You are on page 1of 8

TALUMPATI NI BENIGNO AQUINO

Isang malugod na pagbati sa magigiting na kalalakihan at kababaihan na nagsisilbing lakas ng


Hukbong Dagat ng Pilipinas. Isang karangalan na makasama ang lahat ng bumubuo ng Philippine
Navy, mula sa hanay ng Philippine Fleet at ng Philippine Marine Corps. Sa ating pagdiriwang,
sabay tayong nagpapaalam at nagbibigay-pugay sa isang tapat na pinuno. Narito rin tayo upang
bigyan ng mainit na pagsalubong sa bagong pinuno ng ating hukbong-dagat. Hudyat po ito ng
isang bagong pag-asa sa inyong hanay, isang panibagong pagbubukas para sa mas maunlad na
pagbabago.
 
Subok na ang kasanayan sa pamumuno at galing sa pamamalakad ni Rear Admiral Danilo Cortez
bago pa niya tanggapin ang katungkulang kanyang huling ginampanan. Sa loob lamang ng walong
buwan, buong-pagpupursiging inilapit ni Rear Admiral Cortez ang Navy sa katuparan ng inyong
tunguhin: ang maging isang hukbong matatag, may paninindigan, at tinitingala ng lipunan. Tapat
sa kanyang panata, itinuon ni Admiral Cortez ang kanyang pamumuno sa pagsusulong ng mga
angkop na programa sa ilalim ng inyong roadmap—ang Navy Strategic Sail Plan 2020. Isa po dito
ang pagpapabuti sa Coast Watch South Initiative. Gamit ang estratehiyang ito, mababantayan at
mapoprotektahan po natin ang Sulu at Celebes Sea na pumapalibot sa Malaysia at Indonesia. Sa
inisyatibang ito, haharangin natin ang masasamang elemento sa paglabas-masok sa ating
teritoryo.
 
Sa pakikiisa rin ng inyong hanay sa Department of National Defense, napaigting natin ang mga
hakbangin tungo sa implementasyon ng Coast Watch System na bahagi ng modernisasyon ng
Armed Forces of the Philippines. Kaugnay nito, mayroon na tayong labing-apat na Coast Watch
Stations na buo ang kapasidad na mangalap ng mahahalaga at napapanahong datos upang mas
mahusay na mabantayan ng Philippine Navy ang ating teritoryong pandagat.
 
Kinikilala din po natin ang mahahalagang kontribusyon ng Navy sa pagpapatatag sa ating
lipunan sa pamamagitan ng inyong disaster response at humanitarian relief efforts. Sa panahong
nabalot ang ating bansa sa kadilimang dulot ng kalamidad, kayo ang nagsilbing liwanag sa
maraming Pilipino. Kapuri-puri rin po ang naging tagumpay ng Navy Task Group Amianan
Recovery para makabalik sa normal na buhay ang mga apektadong residente ng Isabela matapos
humagupit ang bagyong Juan nitong Oktubre. Maraming salamat sa inyong di-matatawarang
dedikasyon na bigyan ng proteksyon ang ating mga kababayan sa oras ng pangangailangan.
 
Kasabay nito, nais ko ring bigyan ng karampatang pagkilala ang maigting na pagpapatibay ni
Rear Admiral Cortez sa ugnayan ng Navy sa iba pang maritime authorities, lalo na sa iba pang
bansang nangangalaga sa kaligtasan ng Asya-Pasipiko. Dahil dito, napabuti ang pagkakaisa ng
iba’t ibang bansa upang labanan ang mga maritime threats sa karagatan. Dahil sa mga
pinangunahan niyang reporma, tulad ng pagdadaos ng mga pagsasanay at talakayan, naisabuhay
ninyo ang diwa ng demokrasya sa inyong ahensya—ang pagkakaroon ng malinaw na hangarin at
patakaran ng nasa katungkulan at ang paglilingkod nang tapat sa sinumpaang tungkulin.
 
