You are on page 1of 9

Republic of the Philippines

UNIVERSITY OF RIZAL SYSTEM


Province of Rizal
Graduate School, Pilillia Campus

Name of Student: CAROLINE B. QUINTANA


Course: Doctor of Philosophy-Educational Management
Professorial Lecturer: DR. JERWIN MAHAGUAY
Subject: Advanced Philosophical Foundation of Education
Output Type: Phenomenological Research
Date of Submission: 9 November 2019

GURO BILANG GURO AT HINDI GURO

Abstrak

Ang saliksik na ito ay naglalayon na tasahin ang pag-iral ng isang guro. Ang manunulat
ay ginamit ang penomenolohikal na pamamaraan ng pananaliksik upang makabuo ng konkretong
imahe na tutukoy sa kung ano talaga ang guro ayon sa pagsasalubungan ng konsepto ng
propesyon at ng pag-iral nito. Ang ideya ng mananaliksik na kailangang idipensa ay mahirap
pagtaklubin ang guro ayon sa propesyon at ang guro bilang nagmemeron kaya nagkakaroon ng
guro bilang guro at hindi guro. Sampung guro ng Sto. Nino Integrated School ang naging
respondente ng imbestigasyong ito. Ang pagkuha ng datos ay kinapalooban ng panayam bilang
pangunahing pinagkunan ng impormasyon upang matukoy ang mga kasagutan sa itinakdang
problema ng saliksik na ito.

Panimula
Ang edukasyon ang mabisang armas sa lahat ng mga negatibong bagay at pangyayari na
maaring maranasan ng isang tao habang nabubuhay. Produkto ng edukasyon ang pagkatuto; at
ang tindi ng pagkatuto ay inilagay sa palad ng mga guro na siyang sinasabing bukod-tanging
makatutulong ng malaki upang ang mga mag-aaral ay magkaroon ng kaalaman, kakayahan, at
kabutihang-asal na magagamit nila upang maging makabuluhan ang ambag nila sa lipunan.
Kaugnay nito, ang guro ang nag-iisang propesyunal na siya lamang at bukod-tanging
pinagdaraanan ng lahat ng tao anuman ang narrating nila, saan man sa lipunan. Alam lahat ng tao
kung ano ang guro, subalit sa larangan lamang ng pagbibigay-kahulugan. Dahil dito, susubukin
ng mananaliksik na bigyang-linaw ang konsepto ng guro sa pamamagitan ng pagpaparanas ng
pag-iral nila bilang bahagi ng buhay ng mambabasa at bilang sumasalamin sa natututunan ng
mga bata. Ang 28.98 porsyentong resulta ng MPS sa NAT ng Sto.Nino Integrated School nito
lamang nakaraang taon, pinakamababa sa buong CALABARZON, ang nagpapatunay na
kailangan ang

1
matindi at agarang pagsusuri kaugnay ng nakadidismayang katotohanan na ito. Dahil dito,
namulat ang mananaliksik sa kahalagahan ng paggawa ng saliksik na ito upang muling buhayin
at isulong and adbokasiyang ibalik ang guro bilang guro at gumawa ng hakbang upang
pagtaklubin ang guro bilang propesyon at bilang pagmemeron.

