You are on page 1of 9

SCRIPTURE GUIDE FOR MUSIC MINISTRIES (Chair of St.

Peter Parish)
READINGS FOR AUGUST 2, 2020 – Ika-18 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
St. John Bapiste Marie Vianney Sunday
UNANG PAGBASA, Isaias 55, 1-3

Ito ang sinasabi ng Panginoon:


“Narito ang tubig, mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay
kumuha rito at bumili ng pagkain,
halikayo at bumili ng alak at gatas,
Bumili kayo, ngunit walang bayad.
Bakit ginugugol ang salapi
sa mga bagay na hindi nakabubusog?
Bakit inuubos ang pera
sa mga bagay na walang halaga?
Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko
at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.
Pumarito kayo,
kayo ay lumapit at ako’y pakinggan,
makinig sa akin nang kayo’y mabuhay;
ako’y may gagawing walang hanggang tipan,
at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang
ipinangako ko kay David.

SALMONG TUGUNAN, Salmo 144, 8-9. 15-16. 17-18


Tugon: Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,


banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi. (T)

Tanging Panginoon ang inaasahan ng tanang nabubuhay


Siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkululang;
anupa’t ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay. (T)

Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;


kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo. (T)
IKALAWANG PAGBASA, Roma 8, 35. 37-39
Mga kapatid:
Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang
kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, o ang tabak? Hindi! Ang
lahat ng ito’y kayang-kaya nating pagtagumpayan sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin.
Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang
mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan,
ang kalaliman, o ang alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos –
pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.

MABUTING BALITA, Mateo 14, 13-21


Noong panahong iyon, nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, siya’y sumakay
sa isang bangka at nag-iisang pumunta sa isang ilang na lugar. Nang mabalitaan naman iyon ng
mga tao, sila’y lumabas ng bayan at lakad na sumunod sa kanya. Paglunsad ni Hesus sa
dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong yaon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling
niya ang mga maysakit na dala nila.
Nang dapit-hapon na’y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Ilang ang pook na ito at
malapit nang lumubog ang araw. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao upang
makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis pa,” sabi ni Hesus. “Kayo ang
magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda
natin.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao, kinuha ang limang
tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso
niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat
at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis, at sila’y nakapuno ng labindalawang bakol ng
hati-hating tinapay. May limanlibong lalaki ang kumain, bukod pa sa mga babae at mga bata.
SUGGESTED COMMUNION SONG(S):
Tinapay ng Buhay (Bukas Palad, TNB) Tinapay ng Buhay (Definitive – Papal Mass 2015)
Isang Pagkain, Isang Katawan, Isang Bayan (Lucio San Pedro)
Sinong Makakapaghiwalay (Sr. Anunciata, SPC) – *Recessional Song

READINGS FOR AUGUST 9, 2020 – Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)


UNANG PAGBASA, 1 Hari 19, 9a. 11-13a
Noong mga araw na iyon, si Elias ay sumapit sa Horeb na bundok ng Diyos. Pumasok siya sa
isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano’y nagsalita sa kanya ang Panginoon:
“Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito’y dumaan ang
Panginoon at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog
ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin ang Panginoon. Nang tumigil ang hangin
ay lumindol, ngunit wala sa lindol ang Panginoon. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala
rin sa kidlat ang Panginoon. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.

Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng yungib.

SALMONG TUGUNAN, Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14


Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;


sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap. (T)

Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,


ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas. (T)

Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,


ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan. (T)

IKALAWANG PAGBASA, Roma 9, 1-5


Mga kapatid, saksi ko si Kristo na katotohanan ang sinasabi ko; hindi ako nagsisinungaling. Saksi
ko rin ang Espiritu Santo na malinis ang aking budhi sa sasabihin kong ito sa inyo: matindi ang
aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso tungkol sa aking mga kalahi at
mga kababayan, anupat mamatamisin kong ako’y sumpain at mawalay kay Kristo, alang-alang
sa kanila. Sila’y mga Israelita at itinuring ng Diyos na mga anak niya. Nakita nila ang maliwanag
na tanda na nagpapakilalang siya’y kasama nila. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin
ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako. Sila’y nagmula sa mga
patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Kristo nang siya’y maging tao, Diyos na Kataas-
taasan, na pinapupurihan magpakailanman! Amen.

MABUTING BALITA, Mateo 14, 22-33


Noong panahong iyon, matapos pakainin ang mga tao, agad pinakasakay ni Hesus sa bangka
ang kanyang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo samantalang pinauuwi niya ang mga tao.
Pagkaalis ng mga ito, umahon siya sa burol upang manalangin. Nag-iisa siyang inabot doon ng
gabi. Samantala, nasa laot na noon ang bangka at sinasalpol ng mga alon sapagkat pasalungat
sa hangin. At nang madaling araw na’y sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng
tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng
tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila, “Huwag kayong
matakot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin
ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at
lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y
natakot at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang
inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. “Bakit ka nag-alinlangan?”
Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin. At sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay na
kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Huwag Kang Mangamba (Bukas Palad) Manalig Ka (TSJ2)
Be Not Afraid (Arnel Aquino, SJ) Be Not Afraid (Bob Dufford, SJ)

READINGS FOR AUGUST 16, 2020 – Ika-20 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
UNANG PAGBASA, Isaias 56, 1. 6-7
Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin.
Ang pagliligtas ko’y di na magluluwat, ito ay darating,
ito’y mahahayag sa inyong paningin.”

