
kontribusyon nila. Iimbestigahan at ibabasura nito ang walang-silbing ‘rebate
program’ ng OWWA. Ipaglalaban nito ang komprehensibong ‘retirement program’
at panlipunang proteksiyon sa lahat ng manggagawa sa ibayong dagat na
nagsakripisyo upang itaguyod ang ating bayan. ###

Ayuda, hindi limos!


OWWA contribution, ibalik!
Full audit ng OWWA funds, isagawa!
Komprehensibong retirement program pension sa OFWs, ipatupad!
Serbisyo hindi negosyo, proteksyon hindi koleksyon!

You might also like