Teoretikal na Balangkas
Ang saliksik na ito ay ginamit ang penomenolohikal na pamamaraan ng pag-iimbestiga at
naka-angkla ito sa pilosopiya ni Roque Ferriols (Capistrano, 2016) kung saan isinusulong niya
ang pagmumuni-muni. Isa sa pangunahin niyang tanong ay ang tanong ng talagang nangyayari,
ang lahat-lahat, ang meron. Ayon sa kanyang pilosopiya, ang tanong na “Ano ang meron?” ay
hindi tanong upang bigyang depinisyon ang salitang meron. Para sa kanya, ang ganitong
pagtatanong ay ginagawa upang hikayatin ang sarili na tingnan at danasin ang talagang
nangyayari.
Kaugnay ng saliksik na ito, ang mananaliksik ay magtatanong ng “Ano ang guro?, hindi
upang bigyang depinisyon ang salitang “guro” kundi upang hikayatin ang babasa at iba pang
mananaliksik na subuking unawain at danasin ang pag-iral ng isang propesyunal na guro.
Kaakibat ng pilosopikal na tanong na nito ay ang paglalarawan sa mga nararanasan at
nararamdaman ng mga guro na nakapagtuturo, gayundin ang mga hindi nakapagtuturo, ang
saloobin nila bilang guro at pinagdadaanan nila kung saan sila ay hindi nagiging guro.
Bukod dito, gagamitin din na gabay ng mananaliksik ang Teorya ng Tungkulin na
proposisyon ni Immanuel Kant (Shaquil, 2013). Pinaninindigan ng teoryang ito na may mga
aksyon na laging mali, kahit pa ang aksyon na ito ay humahantong sa kahanga-hangang resulta.
Ayon pa rito, ang mga kilos o gawa sa deontology ay madalas hinuhusgahan ng malaya sa
kanilang kinalabasan. Ang anumang gawain ay maaaring masama sa moral ngunit hindi
sinasadyang magdulot ng mabuting resulta.
Sinasabi rin ni Kant na ang halaga ng moral ng isang kilos o gawa ay natutukoy ng
kalooban ng tao, kung saan ito ang nag-iisang bagay sa mundo na maaaring isaalang-alang na
mabuti ng walang kwalipikasyon. Ang mabuting kalooban ay isinasagawa sa pamamagitan ng
tungkuling/batas moral. Ang batas moral ay binubuo ng hanay ng mga ma-prinsipyong
kasabihan na nakasalalay sa tungkulin upang kumilos alinsunod sa mga inaasahang tamang kilos.
Kaugnay ng teoryang, ang saliksik na ito ay lilinawin ang moral na etika ng mga guro
bilang guro at bakit humahantong ang iba nilang gawain sa pagiging hindi guro. Kung ang mga
kilos at gawa ng guro ay lisya sa pangunahing tungkulin na inaasahan sa kaniya, ngunit sa huli
ito ay hahantong sa pangmatagalan na magandang resulta, na ang makikinabang ay mga mag-
aaral, pinasusubalian ba nito ang karapatan ng mga guro na gumawa, kumilos at sundin lamang
kung ano talaga ang kinakatawan ng guro bilang guro at tumanggi na sumunod o gawin ang mga
bagay na alam niyang hindi niya ikakapaging guro?

2
Nilalayon
Ang saliksik na ito ay naglalayong lumikha ng konkretong imahe ng isang guro ayon sa
pagtatakluban ng guro bilang isang propesyon at ng pag-iral nito, sa pamamagitan ng pagkuha ng
mga kasagutan sa sampung guro, ibinahagi ng mananaliksik kung ano ang motibasyon at
nagguro sila. Tinukoy din kung ano ang nararamdaman nila kapag nakapagtuturo at hindi
nakapagtuturo. Sa aspetong ito, sinusog ang mga dahilan at hindi sila nakapagtuturo at kung ano
ang epekto nito sa kanilang pagiging guro. Dagdag pa rito, ibinahagi ng mga respondent ang
kanilang pananaw sa kung matatawag bang guro ang isang guro na hindi nagtuturo. Sa paraang
ito, nakabuo ang mananaliksik ng isang makatotohanang pag-iral ng guro kung saan ang
pagkaunawa ay parehong labas at pasok sa pamantayang ideyalistiko ng pagbibigay-karunungan.
Pamamaraan
Isang penomenolohikal na pamamaraan ang ginamit sa saliksik na ito. Ang
penomenolohikal na saliksik ay naglalarawan ng kahulugan ng isang naisabuhay na karanasan sa
isang phenomenon para sa higit sa isang indibidwal, kung saan ang kaso ay ang guro bilang guro
at hindi guro. Ang layunin nito ay mailarawan ang magkakatugma at pagkakapareho ng
karanasan.
May dalawang uri ng penomenolohiya, ang hermenyutikal at transendental; ang huli ang
ginamit sa saliksik na ito. Ang transendental na penomenolohiya (Moustakas) ay naka-pokus sa
paglalarawan ng mga kalahok upang makabuo ng kakanyahan o esensya ng isinabuhay na
karanasan, kabalintunaan naman ng hermenyutikal na penomenolohiya kung saan nakadepende
ito ng malakas sa interpretasyon ng mananaliksik kung ano ang isinabuhay na karanasan. Sa
saliksik na ito, panayam ang ginamit ng mananaliksik sa pagkalap ng datos na magiging basehan
ng sistema ng paniniwala ng mga guro tungkol sa guro bilang guro at hindi guro.
Sampling at mga Kalahok
Purposive criterion sampling ang ginamit upang matukoy ang mga guro na nakararanas
ng phenomenon ng pagiging guro at hindi guro. Ang mga guro ay pinili mula sa Sto.Nino
Interated School kung saan ang mga guro ay mula sa Kinder hanggang Grade 12. Isang
kinailangan sa kanila ay pagiging guro sa loob ng isang taon o higit pa. Sampung guro ang
naging kalahok sa saliksik na ito bagaman wala naming itinakdang bilang ang pamantayan ng
qualitative research. Dalawa ay guro ng elementarya, anim sa Junior High School, at dalawa sa
Senior High School.

