You are on page 1of 3

"Kapag nasisira ba ng bagyo ang mga pananim niyo may nakukuha po ba kayong tulong galing sa gobyerno?

" Natigil sa
pagsubo ng kanin ang may kaedaran nang lalaking nasa harapan ko. Sandaling napatitig. Kadugtong ng kanyang kamay ay
lupa. Larawan ng kanyang mukha ang kahirapan.

"Wala," isang salitang sagot ngunit hindi mabilang na emosyon ang kailanmay hindi maikukubli ng mga mata. Matang saksi
sa lahat ng sakripisyo at pagkabigo na naghangad nang maluwag na paghinga subali't tuso ang mismong lupa; iyon ang
pinagmumulan ng buhay at iyon din ang kumikitil sa maginhawang paghinga. "Wala kang maaasahan sa kanila,"

'Yan ang aking ama. Isang anak ng agrikultura. Nagtu-tudla ng binhi upang ipang-subo sa milyon-milyong Pilipino. Ilang
beses nga bang nabibigo ang kinabibilangang salat na sektor? Bagyo? Tagtuyot? Peste? Pagkalugi? Mga magsasakang
mangmang sa mata ng mga tao nguni't ang minsang mangmang ang siyang nagbibigay simoy upang maihinga.

Itinuon ko ang aking paningin sa babaeng nasa harapan ko. Bakas sa ilang hibla ng kanyang buhok ang katandaan. Kung
titignan ang mukha ay mababatid ang kalmadong diwa nguni't sa likod nito ay ang sakit at pighati. Instrumento ng
kaalaman ang kanyang pagkatao. Ang kanyang bibig at kamay ay libo-libong karunungan ang isinalita't isinulat. Sa tabi
ng kanyang upuan habang kumakain ay dalawang saklay. Pilay. Pilay ang katarungan. Mas lalong naging pilay dahil sa
bulag na hustisya at baluktot na katumpakan. Isang marangal na pumapasok araw-araw sa paaralan upang magturo subali't
mapanlinlang ang kapwa.

'Yan ang aking ina. Ilaw ng edukasyon. Isang guro. Babaing yumakap sa mga tuyong batis ng karagatan na naghangad ng
patak ng ulan at daloy ng kadalisayan. Aksidenteng nabundol ng rumaragasang sasakyan habang bumabagtas sa daan.
Tuluyang naging hingkod ang katawan kasabay ang pagkapilay ng hangaring magbigay katalusan at malay sa mga musmos.
Palibhasa'y anak ng kataas-taasan ang may sala kaya naging hangal ang katuwiran. Naging ungas ang paglilitis. Bulag. Oo
bulag, bulag ang katotohanan sa tunay na may sala. Ang pagkapilay ay isang ganap na hilom na sugat nguni't ang pag-agos
ng dugo ay kailanmay hindi mapagtatakpan.

Sa kabilang silya ay nakaupo ang isang lalaki. Suot-suot ay unipormeng kulay berde at kayumanggi. Simbolo ng matayog na
katapangan at masidhing adhikain na magsilbi sa lupa ng silangan. Pasan ng kanyang balikat ang panunumpa sa mga
salitang nagsasaad ng sakripisyo at kamatayan kapalit ng milyon-milyong pintig ng puso. Sa bawat giyera ay nakasangla
ang sariling kapalaran sa maykapal.

'Yan ang aking kuya. Nangarap na humawak ng armas na nagsi-silbing tropeyo ng pagiging isang magiting na madirigma.
Isinusugal ang buhay para sa mga tao; mga taong walang ginawa kundi magpakahangal at maging sunud-sunuran sa mga hayop
na gutom sa pera't papuri.

Sa kabilang dako ay ang isang babae. Nakangiti at tahimik na kumakain. Ilang luha't pighati kaya ang kapalit ng isang
tunay na ngiti? Gaano nga ba kalayo ang distansyang kailangang takbuhin upang maabot ang hangganan ng hirap at
pangungulila? May silbi nga ba ang lahat ng latay na nakukuha kapalit ng dolyar mula sa pang-aalispusta? Kalahating
tama, kalahating mali. Hati ang kagalakan sa kahapisan.

'Yan ang aking ate. Nangarap ng magandang buhay sa paglisan sa tinubuan. Isinantabi ang sariling kasiyahan kapalit ng
aming kaginhawaan. Ang tanging baon ay lakas ng loob at litrato ng kahirapan. Isang OFW. Isang bayaning nawalay sa
bigkis ng lubid. Isang kayumangging alipin ng puti't itim nguni't mas higit pa ang pagiging alipin ng kalungkutan.

Muli kong pinasadahan ng paningin ang mga taong nasa hapagkainan. Ama, Ina, Kuya, Ate.... Ako. Ang aming pamilya.
Pinagmasdan ko sila. Ngumiti ako kasabay ng pag-agos ng isang luha. Traydor ang puso. Muli akong naniwala sa
kasinungalingan. Isa-isa silang naglaho sa aking paningin at tanging mga bakanteng silya ang natira sa aming—aking
hapagkainan. Tila nag-uunahan sa pagtakbo ang mga patak ng luha sa aking pisngi. Datapwa't makirot ay nanatili akong
walang imik dahil tahimik ang panghabang-buhay na dalamhati.

Ang ama ko ay pinaslang. Pinaslang dahil sa pagsasatinig ng minimithing hustisya para sa mga magsasakang araw-araw na
kumakayod sa ilalim ng tirik na araw at sa kalagitnaan ng baha't malalakas na pag-ulan at hangin. Isang bala na humila
pabaon sa mga paos na boses dahil sa paulit-ulit na pagsigaw.

