Makabagong Pananagalog Ang tunay na maikli, ngunit malinaw na katuturan ng
pagkamakabago o modernismo ay kung ano ang naabot na katangian ng kasalukuyan, at ang kasalukuyang ito ay laging bunga 6 ng nakaraan. Ang anumang panukalang repormang hindi kaugnay at karugtong ng dinanas na nakaraan o hindi kauri sa dugtungan ng nakaraan at ng ngayon ay madalîng maparam. Ang makabagong anyo ng wikang Tagalog sa sapit ng hinog na panahon ng pagunlad, na sinusundan ng ating kasalukuyang panahon, ay siyáng anyong makabago ng wikang Tagalog. Ang kalagayang yaon ay inabutan ng pambansang palatuntunan sa pagbubuo at pagpapalaganap ng Wikang Pambansa ng Republika. Ang makabagong pananagalog na nagsimula noong sirka 1940 ay siyá pa ring makabagong pananagalog ngayon, sapagkat ang karamihan sa mga manunulat sa Tagalog ay bihasa at sanay sa kalagayan ng wikang Tagalog na wala sa tiyak at tahasang impluho ng balarilang itinuro sa mga paaralan. Iilan sa mga manunulat na may gulang na sa kasalukuyan ang nagpakaabalang mag-aral ng balarila. Marami ang nanatíli sa dáting alam sa wika sa pagpapatuloy nilá sa panunulat, na may kaunting pagbabagong pang-ibabaw lámang. Dapat isaloob ng mag-aaral ng wika na ang kaalaman ng kung anumang makabagong pananagalog ay hindi nangangahulugang nagpapawi at lumilimot sa dáting pananagalog. Manapa’y isiping mabuti ang maláman ang bagong pananagalog upang makilála at maunawaan ang dati at matandang paraan ng pagpapahayag. Itong hulí ay bahagi ng kasaysayan ng kultura ng bansa. Tandaang ang pagtanggi sa katotohanan ng kahapon ay pagwawalang-kasaysayan ng ngayon. Makabagong Pilipino Kung tunay na ang kasalukuyan ay siyáng modernisadong anyo ng isang bagay, lalo na ng isang wika, ang larawan ng makabagong Pilipino ay hindi mapapagkamalan. Bagama’t nang unang itinuro ang Wikang Pambansang Pilipino noong 1940 ay hindi pa ito tinawag na Pilipino, kung hindi batay lámang sa Tagalog, ang makabagong Pilipino ngayong 1968 ay masasabing bunga ng disiplina at kabihasnang inalagaan ng mga pamamaraan ng pagtuturo ng Wikang Pambansang batay sa Tagalog sa mga paaralan ng bansa. Ang disiplina ay humantong muna sa pamamagitan ng maraming pagsasanay sa pagpapahayag at pagsulat sa buong bansa, na saklaw ang lahat ng mga mag-aaral. Tagalog man o di-Tagalog. Sabihan pa, sa mga unang salpok ng pagtuturo, ang mga mag-aaral at guro ay nagdanas ng maraming balakid. Ngunit sa pamamagitan ng tiyaga at aral, ang mga balakid ay unti-unting nahawi, kung hindi man lahat. Ano ang kaibhan ng makabagong Tagalog at ng makabagong Pilipino? Ang nasasapit na matayog na pamantayang kasalukuyan ng mga manunulat sa Tagalog na hindi nag-aaral ni nagsasanay sa impluho ng balarilang 1940 ngunit nagpatuloy sa pag-akda na ang ginámit ay sentido komun sa pagpapasiyá kung ano ang mabuti at naaayon sa mabuting pananagalog— iyan ang makabagong Tagalog. Ang makabagong Pilipino, kung batay man sa Tagalog, ay disiplinado sa anyo, sapagkat pinag-aralan at pinagsanayan ng angaw-angaw na kabataang dumadami taon-taon mula pa noong 1940. 