You are on page 1of 20

IBA-IBANG ANGGULO, IISANG KURBA:

NARATIBISASYON NG MATABANG KATAWAN SA KULTURANG POPULAR

Isang papel para sa

PNTIKN 218: KULTURANG POPULAR

ni Jerome D. Ignacio

MA LIT FIL CW

1 of 20
PAMBUNGAD: MINSANG NANGARAP ANG MATABANG BATA

Minsang pinangarap kong maging artista.

Noong bata ako, madalas akong nanonood ng telebisyon kasama ang aking lola. Bawat gabi,

inaabangan namin sa ABS-CBN ang Star Circle Quest ang mga hamon na ibinabato ni Direk

Lauren Dyogi sa mga kabataang pinoy na naghahangad maging susunod na sikat na artista.

Tinangkilik ko ito noon dahil sa mala-fair-tale nitong pangako sa karaniwang manonood na katulad

ko - kahit sino, maaaring maging sikat na artista, basta’t taglay niya ang husay sa pag-arte na harap

ng kamera.

At umasa ako sa pangakong ito! Naniwala akong kayang-kaya kong maging susunod na

Nash Aguas, o hindi kaya susunod na Hero Angeles, dahil alam kong may talento ako sa pagharap

sa madla. Kilala ako sa aming pamilya bilang isang bibong bata - kayang-kayang bumuo ng maikli

at improvised stand-up comedy kung saan napapatawa at napapamangha ko ang matatanda kong

kamag-anak. Sa paaralan naman, bagaman wala kaming pangkat panteatro, inaabangan ng aking

mga kaklase ang aking mga oral at performance test dahil kadalasang mga kaabang-abang na

teatrikal na pagtatanghal ang mga ito.

Lumaki akong itinuturing ang mundo bilang isang malaking entablado kung saan ang mga

tao sa paligid ko ay ang madlang kailangan kong aliwin. Kuhang-kuha ko ang kanilang pagtangkilik

dahil sa kabila ng katabaan ng aking katawan, nakakayanan kong pukawin ang atensyon ng madla.

Nag-uumapaw sa talento at namimilog ang pisngi - bibong-bibo at kyut na kyut sa akin ang kahit

sinong makapanood sa aking munting pagtatanghal! Hindi maikakaila, puwede akong mag-artista!

Ngunit magigising din ako sa katotohanang hindi pang-artistang talento ang tunay na

hinahanap ng Star Circle Quest. Habang nanonood ng isang episode ng Star Circle Quest,

nabanggit ko sa aking lola ang aking munting pangarap, “Balang araw, magiging artista rin ako!

Magiging sikat din ako!” Ang lola ko, prangka at praktikal, ay tumugon lamang sa pamamagitan ng

mapurol na ngiti, sabay sabing, “Hindi ka bagay mag-artista! Hanggang salita lang ‘yan!”
2 of 20
Hindi ko matanggap na kayang sabihin ng lola ko iyon. Matapos ko siyang aliwin sa mga

pagbibirong ginagawa ko sa harap ng buong pamilya, sasabihin niyang hindi nababagay ang talento

ko sa pag-aartista? Hindi ko inakala na ang hinahangaan kong lola ang siyang babaril sa aking abot-

langit na pangarap, ngayo’t alam ko namang kinikilala niya ang aking talento. Hindi ako

makapaniwala!

I. NARATIBISASYON NG ARTISTAHIN SA STAR CIRCLE QUEST

Kalaunan, nagising din ako sa katotohanang nakapailalim sa pesimismo ng aking lola.

Bagaman ipinalalabas sa telebisyon na tagisan ng talento ito, may hindi binibigkas na katangiang

hinahanap ang Star Circle Quest, maging ang iba pang mga reality television show na ‘di umano’y,

“naghahanap ng angking talento.” Sa pormat ng mga palabas na ito, ipinalalabas ang naratibo ng

paghahanap ng nakatagong talento sa mga karaniwang pinoy. Sa Star Circle Quest, nagbubukas ng

awdisyon sa iba-ibang panig ng Pilipinas upang makahanap ng mga lahok mula sa iba-ibang

konteksto. Napaiigting sa ganitong moda ang naratibo na ang pangarap maging susunod na artista

ay bukas sa kahit sinong pinoy. Kinakatawan ng bawat lahok ang iba-ibang personalidad mula sa

iba-ibang pinagmulan, ngunit binibigkis ng iisang katangian - lahat sila ay mga karaniwang pinoy

katulad ng karaniwang manonood. Sa gayong naratibo, napadarama sa manonood ang paghahangad

maging artista balang araw, lalo na kung may talento naman itong taglay.

Magtatagpu-tagpo ang magkakahalong personalidad sa iisang palabas at may maumuong

iba-ibang relasyon, hindi malayo sa pagbuo ng relasyon sa tunay na buhay. Sa kabila ng iba-ibang

nibel ng relasyon, iisa lang din ang dinaranas ng bawat isa. Sapagkat natatali sila sa iisang

pangarap, ang maging susunod na sikat na artista, isinasalang sila sa iba-ibang mga hamon na

nagsisilbing palihan upang mahasa sa kanila ang iba-ibang kasanayan at kaugaliang kinakailangan

sa isang artista para sa kamera. Sa gayon naipagpapatuloy ang nasimulang naratibo ukol sa mga

karaniwang Pinoy na nangangarap - kinakailangang dumaan sa iba’t ibang pagsubok ang

karaniwang pinoy kung nais nitong maabot ang kanyang pangarap.


