You are on page 1of 1

Mga Basang Unan

Noong iwan mo ako ng walang pasabi, o pangako ng pagbabalik, umiyak ako buong gabi.
Umiyak ako nang sobrang tindi; kinailangan kong ibilad sa araw ang unan ko
kinabukasan. Ang sarap pala sa pakiramdam ng patulugin ka ng sarili mong pag-iyak.
Naisip ko, hindi pinakuluang dahon ng bayabas, o alak, ang sagot sa ganitong
klaseng sakit. Luha ang pinakamabisang pang-langgas sa sugat ng puso.

Kaya… inaraw-araw ko ito.

Sinisimulan at tinatapos ko ang mga araw na binabalikan ang mga sugat na iniwan mo.
Iniisa-isa ko ang mga alaala’t hinahanap kung saan sila bumaon dito sa puso ko.
Nakakatawa. Ang akala ko noon, kung dumating man ang araw na ‘to, puro mga alaala
ng away at hindi natin pagkakasunduan ang iintindihin ko, kasi ‘yun, mahirap
gamutin; na sila, kahit ilang balde na ng luha ang aking pigain mula sa mga mata
ko, magdurugo pa rin.

Pero mas nagdurugo ako para sa mga tawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga patawa mo. Mas
nagdurugo ako sa mga yakap mo, sa kung paanong ang balat ko ay parang nalalapnos
kapag dahan-dahan mo akong hinahaplos at ang hininga ko ay nahahapo at kinakapos
kapag niyayapos kita.

Nagdurugo ako noong umalis ka, pero mas nagdurugo ako sa unang gabi na pinili mong
manatili. Nagdurugo ako noong gabing sabihin mo na ayaw mo na, pero mas nagdurugo
ako noong gabing tanungin mo ako kung pwede pa ba? Nagdurugo ako noong gabing
tinalikuran mo ako, pero mas nagdurugo ako na noong pagtalikod ko, nandun ka pa.

At nagdurugo ako. At nagdurugo ako. At nadudurog at nadudurog at nagdurugo pa rin


ako sa alaala na ikaw pa ang mas naunang nagsabi ng, “Mahal kita.”

Mahal kita. Kung titignan nang maigi ang mga salitang isinulat ng mga sugat na
iniwan mo, ‘yang dalawang ‘yan ang mababasa ko: Mahal kita. At sa inaraw-araw ng
pagbibilad kong gan’to, nagmamanhid na sila. Mahal kita. At sa dinami-rami ng luha
na pinang-langgas ko rito, naglalamig na sila. Mahal kita. At sa hinaba-haba ng
panahon na ginugol ko sa gamutan, nagmamanhid na sila. Mahal kita. At sa tinagal-
tagal nitong kumikirot sa dibdib ko, medyo nakakasanay na. Mahal kita. At sa
tinatagal-tagal ng panahon na ginugol ko sa gamutan, magsasara na sila. Magsasara,
at magiging mga pilat na paulit-ulit kong mababasa at ang parati lang sasabihin ay
mahal kita.

Mahal, kung magkita man tayong muli at tanungin mo kong muli kung pwede pa ba, ang
hihilingin ko lang sa’yo ay mga bagong unan. Dahil ang lahat ng sa akin ay akala
mo’y naulanan. Dahil lahat sila ay akin nang naiyakan at nag-iwan ng mga kwento
natin. Ayaw ko nang matulog sa mga unang basa at malunod sa pagtulog sa alaala na
mahal kita, mahal pala kita, na mahal pa rin pala kita. At sa wakas, hindi na
kasing sakit ng dati.

Pero mahal, masakit pa.

You might also like