You are on page 1of 11

PRO-CHOICE

BY: ERICZON SANTOS

“Sure ka ba na dapat kang mag-smoke?” tanong sa ‘kin ng kasama kong si Louie.

Nakasakay ako sa passenger seat ng kotse niya. Ibinaba ko ang bintana para magbuga ng

usok sa kadiliman ng gabi.

Nakatingin ako sa mga puno na nakukumutan ng dilim bago sumagot. “Bakit? I’m not

keeping the baby naman, so I guess I can smoke.”

Walang nasabi agad si Louie. Nagpatuloy lang sa pag-drive ng kotse niya.

“Sigurado ka na ba na ipapalaglag mo?” tanong niya, bahagyang nabasag ang tinig.

Ipinitik ko ang upos ng sigarilyo, humithit at bumuga. “Oo. Hindi puwedeng magbago

ang isip mo.”

“Puwede naman nating palakihin ang baby, eh,” sabi niya.

“No, we can’t. No. We can’t,” sabi ko na inis na inis. “Ilang taon ka na ba? Seventeen.

Hilaw ka pa. Hilaw pa ako.” Hinagis ko sa labas ng bintana ang sigarilyo.

“Sabi ni mommy, blessing daw ang baby, Rica,” sabi ni Louie.

Ihinilamos ko ang palad ko sa mukha ko. Tapos ay bumuntong-hininga ako. “Twenty pa

lang ako, Louie,” sabi ko sa sumusukong tinig. “Hindi pa ako handang maging nanay.”

“Rica--”

“Marami pa akong plano,” putol ko sa kanya. “Plano ko pang tulungan ang mga

magulang ko. Marami pa akong kapatid na nag-aaral. This situation will ruin everything.

Intindihin mo naman.”
“Pero--”

Nagsimulang mag-init ang mga mata ko. “Kapag sinabi ko ‘to sa mga magulang ko, it will

break their hearts.” Pinunasan ko ang mga luhang dumaloy sa magkabila kong pisngi.

“Inaasahan ako ng pamilya ko, eh. Buong akala nila, may makakatulong na sila sa

pagpapa-aral sa mga kapatid ko. Kapag tinuloy ko ‘to, paano ko sila matutulungan?”

Walang nasabi si Louie. Pinunasan niya ang mga luha niya bago tumango.

Kaibigan si Louie ng younger brother ko na si Nicolas. Madalas magpunta si Louie sa

bahay, tinatawag akong “ate.” Matagal na kong napo-pogi-an sa kanya so once I was bored,

I tried to seduce him. Noong una, tinanggihan niya ako, ate daw ang tingin niya sa ‘kin.

Nirerespeto daw niya ako. Pero natukso din siya, nadarang. At sa motel kami humantong,

tinatawag niya akong ate habang nilalabasan siya.

And then, everything was ruined.

Kaka-graduate ko pa lang. Twenty. Wet behind the ears. Hindi pa nakaka-recover from

growing pains. But now here I am, pregnant.

Alam ko na blessing ang pagbubuntis, pero marami pa akong pangarap. Marami pa

akong obligasyon. So I thought abortion was the right choice. Isa pa, magta-tatlong buwan

pa lang akong buntis. Ayon sa research ko, hindi pa buo ang anak ko. Hindi pa siya tao.

Hindi ako dapat makonsensiya.

“Pwede mo namang ipa-ampon ‘di ba?” hirit pa ni Louie.

“Pilipinas ‘to,” sabi ko. “Hindi ‘to Amerika. Hindi simple ‘yan, hindi madali.”

“Gusto mo lang kasi ‘yong madali,” sabi ni Louie na may halong inis.

“Hindi ka kasi babae. Hindi mo maiintindihan na kapag ipinanganak ko ‘to, tali na ako

dito. And besides this is my body. My body, my decision.”


Tahimik na kami habang papunta sa kilala naming abortionist sa Batangas. Dahil hindi

legal ang abortion sa Pilipinas, hindi kami puwedeng magpunta sa ospital para sa sure na

safe na abortion. Walang kaming choice kung hindi ang magpunta pa sa Batangas. May

kakilala si Louie na nagpa-abort doon. Hindi naman daw na-compromise ang health.

Liblib ang bahay na pinuntahan namin. Para siyang isang bahay na nakahiwalay sa lahat,

napaliligiran ng nagtataasang puno. Bungalow lang, mukhang natutuklap na ang puting

pintura. May malamlam na ilaw na nakikita sa bintana.

Ipinarada ni Louie ang kotse niya sa ilalim ng puno. Sabay kaming lumabas ng kotse.

Malakas ang tunog ng kuliglig sa labas, malalim.

Niyakap ko ang sarili ko dahil sa lamig. Hindi ako inakbayan ni Louie. Naglakad kami

palapit sa pinto.