3 of 20
Magkakaroon ng makipot na pagkurba ang naratibong nabubuo ng Star Circle Quest

pagdating sa wakas. Sapagkat ito ay isang paligsahan, kinakailangang may tanghaling kampyon,

ang Grand Questor. Sapagkat ang Grand Questor ang nakatalo sa iba pang kalahok, ibig sabihin

may katangian siyang nakahihigit sa lahat. Dagdag pa, ang moda ng pagpili ng Grand Questor ay

magmumula parehas sa pasya ng mga hurado at sa bilang ng mga text votes (na kung

pagmumunihan, ay madaling manipulahin ng ABS-CBN upang maihatid ang naratibo sa

hantungang nais makita ng kumpanya). Mula rito, lohikal na mahinuha na kinakatawan ng Grand

Questor ang mga ideal na katangiang hinahanap ng palabas, ng kumpanyang lumikha ng palabas, at

maging ng madlang tumatangkilik ng palabas - ang katangian ng susunod na sikat na artista, ang

susunod na leading man/leading lady ng telebisyon at pelikula, ang katangian ng artistahin.

Kung papansinin ang nagwagi bilang Grand Questor at ikukumpara sa mga natalo nitong

mga kalahok, tila may lumilitaw na pakahulugan ang palabas ukol sa inaasahang katangian ng

artistahin. Sa orihinal na Star Circle Quest, si Hero Angeles ang itinanghal na Grand Questor.

Hindi nakagugulat na siya ang nagwagi. Bukod sa hindi maikakaila ang husay niya sa pag-arte, may

taglay siya na hindi taglay ng kanyang mga katunggali - ang pisikal na katangiang hinahanap sa

binatang leading man, mala-boy-next-door. Ikumpara sa nakalaban niyang si Joross Gamboa -

sadyang may maturity (katandaan) at ruggedness ang mukha niya kumpara kay Hero. Bagaman

masasabing hindi nalalayo ang angking husay ng dalawa sa pag-arte (sapagkat paano nga ba

masusukat nang eksakto ang galing dito?), sadyang mas bumagay si Hero upang kumatawan sa

naratibong binubuo ng palabas sa huli. Dagdag pa ang pagbuo ng love team sa pagitan nina Hero at

Sandara Park, na nagwagi sa ikalawang puwesto, na higit na nagpatibay sa imahen ni Hero bilang

leading man na nabibihag ang puso ng kanyang iniirog. Samakatuwid, bagaman ang Star Circle

Quest ay isang palabas na binubuksan ang pinto sa lahat ng karaniwang pinoy upang umasa sa isang

pangakong matayog, marahas din nitong sinasara ang pinto sa huli sapagkat limitado o eksklusibo

4 of 20
lamang ang pagkamit ng pangarap na ito sa mga karaniwang pinoy na nagtataglay hindi lamang ng

talento sa pag-arte, kundi ng pisikal na katangiang inaasahan sa isang sikat na artista.

Ang naratibong binubuo ng Star Circle Quest sa imahen ng artistahin, ng leading man/

leading lady, ay umaalingawngaw sa iba pang mga reality relevision show. Makikita pa ang

naratibong ito nang lubos sa isa pang reality television show na halos kasabay nitong itinanghal -

ang Little Big Star. Sa pinakaunang Little Big Star, nagwaging kampyon si Sam Concepcion, isa

pang binatang taglay ang inaasahang hitsura ng leading man - boyish, katulad ni Hero Angeles, at

mestizo - matangkad, maputi ang balat, matangos ang ilong. Dahil sa magkaparehas na katangiang

taglay, higit na napatitibay nina Hero at Sam ang naratibong ang tanging nagiging leading man, ang

maaaring maging sikat na idolo ay ang artistahin sang-ayon sa mga katangian nina Sam at Hero.

Maaalalang katunggali ni Sam Concepcion si Charice Pempengco sa patimpalak na ito.

Kumpara sa kay Sam, tila mas litaw ang lamang ni Charice kay Sam sa usapin ng talento. Bagaman

mahusay na mang-aawit din si Sam, hindi maikakaila na higit na malawak ang kayang abuting

boses ni Charice nang napananatili ang timbre nito. Gayunpaman, natalo pa rin si Charice kay Sam.

Sapagkat katulad ng Star Circle Quest ang moda ng pagpili ng kampyon sa paligsahang ito, madali

rin nating matutukoy ang ikinalamang ni Sam kay Charice. Si Charice ay maliit kumpara sa ibang

mga artistang babae. Dagdag pa, morena ang kanyang kutis. Bagaman may mga artistang morena,

kapansin-pansin ang bilugan niyang mukha - isang hugis ng mukha na hindi nakikita sa inaasahang

leading lady. Kapag pinagsama-sama ang lahat ng mga ito, makikita nating hindi pasok si Charice

sa naratibong hinuhulma ng Little Big Star, kaya’t bagaman napakahusay niyang mang-aawit, hindi

siya maaaring magwaging kampyon.

Ang Star Circle Quest, ang Litte Big Star, at marami pang ibang mga palabas, pelikula,

awit, at iba pang anyo ng kulturang popular, ay sama-samang kumakatha at nagpapataw ng iisang

dominanteng naratibo. Ang kapalaran ng isang tao ay nakaayon sa kanyang pisikal na katangian,

kung siya ba ay artistahin, kung gaano kalayo mula sa hitsurang leading man/lady ang isang tao.
5 of 20
Samakatuwid, pagtupad ng mga pangarap ang pangakong dala sa mga guwapo/maganda,

samantalang kabiguan ang naghihintay na wakas sa mga pangit.

Ngunit ano nga ba ang guwapo/maganda at ano nga ba ang pangit? Kung ikukumpara ang

hitsura ng mga artistang itinuturing na leading man/woman, may lumilitaw na pagkakaparehas sa

kanilang pisikal na katangian. Dapat matangkad, higit sa karaniwang tangkad ng pinoy. Maputi

dapat ang balat, kaiba sa kayumangging balat ng pinoy, bagaman minsan may lumulusot na

moreno’t morena. Ang pagkakahulma ng mukha ay dapat nasa hulma ng kanluraning

pagpapakahulugan sa kagandahan - bilugan ang mata, matangos ang ilong, payat ang mukha -

malayo sa hulma ng mukha ng purong pinoy. At higit sa lahat, ang pinakaunang mapapansin ng

madla, ang katawan, ay dapat balingkinitan - macho dapat ang lalaki, sexy dapat ang babae. Ganito

ang imahen ng guwapo/maganda na hinhulma ng iba’t ibang kulturang popular; ito ang

dominanteng naratibo ng guwapo/maganda.

