You are on page 1of 8

SCRIPTURE GUIDE FOR MUSIC MINISTRIES (Chair of St.

Peter Parish)
READINGS FOR OCTOBER 4, 2020 – Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
UNANG PAGBASA, Isaias 5, 1-7

Ako ay aawit sa sinta kong mahal tungkol sa nangyari sa kanyang ubasan:


Mayroong ubasan ang sinta kong mutya sa libis ng bundok na lupa’y mataba;
hinukayan niya’t inalisan ng bato at saka tinamnan ang nasabing dako;
mga piling puno ng mabuting ubas itinanim niya sa nasabing lugar;
sa gitna’y nagtayo ng isang bantayan at nagpahukay pa ng sadyang pisaan.
Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kayang tanim ay magsimpamunga.
Ngunit ano ito? Pagdating ng araw ang kanyang napitas ay ubas na ligaw.
Kaya’t kayo ngayon, taga-Jerusalem, at gayun din kayo, mga taga-Juda,
kayo ang humatol sa aming dalawa:
Ako, at ang aking ubasan.
Ano pa ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan?
Bakit nang ako’y mamitas, sa itinanim kong mabubuting ubas, ang nakuha ko ay ubas na ligaw?
Kaya’t ito ngayon ang gagawin ko sa aking ubasan:
Papatayin ko ang mga halamang nakapaligid dito.
Wawasakin ko ang bakod nito.
Hahayaan kong ito’y mapasok at sirain ng mga ilap na hayop.
Pababayaan ko itong lumubog sa sukal, mabalot ng tinik at dawag;
di ko babawasin ang sanga’t dahong labis, di ko pagyayamanin ang mga puno nito;
At pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
Ang ubasang ito’y ang bayang Israel, at ang Panginoon naman ang siyang nagtanim; ang mga
Judiong kanyang inaruga ang mga puno ng ubas.
At kanyang hinintay na ito’y gumawa ng mabuti ngunit naging mamamatay-tao,
Inaasahang magpapairal ng katarungan ngunit panay pang-aapi ang ginawa.

SALMONG TUGUNAN, Salmo 79, 9 at 12. 13-14. 15-16. 19-20


Tugon: Panginoon, iyong tanim ang ubasan mong Israel.

Mula sa Egipto, ikaw ang naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim


sa lupang dayuhan, matapos ang tao mo’y palayasin.
Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang
malabay nito’y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti’t umabot sa ilog. (T)

Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop pawang nasa parang. (T)
Ika’y manumbalik, O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas! (T)

At kung magkagayon, magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman,


kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.
Kami ay ibalik, Panginoong Diyos, at ipadama mo ang ‘yong pagmamahal,
iligtas mo kami at sa iyong sinag kami ay tanglawan. (T)

IKALAWANG PAGBASA, Filipos 4, 6-9


Mga kapatid, huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa
Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang
di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni
Kristo Hesus.

Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at
kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.
Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung
magkagayun, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.

MABUTING BALITA, Mateo 21, 33-43


Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan:
“Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid,
at ito’y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas at nagtayo ng isang mataas na
bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya’y nagtungo sa ibang
lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang
mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga
kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo.
Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayun din ang ginawa ng mga kasama
sa mga ito. Sa kahuli-huliha’y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. ‘Igagalang nila ang
aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nag-usap-
usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.
Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.
“Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamang iyon?” Sumagot
sila, “Lilipunin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na
magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.” Tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba
ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon, at ito’y kahanga-hanga!’
Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang
maglilingkod sa kanya nang tapat.
SUGGESTED COMMUNION SONG(S):
Sanga ng Pag-Ibig (KNM, Jerry Gaela) *The Seed (J Nez Marcelo, Offertory Song)
Isang Pagkain, Isang Katawan, Isang Bayan (Lucio San Pedro) Be Not Afraid (DG, Arnel Aquino)

READINGS FOR OCTOBER 11, 2020 – Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
UNANG PAGBASA, Isaias 25, 6-10a
Sa Bundok ng Sion,
aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa,
gagawa siya ng isang piging para sa lahat
na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.
Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang
naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan na niiyang papawiin ang kamatayan,
papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat;
aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat:
“Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan,
ang inaasahan nating magliligtas sa atin;
Magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.”
Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.

SALMONG TUGUNAN, Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5, 6


Tugon: Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.


Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan. (T)

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan


sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang. (T)

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,


ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw. (T)

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,


sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan. (T)

IKALAWANG PAGBASA, Filipos 4, 12-14. 19-20


Mga kapatid, naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko
nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan.
Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.

Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa akin.

At buhat sa kayamanan ng Diyos na hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan
sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.

MABUTING BALITA, Mateo 22, 1-14


Noong panahong iyon, muling nagsalita si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng
bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito:
naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang
kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli
siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan
na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at
handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga
inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang
pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay.
Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga
mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin,
‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta
kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’
Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan,
masama’t mabuti, anupat napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.

“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi
nakadamit pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?’
tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang
kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at
magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang
nahihirang.”