Kakatok pa lang kami sa kahoy na pinto ay bigla nang bumukas iyon dahilan para

mapaatras ako sa gulat.

Sinalubong kami ng isang matandang lalaki. Matangkad, manipis ang puting buhok at

hukot ang katawan. Makakapal ang mapuputi na ring kilay. Tiningnan niya kami at biglang

sumilay ang isang ngiti sa mga labi niya. Wala na siyang ngipin, gilagid na nangingitim na lang

ang nakita namin.

Biglang humawak ang mabuhok na kamay niya sa tiyan ko at muntik na akong mapatili.

“Inaasahan ko ang inyong pagdating,” sabi niya. Naniningkit ang mga kakaiba niyang

mata. Bahagya nang namumuti ang itim doon, na para bang mabubulag na siya. “Kailangan

nating ilaglag ang batang ‘to.”

Hindi ako nakakibo. Napalunok ako. Natutok naman ang tiyan ng matanda sa tiyan ko.

Sige siya sa pagngiti na may malapot na laway na umagos sa gilid ng labi niya.
“Kailangan natin siyang patayin ngayon pa lang…” Tumitig sa ‘king muli ang matanda.

“Dahil kampon siya ng demonyo.”

Pagkasabi niyon ay umihip ang malamig at malakas na hangin. Umawit ang mga puno.

PUMASOK na kami sa loob ng bahay. Punong-puno ng mga imahen ng santo ang buong

bahay. Sa sala, sa tabi ng couch, naroon ang malaking rebulto ni Birheng Maria. Sa kabila ay

si Maria Magdalena. Para silang tahimik na lumuluha.

Kahel ang ilaw sa buong bahay. Amoy sampaguita ang lugar, pero mapanghi din at amoy

pawis. Malagkit ang sahig.

“Sumunod kayo sa ‘kin,” sabi ng matandang lalaki sa malamya niyang tinig.

Siniko ko si Louie. “Ano ‘to? Sigurado ka ba rito?” pabulong kong sabi.

“Ito ‘yon,” sabi ni Louie, may takot sa mata habang nakatitig sa likod ng matanda.

Lumapit sa altar ang matandang lalaki. Sa altar ay isang mesa na may nakapatong na

krus kung saan nakapako ang duguang rebulto ni Hesus. Nakatingala si Hesus, mistulang

nagmamakaawa sa langit. Sa gilid ng rebulto ay may mga bulaklak at kandila.

Hinalikan ng matanda ang paa ng rebulto. “Nakita ko kayo sa ‘king panaginip. Ipinakita

kayo sa ‘kin ng Panginoon.”

“May mga pagkakataong nagpapakita sa ‘kin ang Panginoon,” dagdag ng m matanda.

“Sinasabi niya sa ‘kin kung may nabuo na namang isang sanggol ng dilim. Isang sanggol na

kapag lumaki ay magdudulot ng pagluha ng mga tao.”

Lumuhod ang matanda sa harap ng altar. “Nakita kita sa ‘king panaginip, babae. At

sinabi sa ‘kin ng Panginoon na kailangan nating patayin ang sanggol ng dilim sa iyong

sinapupunan.”
Tumayo mula sa pagkakaluhod ang matanda at humarap sa ‘min ni Louie. Sa totoo lang

ay gusto ko nang umatras at umuwi. Hindi ko na nagugustuhan ang nangyayari. Sasabihin ko

na sana iyon kay Louie kung hindi muling biglang lumapit sa ‘kin ang matandang lalaki at

humawak muli sa aking tiyan.

“Babae. Babae ang iyong magiging anak,” sabi ng matanda, hinihimas ang tiyan ko.

Pumikit siya. “Sa paglaki niya ay mapapansin mong kakaiba siya. Wala siyang magiging

kalaro. Mas gusto niyang manatili sa bahay. Magiging malupit siya sa mga hayop. Sa una ay

mga insekto. Mga tutubing tatanggalan niya ng pakpak. Pero kalaunan ay mga kuting.

Tatapakan niya. Tatapakan niya hanggang lumabas ang lamang-loob.”

Hindi dumilat ang matanda, nagpatuloy sa pagsasalita. “Kapag nagdalaga siya ay

magiging maganda siya, dahil nakatadhanang maging maganda lahat ng sanggol ng dilim.

Makikipagtalik siya sa kung kani-kaninong lalaki. Aakitin niya maging ang mga pinsan niya.

Malakas at marindi ang tawag sa kanya ng laman.”

Nagtayuan ang mga balahibo ko sa narinig. Umatras ako pero agad na sinunggaban muli

ng matanda ang tiyan ko. Tapos ay nagmulat siya ng mga matang namumula na at tumitig sa

‘kin.