Sa pagsasara ng tatlumpung taon ng mayamang panunungkulan ni Rear Admiral Cortez sa
hukbong dagat, kanya namang ipapamana ang ehemplo ng mabuting pamamahala sa kahalili
niya sa posisyon na si Rear Admiral Alexander Pama. Isang beterano sa mga kampanyang
tumutugis sa Abu Sayyaf, napatibay niya ang pagdepensa ng pwersang pandagat sa kanlurang
bahagi ng Mindanao. Tapat at buong tapang rin siyang nanilbihan mula 2008 hanggang 2010
bilang commander ng ating Naval Forces sa Western Mindanao at kasabay nito, ng Joint Task
Force Trillium, na siya ring tumutugis sa Abu Sayyaf sa Basilan at Zamboanga. Dahil nga dito,
kinilala natin ang kanyang di-matatawarang serbisyo-publiko sa pagpaparangal ng
Distinguished Service Star Award noong ikapitumpu’t limang anibersaryo ng AFP nitong
Disyembre. Pinatunayan ni Rear Admiral Palma ang kanyang kakayahang pangunahan ang ating
hukbong-dagat, at ikinalulugod kong matiwasay na maipapasa ang pinakamataas na
katungkulan ng inyong hanay sa isang mapagkakatiwalaan at maaasahang pinuno.
 
Kasama ang sambayanang Pilipino, umaasa akong maipagpapatuloy mo ang kahusayan at sipag
na ipinamalas ng iyong sinundang pinuno. Makakaasa ka sa suporta ng aking administrasyon,
nasa harap niyo ako, sinusuong din ang mga hamong dapat pa nating lampasan. Sa ating
bayanihan at sama-samang pagkilos nang may iisang layunin at direksyong tinutungo, balewala
ang banta ng terorismo, mabilis tayong makakabangon sa hagupit ng kalamidad, at madali nating
magagapi ang mga kalaban nating ayaw makiisa sa ating pagsisikap na matupad ang pagbabago.
 
At para sa buong puwersa ng ating hukbong dagat: saludo ako sa pagtupad ninyo sa inyong
tungkuling protektahan ang ating teritoryo, nariyan man ang mga balakid tulad ng mga
pinaglumaang barko at kakulangan sa ilang mahahalagang kagamitan.  Asahan po ninyong
doble-kayod din ang inyong gobyerno upang makahanap pa ng maiinam na paraan upang
mapabuti ang mga ito at maipagpatuloy ang integridad ng ating hukbong-dagat.
 
 Malaki ang aking kumpiyansa na habang pinapalakas natin ang inyong hanay at isinasaayos ang
inyong mga kagamitan, patuloy ninyong mapapangalagaan ang kaligtasan ng ating karagatan,
lalo na sa mga isinasagawang petroleum exploration sa Kalayaan Island Group, Malampaya,
Palawan, Mapun at Sulu. Patunay ito sa malaking ambag ng inyong hukbo, hindi lamang sa
aspektong pangkaligtasan ng ating bansa, kundi maging sa pagpapalakas sa potensyal ng ating
pambansang ekonomiya.
 
Hindi kailanman masusuklian ng anumang halaga ang inyong pagsusumikap na ipagtanggol ang
ating bayan. Kaya naman pinipilit nating makabawi sa inyong sakripisyo, sa abot ng ating
makakaya. Kaya naman po hindi lamang bagong taon ang ipinagdiwang ng mga sundalong
rumeresponde sa mga lugar na balot pa rin ng tensyon. Sumalubong din po sa kanila ang
karagdagang combat allowance na nagkakahalaga ng 260 pesos. Sa madaling sabi, kapag
ipinatong ito sa kasalukuyang 240 pesos na combat pay, limandaang piso na po ang matatanggap
na kabuuang sustento ng ating magigiting na sundalong nagtataya ng kanilang buhay sa
pagsabak sa mga combat operations. Muli, kakarampot lamang po ito kung itutumbas sa inyong
mga sakripisyo. Pero kung may paraan naman po tayong dagdagan ang inyong benepisyo, bakit
naman po namin ito ipagdadamot sa inyo, hindi po ba? At tuloy-tuloy na po ito. Mula sa armas,
hanggang sa mga barko; mula sa mga benepisyong pangkalusugan, hanggang sa mga pabahay,
titiyakin nating makakatanggap ng sapat na pabuya at sustento ang ating hukbong-dagat.
 