Ipinagpapalagay kung gayon na ang nagtataglay ng mga katangiang taliwas sa mga

itinatakda bilang guwapo/maganda ay pangit. Ang maliit, ang maitim ang balat, at higit sa lahat, ang

may napakatabang katawan (morbidly obese), ay ang pangit sa dominanteng naratibo. Kung

babalikan natin ang mapait na tugon ng aking lola sa aking pangarap, mapagtatantong nagiging

realistiko lang naman talaga siya; hindi talaga ako magiging artista sapagkat hindi pasok ang

mataba kong katawan sa itinakdang pamantayan ng artistahin ayon sa dominanteng naratibo.

Itinutulak ako ngayon ng karanasang ito upang imbestigahan ang kulturang popular bilang lunan ng

pagkatha ng naratibo ng matabang katawan. Tunay nga bang nailatag na para sa mataba ang

masalimuot nitong wakas bilang pagpapatuloy sa dominanteng naratibo? O posible bang kumatha

ng kontra-naratibong makapagbibigay-liwanag sa angking pagkatao ng mataba higit pa sa kanyang

katawan?

6 of 20
II. NARATIBO NG MATABANG BABAE | LALAKI

Ilang mga bagay muna na kailangang linawin ukol sa usapin ng pagtingin sa matabang

katawan. Madalas tinitingnan ang pulitika ng matabang katawan bilang usaping pambabae. Ayon sa

pag-aaral ni Naomi Wolf ukol sa pulitika ng kagandandahan, ang patuloy na paghahari ng

pagpapahalaga sa isang partikular na pamantayan ng kagandahan ay isang epistemolohikal na

paraan ng pagkontrol ng patriarkiya sa kababaihan. Ang pagtingin sa mapayat na katawan ng babae

bilang maganda at ang matabang katawan bilang pangit ay isa lamang sa mga pagpaparamdam ng

tiantawag niyang Beauty Myth. Ani Wolf,

“The beauty myth tells a story: The quality called “beauty” objectively and universally
exists. Women must want to embody it and men must want to possess women who embody it.
This embodiment is an imperative for women and not for men, which situation is necessary
and natural because it is biological, sexual and evolutionary: Strong men battle for
beautiful women, and beautiful women are more reproductively successful. Women’s beauty
must correlate to their fertility, and since this system is based on sexual selection, it is
inevitable and changeless.” (Wolf 2002, 12)

Kalakip ng terminolohiyang Beauty Myth ang pagtingin sa kagandahan bilang isang

unibersal na pamantayang dapat makamit ng bawat babae. May ugnay ang hubog ng katawan ng

babae sa kakayahan nitong magdalantao. Kapag mas payat, mas maganda dahil mas kaya ng

katawan na magdala ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Sa kabilang dako, kapag mas mataba ang

katawan ng babae, pagpapahiwatig ito ng kawalan ng kakayahang magdalantao kaya’t nagiging

pangit ang matabang babae. Ang primitibo at baligtad na pagtingin sa katawan ng babae na

nakapaloob sa Beauty Myth ang siyang binubuwag ni Wolf sa kabuuan ng kanyang pag-aaral.

Bagaman namumukod-tangi ang proyekto ni Wolf, problematiko ang pagtingin nito sa

matabang katawan dahil sa pokus nito sa katawan ng babae lamang. Mula rito, ipinagpapalagay ni

Wolf na hindi nakararanas ng pagkontrol at pagsasantabi ang matabang lalaki.

Natugunan naman ang problemang ito ng pag-aaral ni Sander Gilman. Sa isang banda, hindi

ikinakaila ni Gilman na isyung pambabae ang matabang katawan lalo na noong dekada 70 kung

kailan nagsimulang ipaglaban ng kababaihang kanluranin ang kanilang karapatan sa sariling


7 of 20
katawan. Gayunpaman, ginigiit din ni Gilman na matatalunton sa kasaysayan na bago pa maging

isyung pambabae ang matabang katawan, higit na negatibo ang nabubuong naratibo ukol sa

matatabang lalaki hanggang sa huling bahagi ng ika-19 na siglo. Sa kabuuan, tiningnan ni Gilman

ang iba-ibang mga kultura sa bawat yugto ng panahon at kung paano nila tiningnan ang matatabang

mga lalaki. Mula sa mga matatabang mga lider at monarko ng kanluran hanggang sa representasyon

ng matabang karakter ng klasikong panitikan bilang nakadidiri at disfigured, malinaw na naipakita

ni Gilman na isyu rin ng mga lalaki ang matabang katawan. Sa katunayan, maaari ring tingnan na

may kakaibang problemang hinaharap ang matabang lalaki na mahirap ikumpara sa problemang

hinaharap naman ng matabang babae. Ani Gilman,

“Obesity eats away at the idealized image of the masculine just as it does at the idealized
image of the feminine. In this world of deviant masculinity “thinness has become
synonymous with beauty, and fatness with ugliness.” It is not “mere fat, however, that
shapes the image of these bodies. They are imagined at the far, pathological end of the
spectrum of body size. They are “obese.” (Gilman 2004, 9)

Makikita natin mula rito na ang isyu ng katawan ay usapin din ng pagkalalaki. Higit na

nabibigyan nito ng dimensyon ang ating pagtingin sa matabang katawan bilang pangit dahil sa

pagpasok ng usapin ng pagkalalaki , isa pa ngang hiwalay na kategorya na may likhang pamantayan

na ipinagpapalagay ng lahat bilang unibersal na pamantayan. Nakababawas sa pagkalalaki ang

matabang katawan ng lalaki, kaya’t nakakatha ang matabang lalaki bilang pangit.