“Siya ang magdudulot ng sarili mong kamatayan, babae,” sabi ng matanda na hindi

inaalis ang titig sa ‘kin. “Iyon ang kanyang paplanuhin, ang magmarka sa mundo gamit ang

kamatayan. Ikaw ang unang-una niyang papatayin. Pagkatapos…” Pumikit muli ang

matanda. “Nakikita ko siyang naglalakad sa lugar n’yo… may dala siyang baril… binabaril

niya kung lahat ng makasalubong niya… pumikit ka, babae. Pumikit ka ng iyong makita.”

Hindi ko alam kung bakit ko ginawa, pero para na akong nahipnotismo ng matanda.

Pumikit ako at nakita ko ang isang babaeng duguan, nakangisi habang naglalakad nang

dahan-dahan palabas sa bahay namin. May dala siyang malaking baril sa isang kamay.
Palapit sa kanya si Aling Marta na kaibigan ng nanay ko. Matanda na si Aling Marta, puti na

lahat ng buhok. May sasabihin si Aling Marta sa babae pero biglang ipinutok ng babae ang

baril. Sumabog ang kaliwang bahagi ng bungo ni Aling Marta. Napanganga ang matanda,

humawak sa dumudugong bahagi ng ulo bago bumagsak sa lupa at nangisay.

Nagpatuloy sa paglakad ang babae at nakita ang mga batang naglalaro ng patintero sa

daan. Iniangat muli ng babae ang baril at isa-isang binaril ang mga bata. Ang ilan ay

bumagsak sa lupa, nanlalaki ang mga mata. Ang ilan na hindi natamaan ay nagmamadaling

tumakbo. May isang batang babae na binalak tumakbo pero nadapa sa lupa. Lumapit ang

babaeng duguan sa bata, tinapakan iyon sa likod.

“Mama… mama ko…” tanging nasabi ng bata habang umiiyak.

Tinutok ng babae sa ibabaw ng ulo ng bata ang nguso ng baril. Pagkatapos ay

nagpaputok.

Umiiyak pa rin ang bata. Iyak na parang nasasamid--nasasamid sa sariling dugo.

Ang ilan sa mga matatanda ay lumabas na mula sa kani-kanilang mga bahay. Nakilala ko

sila, mga kapitbahay ko na mukhang mga nagka-edad na. Nakatingin sila na puno ng takot sa

babae. Walang nakagalaw.

Nang muling iangat ng babae ang mataas na kalibre ng baril ay nagpulasan ang mga tao

pabalik sa bahay o palayo. Nag-uunahan. Nagtutulakan. Nagsisigawan.

Kasunod niyon ay ang sunod-sunod na pagputok ng baril.

Napasinghap ako, nagmulat ng mga mata. Pakiramdam ko ay sinipa ang dibdib ko.

Muntik na akong matumba kaya kumapit ako kay Louie. Nag-aalalang tumitig si Louie sa ‘kin.
Seryoso na ang mukha ng matanda. May mga luhang dumadaloy sa mukha niya

“Wakasan na natin ang buhay ng sanggol na iyan. Kampon siya ng dilim, bubulungan siya ng

demonyo, babae. Kakambal niya ang kasaman, babae.”

Gusto ko mang umalis na lang, tumakbo ay hindi ko magawa. Hindi ko maalis sa isip ko

ang nakita. Posible ba? Posible bang sinabi ng Panginoon sa matanda ng magsisilang ako ng

isang babaeng papatay ng maraming tao? Kung hindi totoo ang sinasabi ng matanda, bakit

nakita ko?

Kumapit ako kay Louie. Tumingin ako sa matanda at nag-init na rin ang mga mata sa

luha bago tumango.

SA MALAMLAM na ilaw lang ako nakatingin habang nakahiga sa kama. Nakabukaka ako,

may metal na palanggana sa pagitan ng hita ko. Pinupunasan ng kung ano-anong langis ng

matandang lalaki ang tiyan ko. Mabaho at malagkit na langis. Hindi ko iyon pinansin. Sa ilaw

lang talaga ako nakatingin.

Naririnig kong umuusal ng dasal na hindi ko maintindihan ang matanda. At bigla,

naririnig ko na parang malakas ang hangin sa labas. Humahampas sa bubong, sumisipol.

Nakaramdam ako ng takot.

Si Louie na nasa tabi ko ay pinisil ang kamay ko. Alam ko na natatakot din siya.

Mas nilalakasan ng matanda ang dasal na hindi ko maintindihan. Lalong lumakas ang

hangin.

