Nitong mga nakaraang linggo ay patuloy na may naitatalang kaso ng dengue sa
Brgy. Coral, Paniqui, Tarlac. Ayon nga kay Mrs. Lydia— isang nars— ang Brgy. Coral nga raw ang mayroong pinaka maraming naitatalang kaso ng dengue sa buong Paniqui sa kasalukuyan ngayong taon. Nagsimula ang pagkalat ng lamok na nagdadala ng virus na dengue kasabay ng tag- ulan at maaaring patuloy itong lalaganap kung babalewalain natin. Kaya nga ang butihing punong-guro ng Mababang Paaralan ng Coral na si Ginoong Jonjon Generao ay nagsagawa ng pagpupulong kasama ng mga guro at mga magulang ng mga estudyante ng Paaralan tungkol sa dengue noong __/__/__. Ayon pa nga sa kanya naniniwala raw siya na ang pinaka mabisang panglaban upang masugpo ang sakit na ito ay ang pagkakaroon ng kaalaman ukol dito. Kaya ano nga ba ang dengue? Ang dengue ay isang virus na kinakalat ng mga babaeng lamok na tinatawag na Aedes. Ang virus na ito ang nagiging sanhi ng komplikasyon sa biktima ng Aedes mosquito. Ngunit ang maagang pagkapansin ng mga sintomas at maagap na pagsusuri o diagnosis ay makakatulong upang maagapan na malabanan at masugpo ang komplikasyon ng virus at upang maiwasan na rin ang paglala. Ang mga pangunahing sintomas ng dengue ay ang pagkakaroon ng biglaang mataas na lagnat na umaabot sa 41 degree C, sakit sa ulo, pananakit ng kalamnan, pagkakaroon ng mga pasa sa katawan, pagsusuka, at lagnat na pabalik balik sa loob ng isang linggo. Maaaring magpakonsulta agad sa Doktor kung makaranas ng dalawa o higit pa sa mga sumusunod na sintomas upang maagapan at hindi na humantong pa sa mas malalang kaso ng dengue na tinatawag na dengue hemorrhagic fever. Ilan sa mga senyales ng dengue hemorrhagic fever ay ang pagdurugo ng ilong, bibig, at gilagid; pagsusuka ng dugo at pagdurumi ng maitim; matinding sakit ng tiyan, at senyales ng pagkagimbal. Upang makaiwas sa dengue ay kailangang siguraduhin na malinis ang kapaligiran at walang nakaimbak na tubig na maaaring pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue. Maaari ring gumamit ng kulambo kapag matutulog at ugaliing gumamit ng lotion na pangontra sa lamok. Walang gamot sa virus na dengue ngunit maaari itong pahupain sa pamamagitan ng pagkontra sa mga sintomas o ang tinatawag na symptomatic treatment. Sinasabi rin na ang katas ng dahon ng papaya ay mabisang pangontra sa sintomas ng dengue. Ilan lamang ito sa mga dapat nating malaman tungkol sa nakamamatay na virus na ito kaya napakahalagang malaman ng bawat mamamayan ng Coral, Paniqui, Tarlac kung ano ang dengue at kung paano maiiwasan ito upang bumagsak ang dami ng mga nagkakasakit ng dengue. Sa tamang kaalaman, dengue ay maiiwasan. -AValdez