Hindi simplistiko, bagkus napakasalimuot kung gayon, ang usapin ng matabang katawan

sapagkat hindi maihihiwalay ang usapin ng kasarian. Sapagkat magkaiba ang kasarian, may

pagkakaiba ang karanasang pinagdaraanan ng lalaki at babaeng mataba. Gayunpaman, makatitiyak

na babalik at babalik tayo sa usapin ng nabubuong naratibo sa mga imaheng nakapalibot at nag-

iimpluwensya sa atin. Anuman ang kasarian ng matabang katawan, lalaki man o babae, tila

nagagawang simplistiko ng dominanteng naratibo ang masalimuot na karanasan ng matabang

katawan dahil sa pagniniig nito sa karanasan ng mataba bilang isang monolitiko - ang mataba

bilang obheto ng panghahamak.


8 of 20
III. NARATIBO NG MATABA BILANG HAMAK SA PELIKULANG MY BIG LOVE

Mainam na simulang gamitin bilang lunsaran ng talakayan ang isa sa pinakaproblematikong

pelikulang kumatha ng naratibo ng isang matabang karakter, ang My Big Love na pinagbidahan ni

Sam Milby katambal sina Toni Gonzaga at Kristine Hermosa.

Ang My Big Love ay maituturing na pelikulang mainstream dahil bukod sa mainstream ang

mga artistang gumanap dito, mainstream din ang nag-produce ng pelikula - ang Star Cinema. Sa

kabila ng pagiging mainstream ng pelikula, kakaiba ang bumubuo sa pangkat-pansining ng pelikula

sapagkat nagmula sa indie ang direktor at mga pangunahing manunulat. Si Jade Castro, ang direktor

ng pelikula, ay nagtamo papuri at pagkilala mula sa mga kritiko dahil sa nauna nitong mga

pelikulang indie para sa Cinemalaya Independent Film Festival, ang Endo (2007), na nagkamit ng

Special Jury Price para sa nasabing paligsahan. Ang mga pangunahing manunulat naman ng iskrip

ay sina Michiko Yamamoto at Theodore Boborol, kapwa mga malaking pangalan sa industriya ng

pelikula ngayon. Noong 2008, premyadong manunulat na si Yamamoto. Kilala siya sa pagsulat ng

mga matagumpay na pelikulang Magnifico (2003), na nagkamit ng mga gantimpala mula sa

FAMAS, Gawad Urian, at Berlin International Film Festival, at Ang Pagdadalaga ni Maximo

Olivero (2005) na nagkamit ng gantimpala mula sa Cinemalaya Independent Film Festival. Si

Boborol naman ay nagsimula bilang mananaliksik na unti-unting lumipat sa pagsulat, hanggang sa

nakapagdirehe at nagkamit din ng pagkilala sa pagdirehe ng mga pelikulang mainstream na may

sensibilidad na pang-indie tulad ng Vince and Kath and James (2016).

Sa kabuuan, makikita nating walang dahilan ang pelikula para pumalpak parehas bilang

teksto at bilang produktong ikokonsumo ng madla. Kumpanyang mainstream ang lumikha at

mamumuno sa pananalastas ng pelikula, dagdag pa ang matunog na mga pangalan ng mga bidang

artista, kaya’t inaasahang kikita nang malaki ang pelikula. Sa kabila nito, inaasahan ding may

maiaambag na bagong pananaw, higit pa sa pormularyo, ang pelikula dahil ang pelikula ay nasa

kamay ng mga manunulat at direktor na nagmula sa pelikulang indie.


9 of 20
Malayo sa inaasahan ang naging bunga ng pelikula. Hindi lumampas ni umabot sa

pamantayan ng blockbuster hit - P 100,000,000 - ang kabuuang kita ng pelikula. Ayon sa Box Office

Mojo, umabot lamang ng P 73,000,000 ang kita ng pelikula. Kung ikukumpara sa mga naunang

pelikulang pinagbidahan ni Sam Milby, ito ang pinakamaliit ang kita.

Feb 15, 2006 Close to You (w/Bea Alonzo, John Lloyd Cruz) P 127,000,000*

Aug 30, 2006 You are the One (w/Toni Gonzaga) P 100,000,000**

Feb 28, 2007 You Got Me (w/Toni Gonzaga, Zanjoe Marudo) P 100,000,000**

Feb 27, 2007 My Big Love (w/Toni Gonzaga, Kristine Hermosa) P 73,000,000*

Aug 12, 2009 And I Love You So (w/Bea Alonzo, Derek Ramsay) P 89,300,000*

Nov 11, 2009 Ang Tanging Pamilya (w/Toni Gonzaga, Ai Ai Delas Alas, Erap P 79,000,000*
Estrada, Dionisia Pacquiao)

April 3, 2010 Babe I Love You (w/Anne Curtis) P 96,000.000*

* Mula sa IMBd
**mula sa https://www.philstar.com/cebu-entertainment/2008/02/25/46712/sam-toni-prove-box-office-power-ldquomy-
big-loverdquo

Lahat ng mga pelikulang kinatampukan ni Sam Milby ay nilikha ng Star Cinema, kaya’t

hindi masasabing malaki ang pagkakaiba ng pananalastas ng pelikula kumpara sa iba pang nakalista

sa itaas. Hindi rin naman maituturong mahina ang mga artista sa takilya dahil kumita naman ang

ibang pelikula ni Sam Milby higit pa sa P 100,000,000. Hindi rin masasabing mahina ang

tambalang Sam Milby at Toni Gonzaga dahil malaki naman ang kinita ng iba pang pelikulang

kinatampukan ng kanilang tambalan. Nakapagtataka na mas malaki pa ang kinita ng Ang Tanging

Pamilya, isang pelikulang gumanap si Sam Milby bilang panuportang karakter lamang.

