You are on page 1of 3

FILIPINO 2

Fairey D. Porciuncula ALM1 Mayo 05, 2020

Ang pananaliksik ay isang komprehensibo na gawain kung saan malawak na nagagamit


ang talas ng utak ng isang tao. Ang kasanayan na ito ang tumutulong na makatuklas ng mga
panibagong impormasyon; at tumutulong ito upang mas palawakin pa ang ating kaalaman ukol
sa isang bagay na magagamit sa buhay ng isang indibidwal. Bukod rito, ang pananaliksik ay
partikular na isang akademiko na gawain. Madalas ito na ipinapagawa sa mga estudyante upang
masuri kung nagagawa ba nilang maikintal sa kanilang isip ang mga itinuturo sakanila. At saka,
kung ang mga karunungan ba na ito ay magagawa nilang mai-apply. Sa tulong ng pananaliksik,
ang mga katanungan na nabubuo sa ating isipan at ang ating pag-usisa ay nabibigyan ng mga
kasagutan.

Ang pagsasagawa ng pananaliksik ay isang mahaba na proseso. Mahabang panahon ang


kinakailangan i-ukol dito upang matiyak na magiging makabuluhan ito. Sa totoo lang, ang isang
pananaliksik ay kinapapalooban ng maraming bagay. Kung kaya't mayaman ito sa datos at
maraming pamamaraan o metodolohiya na ginagamit dito. Maliban dito, ang pagsasagawa ng
isang pananaliksik ay dapat lang na may dahilan, at hindi para sa kung ano-ano lang. Nilalayon
ng pananaliksik na: makatuklas ng mga panibagong ideya o impormasyon, magbigay ng mga
bagong interpretasyon, palawakin pa ang mga dati nang konsepto, bigyang linaw ang mga
mahahalagang isyu, makapagbigay ng mungkahing solusyon o sagot sa mga problema, at
makatulong upang tiyakin ang ilang kuro-kuro sa hindi.

Ang pananaliksik ay may tatlong uri. Una, ang empirikal o mala-siyentipiko na


pananaliksik. Ito ay gumagamit ng pagsusuri ng mga ebidensya at datos kung saan nailalarawan
o naihahambing ang relasyon ng binuong hipotesis sa mga panukalang tesis. Ikalawa, ang
Applied Research. Ito ay isang pananaliksik na kadepende sa mga sarbey at sampling; madalas
na gumagamit ng prediksyon. Ikatlo, ang Pure Research. Ito ay ang pananaliksik na ginagawa
para sa sariling sa kaluguran. Ito ang tumutulong upang masagot ang mga gumugulo sa isipan ng
isang indibidwal o naman upang mas maaral pa ang kanyang hilig. Maliban sa mga uri ng
pananaliksik na ito, ang pananaliksik ay may iba't ibang paraan rin. Ang una ay palarawang
pananaliksik o ang Descriptive Method. Ayon kay Best (1963) ito raw ay isang imbestigasyon na
naglalarawan at nagbibigay kahulugan sa isang bagay o paksa. Ito ay idinesenyo para sa mga
paniniwala at prosesong nagaganap maging sa mga gawaing umiiral. Ang isa sa mga uri ng
palarawang paraan ay ang pag-aaral ng kaso (Case Study), ito ay isang detalyadong pag-aaral sa
isang tao o yunit sa loob ng sapat na panahon. Ang ikalawa naman ay ang eksperimental na
paraan. Dito, malaking salik ang pagsasagawa ng mga eksperimento na siyang sumusubok sa
palagay o hipotesis tungkol sa ugnayang sanhi at bunga. Ibinigay ni Ary at mga kasama(1972)
ang ilang katangian ng pamamaraan na ito. Sinasabi na ang (1) malayang baryabol ay maaring
magbago (2) ang lahat ng iba pang baryabol maliban sa di-malayang baryabol ay walang
pagbabago at (3) ang epekto ng manipulasyon ng malayang baryabol sa di-malayang baryabol ay
inoobserbahan o pinag-aaralan at isinusulat.

Ito ay nahahati sa limang (5) kabanata: ang una ay kinapapalooban ng suliranin at


kaligiran ng pananaliksik, ang pangalawa ay ang mga kaugnay na literatura at pag-aaral, ang
pangatlo ay ang metodolohiya o pamamaraan, ang pang-apat ay ang paglalahad at
pagpapakahulugan ng mga datos, at ang panglima ay ang lagom, kongklusyon at
rekomendasyon.

Sa unang kabanata, itinatanghal dito ang problema o suliranin na nais palawakin sa pananaliksik.
Kalakip nito ay ang kaligiran kung hanggang saan o anong sakop lamang ang isasama sa
gagawing pagaaral. Ang ikalawang kabanata naman ay kinapaoalooban ng mga kaugnay na
literatura, ito ay isang patunay na makabuluhan ang mga datos na iyong gagamitin at malaking
tulong ito upang mas madaling magawa ang pagaaral; sinasabing ang pagsasagawa nito ay
karaniwang sistematiko at tinitiyak na may kaugnayan ito sa unang kabanata. Sa susunod naman
na kabanata, tinutukoy dito kung anong pamamaraan ang gagamitin at anong dahilan kung bakit
ito ang pinili. Sa ikaapat na kabanata, ipinapakita naman dito kung paano nabuo at ano ang
pinagmulan ng suliranin. Dagdag pa rito, dito inilalahad at ipinapaliwanag isa isa ang mga datos
na ginamit. Sa huli, ang ika-limang banata, ang nagbibigay ng resulta ng pag-aaral na isinagawa
at dito rin inilalagay ang lagom at mga rekomendasyon na nakuha mula sa pananaliksik na
isinagawa.
Sa pangkalahatan, ang pananaliksik ay isang gawain kung saan malaking oras ang
nailalaan ngunit kapalit nito ay ang maraming kaalaman. Para sa akin, mahalaga lamang na
magsagawa ng iba't ibang pananaliksik nang sa gayon ay magawa nating solusyunan ang mga
problema na hinaharap. Dagdag pa rito, ito ay isang malaking salik sa kung bakit malawak ang
ating naaaral at natututuhan. Talagang malaki ang naitutulong ng pagsasagawa ng pananaliksik ,
hindi lang sa buhay ng mga propesyunal o estudyante ngunit para na rin sa pang araw-araw na
buhay ng bawat indibidwal.

You might also like