You are on page 1of 3

FILIPINO 2

Anton Phoenix A. Abaya ALM1 Mayo 29, 2020

Sa panahon ngayon, maraming mga panibagong salita at mga malalalim na talata ang
umuusbong. Dahil dito, mas dumadami ang tao na nahihirapan umintindi o sa mas madaling
sabi, mas marami ang hindi nakakarelate. Dagdag pa dito, hindi maikakaila na mas lumalaki ang
puwang o gap sa pagitan ng mga edukado at ng madla. Ang mga edukado ay patuloy na
naa-"update" ukol sa mga panibagong salita o salitang mga teknikal- at sa kabilang dako, ang
ilan sa madla ay napagiiwanan kung kayat may mga balita o pahayag sila na hindi na
maunawaan. Sa mga pagbabago na nagaganap sa wika, malaki ang naitutulong ng pagsasaling-
wika upang ang isang tao ay makaugnay o para magawa nilang intindihin ang teksto na nasa
harap nila.

Ang pagsasaling-wika ay isinasagawa upang maisalin sa mas naiintindihang wika ang


isang teksto. Sa paraan na ito, nagagawang maipamahagi sa nakararaming mamamayan ang
makabagong mga kaalaman na patuloy lamang na magiging misteryo kung mananatili itong
nakasulat sa wikang hindi nauunawaan. Maliban sa pagpapalaganap ng impormasyon, malaki rin
ang naitutulong nito sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Sa pamamagitan nito, ang mga
pang-araw araw na salita o usapan ay nagagawang maiugnay sa akademik. Ito ay nakatutulong
upang malaman kung angkop ba ang kaalaman o karunungan na ginagamit ng isang tao isang
aspeto o kongkreto na katotohanan. Higit sa lahat, ang pagsasaling-wika ay nagagamit upang
matugunan ang layunin na mapaunlad, mapalaganap ang gamit, mapayabong at mapayaman ang
wika.

Maraming mga dalubwika, awtor o mananaliksik ang nagbigay ng kahulugan at ideya


kung ano ang pagsasaling-wika. Subalit ang pinakatumatak sa aking isipan ay ang depinisyon ni
Larson at kina Nida at Taber: Ayon kay Larson (1984), ang pagsasalin ay paglilipat ng
kahulugan ng pimagmulang wika sa target na wika. Ito ay nagagawa kapag may paglilipat o
pagpapalit mula sa anyo ng pinagmulang wika patungo sa anyo ng target na wika sa
pamamagitan ng estrukturang pansemantika. Ito ay binubuo ng pag-aaral ng leksikon, gramatika,
sitwasyon ng komunikasyon at kultural na kalagayan ng teksto ng pinagmulang wika. Inilahad
naman nina Nida at Taber (1969) na ang pagsasaking-wika ay ang proseso ng paglilipat sa
pinakamalapit na katumbas ng diwa o mensahe. Ito rin ay muling paglalahad sa pinagsalinang
wika ng pinakamalapit na natural na katumbas ng orihinal ang mensaheng isinasaad ng wika,
una'y batay sa kahulugan, at ang ikalawa'y batay sa estilo. Samakatwid, ang pagsasaling-wika
para sa kanila ay ang paglilipat mula sa isang wika tungo sa isa pang wika. Kahit na binabago
ang mga salita na ginagamit, ang diwa o mensahe na ipinapabatid nito ay nananatili.

Sa pagsasaling-wika hindi lamang ang lengguwahe na pagsasalinan ang dapat na alam ng


isang magsasalin. Isinasaalang alang din dapat dito ang karanasan sa pagsulat at linggwistika-
siya ay dapat na mayroong sapat na kaalaman ukol sa background ng mga salita at maging sa
estruktura ng gramatika. Maitatak dapat sa ating isipan na ang pagsasaling-wika ay hindi lamang
literal na paglilipat sa ibang wika ngunit ito ay may layunin na tulungan ang nakararami upang
makaunawa.

Mayroong walong metodo ng pagsasalin ayon kay Newmark. (1) Pre-translation process,
sa unang metodo na ito ginagamit ang karaniwang kahulugan ng isang salita. Dahil dito,
madaling nabibigyang kahulugan ang isang mahirap unawaing teksto. (2) Literal na salin, sa
metodo na ito nagagawang maisalin ang isang teksto sa pinakamalapit na gramatikal na ayos
kung kayat minsan masalita ang kinalalabasan nito. (3) Matapat na salin, dito naman mayroong
mga balakid sa estruktura ngunit sa kabila nito ay tinatangka pa din na isalin ito sa eksakto o
katulad na kahulugan ng orihinal na teksto. (4) saling Semantiko, sa pagsasalin na ito ay
pinagtutuunan nang higit ang estetikong kahalagahan, at natural na tunog ng pinagmulang wika.
Ito ay upang maiwasan ang paguulit ng tunog patinig o ng mga paulit-ulit sa mga salita. (5) salin
Adaptasyon, dito kung minsan ay tila malayo sa orihinal ang salin, ito ay ang karaniwan na
ginagamit sa mga tula at dula kung kayat maraming matatalinhagang salita ang nakikita. (6)
malayang pagsalin, sa pagsasalin na ito, hindi naisasaalang-alang ang kaayusan. Ito ay mukhang
bara-barang pagsasalin kaya nagiging mahaba o kaya'y maikli at mapagpanggap ang salin. (7)
Idyomatikong salin, sa pagsasalin na ito, isinasalin ang mensahe ng orihinal na hindi nakatali sa
anyo, ayos o estruktura ng pinagmulang wika. (8) Komunikatibong salin, sa pagsasalin na ito,
layunin na masalin ang eksaktong kontekstuwal na kahulugan sa paraan na madaling tatanggapin
at mauunawaan ng mga mambabasa.

Ipinahayag naman ni Larson na may dalawang uri ng pagsasalin. Ang una ay "Form
based", ito yung literal na salin na nagtatangkang gamitin ang anyo ng mismong pinagmulan na
wika. Sa kabilang dako, ang "Meaning based", ito ang idyomatikong salin na tinatangkang isalin
ang kahulugan ng teksto ng pinagmulang wika sa neutral na anyo ng target na wika. Kung
isasaalang-alang ang mga ito, makikita na madami ang paraan ng pagsasalin. Mayroong mga
nagppokus sa mga literal na salita, mayroong inaayon sa estruktura, mayroong kumukuha
lamang ng parehong diwa at marami pang iba.

You might also like