You are on page 1of 7

MARAMING WIKA,  MATATAG NA BANSA

 
Ricardo Ma. Nolasco Ph.D.
Tagapangulo, Komisyon sa Wikang Filipino
 
 
             Isa pong karangalan at pribilehiyo para sa akin at sa Komisyon sa Wikang Filipino na
maimbitahan at makapagsalita sa inyong kumperensya.  Ang ibabahagi ko sa inyo ngayong umaga
ay tungkol sa bisyon,  direksyon at mga programa ng  KWF para sa susunod na tatlong taon,  o
hanggang 2010.  Ibinabahagi ko ang mga ito sa inyo sa pag-asang yayakapin ninyo ang nasabing
mga bisyon,  direksyon at programa bilang sarili ninyong bisyon at programa. 
 
           Kamakailan lamang ay nagkasundo ang pamunuan ng KWF na baguhin ang aming
bisyon.  Ang pangarap namin ay:  “maging sentro ng kapantasan sa mga wika at literatura ng mga
Pilipino.”   Umaalinsunod ang pangarap na ito sa aming mandato na paunlarin, palaganapin at
panatilihin ang mga wikang ginagamit ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan. 
 
           Ang ganitong bisyon at misyon ay pag-amin na bagamat ang KWF ay siyang opisyal na
ahensyang pangwika ay  malayo pa rin ito sa pagiging tunay na sentro ng kapantasan at kaalaman
sa mga wika at panitikan ng mga Pilipino.  Ang itinatayo namin ay isang sentro ng impormasyon,
dokumentasyon at pananaliksik;  na may kuwerpo (corps) ng mga mananaliksik na may mataas na
kakayahan sa linggwistika at applied na linggwistika  (hal.  pagtuturo ng wika) at pagsasaling-
wika;   isang sentro na katatagpuan at naglalaman ng lahat ng mga pag-aaral at akda tungkol sa mga
wika ng Pilipinas;   isang sentro na may kamalig ng mga datos  sa ibat ibang wika,  at sa ibat ibang
genre,  kasama na ang audio at video recording  ng mga pangyayaring komunikatibong may mga
anotasyon at komentaryo;  isang sentro na lumilikha ng mga orihinal at huwarang  mga
diksyunaryo,  gramatika, ortograpiya,   iskolarli na mga babasahin,  materyales sa literasiya at
reperensya sa pagtuturo sa magkakaibang disiplina;  at isang sentro na dalubhasa rin sa
teknolohiyang pang-impormasyon at pangkomunikasyon upang magampanan ang gawain ng
pagpapaunlad,  pagpapalaganap at pagpapanatili ng mga wika sa Pilipinas.
 
            Ang katwiran para sa pangarap naming ito ay nagmumula sa aming pagkilala sa kahalagahan
ng mga wikang ginagamit ng mga Pilipino—ang wikang pambansa,  ang mga wikang panglokal at
mga wika na pang-ibayong dagat--- para sa magkakaibang mga layunin:  para sa literasiya at
edukasyon ng ating mamamayan; para sa layuning pangkultura at intelektuwal;   para sa
pagkakakilanlan at etnisidad;   para sa pakikipagtalastasan sa loob at labas ng bansa;   para sa pag-
unlad na pang-ekonomiya;  at para sa kaisahan at katatagang pampulitika. 
 
            Gusto naming isipin na lipas na ang panahon na ang mga gawain ng komisyon—sa
katotohanan o sa karaniwang pagkakaalam-- ay eksklusibong nakatuon sa wikang pambansa,  sa
kapabayaan ng mahigit na 170ng wika ng ating bansa  at nang walang makatotohanang
pagsasaalang-alang sa isa pang opisyal na wika ng bansa,  ang Ingles,  o sa mas eksaktong
pormulasyon,  ang Philippine English.
 
            Ito ang landas o linya ng “isang bansa,  maraming wika”,  na siyang simulain
ng  kasalukuyang tema ng buwan ng wika 2007,  na   “maraming wika,  matatag na bansa.”
 
            Ano ang batayan at katwiran ng “maraming wika, matatag na bansa”? 
 