I. Ang Guro
Ayon kay Williamson (2016), ang guro ay tao na tumutulong sa mga mag-aaral na
magkaroon ng kaalaman, kasanayan, at kabutihan, sa pormal na kalagayan. Sa hindi pormal, ang
gampanin ng isang guro ay maaaring akuin ng sinoman, halimbawa ay sa sitwasyon kung saan
ang isang kasamahan ay ipinakikita kung paano gawin ang isang bagay. Sa ibang bansa, ang
pagtuturo sa mga kabataan na nasa tamang edad na upang mag-aral ay maaring isagawa sa hindi
pormal na lugar gaya ng sa loob lamang ng pamilya kaysa sa isang pormal na lugar gaya ng
paaralan o

3
kolehiyo. Ang ibang propesyon ay maaari ding kapalooban ng malaking panahon ng pagtuturo
gaya ng pastor o manggagawa para sa kabataan.
Bukod dito, sinasabi rin ni Caena (2015) na modelo at pangalawang magulang ng mga
mag-aaral ang guro. Nangangahulugan ito nang mas matinding responsibilidad na nagiging
dahilan kung bakit mas lalong naging kumplikado ang gampanin ng mga propesyunal guro sa
oras na sila ay makapasok na sa paaralan.

Propesyunal na Guro
Ang propesyunal na guro ay nabibilang sa isang organisasyon para isulong ang kanilang
propesyon. Ayon sa Magna Carta for Public School Teachers na kilala din bilang Republic Act
No. 4670, ang mga guro ay inaasahang tuparin ang mga iniatang na tungkulin sa pagbibigay ng
de kalidad na edukasyon kapalit ng mga benepisyo ng pagiging propesyunal na guro gaya ng
buwanang sahod na Php 20,754.00 at mga karagdagang kaperahan mula sa bonus na hindi
bababa sa Php 60,000.00 taon-taon. Dahil dito, inaasahan sila na tanggapin ang exigency of the
service kung saan inaasahang lalampas ang mga gampanin nila sa naunang itinakdang
responsibilidad.
Bilang karagdagan, ang propesyunal na guro ay nag-aral at nagsanay sa mga pamamaraan
ng pagtuturo at may pinanghahawakan silang sertipiko na nagpapatunay nito. Sa obserbasyon ng
iba, ang salitang “propesyunal” ay hindi madalas ginagamit bagkus inuunawa. Sa ibang
sirkulasyon, ang mga guro ay hindi binibigyan ng parehong antas ng respeto gaya ng ibang
propesyon kaya naman ang salitang “propesyunal” ay maaring gamitin bilang paalala na ang
mga guro ay mayroon at nagkaroon din ng ispesipikong pagsasanay at sertipikasyon nagka-
kwalipika sa kanila para sa kanilang posisyon.
Isa pang dahilan para gamitin ang “propesyunal” ay para pag-ibahin ang isang guro na
may partikular na kwalipikasyon gaya ng pag-aaral ng apat na taon at ang tinatawag na guro na
nagtatrabaho o nag-aalaga sa mga bata. Maraming daycares ang tumatawag na guro sa kanilang
mga empleyado, ngunit ang mga empleyadong ito ay maaaring meron o walang dokumento ng
isang propesyunal na guro.