7 Ang mga nagsisipag-aral na ito ay nagdaos ng mga timpalak bigkasan at timpalak panitikan kung ilang beses sa isang taóng pampaaralan. Ang mga ito ay nagsisipagsanay sa pagpapahayag araw-araw sa kaniláng mga klase, pasalitâ o pasulat, sa patnubay ng guro. Marami sa mga ito ang magaling na sa ngayo’t maayos nang bumigkas, bihasa nang magbuo ng mga pangungusap na pasalitâ, marunong na at nagkakasining na sa pagkatha ng mga sanaysay, kuwento, lathalain, at tula. Ang mga ito ay siyáng nagdadala ng makabagong Pilipino, sapagkat ang mga ugaliin nilá sa pagpapahayag na lumalaganap sa bansa ay siyáng magiging pamantayang pambansa. Taón-taón, ang mga guro ng Wikang Pilipino ay nagdaraos ng mga seminar panlokal, pandibisyon, at pangnasyon, sa mga palitang-kuro at napapagkasunduan sa mga pagtitipong ito ay bago at bagong pamamaraan ng pagtuturo ang nagiging bunga—mga pamamaraang may tatak ng impluho ng mga simulain ng ibá’t ibáng sangay at pananaw ng aghamwikang nililinang sa Europa at America. Lumalabas na ang nagtitining na pahayag ng pag-unlad ay ang simplipikasyon at pagkamabisà sa pananalitâ. Sa pamamagitan ng mga libo-libong klase sa Pilipino sa mga paaralan ng bansa, sa libo-libo ring mga guro, sa daan-daan libong mag-aaral na tumatanggap ng halos unipormeng pagtuturo sa buong bansa, ang pamantayan at uri ng makabagong Pilipino ay iisa sa lahat, ang paghakbang na paunlad ng lahat ay sabay-sabay. Ang mga mag- aaral, anumang rehiyon ang kabilangan, ay may iisa at parehong pagkakataóng magpakabuti, magpakagaling, magpakadalubhasa, at magpakatayog sa iisang pamantayan ng sining at agham ng wika. Kung may mga “repormista” mang lumitaw, ang kaniláng panukalang reporma ay maaring makaimpluho o di-makaimpluho ayon sa lohika ng kaurian ng reporma na kaagos ng pag-unlad ng wika sa simplipikasyon at pagkamabisà, sa linaw, bigat, at ganda ng pagpapahayag. Ang kauri at kayari ay madalîng tangayin ng agos. Ang hindi kauri ni kayari ay parang mga batong nililigiran ng agos na patuloy din, kung nabalam man nang kaunti sa pag- agos. Bagama’t may nibel na mataas at mababà sa lahat ng wika, ang ipinalalagay na marapat ituro sa mga paaralan ay ang mataas, matayog, maayos, mahusay, at binuli. Ang uring ito ng wikang Pilipino ay maaaring ilarawan sa mga sumusunod na pagtitiyak: 1. Ang pinakamakatwiran, organisado, at sistematiko sa mga alituntunin at tuntuning hindi naman nakapipigil sa maluwag at magaang pag-unlad ng wika sa buong bansa. 2. Ang anyo ng wikang Pilipino na konsistente (o maugnayin) sa katupangkat ng mga táong sadyang nag-aaral at nagpakadalubhasa sa nasabing wika sa mga paaralan o sa sariling pagsasanay at pananaliksik. 3. Ang anyo ng wikang Pilipino na malinaw at mabisàng tumutugon sa ugaling pambansa at pandaigdig sa pagpapahayag. 4. Ang anyo ng wikang Pilipino na konsistente (o maugnayin) sa katutubong katangian ng kasarinlan ng wika. 8 5. Ang anyo ng wikang Pilipino na sasakyang- pahayag ng mga dinadakila at kinikilálang akdang pampanitikan ng mga pangunahing manunulat ng bansa at ng mga makikinis na akdang pang-agham ng mga pangunahing dalub- agham ng bansa. 