            Ang batayan at katwiran ay may kinalaman sa pagiging multilinggwal at pagiging multikultural
ng mga Pilipino. Sa halip na isang disbentahe,  itinuturing ng komisyon na  napakalaking bentahe ang
pagkakaroon ng Pilipinas ng mahigit na 170ng wika.  Pangsampu tayo sa pinakamaraming wika sa
buong daigdig,  sa kabila ng palasak at mapangmenos na  palagay na ang mga wikang ito’y pawang
mga dialekto lamang.   Ang natural na kundisyon ng karaniwang Pilipino at ng karaniwang
mamamayan ng daigdig  ay  hindi lang iisa ang alam nitong wika.  Sa karaniwan,  ang Pilipino at ang
karaniwang tao sa daigdig ay may alam na dalawa o mahigit pang wika.  Si Hesukristo ang
pinakamainam na halimbawa ng pagiging multilinggwal,  sapagkat marunong siya ng Aramaic,  ng
Hebrew,  Griyego at Latin.  Si pangulong GMA ay mainam na halimbawa ng isang Pilipino.  Maalam
siya sa Kapampangan,  Sinebwano,  Ilokano,  Tagalog,  Ingles at Espanyol.  Dahil sa katotohanang
ito,  ang ideya at pangakong pag-unlad sa ilalim ng  isang sentralisadong nasyon-estado na may
iisang sentralisadong wikang pambansa ay naglalaho.     
 
            Gayunpaman,  mayroon tayong wikang pambansa.   Ito ang wikang Tagalog na nang dahil sa
kumbinasyon ng mga sirkumstansyang historikal,  pang-ekonomiya at sosyopulitikal ay naging komon
na wika ng magkakaibang etnolinggwistikong grupo ng ating bayan.  Ang kasalukuyang Filipino ay
ang dating wika ng Katagalugan na naging pambansa.  Ang Filipino, kung gayon, ay ang
pambansang linggwa prangka. 
 
            Kung batayang panglinggwistika ang pag-uusapan,  ang wikang pambansa at ang Tagalog ay
nabibilang sa iisang wika.  Ang unang batayan sa pagsabi nito ay ang tinatawag na mutual
intelligibility.   Ang isang  nagsasalita ng “Filipino” at ang isang nagsasalita ng Tagalog ay
magkakaunawaan.  Kung gayon,  nagsasalita sila ng isang wika. 
 
            Ang ikalawang batayan ay ang gramatika.  Ang gramatika ng umiiral na “Filipino” ay walang
pinag-iiba sa gramatika ng Tagalog.   Totoong sa ilalim ng konstitusyon,  ang wikang Filipino ay
kailangang nakasalig sa mga umiiral na wika sa Pilipinas.  Pero,  sa ngayon,  ang gramatika ng
wikang pambansa ay yaong sa Tagalog.  Tingnan lamang ang mga panlapi ( -um-, -in, -an, at i-)  at
ang mga gramatikal na pananda (i.e. ang, ng, sa)  at mga partikulo (i.e. pa, na, kung, daw,
kasi).  Hindi ba magkapareho lang sa mga panlapi at gramatikal na pananda at partikulo ng tinatawag
na “Filipino”?   Walang panlapi o gramatikal na elementong galing sa Ilokano,  Sebwano,  Ilonggo at
sa ibang malalaking wika ang may matatag na katayuan sa wikang pambansa. 
 
            May ilang teorista sa akademya na nagpapalaganap ng ideya na ang kaibahan ng “Filipino”
sa Tagalog ay ang pagiging “malaya” ng una,  at ang pagkapurista ng huli.  Ang ibinibigay nilang
halimbawa ay ang pagkakaiba ng leksikon ng “Filipino” at ng “Tagalog”,    gaya raw ng “fakulti”,  sa
halip na “guro”,  “kolehiyo” sa halip na “dalubhasaan”,  “miting” sa halip na “pulong”  atbp.    Kinikilala
ng KWF na ang “purismo” at “Tagalismo” ay mga hadlang sa pagpapaunlad ng wikang
pambansa.  Subalit, kailangan ding alalahanin na hindi panghihiram ng dayuhang leksikon o leksikon
buhat sa iba pang wika ng Pilipinas ang batayan sa pagklasipika ng dalawa o mahigit pang barayti na
magkakaibang wika.  (Maging ang mga Tagalog sa Batangas at Bulakan ay nanghihiram din at
nagko- code-switch.)  Gaya ng nabanggit sa itaas,  ang pagkakaunawaan at ang gramatika ay higit
na mapagpasyang batayan.  Idagdag pa rito ang katotohanan na karamihan ng mga Pilipino ay
tumatawag pa rin sa wikang pambansa na “Tagalog”.   at madaling maintindihan kung bakit kakaunti
lamang,  maliban sa kakarampot sa akademya,  ang naniniwala na ang  “Tagalog” at ang “Filipino” ay
“magkaibang wika.” 
 