Maaari bang nasabayan ang pelikula ng isa pang pelikulang mabigat sa takilya? Ayon sa

Box Office Mojo, hindi kailanman nanguna sa takilya ang One Big Love. Sa unang linggo pa lang

ng pagpapalabas, pumangalawa lamang ang pelikula sa Holywood flick na 10,000 B.C. Maaaring

may epekto ito lalo na at inabangang pelikula ang 10,000 B.C. noong panahong iyon. Ngunit kung

titingnan ang sumunod na linggo, mas lalong bumaba ang puwesto ng One Big Love - pang-apat na

lamang ang puwesto nito. Mas malaki pa ang kinita ng 10,000 B.C., kahit na tiyak na kumalat na
10 of 20
ang mga negatibong kritisismo ukol dito, Meet the Spartans, isang pelikulang parodiya, at Step Up

2: The Streets isang pelikulang sayawan.

Lubos na nakapagtataka na hindi kailanman nanguna ang One Big Love sa takilya. Bagaman

maaaring may epekto rin ang mga banyagang pelikulang nakasabay nito, may ipinahihiwatig ang

pagbaba ng takilya sa ikalawang linggo pa lamang. Maaaring may kinalaman dito ang word-of-

mouth na opinyon.

Isang rebyu mula kay Oggs Cruz, sa isang blogger na ngayon ay kilala na bilang manunuri

ng mga pelikula para sa rappler, ang tila nakapagparamdam sa dahilan ng paghihikahos ng pelikula

sa takilya. Kinilala ni Oggs sa kanyang rebyu ang talento at husay nina Castro at Yamamoto batay

sa kanilang mga naunang likha. Kinilala rin niya na mainstream na pelikula ito, kaya’t inasahan

niyang may ipapasok na bago ang pelikula sa pormularyo ng romantic comedy. Bagaman may mga

papuri siya para sa unang bahagi ng pelikula kung saan idinaraan sa pagpapatawa ang mga

pinagdaraanan ni Macky (Sam Milby) bilang mataba, kinilala niya ang paghulma kay Macky bilang

isang “lovable underdog, with unguarded vulnerability that is genuinely affecting.” Ngunit sa

bandang ikalawang bahagi ng pelikula, kung kailang pumayat na si Macky…

“Unfortunately, once Macky loses his weight halfway through the movie, things suddenly
become severely uninteresting. Without the prosthetics and the fat suit, Macky morph into a
completely unrecognizable character who is far less convincing, far less lovable. Macky
lost his underdog status for that legitimate leading man status characterized by good looks
and success, he turns into the quintessential cardboard character, boring and emotionally
flat. The requirements of the studio-financed rom-com formula overtakes both creativity and
logic.” (Cruz)

Malinaw mula sa iba-ibang impormasyon ukol sa produksyon at resepsyon na ang problema

ng pelikula ay hindi nagmumula sa kakulangan ng kakayahang manalastas. Nag-uugat ang

problema ng pelikula sa mismong pagkakabuo ng naratibo.

Sapagkat ang kuwento ng My Big Love ay kuwento ng isang matabang karakter at ang

kanyang dinanas na paghihirap sa buhay pag-ibig, mahalagang tingnan ang pelikula bilang isang

11 of 20
paraan ng pagkatha ng naratibo ng mataba. Ngunit anong naratibo ng mataba ang nahuhulma sa My

Big Love? Tingnan muna natin ang mismong pagpili ng aktor na gumanap sa bidang mataba, si Sam

Milby. Malayung-malayo ang katawan ni Sam Milby sa katawan ng karakter na ginagampanan

niya. Sa katunayan, kinakailangan pa niyang magsuot ng isang body suit at prosthetics para

makumbinse ang manonood na siya ay isang mataba. Dagdag pa, parehas na parehas ang naratibo

ng pagsikat ni Sam Milby sa naratibo ng pagsikat nina Hero Angeles at Sam Concepcion - sumali sa

isang reality television show, at bagaman hindi nagwagi sa Pinoy Big Brother si Sam, hindi

maikakaila na may magandang bunga ang maaga niyang paglisan sa bahay ni kuya (na waring

planado na sa simula pa!). May mga nakahilerang mga proyekto sa kanya sa labas ng bahay ni

kuya. Samakatuwid, masasabing hinuhulma na siya upang maging isang leading man bago pa siya

pumasok sa bahay ni kuya. Perpektong-perpekto ang imahen niya sa imahen ng leading man.

Kung tunay ngang naratibo ng mataba ang nais ibandera ng pelikulang My Big Love, kung

tunay ngang kuwento ng pagkamit ng pangarap ng isang underdog ang sinusubukang buuing

naratibo ng pelikula, pumalpak na ito sa proseso ng casting pa lamang. Paano magiging kuwento ng

mataba bilang underdog ang pelikula kung ang gumaganap bilang mataba, ay isang artistang

malayung-malayo sa karanasan ng pagiging underdog? Malala pa, kinakatawan pa ng aktor na

gumaganap ng mataba ang ideyal na imahen ng lalaki, ang guwapo, ang macho - ang kabaligtaran

ng mataba. Malinaw ang naratibong binubuo ng pelikula para sa matataba dahil sa pagpili ng aktor

na magsasabuhay sa kuwento ng mataba - hindi maaaring maging bida ang mataba, kahit na

kuwento mismo ng mataba ang itinatanghal!