Nagpatay-sindi ang ilaw. Muntik na akong mapatili ng sa gilid ng mata ko ay makita ko

na parang may taong anino na nakatayo sa likod ni Louie. Hindi na ko makahinga sa sobrang

bilis ng tibok ng puso ko. Umaagos na ang luha sa gilid ng mata ko.
Natapos na ang dasal ng matanda. Bigla na ring tumigil sa pag-ihip ng hangin. Narinig ko

muli ang mga kuliglig.

“Hindi na tayo mapipigilan ng hari ng dilim,” sabi ng matanda sa ‘kin, hinimas ang

mukha ko. “Mangyayari na ang dapat mangyari.”

Naramdaman ko ang malamig na bakal sa aking ari. Muli akong tumitig sa ilaw. Luhaan

ang aking mga mata.

MAY pakiusap sa ‘kin ang matanda bago kami umalis sa bahay niya.

“’Wag na ‘wag kayong lilingon,” sabi ng matanda. “Ang kasalukuyan at ang hinaharap

na lang ang isipin mo. Hindi ang ginawa mong ito. ‘Wag na ‘wag kang lilingon.”

Hinatid kami ng matanda hanggang sa labas ng bahay niya. Inaalalayan ako ni Louie

pabalik sa kotse. Nanlalambot ako.

Pero hindi ko pa rin matiis na lumingon.

At nakita ko ang matanda. Nakatayo pa rin sa harapan ng bahay niya, ihinahatid kami ng

tingin. Nakangisi sa ‘kin. Namumula ang nanlilisik na mga mata. At mayroong sungay.

Seventeen years later…

“Ma, maglalaro lang ako ah,” sabi sa ‘kin ng anak ko sa ‘kin habang nakatambay ako sa

harap sari-sari store ng kapitbahay namin.

“Sige, anak,” sabi ko. “‘Yong bimpo sa likod mo, ‘wag mong hahayaang malaglag.”

Hindi na ako pinakinggan ng anak ko. Nagmamadali na siyang sumama sa mga kalaro

niya. Napapailing na tinanaw ko na lang siya.


“Magandang bata,” sabi ng kaibigan kong may-ari ng tindahan, si Ester. “Iba talaga

kapag foreigner ang nakalahi.”

“Gaga,” sabi ko. “Pabili ngang Marlboro light.”

Inabutan niya ako ng sigarilyo. Sinindihan ko gamit ang lighter na nakatali sa railing ng

tindahan niya. “Kung gusto mo ng ganyan, magpalahi ka na rin sa foreigner. Maganda na

anak mo, baka maging grocery pa ‘tong tindahan mo.”

Kung hindi ako nagpa-abort ng twenty years old ako, hindi ko siguro nakilala si Sam, ang

Amerikano kong asawa ngayon. Hindi ko siguro napagtapos ang mga kapatid ko, hindi siguro

ako nakapunta sa iba’t-ibang bansa. Isa iyong desisyon na araw-araw ko pa ring naiisip, pero

hindi ko naman masasabing pinagsisisihan.

Minsan lang, naiisip ko kung nakita ko ba talagang may sungay ang matandang lalaking

nag-abort sa unang ipinagbuntis ko…

Nakarinig ako ng putok ng baril. Bigla ay napatuwid ako ng upo. At nang marinig ko ang

sigawan ng mga bata, pagkatapos ay sunod-sunod na putok ng baril ay bigla akong nanlamig.

“Ano ‘yon?!” gulat na sabi ni Ester.

“Mama…Mama ko…” narinig kong umiiyak na sabi ng anak ko.

Bigla ay nagtayuan ang mga balahibo sa buong katawan ko. Mula sa tapat ng sari-sari ay

tumakbo ako sa kalsada. At may nakita akong babaeng duguan, tinatapakan ang likod ng

anak ko. May hawak na baril.

Bigla ay para akong nahilo. At napapikit ako--at bigla may iba akong nakita. Isang babae

ang lumapit sa babaeng may hawak na baril mula sa likod. Gamit ang malaking bato ay

hinampas niya ang ulo ng babaeng may baril. Mabilis ang kamay ng babae. Nang bumagsak

ang namamaril ay pinulot ng babae ang nabitiwan nitong baril at sumigaw ang anak ko…
“Ate!”

At bigla ay alam ko na. Ang nakita kong duguang babae nang hawakan ako ng

matandang lalaki, hindi iyon ang anak ko. Hindi ang ipinalaglag kong anak ang papatay ng

maraming tao. Ang ipinalaglag kong anak ang itinakdang pumigil sa babaeng papatay ng

maraming tao.

“Maamaaaaa!” sigaw ng anak ko.

Nagmulat ang mga mata ko. Nakatutok na ang nguso ng baril ng babae sa ulo ng anak

ko na nakatitig sa ‘kin, luhaan. At bago pa ko makasigaw ay narinig ko na ipinutok ng babae

ang baril. Hindi lang isang beses. Tatlo.

Wakas

You might also like