6. Ang anyo ng wikang Pilipino na maaaring maipíling at maihanay na kapuripuri, hakot-dangal, at hakot-paghanga sa mga kinikilálang pangunahing wika ng daigdig. 7. Ang anyo ng wikang Pilipino na bunga ng masinop, masusi, maingat, mapagyayaman, at maagham na pangangalaga at paglilinang ng mga guro, ng mga pantaswika, at ng mga makata’t manunulat ng bansa. 8. Ang anyo ng wikang Pilipino na nagpapanatíli sa katangiang pagka-Pilipino, maging sa panghihiram ng mga salitâ at parirala, pati sa mga paglikha ng mga kinakailangang talakay. Impluho ng Aghamwika Napasok ang aghamwikang gáling sa America dito sa atin upang matuklasan ang mabisàng pagtuturo ng Ingles bílang “pangalawang wika” ng mga Pilipino. Ang mga aklat sa aghamwika ay pawang ukol, hinggil, at tumutumbok sa pagtututro ng Ingles. Dahil dito, inisip ng mga nagmamalasakit sa Pilipino na gamítin din ang mga simulain at tuntunin ng pagtuturo ng “pangalawang wika” sa pagtuturo ng Pilipino sa mga di- Tagalog. Malinaw na napapansin na sa mga pagtuturo ng Ingles bílang pangalawang wika ay kakaunti pa hanggang ngayon ang tunay na nakakaunawang lubos sa mga pasikot-sikot ng bagong pamamaraang ito. At hindi pa rin maaaring masabing may nakasulat na nang buong kasiyahan sa bisà ng pagkaturo ng ilang gurong ito. At wala pa ring nakapagbibigay-ulat na malinaw hinggil sa pagtuturo ng Pilipino sa mga di-Tagalog sa pamamagitan ng pamamaraan ng pangalawang wika, na siyáng unang iniisip kapag sinasabing ilalapat ang simulain ng aghamwika sa pagtuturo ng Pilipino. Ang nagiging mabisàng impluho ng aghamwika sa pagtuturo ng Pilipino, hindi sa pag-unlad ng wikang Pilipino, ay ang pagbabaling ng paningin ng mga guro at dalubwika sa maagham na pagtuturo at sa lalong tapat at mahusay na paglalarawan sa kalagayan ng wikang Pilipino, ayon sa katutubong katangian ng sariling konsistensiya at ayon sa impluhong semantika mula sa labas. Ang bunga nitó’y hindi mapapansin nang biglaan, sapagkat ang alinmang wika’y hindi biglaan, o agad-agaran kung umunlad, lumawak, at malinang. Karaniwang nahahalata ang impluho ng kabihasnan ng isang salinlahi kapag ito’y malápit nang magwakas at hinuhugpungan na ng mga makabagong pananaw ng sumusunod na salinlahi na karaniwang sanib-sanib at sagu-sagunson. Anuman ang sabihin, ang kasalukuyang kalagayan ng isang wika ay duluhan ng sariling kalagayan na nagsimula ng pagkabuhay na mahabang panahon. Sa ibáng salitâ, ang lahat ng wika ay may pinagmulan, may pinanggalíngan. Ang katangian ng pinagmulan 9 at pinanggalíngan ay mananatíling katutubo at tampok na katangian sa kasalukuyang kalagayan, kahit ilang libong taón at patong-patong nang salinlahi ang nagbaón sa pamulaan. Samakatwid, kung Kawi noong araw, na naghiwalay sa Indones at Malay, at itong hulí ay nangalat sa Filipinas, na Tagalog ang kapatid ng mga binisaya, binikol, inilokano, atbp, ang Pilipinong batay sa Tagalog ngayon ay dili ang hindi magtataglay ng katangian ng Kawi, Malay, Tagalog, atbp, na katutubo sa sariling kasaysayan ng pagkalinang bílang wika.