Sa ating panunungkulan, sinisikap nating muling buhayin sa lahat ng kawani ng gobyerno ang
ating panata para sa mabuting pamamahala. Sa pagharap natin sa panibagong taon at
panibagong pamumuno sa inyong hanay, manatili sanang maging gabay natin ang nasilayan
nating liwanag ng pag-asa buhat nang tahakin natin ang tuwid na daan. Sa pagpapaningas pa ng
liwanag na ito, unti-unti nating nahahawi ang kadiliman kung saan namayani ang panganib dulot
ng katiwalian at kahirapan. Nasa katayuan na tayo upang mangarap muli, nasa atin na ang
epektibong sandata upang magwagi: ang tuluyang maibalik ang nawalang tiwala ng publiko sa
ating kakayahang paunlarin ang bayan. Nawa’y huwag nating bibiguin muli ang mga Pilipino. Sa
gabay ng liwanag, sama-sama nating muling ibangon ang dangal ng ating hukbong pandagat, ng
sandatahang lakas at ng sambayanang Pilipino.
 
Maraming salamat at mabuhay po tayong lahat.
TALUMPATI NI PANGULONG RODRIGO DUTERTE

Pangulong Fidel Ramos, sir, salamat po sa tulong ninyo upang maging Pangulo ako; Pangulong Joseph
Ejercito Estrada; Pangulo ng Senado Franklin Drillon at mga miyembro ng Senado; Ispiker Feliciano
Belmonte at mga miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan; Punòng Mahistrado Maria Lourdes Sereno
at mga Kawaksing Hukom ng Korte Suprema; Kagalang-galang Guiseppe Pinto at mga miyembro ng
Diplomatic Corps; mga bagong hirang na miyembro ng Gabinete; mga kapuwa manggagawa sa pamahalaan;
mga kababayan.

Walang pinunò, gaano man siya kalakas, ang magtatagumpay sa anumang bagay na mahalaga o
makabuluhan sa bansa kung wala siyang suporta at kooperasyon ng mga mamamayan na tungkulin niyang
pamunuan at sinumpaang paglilingkuran.

Sa mamamayan kumukuha ng lakas ang mga pamahalaang demokratiko at isa na rito ang administrasyong
ito. Kayâ kailangan nating pakinggan ang mga hinaing ng mamamayan, damhin ang kanilang mga pulso,
ipagkaloob ang kanilang pangangailangan, at patibayin ang kanilang paniniwala at pagtitiwala sa atin na
iniluklok nilá sa ating mga katungkulan.

Marami sa atin ang nagsabi na ang mga suliraning sumisira sa ating bansa ngayon na kailangang matugunan
kaagad ay korupsiyon, kapuwa sa matataas at mabababàng antas sa pamahalaan; kriminalidad sa
lansangan, at ang laganap na bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa lahat ng panig ng lipunang Filipino, at
ang kawalan ng paggálang sa batas at kaayusan. Totoo, bagaman hindi ganap na totoo. Sapagkat para sa
akin ang mga suliraning ito ay mga palatandaan lámang ng isang malubhang sakít ng lipunan na sumisira at
dumudurog sa katatagang moral ng lipunang Filipino. Sa palagay ko, may suliranin na mas malalim at mas
mabigat pa kaysa alinman sa mga nabanggit o kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng iyon. Ngunit
mangyari pa, hindi na kailangan pang sabihin na isasantabi natin ang mga iyon sapagkat kailangang
masugpo ang mga iyon sa anumang paraang ipinahihintulot ng batas.

Ang pagguho ng paniniwala at tiwala sa pamahalaan—iyan ang tunay na suliranin na dapat nating harapin.
Nagbubunga ito ng pagguho ng tiwala ng mamamayan sa liderato ng bansa; ng pagguho ng tiwala sa
sistemang hudisyal; ng pagguho ng kompiyansa sa kakayahan ng mga lingkod-bayan upang mas maging
maayos ang búhay ng sambayanan, maging mas ligtas silá, at mas malusog.