Ipagpalagay nating matabang aktor ang gumanap sa karakter ni Macky - katulad halimbawa

ni Ryan Yllana. Sa isang banda, maaaring natugunan nito ang isyu ng representasyon, ngunit ang

mismong istruktura ng kuwento ay nananatiling problematiko. Nag-uugat ang lahat ng problema ni

Macky sa katabaan ng kanyang katawan. Ipinakita buong pelikula na hirap siyang kumilos, madalas

hingalin, kaunting lakad lang ay may nababanggang kagamitan sa paligid niya. Ikinahihiya pa niya
12 of 20
ang hitsura niya - ayaw niyang magpakita sa babaeng nililigawan niya online dahil sa takot na

mahusgahan at tanggihan. Hindi irasyunal ang kanyang takot dahil nang magpakita nga siya,

tinanggihan nga siya. Pinakitaan siya ng habag ni Ai, ang karakter ni Toni Gonzaga, ngunit ang

susunod na hakbang na gagawin nila ay ang paglusaw sa katabaang taglay niya buong buhay niya.

Isang malaking problema para kay Macky ang kanyang katawan, at ang tanging solusyon upang

malusaw ang kanyang problema ay ang pagpapapayat. Paglaon, awtomatikong naging maganda ang

buhay ni Macky nang pumayat siya. Nang makamit na niya ang katawang macho, ang imahen ng

leading man, noon lamang siya nakaranas ng paghanga. Noon lamang siya pinag-agawan ng mga

babae. Nakamit lamang ni Macky ang kanyang masayang wakas noong pumayat siya. Para

magkaroon ng tagumpay, kailangang umayon sa ideyal na katawan - ang macho.

Bagaman hindi ikinakaila ng papel na ito ang halaga ng pag-aalaga ng sariling katawan,

hindi rin maikakaila na napaiigting ng naratibo ng My Big Love ang pagtingin sa matabang katawan

bilang pangit, bilang katawang kailangang lusawin upang makamit ang iyong pangarap.

Pinakahuli, mainam na pansinin kung paano itinanghal ang pagkilos ng katawang mataba sa

punto-de-bista ng kamera. Tulad ng nabanggit sa rebyu ni Cruz, ginawang katatawanan ang mga

pang-araw-araw na paghihirap na dinanas ni Macky dahil sa kanyang matabang katawan. Sa

katunayan, tila bawat eksenang ipinakikita ang kabuuang katawan ni Macky, walang pinalampas na

pagkakataon ang pelikula upang magsingit ng pisikal na komedya upang gawing katatawanan ang

katawan ni Macky.

Sa simula, sa unang pagpapakita pa lamang ng kabuuang katawan ni Sam Milby nang

nakasuot ng body suit, pinaramdam na agad sa madla na ang kinalalagyan ng ginagampanang

karakter ni Sam Milby ay hindi kanais-nais. Pasakay dapat siya sa elevator ng condominium na

tinitirhan niya. Iyon lamang, punong-puno at siksikan ng mga tao ang elevator. Pagpasok niya,

hindi nagsara ang pinto ng elevator. Tumingin sa paligid si Macky upang tingnan kung sino ang

13 of 20
bababa, ngunit walang kumikilos. Walang ibang magawa si Macky kundi umalis ng elevator at

gamitin ang hagdanan.

Sapagkat si Macky ang may matabang katawan, siya ang awtomatikong may kasalanan

kung bakit hindi makausad ang elevator. Samakatuwid, mahihinuha na ayon sa lohika ng mga

nakasakay sa elevator, si Macky ang dapat bumaba at hindi sila. Gayunpaman, kung pag-iisipang

mabuti ang pagkakaayos ng elevator, hindi rin lohikal na umusad papunta sa palapag ni Macky ang

elevator dahil sa labis ng bilang ng mga tauhang nagsisiksikan sa elevator. Mas lohikal na isiping

nag-overload na ito bago pa man makaakyat. Ngunit hahamakin ng pelikula ang gayong lohika.

Kailangang maranasan ni Macky ang elevator na sobrang siksikan, kahit na ilohikal na umabot ito

sa palapag niya sa dami ng mga tao, upang mapakita ang nakatatawang eksena kung saan hindi

magkasya ang matabang katawan sa isang elevator. Sa gayon, napaiigting pa lalo ang naratibo ng

mataba bilang obheto ng mapanghamak na katatawanan.

Sa kabuuan, sa kabila ng hina ng pelikula sa takilya, hindi maikakailang hindi malilimutan

ang pelikulang ito sa listahan ng mga pelikulang ginampanan ni Sam Milby. Gayunpaman,

mananatiling nakatatak ang My Big Love dahil sa paggamit nito ng matabang karakter upang higit

na mapatibay ang imaheng kinakatawan ni Sam Milby, ang imahen ng tipikal na leading man,

bilang dominanteng naratibo. Sa pagtakda ng isang leading man sa papel ng mataba, sa

pagtutumbas ng matagumpay na wakas sa paglusaw ng katabaan, at sa mapanghamak na pagtatawa

sa matabang katawan napaiigting ng One Big Love ang naratibo ng mataba bilang hamak kumpara

payat.

IV. ANG KONTRA-NARATIBO NG MATABA SA MUSIC VIDEO NG DECEMBER

AVENUE

Isang malaking pagbaligtad sa mga ginamit na teknik ng My Big Love ang makikita sa music

video (MV) ng December Avenue para sa Kung Di Rin Lang Ikaw (na tatawagin nang KDLRI mula

sa puntong ito).
14 of 20
Interesante, ngunit siguradong nagkataon lamang, na sampung taon ang pagitan ng My Big

Love at KDLRI. Inilabas sa mga radyo ang kanta noong Hulyo at ipinaskil naman ang MV ng

KDLRI sa youtube channel ng Tower of Doom, isang indie na production house na lumilikha ng

MV ng December Avenue. Bahagi ng Tower of Doom din ang lahat ng mga naging bahagi ng

pagbuo ng MV - dinirehe at inedit ni Andrei Antonio, direksyon ng larawan ni Mark Antonio,

pangangasiwa ni Angela Suarez, at casting sa pamumuno nina Jaya Calapatia at Elmer Dusaban. Sa

kabila ng pagiging maliit na production house, hindi ito naging hadlang upang maging matagumpay

sa pag-abot ng malawak na madla ang nabuong MV. Agad na nag-trending ang MV sa youtube at sa

katunayan, noong Pebrero 2019, humigit na sa 100 milyong views sa youtube ang MV.