            Pero may isang malaki at hindi matatawarang pagkakaiba ang wikang Tagalog noon at
ang  wikang pambansa ngayon.   Ang kasalukuyang wikang pambansa ay ang pangalawang wika ng
nakararaming Pilipino.  Mas marami nang Pilipino ngayon na marunong mag-Tagalog pero hindi ito
ang kanilang kinagisnan o unang wika.   Ito ang pangalawang wika nila.  Ito ang isa sa tampok na
dahilan sa pagtawag dito ng ibang pangalan—Filipino.  Ito rin ang panlipunang batayan sa paglitaw
ng mga pasalitang barayti ng “Filipino”;  mga barayti  na hindi lamang limitado sa Katagalugan at
Kamaynilaan, kundi sumasaklaw sa Davao,  Iloilo,  Cebu,  Baguio,  Angeles, Cagayan de
Oro,  Zamboanga City at sa ibang punong sentrong lungsod kung saan nagtatagpo ang
magkakaibang grupong etniko.  Sa ngayon,  ang barayting pinakaprestihiyoso ay ang barayti sa
Metro Manila at kanugnog na mga lugar,  na siyang  itinuturo ngayon sa mga paaralan at
pinalagaganap ng masmidya.  Pero hindi maipupuwing na ang wikang Tagalog ay naging pambansa
na.
 
            Ang ganitong mga katotohanan,  sa aking palagay,  ay  hindi nalingid sa mga gumawa ng
mga probisyong pangwika sa ating konstitusyon.   Nanalig sila na habang nalilinang,  ang wikang
pambansa ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika sa Pilipinas at sa iba
pang wika.  Idineklara din nila ang wikang Filipino at ang wikang Ingles bilang wikang opisyal,   pero
hindi nila kinaligtaan na ipahayag din na ang mga wikang pangrehiyon ay pantulong na wikang
opisyal at midyum ng pagtuturo.    Higit sa lahat,  tiniyak nila ang pagtatayo ng isang komisyon na
“magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod” ng mga pananaliksik hindi lamang sa wikang
pambansa,  kundi sa iba pang mga wika ng mga Pilipino.  Ang ganitong mga probisyong
pangkonstitusyon ay nagkaroon ng katuparan sa pagkakapagtibay ng RA 7104 na siyang lumikha sa
Komisyon sa Wikang Filipino.
 
            Ang lohika ng patakarang multilinggwal sa pagpapaunlad ng mga wika sa Pilipinas   ay unti-
unting tinatanggap ngayon ng mas maraming mananaliksik sa wika at/o tagagawa ng patakaran sa
ating pamahalaan.    Nitong kamakailan,  may isang grupo ng mga mananaliksik  ang naglabas ng
KRT 3 Formulation of the National Learning Strategies for the Filipino and English Languages na
nagmumungkahi sa pamahalaan na:
 
·        para sa ECCD (3-5ng taon),  ang paggamit ng wika ng bata sa day care center.  Gagamitin
ang Filipino at English (at Arabic) sa mga istorya at panitikan;
·        para sa Grade 1 hanggang 3, ang paggamit ng wika ng bata bilang midyum ng pagkakatuto
para sa lahat ng subject.  Gagamitin ang Filipino at English (at Arabic) bilang magkahiwalay na
subject para sa oral language development;
·        para sa Grade 4 pataas,   Filipino bilang midyum ng pagtuturo para sa Makabayan at
subject na Filipino at/o panitikan  at English bilang midyum sa Math at Science.  Gagamitin
ang wika ng bata bilang pantulong na wika;
·        samantala, sa sekundarya,  magtuturo ng mga language elective sa wika ng bata,  wikang
pangrehiyon,  Arabic at anumang wika sa ibayong dagat;
 
       Ayon sa nasabing dokumento:  “(c)ontrary to being a hindrance,  the languages of children
must be considered as enabling factors on which student learning and achievement can be
based.  The use of the mother tongue in learning has been found to be the most effective way to
bridge learning in all subject areas including the development of future languages.  This is a
generalization based on numerous experiences of other multilingual countries as well as empirical
studies conducted in the Philippines.”  
 
