You are on page 1of 6

‘Pa-Woke’ si Bagong Isko:

Pagninilay Hinggil sa Gampanin ng Kabataan sa Panlipunang Pagababago

Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin kung bakit at paano ako binigyan ng
pagkakataon na makapag-aral sa UP Diliman. Hindi naman minsang sumagi sa isip ko na
makapasa sa isa sa mga pinaka-mapanghamong pagsusulit na nasagutan ko sa buong buhay
ko. Iyong amo namin na may-ari ng pinapangalagaan naming bahay niya sa Antipolo ‘yung
pilit nang pilit sa akin na dapat sa UP ako magkokolehiyo. Idagdag ko pa ‘yung mga ate kong
OFW sa Hongkong na palaging nag-aabang ng anunsyo sa FB. Mahihilig pang mangulit at
magtaray kapag malaman nilang hindi ko sineseryoso ang pag-aaral. Idagdag ko pa ‘yung
mga titser ko noong hayskul. Sobrang kapit na kapit sa paniniwalang makakapasa ako sa
UPCAT. Magpapa-tarpaulin daw sila kung sakaling maisama ako sa tatlong nauna nang
nakapasa galling sa paaralan naming. Pati mga kaklase ko, ‘yung guwardyang kakilala ko,
pati ‘yung utility namin, hangang-hanga’t tiwalang-tiwala na magiging maganda ang resulta.

Makalipas ang apat na buwang bakasyon, heto na ako ngayon – Iskolar ng SLIS at ng
libreng matrikula, residente sa Kalay, tagakain sa Area 2, pasahero ng Katips, Ikot, Toki, at
Philcoa, estudyante ni Prof Symel, saksi sa mga nagaganap na protesta at kung ano-ano pa
sa Diliman. Ipinadpad ako nitong mga oras na ito sa Kolehiyo ng Estadistika; sa isang seminar
na hindi pa natatalakay nang buong buo sa katauhan ko.

Nakaupo ako sa dulong dulong upuan nang wala pa masyadong kamalay-malay. Alas-
singko imedya na ng hapon nagsimula. Kinakabahan ako at baka kung ano ang gagawin nila.
Binalaan pa ako ng nanay ko na baka may manghimok. Mag-ingat daw ako. Isa pa, ako lang
mag-isa na pumunta, ni walang kakilala na kasama. Namigay pa sila ng Toasties na bukas na
ang expiration date. Dahil hindi pa ako naghahapunan, wala akong pagpipilian kundi kainin
na lang. Ganoon din kaya gagawin ko sa mga sasabihin nila? Magpapalamon ba ako sa
sistema?

‘Pa-woke’ nga sabi ni Vice Ganda. Hindi lang dapat gising. Mulat na mulat dapat.

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.
Nakakatuwang malaman na si Binibining Sarah Elago ang inimbitahan nilang
panauhing pandangal sa unang paksa. Nais ko pa siyang makilala nang husto pero sa
ngayon, pinakinggan ko muna ang mga sinasabi niya. Dalawampung minuto lang siya
nagtalakay pero marami na akong katanungan na gusto ko sanang mabigyang linaw kaso
nahihiya pa ako. Hindi ko rin naman maikakaila na may mga tinalakay siya na pumukaw sa
atensyon ko. Kaya litong-lito ako noong mga sandali na iyon lalo pa at bihira lang ako
maging ‘pa-woke’ sa mga kung ano-anong nangyayari sa ating bansa.

Edukasyon

Pinag-usapan sa seminar ang hinggil sa mga suliranin sa kasalukuyang sistema ng


edukasyon na patuloy na kinahaharap ng mga mag-aaral na kagaya ko. Paulit-ulit ko pa ring
naririnig na marami pa rin ang mga hindi pa rin nakakapag-aral, lalo na sa mga nakapagtapos
ng Senior High School na umaasang makakapagtrabaho na kahit hindi makapagkolehiyo
pero mas piniling magpahinga muna sa kani-kanilang mga tahanan kaysa maghintay sa
pangako ng gobyerno na hindi naman natutupad. Kagaya ng kaklase ko noong hayskul.
Napakapursigido ng kaibigan kong iyon sa pag-aaral. Balak niyang mag-aral sa University of
Rizal System pero hindi siya pumasa. Marahil, sa apat na mga kabataang Pilipino na kabilang
sa NEEE o Not in Education, Employment, or Training, kabilang siya sa isa.

