You are on page 1of 1

Mayayaman at maimpluwensyang bansa sa Kanluran

Hangad ay kapayapaa’t pakikipagkaibigan


Ngunit ‘pag nakatalikod turing sati’y kalaban
Hindi mawari kung hunyango o sadyang salawahan.

Ginagamit ang kahinaan upang manamantala


Suot ang mamahaling sapatos at amerikana
Mga dayuhang produkto ay kanilang dala-dala
Kalugod-lugod ngunit mayroong lihim na adyenda

Paanas kung magsalita subalit maugong ang bulong


Paulit-ulit, paikot-ikot tila isang gulong
Nilalaro mga salita gamit lamang ang dunong
Ipamumukha sa’ting kailangan natin ng tulong

Saanman tayo dalhin ng pakikipagsapalaran


Wikang kinamulatan ay huwag sanang kalimutan
Hindi natin dapat hayaan na maimpluwensyahan
Ng mga dayuhan ang ating pagkakakilanlan

Wikang ginamit natin upang kalayaa’y masungkit


Sa mga makalumang libro salita’y nakaukit
Kung paanong tayo’y lumaban sa kabila ng pait
Handang ibigay ang lahat kahit buhay ang kapalit

Mga nobelang nalimbag na gumising sa’ting diwa


Layuni’y himukin ang pagkamakabayan ng madla
Gamit lamang ang mga makapangyarihang salita
Ito’y siyang nagbigay-daan upang bansa’y lumaya

Kapangyarihan ng wika atin nang napatunayan


Minsan na rin tayong nalupig at tinapak-tapakan
Ngunit nanatili tayong nakatayo’t lumalaban
Wala tayong rason upang ang hamong ito’y sukuan.

You might also like