You are on page 1of 3

Rosales, Twinkle Anne G.

ChE-2201

Pagtatanggal sa Filipino, Panitikan bilang rekisitos sa kolehiyo tinutulan


James Relativo (Philstar.com) - May 27, 2019 - 1:39pm

MANILA, Philippines —  Hindi ikinatuwa ng ilang kabataan at guro ang desisyon ng


Korte Suprema na tuluyang tanggalin mula sa mga "required" na asignatura sa kolehiyo ang
Filipino at Panitikan, bagay na lubhang makaaapekto raw sa kultura at kamalayan ng kabataang
Pilipino.
Kinatigan ng korte ang nauna nitong desisyon noong ika-9 ng Oktubre na tanggalin ito
matapos daw bigong makapaghain ng panibagong argumento ang mga petitioners para
mabaliktad ang kanilang pananaw.

Kontra-Pilipino?
Ayon sa League of Filipino Students, ipinagtataka nila kung bakit ikinakatwiran ang
patriyotismo sa pagra-"ratsada" diumano ng mandatory Reserved Officers' Training Corps sa
senior high school gayong tinatanggal naman ang Filipino at Panitikan sa mga paaralan.
Aniya, mahalaga daw ang dalawang asignatura "sa pag-aaral at pagsasabuhay ng mga
kabataan sa nasyunalismo."
"Ang ganitong mga patakaran ang naglalantad sa gobyerno at kay Duterte bilang ipokrito
at anti-Pilipino," sabi ng LFS sa isang pahayag Lunes.
Matatandaang ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang mandatory ROTC sa
Grade 11 at 12 noong nakaraang linggo sa layuning madisiplina at maturuan ng nasyonalismo
ang kabataan.
"Wala siyang karapatan at kredibilidad na pangaralan ang kabataan hinggil sa
nasyonalismo gayong siya mismo ang naglalako ng ating karagatan at mga likas na yaman sa
Tsina."
Tinutukoy ng grupo ang paghawak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa agawan ng teritoryo
ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea, gayong malapit siya kay Chinese President Xi
Jinping. 
Dagdag ng LFS, nakabalangkas daw ang polisiya sa pagtutulak ng diumano'y kolonyal na
katangian ng edukasyon sa bansa para lumikha ng mga murang lakas paggawa para sa mga 
dayuhan.
Rosales, Twinkle Anne G. ChE-2201

"Layunin nitong magluwal ng mga kabataang walang pagkilala sa sariling panitikan at


kasaysayan dahil hindi naman kailangan ng ibang mga bansa ang empleyadong mulat sa kanyang
sariling bayan at kultura," wika ng grupo.
Nitong Oktubre, sinabi ng Korte Suprema na balido ang Commission on Higher
Education Memorandum Order No. 20 Series of 2013 na nagbababa sa minimum na yunit ng
general education sa 36.
Dahil dito, hindi na bahagi ng "core subjects" ang Filipino at Panitikan.
Sa kanilang mosyon, sinabi ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino na inuutos
ng Saligang Batas na maisama ang Filipino sa curriculum sa lahat ng antas ng pag-aaral.

Filipino bilang wikang pang-akademya


Samantala, sinabi naman ng Alliance of Concerened Teachers na "panibagong dagok"
daw ito sa makabayang edukasyon sa bansa.
Posible daw kasi na manamlay at mamatay bilang wikang panturo sa akademya ang Filipino
kung maipatutupad.
"Kung ipapaubaya sa mga kolehiyo at unibersidad ang pagdaragdag ng asignaturang
Filipino at Panitikan, tiyak na unti-unti nang mamamatay ang mga asignaturang ito, sa konteksto
ng mahabang kasaysayang kolonyal at neokolonyal ng Pilipinas," sabi ng ACT.
Wika pa nila, nauna na rin daw tinanggal ang asignaturang Kasaysayan ng Pilipinas sa
high school at Philippine Government & Constitution sa kolehiyo simula nang ipatupad ang K to
12.
Nanindigan din ang ACT na maaaring mapalawak ng pagtatanggal ng Filipino ang agwat sa
komunikasyon sa pagitan ng mga rehiyon ng bansa.
Itinatag bilang pambansang wika ng Pilipinas ang "Filipino" upang mapagkaisa ang
magkakaibang wika sa iba't ibang rehiyon ng bansa, ngunit ginamit na panimulang batayan nito
ang wikang Tagalog.
"Sa ganitong diwa, naninindigan ang ACT-Philippines na nararapat IPAGTANGGOL at
PANATILIHIN ang mga asignaturang ito. Ang edukasyong makabayan ang tanglaw ng bayan sa
landas ng kalayaan at kaunlaran," kanilang panapos.
Rosales, Twinkle Anne G. ChE-2201

https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2019/05/27/1921329/pagtatanggal-sa-
filipino-panitikan-bilang-rekisitos-sa-kolehiyo-tinutulan

You might also like