Ito naman ang sabi ng Panginoon


sa mga dating dayuhan na ngayo’y
kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
nangingilin sa Araw ng Pamamahinga;
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Tatanggapin ko ang inyong mga handog,
at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”

SALMONG TUGUNAN, Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8


Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,


kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas. (T)

Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,


pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (T)
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa. (T)

IKALAWANG PAGBASA, Roma 11, 13-15. 29-32


Mga kapatid, ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Yamang ako’y apostol ninyo,
pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa
gayo’y maligtas ang ilan sa kanila. Kung naging daan ng pakikipagkasundo ng sanlibutan sa
Diyos ang pakakatakwil sa kanila, ang muling pagtanggap sa kanila’y para na ring pagbibigay
buhay sa patay.

Ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Dati,
masuwayin kayo sa Diyos, ngunit ngayo’y kinahahabagan sa panahon ng pagsuway ng mga
Judio. Gayun din naman sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y
kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao
upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.

MABUTING BALITA, Mateo 15, 21-28


Noong panahong iyon, si Hesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa
kanya ang isang Caneneang naninirahan doon at malakas na sinabi, “Panginoon, Anak ni David,
mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong
pinahihirapan.” Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus. At lumapit ang kanyang mga alagad
at sinabi sa kaniya, “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-
sunod sa atin.” Sumagot si Hesus, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang
ako sinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po
ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang
ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “Ngunit ang mga tuta man ay
nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni
Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di’y gumaling
ang kanyang anak.

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Manalig Ka (TSJ 2) Tinapay ng Buhay (TNB)
I am the Bread of Life (Suzanne Toolan) In Him Alone (TBOBP2)

READINGS FOR AUGUST 23, 2020 – Ika-21 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
UNANG PAGBASA, Isaias 22, 19-23
Sinabi ng Panginoon kay Sabnang katiwala sa palasyo:
“Aalisin kita sa iyong katungkulan,
at palalayasin sa iyong kinalalagyan.
Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod,
si Eliaquim na anak ni Helcias.
Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan,
ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan,
siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda.
Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David;
ang kanyang buksa’y walang makapagsasara
at walang makapagbubukas ng ipininid niya.
Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda
itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar
at siya’y magiging marangal na luklukan
para sa sambahayan ng kanyang ama.”

SALMONG TUGUNAN, Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6 at 8bk


Tugon: Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,


sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyulo at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan. (T)

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,


ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako. (T)

Dakila man ang Poong D’yos, mahal din niya ang mahirap
kumubli ma’y kita niya yaong hambog at pasikat.
Ang dahilan nito. Poon, pag-ibig mo’y di kukupas.
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap. (T)

IKALAWANG PAGBASA, Roma 11, 33-36


Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman
ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat:

“Sapagkat sino ang nakaalam sa pag-iisip ng Panginoon,


O sino ang nakapagkaloob ng anuman sa Diyos
para siya nama’y gantimpalaan?”

Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya at sa kanya ang lahat ng bagay. Sa kanya ang
karangalan magpakailanman! Amen.
MABUTING BALITA, Mateo 16, 13-20
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa luapin ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang
kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi
po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si
Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya
sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa
kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi
inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo,
ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi
makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi
ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo
sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” At mahigpit niyang tinagubilinan ang kanyang mga alagad na
huwag sabihin kaninuman na siya ang Kristo.

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Hesus ng Aking Buhay (Arnel Aquino SJ, TBOHH) Kristo (Basil Valdez)
The Presence of Jesus (David Haas)

READINGS FOR AUGUST 30, 2020 – Ika-22 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
UNANG PAGBASA, Jeremias 20, 7-9
Panginoon, ako’y iyong hinihikayat, at sumunod naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin at ikaw ay nagwagi.
Pinagtatawanan ako ng balana; maghapon silang nagtatawa dahil sa akin.
Tuwing ako’y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkasira!”
Pinagtatawanan nila ako’t inuuyam, sapagkat ipinahahayag ko ang iyong salita.
Ngunit kung sabihin kong, “Lilimutin ko ang Panginoon at di na sasambitin ang kanyang
pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang iyong mga salita, apoy na nakakulong sa
aking mga buto.
Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na hirap na akong magpigil.

SALMONG TUGUNAN, Salmo 62, 2. 3-4. 5-6. 8-9


Tugon: Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.

O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;


ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad;
Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas. (T)

Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal,


ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan.
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay.
Kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang pag-uukulan. (T)
Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat.
At ako ay dadalngin na kamay ko’y nakataas.
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay. (T)

Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit,


sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit.
Itong aking kaluluwa’y sa iyo lang nanghahawak,
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa’y natitiyak. (T)

IKALAWANG PAGBASA, Roma 12, 1-2


Mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y namamanhik sa inyo:
ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang
karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.
Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos kung ano ang
mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.

MABUTING BALITA, Mateo 16, 21-27


Noong panahong iyon, sinimulang ipaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang
magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng
mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw
siya’y muling mabubuhay. Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito:
“Panginoon, huwag nawa ng itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit
hinarap siya ni Hesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip
mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang
ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na
magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay
alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan
man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang
maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng
Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel.
Sa panahong yao’y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa.”

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Kung ‘Yong Nanaisin (TNB) Lord, Here I am (Fr. Cielo Almazan, OFM)
Sa Piging na Ito (Ferdz Bautista)
LEGEND:

TBOHH – The Best of Himig Heswita TNB – Tinapay ng Buhay


TBOBP2 – The Best of Bukas Palad Vol.2 TSJ2 – Tinig San Jose Book 2

N.B. Communion songs were provided to help the choirs determining the appropriate song in
relation to the Scriptures. In case of doubt, you may sing a song with a Christo-centric theme
and (or) a song based on the Eucharist.
Song(s) with * are intended for a different part of the mass (not during communion). This is in
order to correctly utilize the song in its intended manner by the composer.

Prepared By:
Kristian Edsel S. Amarante

You might also like