Ang ina ko, pinaslang. Pinaslang ng sama ng loob. Hindi lang isa kundi dalawang beses ninakawan ng katarungan. Hingkod
at tuluyang nanghina simula ng lumisan ang ama. Hindi panghihina ng katawan ang pumatay dahil ang kawalan ng pag-asa't
paniniwala ang siyang bumawi ng buhay.

Ang kuya ko ay napaslang. Pinaslang ng hangal na ideyolohiya. Lubos na kasadlakan na ang balang pumapatay sa mismong
Pilipino ay kapwa rin Pilipino. Hindi na ito labanan ng tapang at paniniwala, labanan na ito ng kahihiyan at kawalan ng
pagkilala.

Ang natitira sa buhay ko, ang ate ko. Pinaslang ng pangbababoy ng mga dayuhan. Ninakawan ng karapatan. Binugbog at
minaltrato ng kalupitan. Sinaksak at pinaslang ng abot-langit na kasamaan. Kung may sapat lamang na oportunidad sa
mismong tinubuan hindi lang isa kundi milyon-milyong kumakayod na Pilipino sa ibang bansa ang hindi na kailangang
makaranas ng karahasan at pangmamaliit. Matagal na akong napaslang. Napaslang ng hindi mabilang na pangba-baboy at
pang-aalispusta. Ninakawan ng karapatang mabuhay at mangarap nang matayog. Isa akong bagong sibol. Isang kabataan ng
bayan. Nagpapakadalubhasa sa karunungan nguni't walang silbi ang mga libro, ang mga silid-aralan at mismong paaralan
kung mas mababa pa sa hayop kung mag-isip at makiramdam ang mga taong produkto nito. Hindi nasusukat ang talino sa
pagsasalita ng ingles, sa pagsagot sa matematika at siyensiya, sa paggamit at pagbuo ng mga salita, parirala at
pangungusap patungo sa mga sulatin at babasahin at lalong hindi nasusukat sa mga numerong nakasulat sa papel ang
katalinuhan, dahil ang tunay na talino ay nasusukat sa kamalayan at pagiging maramdamin sa kung anong tunay na
nangyayari sa bayan. Walang silbi ang lahat ng kaalaman at karunungan kung sa pansariling kabutihan lamang gagamitin.
Mas gugustuhin ko pang matawag na mangmang kaysa maging isang edukadong hangal sa pagiging makasarili.

Hindi kolonyalismo ng mga Espanyol, pananakop ng mga Amerikano at pang-aalipin ng mga Hapon ang pinakamadilim na
kabanata ng ating kasaysayan kundi ang patayan ng Pilipino laban sa kapwa Pilipino. Komunista't mga rebelde laban sa
gobyerno. Pagkitil sa buhay ng mga biktima ng droga na labag sa proseso ng karapatang pantao. Paggawang kalakal sa mga
bata't kababaihan. Pagkamkam sa kaban ng bayan. Pang-aabuso sa likas na yaman. Pangmamaliit sa mga dukha't salat.
Pagnanakaw. Pang-gagahasa. Pananakit. Pang-aabuso. At pagbebenta ng karapatang bumoto ng malaya. Isang hangal! Mga
gawaing pangbababoy sa kasarinlan. Isang katumpakan kapag sinabing hangal ang mga Pilipino dahil likwad ang pang-
aalipin. Mga salot sa lipunan!

Kailanman ay hindi lumaya ang Pilipinas. Kailanman ay hindi umunlad ang itinuturing na Perlas ng Silangan. Lahat ay
nagpasakop sa ideyolohiya at sa mga pansariling politikal na adhikain. Walang tunay na nagmamahal sa bansang ito. Hindi
ang presidente, hindi ang pangalawang presidente, hindi ang mga senador, hindi ang mga inihalal at mga hinirang at
lalong hindi ang mga nalinlang na mamamayan. Dahil kung may tunay mang nagmamahal sa bansang ito ay ang mga taong
handang mamatay hindi para sa sarili kundi para sa kapakanan ng mga kaaway, kakampi at sa lahat ng mga Pilipino!

Walang silbi ang pagsikat ng araw sa bawat umaga kung takip-bibig ang lahat. Ikaw? Sa paanong paraan mo inalipusta ang
iyong Inang bayan? Kailan mo bubuksan ang iyong puso't isipan na buhayin ang dugong bughaw sa iyong pagkaPilipino?
Sa paglipas ng panahon,

Umusbong ang makabagong henerasyon

Modernisasyon napakaraming binago

Na tila ba'y hindi na alam kung saan tutungo

Milenya ang tawag sa henerasyon ngayon,

Na sinasabing napakaraming may komplikadong persepyon

Mahirap unawain lalo na sa umpisa

Ngunit kung iintindihin ay magkakaroon ng pagkaka-isa

Marami sa kanila'y hindi kilala

Ang mga sarili't lalo na si bathala

Hindi naman lahat ngunit maraming salat

Sa pag-unawa't pagmamahalang tapat

Sabi nila'y kulang daw sa aruga

Lalo na iyong mga nalulong sa droga

Kaya't siguro ay panahon na

Upang tayo'y bumangon at gisingin ang natutulog na diwa

Marami pang panahon upang magbago

Hindi lang sa problema umiikot ang mundo

Hindi pa tapos, may pag-asa pa't ang Diyos ay may awa

Balang araw masasabi mo rin na marami ka pa palang pwedeng magawa

You might also like