You are on page 1of 3

Growth Session #7

PAMUMUHUNAN SA RELASYON (Investing In Relationships)

Layunin

1. Maipaliwanag ang kahalagahan ng patuloy na pamumuhunan sa relasyon sa


pamilya man o sa trabaho.
1. Mailatag ang ilang konkretong paraan ng pamumuhunan sa relasyon
upang mas patalasin ang pagkakaisa at pagtutulungan.

Sitwasyon

Alam nyo bang may isang mahalagang pag-aaral o research na ginawa ang
Harvard University sa Amerika? Ito na ang sinasabing pinakamahabang
research sa kasaysayan dahil tumagal ito ng 75 taon.

Ayon sa pag-aaral, ang pinakamasaya at pinakamalusog na mga tao ay ‘yung


namumuhunan sa relasyon.

Kapag namumuhunan ka kasi sa relasyon, kahit hindi ka mayaman, sikat o


makapangyarihan, pwedeng mapasayo ang buhay na puno ng kahulugan.

Malusog ka at masaya dahil hindi mo hinahayaan ang galit, panghihinayang at


lungkot na mangibabaw. Malusog ka at masaya dahil kahit nahihirapan o
nasasaktan, mas pinipili mong asikasuhin at pagyamanin ang iyong mga
relasyon kesa mga materyal na bagay o mga problemang lumilipas. Malusog ka
at masaya kapag kaugnayan sa kapwa at hindi laging personal mong interes ang
iyong mas pinahahalagahan.

Madali itong sabihin pero tunay na mahirap gawin. Ayon din sa research na
nabanggit, madalas daw, iniiwasan nating pag-aksayahan ng panahon ang
pamumuhunan sa relasyon. Madugo, kumplikado at mahirap kasi ang
pamumuhunan sa relasyon. Malimit, mas gusto nating palampasin ang mga isyu
o alitan na hindi nasosolusyunan o kaya, dahil mahirap makinig, umunawa o
magpatawad, mas pinipili nating magpanggap na ayos lang ang lahat.

Kaya maraming tao, sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos, sumasakit ang


ulo at sumisikip ang dibdib sa bigat ng mga pasanin sa buhay—puno ng lungkot
at sari-sari ang nararamdamang sakit—lahat dahil sa pagtanggi nating
mamuhunan sa relasyon.

Gabay-Tanong

1. Saan ginawa ang pinakamahabang pag-aaral na nabanggit ko?


2. Ano ang pangunahing resulta ng pag-aaral na ito?
3. Ayon sa karaniwang karanasan ng mga tao, madali ba ang pamumuhunan sa
relasyon?
4. Pero kung nais ba nating maging tunay na masaya at maayos ang kalusugan,
naniniwala ba kayong dapat tayong mamuhunan sa relasyon?

Leksyon

May tatlong simple pero garantisadong paraan ng pamumuhunan sa relasyon.

Ang una ay PAGTANGGAP o ACCEPTANCE.

Kapag hindi mo matanggap ang isang tao, madalas kang pinangungunahan ng


inis o galit. Mas nakikita mo tuloy ang mali at limitasyon habang nabubulag ka
naman sa mabuti o maganda sa kanya. Dahil dito, ang taong di mo matanggap,
laging takot o galit ang emosyon na nararamdaman. Sa halip na maging
inspirado na magbago at lumago, madali syang panghinaan ng loob o kaya,
nagmamatigas syang lalo dahil tutal, pakiramdam nya ay ikinahon mo na siya.

Sa kabilang dako naman, kapag tanggap mo ang isang tao, lumalaya ka sa


panghuhusga at pagkontrol sa kanya. Hindi ka man sumasang-ayon sa mga mali
niya, mas nagagawa mo siyang pakinggan, unawain, patawarin at pakisamahan
nang mabuti dahil tinatanggap mo na iba siya sa iyo . Dahil sa positibo mong
disposisyon, mas natatanggap nya rin ang kanyang sarili at mas lumalakas ang
loob niya na magbago at lumago, hindi dahil pinwersa mo siya kundi dahil
naranasan niyang hindi mo siya iniiwan.