Inaasahan din na tataas ang matrikula at iba pang mga bayarin sa mga susunod na
taon ayon kay Binibining Elago. Hindi ba at libre na ang edukasyon sa mga SUCs? Sa loob-
loob ko naman, oo nga at libre pero pahirapan makapag-enrol hindi lang dahil sa dami ng
kakailanganing mga dokumento kundi dahil sobrang hirap makapasa. Isa pa, hindi dahil libre
na, wala na dapat ibang babayaran. Sa puntong iyon, nalaman kong may 141 disallowed
fees o mga bayarin na hindi sakop ng Free Tuition Law sa mga SUCs. Ibig sabihin, parang
ganun din – talamak pa rin sa sistema ng edukasyon natin ang paniningil at
komersyalisasyon na lalo pang nagpapayaman sa mga elitista at nagpapahirap sa mga
apektadong Iskolar na tunay na may malasakit sa bayan.

Mariin ding pinag-usapan ang hinggil sa adbokasiya ng iilan na ipagtanggol ang


Filipino bilang wikang panturo at ipanukala na maging bahagi muli ito ng kurikulum sa
kolehiyo. Nalaman ko na inalis na pala ang asignaturang Filipino sa sistema ng ibang

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.
paaralan. Mabuti na lang nananatiling at sana ay manatiling “Tatak UP” ang Fil 40 at iba
pang mga asignatura sa sansinukuban ng unibersidad na malaki ang pagpapahalaga sa
sariling wika na siyang patuloy na nagpapayabong at nagpapanatili sa kasaysayan at kultura
ng ating bansa.

Paborito ko pa namang magsulat sa wikang Tagalog. Nakakatuwa ring makarinig ng


mga kapwa ko Isko at Iska na gumagamit ng wikang ito tuwing talakayan. Karamihan na kasi
sa kanila ay halos Ingles na ang lingua franca. Lalo pa akong natuwa nang malaman kong
puwede kong isulat sa wikang ito ang aking mga bonus papers. Subalit, mapapaisip ka talaga
kung bakit itinatakwil nila ang pag-aaral nito sa kolehiyo. Sabi nila, naturo na raw kasi ang
Filipino sa hayskul. Ano naman kung ganoon? Hindi ba puwedeng pag-aralan natin ulit ito sa
mas komprehensibo, mas malikhain, at mas kritikal na paraan? Kahit ako, inaamin ko na
kulang pa ang natutuhan ko noong hayskul ako sa asignaturang iyon kaya isa ako sa mga
umaasa na mapapalalim ko pa ang pag-unawa ko sa kahalagahan nito hindi lang sa sarili ko
kundi maging sa lipunang kinagagalawan ko. Napaisip din ako sa sinabi ni Binibining Elago.
Kung hindi magiging una ang asignaturang Filipino sa ating bansa, saang bansa pa kaya ito
maaaring manguna? Natatangi ang wikang ito sa bansa natin; ibig sabihin, wala sa iba.
Hanggang ngayon, nasa isipan ko pa rin ito; nakareserba na para muli kong mapagnilayan
kapag natalakay na ang pilosopiya sa wika.

Pampublikong Proyekto at Serbisyo

Nasa kalagitnaan na ng seminar pero nakakaramdam na ako ng pangingiwi. Lalo


nang mapag-usapan ang tungkol sa Build Build Build Program. Oo nga at sang-ayon tayo na
mapabilis at mapaayos ang transportasyon, komunikasyon, at iba pang transaksyon sa
bansa pero hindi naman lahat kayang makinabang. Tamang-tama ang sinabi ni Binibining
Elago na pabor lamang ang programang ito sa mga mayayaman at may kapangyarihan.
Maski ako, na residente ng Kalay, pang-lingguhang badyet ko pa lang ay kulang na kulang pa
sa pagkain, pamasahe, at iba pang mga bilihin.

Sa ibang banda, halatang hindi maitugma ng pamahalaan ang malaking diskrepansiya


sa pagitan ng halaga ng proyekto at insidente ng kahirapan sa bansa. Nadiskubre ko rin sa
seminar na napakalaki pa rin ng utang ng bansa sa pandaigdigang kalakalan. Ang

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.
nakakagulantang dito – bayad tayo nang bayad ng utang pero hindi naman natin alam kung
para saan. Hindi ba at sa ganoong kaso pa lang, nagiging ignorante at sunod-sunuran ang
pamahalaan sa ibang mga bansa na akala natin ay mas makapangyarihan subalit hari-harian
lang pala para malinlang tayo sa kanilang propaganda.

Kaliwa’t kanan ang pagtatayo ng mga imprastruktura sa Kamaynilaan. Kumusta


naman kaya ang kalagayan ng mga tagasuplay ng kung anomang hinahain sa hapag-kainan?
Ang kapwa natin mga magsasaka, na dulot ng taripikasyon sa bigas na pinangangakuan ng
mas mataas na kita sa pag-aangkat, ay mas lalong naghirap lalo pa at kalaban din nila
ngayon ang tagtuyot at matinding pagbuhos ng ulan. Kaya minsan, nakakahiya na ring
humingi ng karagdagang kanin sa mga karinderya. Sapat na ang isa para sa akin, lalo pa at
naaalala ko ang sitwasyon ng mga tulad nila na walang hupay sa pag-aani ng kilo-kilo na ang
kapalit lamang ay kakaunting sentimo. Kulang na kulang talaga sa kanila. Oo nga’t “Job crisis
is real”, giit ni Binibining Elago pero “in disguised” kaya marami pa ring mga tunay ang hindi
nakakaahon sa mga iilang mahilig magpanggap.