Totoó, ang problema natin ay problema ding nagpapahinà sa espiritu ng tao. Subalit hindi pa hulí ang lahat.
Alam ko na may hindi sumasang-ayon sa aking mga paraan sa pagsugpo ng kriminalidad, sa pagbebenta at
paggamit ng ipinagbabawal na gamot, at sa korupsiyon. Sabi nilá ang ganitong pamamaraan ay lihis sa
karaniwan at nása bingit ng pagiging ilegal. Nais kong sabihin ito bilang tugon: Nakita ko kung paano sairin
ng korupsiyon ang pondo ng bayan, na inilaan upang iahon ang mahihirap mula sa lusak na kanilang
kinasadlakan.

Nakita ko kung paano wasakin ng mga ipinagbabawal na gamot ang mga indibidwal at durugin ang mga
relasyong pampamilya.

Nakita ko kung paanong ang kriminalidad, sa lahat ng paraang magdaraya, ay hinahablot sa mga inosente at
di-mapaghinala ang maraming taon ng pagtitipid para makaipon. Mga taon ng pagsisikap upang, bigla,
bumalik silá kung saan nag-umpisa.
Tingnan natin ito mula sa ganitong pananaw at sabihin ninyo sa akin kung ako ay mali.

Sa labang ito, hinahámon ko ang Kongreso at ang Komisyon sa Karapatang Pantao at ang ibá pa na
mayroong kahalintulad na gawain upang pahintulutan kami sa isang uri ng pamamahala na umaalinsunod sa
itinatadhana ng batas. Magiging malupit ang labang ito at kailangang tuloy-tuloy.

Bilang abogado at dating tagausig, batid ko ang hanggahan ng kapangyarihan at awtoridad ng pangulo.
Alam ko kung ano ang legal at kung ano ang hindi.

Ang katápatan ko sa wastong proseso at pananaig ng batas ay hindi matitinag.

Gawin ninyo ang inyong trabaho at gagawin ko ang trabaho ko. “Malasakit. Tunay na Pagbabago. Tinud-
anay nga Kausaban”– ang mga salitâng ito ang naghatid sa akin sa pagkapangulo. Ang mga islogang ito ang
nása aking isip hindi lámang para sa tanging layuning makuha ang boto ng mga botante. “Tinud-anay nga
kabag-uhan. Mao kana ang tumong sa atong panggobyerno (Tunay na pagbabago. Dito patungo ang ating
gobyerno).”

Higit pa kaysa pagkuha ng boto. Ito ang mga sigaw ko sa pakikipaglaban sa ngalan ng mga táong uhaw na
uhaw sa tunay at makabuluhang pagbabago. Subalit ang pagbabago, kung nais na maging permanente at
makabuluhan, ay dapat na magsimula sa atin at sa ating mga sarili.

Sa salita ni F. Sionil Jose, naging pinakamalupit na kaaway natin ang ating sarili. Dahil dito, dapat na may
tapang táyo at pagkukusang baguhin ang ating mga sarili.

Ang pag-ibig sa bayan, pagpigil sa mga personal na interes alang-alang sa kabutihan ng lahat, malasakit sa
mahihinà at maralita—kasáma ang mga ito sa mga hálagáhang naglaho na at nagmaliw, at nais nating
maibalik at mapalakas muli sa pagsisimula ng ating paglalakbay túngo sa mas mabuting Filipinas. Magiging
mahirap ang paglalakbay na ito. Subalit halina’t samáhan pa rin ninyo ako. Magkakasáma, magkakabalikat,
nating isagawa ang unang mabubuway na hakbang sa hangaring ito.

May dalawang kasabihan mula sa mga pinagpipitaganang tao na magsisilbing pundasyon ng


administrasyong ito.

“Ang pagsúkat sa gobyerno ay hindi kung nakapag-ambag táyo sa kasaganaan ng mga mayaman; ang
sukatan ay kung natulungan natin ang mga naghihikahos.” – Franklin Delano Roosevelt.

Mula naman kay (Abraham) Lincoln, nais kong hugutin ang pahayag na ito: “ Hindi mo mapalalakas ang
mahinà sa pamamagitan ng pagpapahinà sa malalakas; Hindi mo matutulungan ang mahirap sa
pamamagitan ng pagsira sa kalooban ng mayayaman; Hindi mo matutulungan ang sumasahod sa
pamamagitan ng paghila pababâ sa nagpapasahod; Hindi mo maitataguyod ang kapatiran sa pamamagitan
ng pagpukaw ng pagkamuhi sa mga uri sa lipunan .”