Ang ikalawa ay PAGKILALA o APPRECIATION

Kapag sermon, paalala at banta ang laging bukambibig ng magulang, hindi


malayong lumayo ang loob ng anak sa magulang. Mahalagang balansehin ang
mga ito nang pagkilala o pag-appreciate sa mabuti at magandang ugali o
ginagawa ng anak.

Kahit sa mag-asawa o magkasintahan, madaling lumabnaw ang relasyon kung


mabilis ang pagsilip sa mali pero mabagal ang pag-appreciate sa tama. Hindi
kailangang mambola. Sapat nang ugaliin ang pagkilala sa anumang mabuti at
maganda sa karelasyon.

Ganun din sa trabaho, kung pupunahin ang sablay, dapat papansinin din ang
pagsisikap, ang mabuting intensyon, ang pulidong trabaho. Ang isang
manggagawa, doble o triple ang pagiging pursigido at pagiging inspirado sa
anumang trabaho kapag alam niyang pinagkakatiwalaan siya ng kanyang lider
at mga kasamahan at kinikilala ang mabuti nyang ginagawa.
Ang ikatlo ay PAGKALINGA o AFFECTION

Ang pagkalinga o affection ay naipapakita sa maraming paraan. Ang


karaniwang lambing o karinyo gaya ng halik, yakap, haplos ay napakahalaga sa
mga mag-asawa o ibang myembro ng pamilya, gayundin sa magkasintahan o
kahit sa matalik na magkaibigan.

Hindi ito istilo ng pagmamahal na optional o gagawin lang ng kung sino ang
komportable o sanay dito. Kung tunay kang nagmamahal, magpapasya kang
ipakita ito sa mga ganitong paraan. Lahat tayo, maging ang mga hayop,
ipinanganak na may likas na ganitong kakayahan, kailangan lang minsang pag-
aralan at pagpraktisan dahil nakalimutan o di kinasanayan. Kahit ang halamang
inaalagaan, mas yumayabong at namumunga.

Pagkalinga rin ang pag-aasikaso sa pangangailangan ng iba, pangungumusta sa


mga tao, pagngiti sa kanila, pag-akbay nang may respeto at malinis na hangarin,
pagtingin sa mata ng kausap o pagsasalita ng banayad na maaari mong gawin
kahit sa mga kasama sa trabaho o kahit sa mga bagong kakilala.

Aksyon

Ngayon, sandali tayong tumahimik at sagutin ang tanong na ito sa ating puso:

Sino-sino ang mga tao sa pamilya o sa pinagtatrabahuhan mo ang sa tingin mo


ay pinaka-nangangailangan ng iyong PAGTANGGAP (Acceptance),
PAGKILALA (Appreciation) at PAGKALINGA (Affection)?

Pagkalipas ng ilang sandali ng katahimikan, anyayahan silang ibahagi sa katabi ang


kanilang saloobin.

Mga kasama, sana ay may napulot kayong yaman sa talakayan natin ngayong
araw. Kung bugnutin ka at laging may idinadaing na sakit, posibleng ang
dahilan ay dahil hindi ka namumuhunan sa relasyon. Sa kabilang dako, kahit
may mga pinapasang problema o kahit mahirap ang trabaho, ‘pag
pinahahalagahan mo ang iyong mga relasyon sa pamilya o trabaho, mas gagaan
ang buhay mo. At me kasama pang bonus ‘yan. Hindi ka lang mas masaya at
mas malusog, mas dumadami rin ang kaibigan mo at mga nagmamahal sa ‘yo.

Tapikin natin sa balikat ang mga katabi natin at sabihin… “Brad, andito lang
ako!” Salamat po sa inyong panahon. Hanggang sa sunod nating GS!

You might also like