II. Bakit hindi nagiging guro ang guro?


Anim sa nakapanayam na guro ang nagsabi na kaya sila nagdesisyon maging guro ay
dahil sa praktikalidad. Ilan sa nabanggit na praktikal na dahilan ay seguridad sa posisyon, mas
maluwag na pamantayan sa pagpasok kung saan kapag suspendido ang klase, dulo na ng lingo,
may mga espesyal na okasyon na ipinagdiriwang sa buong bansa, ay wala ring pasok ang guro
ngunit sumasahod ng buo at regular. Ito raw ay napakahalaga para sa kanila na may mga pamilya
na dapat din na asikasuhin at sa kanilang sarili na kinakailangang ipahinga at libangin. Tatlo ang
nagsabi na impluwensya ng pamilya, gaya ng pagkakaroon ng magulang at mga kapatid o
kamag-anak na nauna ng may posisyon sa Kagawaran ng Edukasyon. Isa ang nagsabing sariling
desisyon niya ito ayon na rin sa udyok ng mga kaibigan na gusto ay magsama-sama pa rin sila sa
klase at unibersidad na papasukan.

4
Ipinaliwanag ng mga guro na bagaman ang mga nabanggit sa unahan ang pangunahing
naging motibasyon nila para maging guro, nasa loob pa rin nila ang kagustuhang maging
kabahagi ng pamantayan sa pagkakaroon ng libre, makalahat, at de-kalidad na edukasyon. Lahat
sila ay sumang-ayon na ninanais nilang itaas ang antas ng kalidad ng edukasyon at nagsimula
sila na punung-puno ng ideyalismo para sa mga bata.
Sa sinasabi ng mga gurong nakapanayam ay lumalabas na wala ni sinuman ang
nagbanggit ng direktang sagot na nag-guro sila dahil gusto nilang makatulong sa pagpuksa sa
kamangmangan. Subalit binanggit ni Guro 2 na “hindi ito nagpapahinuha na ang pagiging guro
ko ay itinulak lamang ng makasariling dahilan bagkus ang mga nabanggit ay sekundaryang
rason at ang nangingibabaw ay ang kagustuhan kong isulong ang aming propesyon kung saan
nangingibabaw ang hangaring maging bahagi ng pagkatuto ng mga mag-aaral”.
Sinuri rin ng mananaliksik ang nararamdaman ng mga guro kapag nakapagtuturo sila.
Siyam ang pare-parehong nagsabi na masaya sila at kuntentong nagampanan ang tungkulin sa
araw na iyon. Ayon kay Guro 5, “nagkakaroon ako ng motibasyon na magturo sa susunod na
araw kapag nakapagturo ako sa kasalukuyan na araw dahil tulad ng mga bata, hindi napatid
ang lubid ng aking pag-iisip sa pinag-aaralan at itinuturo”. Si Guro 6 naman ay nagpahayag na,
“magaan ang pakiramdam ko kapag nakapagtuturo lalo na kung ito ay dire-diretso at
pakiramdam ko din ay kumpleto ang araw ko”.
Upang bigyang-puwang ang kabilang panig ng pagtuturo, inalam rin ng mananaliksik ang
nararamdaman nila kapag hindi sila nakapagtuturo. Apat ang nagbanggit na nalulungkot sila,
tatlo ang nakukunsensya sapagkat hindi nila naibigay sa mga bata ang karunungan na nakatakda
sana ng araw na iyon, dalawa ang nanghihinayang at pakiramdam ay parang may kulang at isa
ang nagsabi na balewala ang kanyang nararamdaman dahil umiisip agad siya ng paraan kung
paano makababawi sa utang na oras sa mga bata. Ipinaliwanag ni Guro 1 na, “naisin ko man na
maging isang huwarang guro at isakatao ang tama at ideyal na pag-iral ng isang guro, hindi ko
ito magawa sa araw-araw dahil sa iba’t-ibang mga kadahilanan na labas sa kakayahan kong
hindi sundin o gawin”.
Tungkol naman sa mga dahilan ng hindi pagtuturo, sampu ang pare-parehong nagbanggit
na madalas ito ay dahil sa mga aktibidad at hinihingi ng paaralan o ng DepEd. Hinimay ng
mananaliksik ang kanilang mga sagot at napag-alaman buhat sa kanila na inuuna nila ang
makapagsumite ng mga kinakailangang papel para sa ulat, at pang araw-araw na gawain tulad ng
pagpapa-tsek ng Plano ng Aralin, paggawa ng mga kagamitang pangpagtuturo at pangpagkatuto.
Idinagdag rin nila ang gampanin nila sa komunidad at mga personal na kadahilanan gaya ng pag-
aasikaso sa mahal sa buhay, paglakad ng kaperahan, pagpapakasal, pagkamatay ng miyembro ng
pamilya, at hindi pagiging handa sa araw na iyon.
Mayroon ding nagbahagi na may mga pagkakataon na hindi sila nagtuturo sapagkat
pagod sila sa mental, emosyunal, at pisikal na aspeto ng kanilang pagkatao na dulot na rin ng
pagka-batid