Karapatan, Demokrasiya, at Soberanya

Lalo pa akong nakakaramdam ng ngiwi nang sumambulat sa harapan ko ang pinaka-


usap-usapan sa tuwing nanonood ako ng balita. Hindi na rin ako nagugulat kaya insensitibo
ako sa usapin hinggil sa giyera kontra droga, disimpormasyon, SOGIE bill, TRAIN law, at
sigalot sa West Philippine Sea. Wala na akong masabi, pero marami akong nalaman at
nababatid hanggang ngayon.

Uumpisahan ko sa giyera kontra droga. Maraming nagsasabi, maging ang pangulo


natin, na nabawasan na ang bilang ng mga taong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Oo nga at marami pero paano kaya sila nakakasiguro na marami talaga? Appeal to majority
ata ang tawag doon. Ang mali rin kasi sa sistema ng pamahalaan, hindi sumasailalim sa
malalimang imbestigasyon ang marahas na pagpatay sa mga iyon. Isa pa, hindi natin
malalaman pero lumalabas na karamihan ng mga pinapatay ay mga inosente, partikular mga
menor de edad. Iyong usapin naman hinggil sa pagbababa ng minimum age on criminal
responsibility mula 18 na gagawing 9-12 taong gulang, oo nga at talamak na rin ang mga
batang nasa ganoong gulang na nadadawit sa mga krimen at anumang paglabag sa batas

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.
pero hindi pa ito sapat na rason para ipakulong sila. Kung kumpiyansa sila na magagawa nila
ito sa mga wala pa masyadong muwang sa lipunan, bakit hindi man lang magawa ng
pamahalaan na mapakulong din ang mga opisyales, politiko, o sinumang nasa ilalim ng
proteksyon ng gobyerno na tunay pero patagong gumagawa ng korapsyon para sa
pansariling interes? Iyan na mga bata, hindi pa bilang sa daliri ang puwedeng manakaw.
Paano pa kaya iyang mga nasa posisyon na posibleng ninanakawan na ang kaban ng ating
bayan?

Bumalik tayo sa usapin hinggil sa mga magsasaka. Hikahos na nga sila dahil sa
taripikasyon, walang awa pa silang kinikitilan ng buhay. Hindi lang iyan, isiniwalat din ni
Binibining Elago na ngayong taon, 183 na magsasaka, 34 na abogado, 4 na pinuno ng Lumad,
at 534 na mga political prisoners ang nababalitang pinatay ng mga hindi pa nakikilalang mga
suspek. Hindi ko rin masikmura ang posibleng paglaya ni Antonio Sanchez na hindi umano ay
utak sa pagpaslang sa dalawang mag-aaral ng UPLB, usaping matagal nang binalita subalit
inungkat muli ng hindi makatarungang sistema ng Korte Suprema na pinag-usapan din sa
seminar.

‘Pa-woke’ na ba ako nito?

Ang dami kong tanong pagkatapos niya magsalita. Inulan ako hindi lamang ng
bahagyang pagdaan ng monsoon sa kanayunan ng UPD kundi maging ng samu’t saring
pagkabahala habang lumalakas ang ulan.

“‘Pa-woke’ na ba ako nito?”, tanong ko sa sarili ko?

Hindi ko matatanggap na maninibago ang aking prinsipyo, ang aking paniniwala


bilang mag-aaral ng institusyong palaging dinadawit at binabalingang “NPA” na
nangangaliwa sa usapin ng mayoridad. Hindi ko rin maitatanggi na nagbabakasakali ako sa
mga sinabi at tinalakay nila. Malay ko ba at baka nagsisinungaling lang sila. Baka lahat ng
iyon ay pinabulaklak para umanib ako sa paniniwala nila. Pero malay ko rin ba, baka manatili
akong walang pakialam kaya magpopokus na lang ako sa pag-aaral para mabigyan man lang
ako ng uno kahit isa. Pero malay natin, kase wala namang nakakaalam ng kung ano ang
totoo.

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.
Ang alam ko lang, darating din ang panahon ko. Magiging “pa-woke” din ako na hindi
lang puro asa kundi may pagkilos at adhikain sa tamang landas.

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Non-Commercial-No-Derivatives 4.0 International


License. Using this work for profit and changing the work in any way without proper attribution are highly prohibited.

You might also like