Interesante ang ilan sa mga komentong naka-pin sa opisyal MV:

15 of 20
Sari-sari ang mga komentong inilaan ng mga manonood sa MV, ngunit may lumilitaw na

pagakaparehas: 1) lahat ay nakaugnay sa naratibong binuo ng MV at 2) ang pagpapahayag na hindi

nasusukat sa hubog ng katawan ang pagiging guwapo.

Hindi nakagugulat ang koneksyong nabuo ng MV sa madla. Ang liriko ay paghihinagpis ng

isang taong kinakailangan nang bumitaw sa taong pinagbuhusan niya ng pag-ibig, kahit ayaw niya.

Umaayon ang awiting ito sa nauusong tema ng “pag-ibig na binitawan” sa kabataan ngayon - ang

hugot. Dagdag pa sa pagbuo ng koneksyon ng madla sa MV ay ang itinanghal na naratibo ng MV

na umaangkop sa hugot ng liriko. Nasa punto-de-bista ng lalaki ang buong MV. Ipinahihiwatig na

matagal na siyang nakadama ng pag-ibig para sa kanyang kaibigang babae mula pa noong sila’y

nasa elementaryo hanggang sa sila’y tumanda. Mapatutunayan ito sa photo album na iniingat-

ingatan ng lalaki. Iniisa-isa niya ang bawat larawan ng kanilang kabataan at kasabay nito,

binabalikan nila ang mga lugar na pinagkunan ng larawan upang gayahin ang hitsura nila noong

bata pa sila. Kasabay ng pagbabalik at muling pagsasabuhay ng nakaraan ang tila paghahanda ng

lalaki para sa isang romantikong selebrasyon. Pinararamdam ng MV na yayayain na niya sa kasal

ang kaibigang babae, ngunit sa huli, mabubunyag na tinulungan pala niya ang lalaking mahal ng

kaibigang babae upang ito ang magyaya ng kasal. Sa kabila ng hindi kanais-nais na sitwasyon,
16 of 20
nanatiling matalik na kaibigan ang lalaki sa babaeng pinakamamahal niya hanggang sa

pagpapakasal nito sa ibang lalaki.

Hindi kakaiba ang kuwentong hugot na taglay ng MV. Sa katunayan, sumusunod ito sa

pormularyo ng mga kuwentong pag-ibig ng isang torpe - iyong natatakot umamin sa kanyang

minamahal. Sa kabilang dako. bagaman sumusunod sa pormularyo ang naratibo ng kuwento, hindi

maikakaila na makapangyarihan ang pormularyong ito sa pagpukaw ng emosyon sa madla.

Makikita nga ito sa positibong pagtanggap ng netizen sa MV. Ang nagpapabukod-tangi sa MV ng

KDLRNI na higit na nagbigay-timbang sa pag-trending nito ay ang katangian ng bida. Hindi

purong-puro ang pagsunod sa pormularyo ng naratibo ng hugot. Sa katunayan, may kinontra itong

pormularyo na hinding-hindi makikita sa kahit saang mainstream na pelikula o telebisyon - at iyon

ay ang paglalagay ng isang matabang aktor bilang bida ng MV.

Si Baymax Magana Bayon ang bida ng MV; hindi pamilyar na pangalan, hindi katulad ng

pangalang Sam Milby sa My Big Love, dahil isang baguhang aktor si Baymax. Malaking sugal ang

paglalagay ng matabang aktor sa isang naratibong subok na at madalas nang nakikita ng madla.

May panganib na hindi tanggapin nang madla nang positibo ang matabang aktor dahil hindi pasok

sa pamantayan ng leading man ang katawan ng gumaganap sa papel ng isang leading man. Ngunit

makikita natin sa positibong tugon ng madla na higit pa ngang tumibay ang koneksyon ng

karaniwang tao dahil ang gumanap sa papel ng bida ay isang matabang lalaking hindi kilala, isang

hindi inaasahang maging bida. Katulad ng pangako ng pagiging susunod na artista ng Star Circle

Quest, at kontra sa ipinahihiwatig na naratibo ng pagganap ni Sam Milby bilang karakter na mataba,

iginigiit ng MV ng KDLRI na maaaring maging bida ang karaniwang tao, ang mataba, kahit na

labas ang kanyang pisikal na katangian sa inaasahang katangian ng leading man.

Maaaring gamitin ang naratibo mismo ng MV ng KDLRI bilang pangontra sa positibong

pagkatha ng naratibo ng mataba. Sapagkat sa huli, kasawian lang din naman ang naging kapalaran

17 of 20
ng bidang mataba, hindi naman sila nagkatuluyan ng babaeng minahal nito. Ngunit mahalagang

tingnan dito ang pagtrato ng pelikula sa karanasan ng pag-ibig at kasawian ng bidang lalaki.

Kaiba sa My Big Love, hindi kailanman nagpokus ang kamera sa katawan ng bida. Sa

katunayan, madalas naka-long-shot at medium-shot ang kamera kapag naglalakbay ang bidang

lalaki sa mga lugar na pinupuntahan niya upang maghanda para sa romantikong selebrasyon. Ang

pokus ng mata ng kamera ay hindi sa katawan, kundi sa kabuuang pagkatao ng bidang lalaki at ang

kanyang lugar sa tagpuan - isang karaniwang lalaking may simpleng pangarap - ang paligayahin

ang kanyang minamahal na kaibigang babae, at gunitain ang alaala ng kanilang kahapon. Hindi

katulad sa My Big Love, kung saan ang katawan ay nagiging ugat ng panghahamak at katatawanan

ng ibang tauhan at ng mismong madla, ang katawan ng bidang lalaki sa MV ng KDLRI ay aktibong

kumikilos upang makipagsapalaran tungo sa kanyang layunin. Walang kahit anong eksenang

nagpapakita na nagdulot ng paghihirap sa kanyang pagkilos ang kanyang matabang katawan.

