You are on page 1of 1

Anak Pawis

Isang tao, munting taong kaharia’y nasa bukid,


May maliit na bakurang abot-tanaw ng silahis;
Nagtatanod – isang kubong kabahaya’y tila langit;
Ang libangan, halamanang sa looba’y nagtatalik;
Sa maghapon, ang kawaksi’y ang sariling mga bisig…
Munting tao, hamak lamang – iyan ako, anakpawis.

Sa kalapit na kaingin, diyan ako nagsusuyod,


Isang kawal ng paggawang nakangiti kung mapagod;
Ang ararong aking ugit, paduhapang kung humagod,
Habang yaong kalabaw ko’y hinahabol sa pag-isod;
Diyan unang nadama kong ako’y anak sa pag-irog –
Sa pag-ibig ako’y pusong nalalaang pabusabos!

Sa may hulo ng bukirin, naroon ang isang sapa,


Pakiwal pang gumigilid sa pilapil na mahaba;
Doon ako nagsasakag ng pang-ulam na sagana,
Biya, hipon, hito’t dalag na sa putik ay naggala;
Bawat isdang mahuli ko ay parakip ng Bathala,
Kung tuhugin sa pagsuyo’y pumapalag na biyaya!

Sa duluhan, nar’on naman ang tumanang nakalatagl;


Ang pakwan, nakagapang, at ang milon, nakausad;
Kalabasa’y nanulay pa sa talusok na nagkalat
Sa alalay ng masamyo at mahinhing hanging-gubat;
Diyan ako pinagpala’t nagging ganap na mapalad,
Diyan kami nagsumpaan sa lilim ng isang balag!

At sa tabon – hayan lamang… hindi lubhang kalayuan,


Kung tanawin sa dampa ko: taas pantay-noo lamang;
Diyan unang iniyupyop ang mukha ng Inang Bayan,
Nang yurakan sa pahirap ng malupit na dayuhan;
Diyan manding tinanggap ko ang halik ng aking hirang
Nang itindig ko ang punit na bandilang aking tangan!

Isang tao, munting taong kaharia’y nasa bukid,


Ang maliit na bakura’y abot-tanaw ng silahis;
Kayamanan, isang kubong napupuspos ng pag-ibig;
Ang sagisag, isang tabak ni Solimang nagngangalit;
Maghapunan, sa katawan, dugong buhay ang natigis…
Munting tao, kung hamak man – yan ako, anakpawis!

You might also like