            Ang isang halimbawa ng empirikal na pag-aaral na nagbibigay-balidasyon sa bisa ng
multilinggwal na patakaran ay ang resulta ng 2006 NAT Grade 3 reading test sa dibisyon ng
Kalinga.   Sa sampung distritong ito,  tanging ang Lubuagan lamang ang may first language
component,  ibig sabihin,  ang unang wika ay siyang ginamit na midyum ng pagtuturo sa naturang
eskuwelahan,  kahit sa science at math. Ang natitirang siyam na dibisyon ay sumailalim sa regular na
edukasyong bilinggwal.   Ipinakikita ng reading test na ang distrito ng Lubuagan ang nakapagtala ng
pinakamataas na marka sa English (76.5%) at Filipino (76.44%).   Ang pumangalawa na distrito ay
ang Tinglayan na nakaiskor ng  64.5% sa English at 61.4% sa Filipino.     Ang pumangatlo naman ay
ang Pasil,  na nakaiskor ng 51.9% sa English at  47.7% sa Filipino.
 
            Ang ganitong mga ebidensya ay nagpapatotoo na maaaring gawing tulay ang lokal na wika
upang matutuhan ang English at Filipino. Ang totoo’y maraming mga pag-aaral ang nagpapakita na
ang paggamit ng wikang hindi-sa- bata ay hindi makatutulong manapa’y makasasama pa nga sa
pang-akademikong performance ng bata.  Mahalagang banggitin muli ang mga napatunayan sa
pananaliksik ni Taufeulangaki (2004):
 
·        ang mga bata ay nangangailangan ng pinakamababa na 12ng taon upang matutuhan ang
kanilang unang wika;
·        ang mga bata ay hindi natututo ng pangalawang wika nang mas mabilis kaysa mga
matanda;
·        ang may edad na bata ay may higit na kasanayan sa pagkatuto ng pangalawang wika;
·        mas importante ang pag-unlad pangkognitibo ng bata kaysa paghantad sa ikalawang wika;
 
          Sa isang hiwalay na artikulo,  nabanggit ko na ang eksklusibong paggamit ng Ingles at Filipino
ay nagresulta sa tinatawag ni Smolicz, Nical and Secombe (2000) na inferiorization ng iba pang wika
sa Pilipinas.  Ninanakaw ng kasalukuyang patakarang bilinggwal ang wika ng bata at hinahalinhan ito
ng isang wikang di-pamilyar at tiwalag sa kanilang kultura at karanasan.  Ang mensahe ng bilinggwal
na edukasyon sa marami nating mag-aaral ay walang kuwenta ang kanilang kinagisnang wika.  Sa
halip na tingnan bilang resource at pundasyon ng panimulang kaalaman, itinuturing ang pagkakatuto
ng wikang sarili na isang malaking kakulangan o deficiency,  o dikaya’y kapansanan.  Sa halip na
pagmamahal at pagpapahalaga sa sariling kultura’t wika,  pagkutya at pagmamaliit sa sarili ang
itinuturo ng kasalukuyang patakaran.
  
Sinusuportahan ng KWF ang anumang kampanya na papaghusayin ang kasanayan sa Ingles
ng ating mga estudyante.  Pero kailangang linawin na ang pinakamabisang paraan ay ang pagturo
dito bilang pangalawang wika.  Ibig sabihin nito, magsimula sa kinagisnang wika sa unang mga
grado.    Kapag mabulas na at matatag na ang kasanayang pangliterasi at pangkognitibo ng
estudyante sa kinagisnang wika at kultura,  ipakilala ang Ingles at ang Filipino bilang
mga subject.  Sa paglaon ay maaari na ring ituro ang  iba pang subject sa Filipino at
Ingles.  Gayunpaman,   ang katatasan sa Ingles ay hindi makakamtan lamang sa eskuwelahan.  Sa
labas ng eskuwelahan, kailangang magkaroon ang mga estudyante ng mga modelo o huwaran sa
pagsusulat at pagsasalita ng mabuting Ingles, at kasabay nito ng mga pagkakataon para magamit
ang kanilang kasanayan sa Ingles.    Sa kasalukuyan ay walang sapat na motibasyon at oportunidad
maliban sa eskuwelahan upang mapaunlad ng mga estudyante ang kanilang kasanayan sa
Ingles,  laluna sa pagsasalita nito.   
 