Sa madaling sabi, insidental lamang sa kuwento ng bida ang kanyang katawan, at hindi ugat

ng problema. Ang tanging eksenang nagpaalala sa madla na mataba ang bida ay ang eksena kung

saan kukuha ng larawan ang magkaibigan at kinurot ng kaibigang babae ang pisngi ng bida. Ngunit

mahalagang tingnan ang pagkurot ng pisngi hindi bilang akto ng paghahamak, kundi bilang akto ng

pag-ibig, ng pagiging sanay at komportable ng kaibigan sa kaibigan. Samakatuwid, napaiigting dito

ang naratibo ng matabang katawan hindi bilang pinagmumulan ng panghahamak kundi ng

pagmamahal.

Hindi maikakaila na kasawian ang naging hantungan ng bida ng KDLRI. Kabaligtaran ito ng

“matagumpay” na wakas ni Macky sa My Big Love. Kaugnay ng baligtaran na kapalarang ito ng

dalawang matabang karakter ang kabaligtaran ng naratibong nililikha ukol sa mataba. Sa My Big

Love, problema at kasawian ang dala ng matabang katawan, kaya’t ang tanging solusyon upang

makamit ang matagumpay na kapalaran ay ang paglusaw ng matabang katawan. Sa kabilang dako,

may nabubuong ilang mga kontra-naratibo ang MV ng KDLRI. Una, maaaring maging bida ang
18 of 20
matabang karakter; katulad ng kahit sinong leading man sa isang kuwentong hugot, maaari ring

magkaroon ng kuwentong hugot ang mataba nang hindi kinakailangang gamitin ang katawan bilang

lunsaranng problema. Ikalawa, hindi nasusukat ang pag-ibig sa relasyon; may pag-ibig na handang

magparaya handang bitawan maging ang sariling pagnanais, alang-alang sa parehas na ikauunlad ng

sarili at ng minamahal - at kaya itong katawanin ng isang matabang karakter.

V. PANGWAKAS: ANG PAGKATHA NG NARATIBO NG MATABANG KATAWAN

Sa huli, maaaring ituring na antitesis ng My Big Love ang MV ng KDLRI dahil kabaligtaran

ng mga nabanggit na taglay na katangian ng pelikula ang makikita sa MV. Sa isang banda,

pinatitibay ng pelikulang My Big Love ang dominanteng naratibo ukol sa mataba bilang obheto ng

katatawanan at panghahamak at bilang tauhang kasawian ang kapalaran dahil sa matabang katawan.

Sa kabilang banda, nagsusulong ang MV ng KDLRI ng isang kontra-naratibong nagsusumikap

gawing higit na humanisado ang mataba. Nakapagbubukas ang MV ng mapagpalayang naratibo

para sa mataba - ang mataba bilang isang taong may ahensya at kakayahang lampasan ang sariling

pisikal na balakid, isang taong hindi nakukulong at hindi nagpapakulong sa inaasahang kilos at

gampanin ng mataba. Sa kontra-naratibong ito, lumalaya ang mataba sa kanyang sariling katawan;

higit pa ang mataba sa kanyang katawan - siya ay ganap na tao.

VII. TALASANGGUNIAN

Constantino, Brianne. “December Avenue and Moira Reach Youtube Milestone for “Kung ‘di Rin

Lang Ikaw” Music Video.” Myx: Your Choice, Your Music. https://myx.abs-cbn.com/

features/17503/december-avenue-moira-100m-youtube-views (accessed November 9, 2019)

Cruz, Oggs. “My Big Love.” Lessons from the School of Inatttention: Ogg’s Movie Thoughts.

http://oggsmoggs.blogspot.com/2008/03/my-big-love-2008.html (accessed November 9,

2019)

Farrel, Amy Erdman. Fat Shame: Stigma and the Fat Body in American Culture. New York: New

York University Press, 2011.


19 of 20
Gilman, Sander L. Fat Boys: A Slim Book. Nebraska: University of Nebraska Press, 2004.

IMDb. “My Big Love (2008).” IMDb. https://www.imdb.com/title/tt1132472/?ref_=ttfc_fc_tt

(accessed November 9, 2019)

IMDbPro. “My Big Love.” Box Office Mojo. https://www.boxofficemojo.com/release/

rl633242625/weekend/ (accessed November 9, 2019)

IMDbPro. “Philippine Box Office for 2008.” Box Office Mojo. https://www.boxofficemojo.com/

year/2008/?area=PH (accessed November 9, 2019)

Philstar Global. “Sam, Toni To Prove Box Office Power With “My Big Love. ” Philippine Star.

https://www.philstar.com/cebu-entertainment/2008/02/25/46712/sam-toni-prove-box-office-

power-ldquomy-big-loverdquo (accessed November 9, 2019)

“The Official Music Video for “Kung ‘Di Rin Lang Ikaw” by December Avenue has Just Been

Released. Brace Yourselves.” Tower of Doom. https://towerofdoom.net/december-avenue-

kdrli-music-video/ (accessed November 9, 2019)

TOWERofDOOM. “December Avenue feat. Moira Dela Torre - Kung 'Di Rin Lang Ikaw

(OFFICIAL MUSIC VIDEO)”. September 22, 2018. https://www.youtube.com/watch?

v=P1pwbnzbe7g

Wolf, Naomi. The Beauty Myth: How Images of Beauty are Used Against Women. New York:

HarperCollins Publishers Inc, 2002.

20 of 20

You might also like