You are on page 1of 3

Juan, Angela Marie C.

BSMA 1-3

Thought Piece #1:

Ano ba ang tunay na “Kalayaan” (Freedom)?

Kung babalikan natin ang kasaysayan ng Pilipinas, masasabi nating hindi biro ang
pinagdaanan ng libo-libong mga Pilipino sa kamay ng mga banyaga ilang daang taon na ang
nakararaan. Pang-aabuso, karahasan at pagkait ng kalayaan ang dinanas ng mga Pilipino sa loob
ng maraming taon. Sila ay nasa sarili nilang bansa ngunit hindi nila maramdaman ang kalayaan
at kaligtasan na dapat sana ay nakakamit nila. Dahil dito, nagising at namulat sa tunay na
nangyayari ang ilang mga Pilipino, kabilang na dito ang mga dakilang bayaning sina Jose Rizal
at Andres Bonifacio, na silang nanguna sa pakikibaka at dugo't pawis pa nga ang inalay makamit
lamang ang iisang mithiin ng lahat, ang kalayaan.

Sa kasalukuyan, matuturing na tayo'y malaya na mula sa mga banta, karahasan at


direktang pananakop ng makapangyarihang mga bansa. Ang madilim na kahapon dulot ng
pagmamalupit at pagmamalabis sa ating bayan ay isang bahagi na lamang ng ating kasaysan na
hindi na natin nanaisin na maulit pa. Ngunit ano nga ba talaga ang tunay na kahulugan ng
kalayaan? Ganap na nga bang malaya ang sambayang Pilipino? Kung totoo nga, bakit tayo, lalo
na ang mga babae, natatakot na maglakad sa lugar na walang tao at madilim? Bakit natin
kailangan ikandado ang pintuan at bintana ng ating tahanan tuwing tayo ay aalis? Bakit
karamihan sa atin ay inilalagay ang bag sa ating harapan kapag nagpupunta sa mga mataong
lugar gaya ng Quiapo o Divisoria? Bakit tayo minsan ay nag-aalinlangan na magpahayag ng
opinyon? Bakit may mga batas na dapat nating sundin? Bakit kahit na sinasabing tayo ay may
'kalayaan', ay hindi natin maaaring gawin ang lahat ng ninanais nating gawin? Bakit may mga
limitasyon pa rin sa ating mga dapat ikilos kahit na may kalayaan na tayo? Iyan ang ilan sa mga
tanong na naglalaro sa aking isipan kapag iniisip ko ang salitang 'kalayaan'.
Kung ikukumpara ang panahon noon sa panahon ngayon, masasabi nating kahit papaano
ay mas naging maluwag na ang kilos ng mga tao sa iba't ibang aspeto gaya ng pagpapahayag ng
opinyon, pagpili ng iluluklok sa pamahalaan at maging ang pagbatikos sa pamahalaan. Mas
naging bukas na rin ang isipan ng marami pagdating sa usapin ng LGBT at ang mga kababaihan
naman ay may boses na rin sa lipunan.

Ngunit sa kabila nito, aking napapansin na laganap pa rin ang mga krimen, karahasan,
korapsyon at panglalamang sa kapwa hindi lamang sa ating bansa, kundi sa buong mundo. Sa
palagay ko, ang mga ganitong klase ng gawain ang ugat kung bakit hindi tayo nagkakaroon ng
lubos at ganap na kalayaan. Para sa akin, makakamit lamang ang tunay na kalayaan kung ang
pagkakaroon ng mabuting kalooban, malasakit sa kapwa, lipunan at lalong lalo na sa iyong
sariling bayan ang ating prayoridad. Kung mabuti ang iyong kalooban, hindi ka mag-iisip o
gagawa ng bagay na alam mong ikasasama ng iyong kapwa at ng iyong lipunan.

Ang tunay na kahulugan ng kalayaan para sa akin ay may laya kang gawin ang ninanais
mo nang walang pag-aalinlangan, takot o pangamba sa iyong sarili, sa iyong paligid o sa kapwa
at lalong lalo na sa pamahalaang mayroon ka. May paninindigan at kakayahan kang magdesisyon
at gawin ang nakabubuti para sa iyong sarili at sa bayan nang hindi umaasa o nakatali sa tulong
iba. Kabuting panlahat ang laging inuuna at wala kang inaapakang karapatang pantao o hindi mo
ipinagkakait sa ibang tao ang kanilang sariling kalayaan. Sa madaling salita, mapayapa, masaya,
at kayang-kaya mong gampanan ang iyong mga tungkulin bilang isang mabuting mamamayan
nang buong puso at may paninindigan.

Babalikan ko ang ilan sa mga tanong ko kanina: Bakit ba tayo natatakot maglakad sa mga
madidilim na lugar, atbp. Bakit tila lagi tayong may pag-aalinlangan at takot sa ating ginagawa?
Kagaya rin ng sinabi ko kanina, ang ugat ng lahat ng iyan ay dahil sa kasamaan sa mundo.
Nangangamba tayo tuwing maglalakad sa gabi dahil natatakot tayo na baka may masasamang
loob na maaaring maglagay sa atin sa panganib. Nilalagay natin ang bag natin sa ating harapan
dahil natatakot tayo na baka may mga taong mapagsamantala sa paligid. Nag-aalinlangan tayong
magpahayag ng opinyon o kritisismo sa mga bagay bagay sa takot na mahusgahan ng ibang tao.
At higit sa lahat, may batas upang maging disiplinado ang mga tao at magkaroon ng kaayusan sa
bansa.

Nakalulungkot isipin na hindi natin namamalayan, tila ba sanay na tayo o inaasahan na


natin ang mga ganitong pangyayari sa ating pang-araw-araw na buhay. Ito ang aking pinupunto
kung bakit ko nasabing wala tayong tunay na kalayaan. Halos lahat ng ating gagawin ay
mayroon pa ring limitasyon, kung hindi naman ay may takot at pangamba –na siyang pumipigil
sa atin na gawin ang anumang naisin natin. Kung mayroon nga tayong tunay at ganap na
kalayaan, hindi tayo matatakot o walang pag-aalinlangan nating magagawa ang mga bagay na
naisin natin dahil kampante at tiwala tayong walang hahadlang sa ating kalayaan. Ngunit kung
realidad ang pag-uusapan, hindi ganito ang nangyayari.

Hinding hindi tayo magkakaroon ng tunay at ganap na kalayaan kung patuloy pa rin ang
panglalamang, panggugulang at pangsasamantala sa kapwa at sa lipunan. Upang maging
malaya, bilang isang Pilipino, dapat nating simulan ito sa ating sarili. Kung wala kang malasakit
sa iyong kapwa at lagi mo lamang iniisip ang sarili mo, mahirap makamtan ang kalayaang ating
inaasam. Dapat tayong magtulungan na iangat ang bawat isa at tigilan na ang pagiging
makasarili. Hindi ibinuwis ng ating mga bayani ang kanilang buhay noon para lang
maglamangan at magswapangan tayo sa kasalukuyan. Mahalin natin ang ating sarili, kapwa at
lalong lalo na ang bayan na ating sinilangan upang maging matiwasay at maunlad ang bawat isa
sa atin at nang makamtan natin ang tunay na kalayaan.

You might also like