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Sa Piging na Ito – Ferdz Bautista *Come to the Table (Barbie Dumlao, Entrance Song)
Iesu Panis Vitae (PM2015, MV Francisco) *Sa Hapag ng Panginoon (TBOBP1, Entrance Song)

READINGS FOR OCTOBER 18, 2020 – Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
(Sunday for Cultures/ World Mission Sunday)
UNANG PAGBASA, Isaias 45, 1. 4-6
Hinirang ang Panginoon si Ciro
para maging hari
upang lupigin ang mga bansa
at alisan ng kapangyarihan ang mga hari.
Ibubukas ng Panginoon
ang mga pintong-bayan para sa kanya.
Sinabi ng Panginoon kay Ciro:
“Tinawag nga kita
upang tulungan si Israel na lingkod,
ang bayan kong hinirang.
Binigyan kita ng malaking karangalan
bagamat di mo ko kilala.
Ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba;
palalakasin kita,
bagamat ako’y di mo pa kilala.
Ginawa ko ito
upang ako ay makilala ng buong daigdig,
na makikilala nila na ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.”

SALMONG TUGUNAN, Salmo 95, 1 at 3, 4-5. 7-8. 9-10a at k


Tugon: Dakilang kapangyarihan ng Panginoo’y idangal.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;


Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa. (T)

Ang Poon ay tunay na dakila, marapat na papurihan


higit sa sinumang diyos, siya’y dapat katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyusan;
ang Poon lang ang may likha ng buong sangkalangitan. (T)

Ang Panginoo’y purihin ng lahat sa daigdigan!


Purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo’t maghandog ng mga alay. (T)

Kung ang Poon ay dumating, sa likas n’yang kabanalan,


Humarap na nanginginig ang lahat sa daigdigan.
“Ang Poon ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin. (T)

IKALAWANG PAGBASA, 1 Tesalonica 1, 1-5b


Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo:
Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan.

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y isinasama namin kayo sa aming
dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng
pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong
pag-asa sa Panginoong Hesukristo. Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo’y hinirang ng Diyos
na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag
namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo.

MABUTING BALITA, Mateo 22, 15-21


Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-usapan kung paano nila masisilo si
Hesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila sa kanya ang ilan sa kanilang mga alagad,
kasama ang ilang tauhan ni Herodes. Sinabi nila, “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat, at
itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong
pinangingimian sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo?
Naaayon ba sa Kautusan na bumuwis sa Cesar, o hindi?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang
masamang layon kaya’t sinabi niya, “Kayong mapagimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin
na ang salaping pambuwis.” At siya’y binigyan nila ng isang denaryo. “Kaninong larawan at
pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus, “Sa Cesar po,” tugon nila. At sinabi niya sa
kanila, “Kung ayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Panalangin sa Pagiging Bukas Palad (TBOBP1, MV Francisco)
Panginoon, Aking Tanglaw (HA, Hangad) Your Heart Today (TBOBP2, MV Francisco)
Prayer of St. Francis (MFP, Ryan Cayabyab)
READINGS FOR OCTOBER 25, 2020 – Ika-30 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
(Prison Awareness Sunday)
UNANG PAGBASA, Exodo 22, 20-26
Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bayan; alalahanin
ninyong nangibang-bayan din kayo sa Egipto. Huwag din ninyong aapihin ang mga babaing balo
at ang mga ulila. Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, diringgin ko sila. Dahil dito,
kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo’y mababalo rin ang inyu-
inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.

“Kapag nangungutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng
tubo, tulad ng ginagawa ng mga usurero. Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo
iyon sa kanya bago lumubog ang araw sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan;
wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya’y dumaing sa akin, diringgin ko siya sapagkat
ako’y mahabagin.”

SALMONG TUGUNAN, Salmo 17, 2-3a 3bk-4. 47 at 51ab


Tugon: Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.

O Panginoon kong aking kalakasan,


minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag,
Matibay kong muog at Tagapagligtas. (T)

D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat,


Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag
sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas. (T)

Panginoo’y buhay, s’ya’y Tagapagligtas,


matibay kong muog, purihin ng lahat.
Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang. (T)

IKALAWANG PAGBASA, 1 Tesalonica 1, 5k-10


Mga kapatid, nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling – ito’y ginawa namin para
sa inyong kabutihan. Tinularan ninyo kami, at ang Panginoon. Tinanggap ninyo ang Mabuting
Balita, at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakut-takot na hirap. Gayunman, taglay pa rin ninyo
ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya’t naging huwaran kayo ng mga kapatid sa
Macedonia at Acaya. Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa
Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya
ay kumalat sa lahat ng dako. Anupat hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na
ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo
ang pagsamba sa mga diyus-diyusan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at
maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit
at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.

MABUTING BALITA, Mateo 22, 34-40


Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni
Hesus ang mga Seduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay
Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si
Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang
buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang
iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni
Moises at ang turo ng mga propeta.”

SUGGESTED COMMUNION SONG(S):


Panalangin sa Pagiging Bukas Palad (TBPOP1, MV Francisco)
Hesus ng Aking Buhay (TBOHH, Arnel Aquino) In Him Alone (TBOBP2, Bukas Palad)
*Ubi Caritas (Ferdz Bautista) – Offertory Song

LEGEND:
TBOHH – The Best of Himig Heswita MFP – Mass for Peace
TBOBP1 – The Best of Bukas Palad Vol.1 PM2015 – Papal Mass 2015
TBOBP2 – The Best of Bukas Palad Vol.2 HA – Hangad Acapella
DG – Dwells God KNM – Kalis na Mapagpala

N.B. Communion songs were provided to help the choirs determining the appropriate song in
relation to the Scriptures. In case of doubt, you may sing a song with a Christo-centric theme
and (or) a song based on the Eucharist.
Song(s) with * are intended for a different part of the mass (not during communion). This is in
order to correctly utilize the song in its intended manner by the composer.

Prepared By:
Kristian Edsel S. Amarante

You might also like