            Ang komitment ng KWF sa “isang bansa, maraming wika”  ay makikita sa tema at saklaw ng
nakaraang patimpalak na idinaos noong Buwan ng Wika 2006.   Sa simula’t sapul ay nakasanayan
na namin na magdaos nang taunan ng isang patimpalak lamang,  ang tradisyunal na Gantimpalang
Collantes sa sanaysay sa wikang Filipino.     Noong 2006,  sa kauna-unahang  pagkakataon ay
nagdaos ang KWF ng magkakahiwalay na mga timpalak sa pormal na pagsulat sa Sebwano (tula at
maikling kuwento),  Iloko (tula at maikling kuwento),   Hiligaynon (maikling kuwento) at  Pangasinan
(tula).  Ang nagwaging mga akda ay nakatipon ngayon sa isang akda na pinamagatang Ani ng Wika
2006.  Ang tema ng buwan ng wika 2006 ay:  “Ang buwan ng wikang pambansa ay buwan ng mga
wika ng Pilipinas.” 
           
            Ngayong taong 2007,  pinalawak namin ang saklaw ng patimpalak para makasama ang Bikol
(maikling kuwento at sanaysay),  Samar-Leyte (tula at maikling kuwento),  Kapampangan
(tula),  Meranaw (sanaysay), Maguindanao (sanaysay) at Tausug (sanaysay).   Ang tema ng buwan
ng wika 2007 ay:  “Maraming wika, matatag na bansa.” 
 
            Ang multilinggwal na adhikain ng KWF ay hindi lamang naipapahayag sa taunang
pagdiriwang  ng buwan ng wika  at pagkilala sa mahusay na mga akdang pampanitikan,  kundi sa
mga pangmatagalang programa at proyektong inako nitong isakatuparan.  
 
            Ang mga programa’t proyektong ito ay naglalayon na makamit ang sumusunod na pagbabago
sa ating kapaligiran: ang pagpabor ng opinyong publiko sa multilinggwalismo.  Hanggang ngayon,
marami pa rin ang naniniwala na hindi na kailangang pag-aralan ang wikang pambansa o ang ating
mga lokal na wika sapagkat “alam na natin ito.”  Laganap pa rin ang maling pag-iisip na ang
pagkakaroon ng isang wika ay mapagpasya sa pagbubuo ng isang bansa. 
 
            Upang pumabor ang opinyong publiko sa multilinggwalismo,  plano naming magbigay ng
napapanahong mga impormasyon sa OP, DEPED, CHED,  ang Kongreso at iba pang ahensya ng
gobyerno  tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa wika.  Makatwiran lamang na ang unang
benepisyaryo ng aming mga pananaliksik ay ang pamahalaan na rin. 
 
            Gusto rin naming lumikha ng bagong mga kaalamang pangwika at pampanitikan.  Nais
naming palakasin ang:  Philippine Lexicography program,  Philippine Grammars Program,  ang
National Translation Program,  ang Phonology, Phonetics and Ortography Program,  mga proyekto
sa literasiya at pagtuturo ng wika; Philippine Language Mapping Project;  Bibliography of Philippine
Languages project;  Endangered Languages Program;  Philippine corpus; 
 
            Gusto rin naming palaganapin sa publiko at stakeholder ang impormasyon at kaalamang
pangwika at pampanitikan.  Kayá namin itinatayo  ang:  Library and Archives of Philippine
Languages;  pinapataas  ang kantidad at kalidad ng mga publikasyon; nagdadaos ng mga
seminar,  workshop, lektyur,  at iba pang aktibidad na pang-edukasyon;  pinapaganda ang aming
website;  nagkakaloob ng mga research grants o tinutulungan ang mga stakeholder na makakuha ng
mga research grants;  nagtatayo ng mga language councils sa mga rehiyon;  pinalalakas ang mga
kakayahang pang-IT at pampananaliksik,  at sinisikap na magkaroon ng sarili naming tahanan at
gusali.
 
            Sa pagwawakas,  nais kong ibilin sa inyo ang sinabi ng isang katutubong Amerikano,  isang
American Indian,   tungkol sa relasyon ng wika at ng buhay.  Aniya,  kailangan natin ang wikang
dayuhan para mabuhay sa kasalukuyang panahon.  Pero kailangan natin ang wikang sarili,  para
mabuhay nang habampanahon.
 
            Magandang umaga sa inyong lahat. 

You might also like