You are on page 1of 1

Kaibigan, Ba’t Mo Ako Iniwan?

Bago ko simulan ang kwentong ito, nais kong mabigay paalala sa mga taga-pakinig. Ang istoryang ito ay
hindi tulad ng inaasahan ng karamihan. Hindi ito tulad ng mga kwentong mala-pantasya’t puno ng
romansa. Hindi rin ito tulad ng ibang katha na kung saan ang pangunahing karakter ang siyang bida. Maaari
nga’t siya ang sentro, pero hindi ang punto. Mga kaklase, ang kwentong ito ay tungkol sa masalimuot na
pamumuhay ng isang nilalang na nangngangalang Kalikasan.

Noong unang panahon, may isang bukod tanging Manlilikha ang naghulma sa isang napaka-espesyal
na nilalang. Siya si Kalikasan, ang nilalang na pinagkukunan ng lahat ng kayamanan sa kahariang ginawad
ng Manlilikha sa kanya. Napakaganda ni Kalikasan. Nararapat ngang tawagin siyang naiiba sa lahat ng
nilikha dahil siya ang pinakanagbibigay-buhay sa sanlibutang nababalot ng kalungkutan. Ika-nga ng mga
sumisiyasap ng mga ibon at mga umuungal na hayop, “Paano na lang ang mundo kung wala ang Kalikasan?”.

Hanggang sa isang araw, nayanig ang lahat ng mapag-alamanang abala ang Manlilikha sa paghulma
ng mga panibagong mamamayani sa mundong ibabaw. Sila ang sangkatauhan. Kumpara sa mga naunang
nilalang, namumukod-tangi rin sila dahil may angking kakayahan at talino ang mga tao na nalalayo sa iba.

Naging maganda naman ang pagsasama ng lahat na nilika. Kung dati’y pawang mga huni ng ibon,
taghoy ng hangin, at mga ungol ng hayop ang maririnig. Ngayo’y tawanan at boses ng mga tao ang nananaig.
Kasabay nito ay ang pagkakaroon ng matatawag na mga kaibigan ng Kalikasan at pagsibol ng mga siglong
halos kasiyahan at selebrasyon ang naghahari. Mas lalong tumingkayad ang kagandahan ni Kalikasan dahil
alagang-alaga siya ng mga tao. Pinapanatili ang kalinisan at ang kapreskuhan. Labis ang galak ni Kalikasan
dala ng mga taong kanyang tinuring na mga tapat na kaibigan. Sa isip niya’y, “Sa wakas, may
magpapahalaga at magproprotekta na rin sa akin.”. Pero mali pala ang akala niya.
Sa paglipas ng mga siglo, unti-unti ring nagbabago ang mga tao. Kasabay nito, ay ang simula ng
pagkalanta ng Kalikasan. Sa paglago ng populasyon ng sangkatauhan, ay siyang pag-usbong ng mga
maruruming kalat na galing sa kanila. Ang dating malinis na kapaligiran ay nababahiran na ng mga
basurang gawa mismo ng mga tao. Ang dating mga anyong-tubig na kung saan repleksyon moa ng makikita,
ngayo’y pawang basura ang sumasalamin. Ang dating alagang-alaga ay dahan-dahang napagsasawalang-
bahala. Ang dating mundo na nababalot ng purong kasiyahan ay napalitan ng mga maiingay na tunog galing
sa mga makinaryang inimbento ng mga tao. Ang dating kakampi ng Kalikasan, sa kanilang unti-unting
pagtalikod ay nararapat pa nga bang tawaging kaibigan. Na kung ihahalintulad sa isang mag-ina, na sa
paglipas ng panahon ay siyang paglayo ng isang anak sa inang kinagisnan at nagbigay-buhay dito noong
musmos pa, at ngayo’y nararamdaman na ang pagkalagas, may maaasahan pa bang mag-aalaga dito?
Katwiran ng mga tao, “Masisisi mo ba ako Kalikasan? Kung gayong nagmahal lang naman ako?”. Naluha si
Kalikasan. Ika-nito, “Oo at nagmahal ka pero hindi ba’t minahal mo rin ako bilang kaibigan? Asan na yung
kaibigan kong pinangakuan ako na aalagaan at proprotektahan anuman ang mangyari? Alam mo, hindi ko
lubos maisip kung bakit ganun na lang ang pagkahumaling niyo sa Teknolohiya’t modernisasyon ng mundo
kung gayong dahil dito’y unti-unti ko ng nararamdaman ang aking pamamalaam. Kaibigan, nararapat ka pa
nga bang maging kaibigan ko?”. Ang akala ng Kalikasan ay maliliwanagan ang mga tao. Pero muli, nagkamali
siya. Sa isip ng mga ito’y, lumayo man sila kay Kalikasan, alam nilang hindi sila matitiis nito at
magpapatuloy ang pagtulong ni Kalikasan sa mga tao gaya ng isang tapat na kaibigan na hindi nang-iiwan.
Naghinagpis ang Kalikasan. Hindi lubos matanggap na ipinagpalit siya ng mga tao sa modernong mundong
pinangarap nila. Para raw sa kinabukasan eh, kaya wala na siyang magagawa. Sa muling paglipas ng mga
panahon, dahan-dahang nalalagas ang mga luntian at bughaw. Minsan, ipinaparamdam ng Kalikasan ang
kanyang hinagpis dahil sa kataksilang naranasan pero para silang mga bulag na walang makita kung hindi
ang Teknolohiya. Sabagay, love is blind nga naman, ika nga ng mga tao.

Sa pagtatapos ng kwentong ito, mula sa labas ay tanaw ko ang masalimuot na pamumuhay ni


Kalikasan. Ang kasabikan nito na muling magbalik-loob ang mga tinuring na kaibigan. Ang paghihintay nito
sa kanilang pangakong habang-buhay na aalagaan at proprotektahan. At ang paalala, na kung saan sa
paglipas ng mga taon ay hindi pa rin sila bumalik, ang kaibigang iniwan ay unti-unting mamamaalam. At sa
pagkawala ng Kalikasan, ay ang pagdilim ng sanlibutan dahil ang Kalikasan ang siyang tanglaw ng mga may
buhay at nilalapitan ng lahat ng mga nangangailangan.

You might also like