Ang aking mga patakarang ekonomiko, pinansiyal, at politikal ay nakapaloob sa mga pahayag na iyon, kahit
pa isinalin sa malawakang paraan. Matuto kayong magbasá. Hindi ko na kailangang magtungo sa mga
detalye. Ibibigay ang mga ito sa inyo sa takdang panahon.
Kayâ, inaatas ko sa lahat ng mga kalihim ng kagawaran at punò ng ahensiya na bawasan ang mga rekisito at
panahon sa pagproseso ng mga aplikasyon, mula sa pagsusumite hanggang pagpapalabas. Inaatas ko sa lahat
ng mga kalihim ng kagawaran at punò ng ahensiya na alisin ang mga nag-uulit na rekisito at ang pagtalima
sa isang kagawaran o ahensiya ay sapat na para sa lahat.

Inuutos ko sa lahat ng mga kalihim ng kagawaran at punò ng ahensiya na umiwas sa pagbago at pagbaluktot
ng tuntunin sa mga kontrata, transaksiyon, at proyekto ng pamahalaang pinagtibay na at naghihintay ng
pagpapatupad. Ang pagbabago ng mga tuntunin hábang nangyayari ang laro ay malî.

Kinamumuhian ko ang paglilihim at sa halip ay isinusúlong ang transparensi sa lahat ng mga kontrata,
proyekto, at transaksiyon sa negosyo mulang pagsusumite ng mga panukala hanggang negosasyon tungo sa
perpeksiyon, at sa wakas, sa pagpapatupad.

Gawin ninyo ito at magtatrabaho táyo nang magkasáma. Huwag ninyong gawin, at maghihiwalay táyo nang
mas maaga sa inaasahan.

Hinggil sa gawaing internasyonal at sa komunidad ng mga nasyon, hayaan ninyong ulitin ko na igagálang ng
Republika ng Filipinas ang mga kasunduan at internasyonal na obligasyon.

Sa gawaing domestiko, nangangako ang aking administrasyon na ipatutupad ang lahat ng pinirmahang
kasunduang pangkapayapaang umaalinsunod sa mga repormang konstitusyonal at legal. Nagagalak ako sa
pahayag ng pakikiisa ng ating mga kapatid na Muslim at mga pinunò nilá, at sa tugon ng lahat sa aking
panawagan para sa kapayapaan.

Umaasa ako sa pakikilahok ng ibá pang stakeholder, lalo na ang ating mga lumad, upang matiyak ang
pakikibahagi ng lahat sa prosesong pangkapayapaan.

Sa pagtatapos ng aking talumpati ay hayaan ninyong ipaalala ko sa inyo na inihalal ako sa pagkapangulo
upang pagsilbihan ang buong bansa. Hindi ako iniluklok upang pagsilbihan ang interes ng kahit sinong tao, o
anumang pangkat, o anumang uri. Pagsisilbihan ko ang bawat isa at hindi ang isa lang.

Kung kayâ’t hinango ko bilang gabay sa sarili ang sumusunod na pangungusap na isinulat ng táong hindi ko
na maalala ang pangalan. Sinabi niya: “Wala akong kaibigang pagsisilbihan, wala akong kaaway na
sasaktan.”

Mula roon, hinihiling ko sa bawat isa, at ang tinutukoy ko ay ang lahat, na samáhan ako sa pagsisimula ng
krusada para sa mas mabuti at maliwanag na kinabukasan.

Ngunit bago ako magtapos, hayaan ninyong ipahayag ko, sa ngalan ng mga Filipino, ang pakikiramay sa
Republika ng Turkey dahil sa nangyari sa kanilang lugar. Ipinaaabot namin ang aming mataos na
pakikiramay.

Bakit ako narito? Narito ako dahil mahal ko ang aking bansa at mahal ko ang mga mamamayan ng Filipinas.
Narito ako. Bakit? Dahil handa na akong simulan ang paglilingkod sa bansa.
Maraming salamat at magandang hápon sa inyo.

You might also like