You are on page 1of 4

TINIG: Martial Law sa Mata ng Bagong Isko

Halaw sa Pagtitipon ng mga Naratibo Hinggil sa Batas Militar Noon at Ngayon

“Patalsikin Duterte!”
“Never Forget! Never Again!”
“Duterte Pasista! Wakasan ang Inhustisya!”

Habang inilalakad ako ng mga paa ko palayo sa bulwagang Palma, mahina’t


papalakas kong naririnig ang mga sigaw ng kapwa ko kabataang mag-aaral ng UP bitbit ang
naglalakihang mga karatula at mga malalagim na mensaheng bumabalot sa kasaysayang
kinagigisnan ko. Nabanaag ko sa bandang malayo ang kumpol ng mga nagtataasang bandila
kaharap ang malaking imahen ni Marcos na nasa bungad ng AS. Nais kong makiisa noong
mga oras na iyon subalit hindi sapat ang nalalabing oras bago magsimula ang susunod kong
klase sa bandang SOLAIR. Pero sa totoo lang, hindi para makibaka’t makisigaw kasama ng
nakararami kundi para maghagilap ng media at humanap ng oportunidad para
makapanayam at makita sa TV.

Ibang klase rin pala itong si Isko. Pasikat!

Gayunpaman, marami akong katanungang matagal ko nang hindi nauungkat sa


isipan ko. Mula noong ibuklat ko ang mga pahina ng aklat sa HEKASI hanggang sa mapanood
ng aking dalawang mata ang iba’t ibang interpretasyon sa kasaysayan ng ating bansa,
inilagay naman ako ngayon sa alanganin ng pagkakapasa ko sa UPCAT. Inilagay ako sa UP
Diliman para maliwanagan ako sa lahat ng mga inaral at mapag-aaralan ko pa lang hinggil sa
kasaysayan, sa tunay na kasaysayan. Naniniwala akong may mali sa mga nababasa ko, sa
mga napanood ko, at sa mga naririnig ko sa tabi-tabi.

At sa pagdalaw ko sa Bulwagang Tandang Sora, marami akong tinig na


nasubaybayan.

Kadahilanan (Reason)

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.
Hinikayat ni Parmenides na ang kadahilanan o reason ang huhukom sa kung ano ang
totoo. Dagdag pa niya, walang konsepto ng pagbabago sa sansinukuban. Kung ganoon,
paano pa kaya ang pagbabagong ipinapangako ng kasalukuyang administrasyon? “Change is
coming,” ani Duterte. Ito rin ba ang puno’t dulo’t idinadahilan sa lahat ng lagim na
nararanasan ng bawat Pilipino? Marahil, kaya lubhang nakakaalarma.

Kung ikukumpara ang Martial Law na nangyari noong kapanahunan ni dating


Pangulong Marcos at ang de facto Martial Law na ipinapatupad ngayon ni Pangulong
Duterte sa Mindanao, iba-iba ang naging hudyat o mga pangyayaring nagpasimula sa batas
pero pareho lamang na malala at malagim ang pamamaraan. Sa mahigit 20 taon, namayani
ang administrasyong Marcos. Maraming naiulat na nasawi sa pakikibaka. Maraming mga
inosenteng ikinulong at pinarusahan sa kaniya-kaniyang mga selda. Marami pa rin hanggang
ngayon ang hindi pa mahanap-hanap. Ngayong umiiral muli ang batas, nagaganap muli ang
militarisasyon na pinaniniwalaang paraan upang mamayani muli ang diktadura sa bayan.
Ang pinakanadadamay – mga kabataan maging pawang mga bata na pinapaslang at
niyuyurakan ng karapatan at pribilehiyong makapag-aral nang mapayapa.

Marami na akong naririnig na balita. Hindi ko mabilang ang mga nabasa ko hinggil sa
mga kasalukuyang kaganapan. Ngayong nasa paaralan ako ng mga aktibista, hindi ko na
malaman kung anong papanigan ko.

Isang araw, sumagi sa kalagitnaan ng aking pagtatanong ang sinabi ni Clifford sa


kaniyang Ethics of Belief kung saan, kaniyang ipinapabatid na “It is wrong always,
everywhere, and for anyone, to believe anything upon insufficient evidence.” Noong hindi pa
hubog ang aking kaalaman sa kasaysayan, naniniwala ako agad sa mga sinasabing haka-haka
noong Batas Militar. Sinasabi nilang maunlad ang bansa sa kamay ni Marcos. Lahat din ng
mga imprastrukturang ginagamit natin ngayon sa transportasyon at industriya ay bunga ng
kaniyang malawak na pag-iisip at layuning manguna at mapabilang sa mga mayayamang
mga bansa. Bagkus, marami siyang nagawa sa halos 20 taon niyang pamamahala.
Kasalungat nito ang mga nalaman ko sa naratibo na hindi tunay na maunlad ang bansa noon
dahil sa laki ng utang na ginamit sa pagpapatayo ng mga pasilidad na naging dahilan para
dumausdos pababa ang ekonomiya ng Pilipinas. Paliwanag pa ng mga panauhin, marami
ngang ginawa pero sa pangungutang din nanggaling. Sa kasalukuyan naman, bali-balita sa

