You are on page 1of 2

Kulturang Popular

Ma. Kara Alexir C. Calamba COMM2A

Dyornal
Sari-sari - kung aking ilalarawan ang kulturang umiiral sa ating bansang Pilipinas.
Marami at may pagkakaiba-iba ngunit pare-parehong nagbibigay ng pagkakakilanlan sa ‘ting
pagka-Pilipino. Ang kultura ay parang mga banderitas sa bayan - may mga natatanging kulay
at hugis, na siyang nagbibigay buhay sa isang lugar. Ngunit sa dinami-dami ng mga
kaugalian, tradisyon at paniniwala na ating isinasabuhay, ang taunang pistahan at mahabang
selebrasyon ng pasko ang masasabi kong Tatak Pilipino na maituturing.

Hindi na kaila sa atin na mahilig tayong mga Pilipino sa mga selebrasyon. Mahilig tayong
magtipon-tipon kasama ang mga taong malalapit sa ating buhay. Kailanma’y hindi rin naging
hadlang ang katayuan sa buhay para hindi mapaghandaan ang espesyal na araw tulad ng
pista at paskuhan.

Ang mga pistahan sa Pilipinas ay isang taunang pagdiriwang ng mga lungsod at


probinsya. Dito sa lungsod ng Dasmariñas ng Cavite, taun-taon naming ipinagdiriwang ang
Paru-paro Festival. Ang naturang pista ay hindi tumutukoy sa literal na paro-paru. Sa
katunayan ay isa itong paghahalintulad sa pag-usbong ng lungsod ng Dasma sa ebolusyon
ng paru-paro - mula sa pagiging uod at maliit na baryo ng lungsod ng Imus hanggang sa
naging isang ganap na progresibong lungsod ang Dasma, tulad ng isang paru-paro na
nagyabong at naging malaya.

Isa itong espesyal na araw para sa mga Caviteñong tulad ko dahil ito ang pagkakataon
na masisilayan ang mga magagarbo at makukulay na presentasyon ng mga mag-aaral mula
sa iba’t ibang paaralan sa lungsod. Ito ang pagkakataon ng mga kabataan upang maibida
nila ang mga natatangi nilang talento sa sining at pagsayaw. Bukod dito ay parte rin ng
pagdiriwang ang pagbibigayan ng mga handa at pagpapakain sa mga bisitang dumalo sa
pista - isang kaugaliang likas na sa atin, ang pagiging ‘mapagbigay”.

Sa kabilang banda, malapit nang mag-“BER” months at nangangahulugang nalalapit na


ang pagdiriwang ng pasko ng mga Pilipino. Buwan pa lamang ng Setyembre ay naalala kong
nagsisimula na ang mga kapitbahay namin na itayo ang kanilang christmas tree, magsabit ng
mga parol at christmas lights sa kani-kanilang tahanan. Tunay na ramdam na ang pasko
dahil sa mga makukulay na palamuting ito, samahan mo pa ng mga kantang pampasko tulad
ng awit ni Jose Mari Chan na “Christmas in Our Hearts”. Maagang maituturing, ngunit hindi
para sa mga taong kinagisnan ang paskong Pinoy.

| Mga Kuha ni: Ma. Kara Alexir Calamba at Vanjuan


Sa pagsapit ng Disyembre ay nagsisimula na ang mga Pilipinong dumalo ng simbang
gabi at kumain ng mainit na bibingka at puto bumbong sa gitna ng malamig na panahon.
Siyempre, hindi ko rin makakalimutan ang paborito ng lahat - ang karoling. Sa katunayan ay
malaking bahagi ng kabataan ko ang pangangaroling, dahil nakakasama ko ang mga
kapitbahay na nakasabay kong lumaki sa aming lugar. Naalala ko ang pag-awit namin sa
bawat tahanan at ang saya na naramdaman ko kapag nakakapag-ipon kami sa nalalapit na
pasko at bagong taon.

Para sa akin, maituturing na “highlight” ng taon ang pasko dahil ito ang nagbibigay ng
pagkakataon sa bawat pamilya na magsama-sama muli sa iisang tahanan, partikular sa araw
ng noche buena. Minsan pa ay hindi na alintana kung simple o walang handaan dahil ang
mahalaga sa atin ay ang presensya ng bawat miyembro ng pamilya. Isa pa, naniniwala
akong malaki rin ang bahagi nito sa buhay ng mga Pilipino dahil napapawi nito ang mga
pagod at hirap na napagdaanan ng mga tao sa mga naunang buwan ng taon.

Sa ngayon ay patuloy pa nating kinakaharap ang pandemya, kaya isang palaisipan sa


akin kung paano natin idadaos ang paskong darating. Malapit na ang buwan ng Setyembre
at walang kasiguraduhan kung iiral pa rin ang tradisyon at kaugaliang kinagisnan natin bilang
Pilipino. Masisilayan pa nga ba natin ang makukulay na palamuti habang tayo’y nasa madilim
na yugto ng ating buhay?

| Mga Kuha ni: Ma. Kara Alexir Calamba at Erik de Castro (Reuters)

You might also like