You are on page 1of 1

Isang magandang umaga po sa lahat ng guro at panauhin.

Mas magandang umaga po para


sa mga magulang at kamag-anak ng mga batang naririto ngayon. At pinakamagandang umaga
naman para sa mga nakaupo ngayong mga kindergarten pupils na nasa harap ko.
Kumusta kayo? Anong pakiramdam nyo ngayon? Ok lang? Masaya? Noong magtapos ako ng
kinder tulad nyo, napakasaya ko noon. Hindi dahil may honor ako. Kundi dahil alam ko na may regalo
si nanay at tatay kasi proud sila sa akin. Ganyang ganyan din ako dati. Walang pinagkaiba sa inyo.
Nakaupo sa kinalulugaran nyo ngayon. Nakikinig sa kung anu mang meron sa program ng moving on
ceremony. Tatanggap ng diploma. Tatanggap ng pagpapatunay mula sa DepEd na dating DECS pa
noon.
Pagkatapos ng graduation na ito? Anong susunod? Bakasyon! Pwede. Damahin nyo ang
pagiging bata nyo. Kasi pagdating ng June papasok na naman kayo. Sasabihin nyo Grade I na ako.
Kahit ganoon na pahirap ng pahirap ang mga inaaral, sana wag kayong magpabaya. Wag nyong
sasayangin ang pagkakataon na makapag-aral dahil hindi lahat ng mga kabataan na katulad nyo ay
nakakaranas pumasok sa paaralan.
Gusto kong magtanong sa isa sa batang nasa unahan kung ano ang pangarap nyang maging.
(Wow, maging teacher pala, yun ang pangarap nya)
Ang Moving On Ceremony na ito ay bahagi ng unti-unti n’yong pag-abot sa pangarap na iyon. Ang
teachers nyo, ang principal, nagkindergarten din yan. Ang may-ari ng Jollibee, ang mga piloto, kahit
ang presidente ng Pilipinas, nagkinder din ang mga yan. Bakit sila nakarating sa kinalalagyan nila
ngayon? Dahil hindi sila nagpabaya. Dahil nagsikap sila. Dahil may pangarap sila sa buhay. Hindi
lang sa Moving On Ceremony na ito nagtatapos ang lahat. Dahil pagtapos nito, may mga susunod pa
kayong gagawin.
Ako dati sa totoo lang, noong elementary pa ako, hindi ko alam ang gusto kong maging. Ang
alam ko lang noon, papasok ako sa school. Hindi pwedeng hindi. Kapag may assignment ako, hindi
pwedeng wala ako masubmit. Kapag may test ako, kailangan maipasa ko. Nong grade 1 ako, wala
akong alam sa mga honor-honor na ganyan, hindi ko iniisip na dapat honor ako. Basta ang ginagawa
ko lang at yung the best na magagawa ko. Isa pa, honor ka man o hindi, hindi yun basehan sa kung
maaabot mo ang pangarap mo. Madami akong kakilala, hindi sila naging honor students mula
elementary pero naaabot na nila ang gusto nila sa buhay. Accountants. Engineers. Nasa pagsisikap
ang lahat ng iyon.
Para po sa mga magulang, nagpapasalamat po ako sa inyo at binabati ko kayo dahil
nagabayan nyo po ng maayos ang mga batang ito. Araw-araw gigising ng maaga. Magbibigay ng
baon para sa kanila. At gagastos para sa mga pangangailangan nila. Hindi madali humanap ng pera
lalo na’t hindi naman lahat tayo ay angat sa buhay. Salamat po sa inyo.
Makwento ko lang po, tatlo kaming magkakapatid at lahat kami pinagtapos mula Kinder
hanggang College ng nanay at tatay namin. Kung hindi po dahil sa kanila, hindi ako makakarating sa
kung anong meron ako ngayon. Ang meron ako ngayon ay hindi lang dahil sa pag-sisikap ko kundi
dahil na rin sa kanila. Malaking bahagi sila.
Mga magulang, hindi po magtatagumpay sa buhay ang mga batang ito kung hindi nyo po sila
matutulungan pa sa mga haharapin nila. Wag po sana kayo panghihinaan ng loob sa pag papaaral
sa mga anak nyo. Sana po ay maging matatag kayo. Dahil sa inyo po sila huhugot ng lakas ng loob
para harapin ang mga pagsubok na darating sa kanila.
Kayo namang mga bata, hindi lang po puro hingi sa mama at papa natin dapat, tulungan din
natin sila, tama? Dahil hindi habang buhay, nandyan sila para sa atin.
Ang pag-buo ng inyong kinabukasan ay hindi iisang teknik lang. Madaming paraan para gawin
yon. Pero sa dinami dami ng mga paraang iyon, hindi mo magagawa ang gusto mo sa buhay kapag
hindi mo ginawa ang kauna unahang hakbang. Ang mangarap. Ano ang sunod? Mag-aral. Mag-aral
ng may pagsisikap para maabot ang pangarap.
At kapag dumating ang panahon na naabot nyo na ang mga gusto nyong marating sa buhay,
huwag n’yong kalimutan na bumalik at magpasalamat sa mga taong naging bahagi ng inyong
tagumpay katulad ng mga the teachers, mga kaibigan, syempre sa mga  magulang at sa Diyos.
Magtapos kayo ng elementary, junior at senior high school kung pwede pati college.
Madaming madami pa kayong haharapin. Madami pang kakaining ulam at bigas. Pero ito ang
sigurado. Sana pakatandaan nyo. Kapag nagtyaga kayo, naging masipag at hindi
nagpabaya, masasabik kayo sa kaya nyong gawin. Kahit ano kaya n’yong maging.
Maraming salamat po sa inyo. At binabati ko kayong lahat.

You might also like