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.
iba’t ibang pahayagan, telebisyon, at social media ang kagandahan ng imahe ng ating
Pangulo, partikular sa pagpapaganda ng Boracay, paglulunsad ng maigting na paglilinis sa
Manila Bay, at pagiging tapat sa kaniyang panunungkulan batay sa kaniyang mga sinasabi
tuwing SONA. Gayunpaman, hindi nakakatuwang sa ilalim ng kaniyang administrasyon ay
nagaganap ang pagpatay sa mga suspek ng droga at ano pa mang anomalya nang walang
sapat na ebidensya, paghikayat sa Rice Liberalization Law at TRAIN Law na lalong
nagpapahirap sa pamumuhay ng mga maralitang mamamayan, at paglaganap ng
militarisasyon sa kapwa nating mga Lumad para mapakinabangan ang lupang matagal na
nilang pinapayaman. Maging ang sakit na polio, nabigyang pangalan na naman matapos ang
ilang dekada.

Marahil nais kong idahilan pero sa pagkakataong ito, masasabi kong sa


pagpapalaganap ng Batas Militar, bagamat hindi nais mapantayan subalit nais ng ating
Pangulo na higitan ang mga nagawa ni Marcos sa hindi katanggap-tanggap na paraan.

Karanasan (Experience)

Karaniwang sinasabi ng mga sikolohista na hindi tayo madalas nakakaramdam sa


mga panahong nalulunod tayo sa kaalaman. Pero minsan, may mga pagkakataon na
bubulabugin tayo ng katotohanan at hihikayatin tayo para maniwala agad. Ganito ko
mailalarawan ang napapansin ko sa sarili sa tuwing may gumagambala sa kung ano nang
alam ko.

Sa mga nabasa ko hinggil sa Batas Militar, halos lahat ay sinasabing masalimuot ang
naranasan ng mga tao noon. Dulot ng curfew, pagkontrol sa media, at pagsuspinde ng writ
of habeas corpus, madugong pakikibaka ang inabot ng mga aktibista. Marahil tama ang
pagkakalarawan sa mga ito subalit masasabi ko bang tunay ang lahat ng mga nababasa ko
kahit hindi ko mismo naranasan ang mga pangyayaring ito? Madalas, hinahadlangan ako ng
henerasyong nagsilang sa pangalan ko sa tuwing nais kong maglahad ng aking pananaw
hinggil sa Batas Militar dahil isa lamang akong hamak na kabataan na pag-iinternet lang ang
palaging inaatupag. Subalit na hindi ko man naranasan kaya paunti-unti ko ring binibigyan
ng kaalaman ang isipan ko para matimbang ko ang pinakatama. Sa ngayon, wala pa siguro

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.
pero unti-unti ko na itong nararanasan bunga na rin ng pakikisimpatiya ko sa mga
naaapektuhan ng sistema.

Sa totoo lang, kung nasa kalagayan ako ng mga magsasaka ngayon na walang
pakundangang tinatanggalan ng pribilehiyong kumita nang sapat kapalit ng araw-araw na
pagpapagal sa tirik ng araw para masustentuhan ang kahirapan, matinding galit talaga ang
mararamdaman ko. Biruin ninyo, kung ang magiging basehan lamang ng pagiging mayaman
ay kung gaano katagal gumugugol para sa paghahanapbuhay, marahil ay mayayaman na ang
mga magsasaka. Ang tanong – yumaman ba sila sa pagsasaka? Hindi sila kumikita nang
maayos dahil pinapakialaman sila ng mga mambabatas na hindi man lang makatingin sa
baba. Isa pa, maraming mga magsasaka ang lumalaban na umuuwing wala nang buhay.
Saksi ako sa mga naratibong isinalaysay ng mga pamilya ng mga pinaslang kaya matindi ang
pagkakagulantang ko habang tinatanong ko sa sarili ko kung totoo ba ang lahat ng ito.

Sa lahat ng ito, nais kong ituloy ang paglalakad tungo sa hustisya na hinihingi ng iba
bunga ng kanilang sinapit sa kamay ng Batas Militar at hinihingi ng sarili ko para mabigyang
linaw pa ako sa mga nangyayari. Balak kong kumilos pero hindi ko pa panahon para gawin
ito. Bagkus, naniniwala ako na sa huli, mananaig pa rin ang kabutihan at katotohanan.

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.

You might also like