5
nila na oo nga at nakahalayhay ang mga tungkulin at responsibilidad nila sa oras na sila ay
sumumpa sa kanilang bokasyon. Subalit kagaya ng mga namamasukan sa ibang bansa, naiiba
ang trabaho at kompensasyon nila sa oras na sila ay nasa “katotohanan” na, iba sa kumbaga ay
kontrata na kanilang pinirmahan sa simula. Ayon pa kay Guro 8, “dumating ako sa paaralan na
punung-puno ng ideyalismo, nagtapos ng masteral bago sumabak sa giyera na ang tanging
kalaban ay kamangmangan. Pagkabagong-salta, sinalubong agad ako ng kawalan ng libro,
kakulangan sa kapwa guro at gamit panturo, at silid-aralan na ang sahig ay bitak-bitak at loob
na lubhang madilim at mabanas sapagkat hindi abot ng kuryente ang lugar”.
Dagdag pa rito, hindi lahat ng asignatura ay may angkop na guro para magturo kaya
naman naatasan rin sila magturo ng ibang asignatura maliban sa kanilang espesyalisasyon.
Bukod sa pagtuturo ng mga nasabing aralin na taliwas sa inaral, naatasan rin silang maging
koordineytor ng iba’t-ibang departamento at programang pampaaralan. Dagdag pa ni Guro 9,
“may mga pagkakataon din na nasa kalagitnaan ng pagtalakay sa klase ay ipapatawag ako ng
nakatataas upang gumawa ng mga ulat, ilibot ang dumating na bisita, harapin ang mga
magulang, gumawa ng memo, maging dokumentor at taga-kuha ng litrato, magsilbi ng pagkain,
at kung anu-ano pa”. Sa mga ganitong pagkakataon na nangyayari sa pagitan ng isa o dalawang
beses sa isang linggo, dumarami ang “utang” ng guro sa kaniyang mga estudyante. Maliban dito,
buwan pa lang ng Agosto ay abala na ang mga guro sa paghahanda sa Tanay Hane Festival,
gayundin ang isandaang mag-aaral na lalahok dito. Mahigit dalawang buwan nila itong gagawin.
Sa kasagsagan ng pagsasanay ay sumasabay ang lumalaking lamang ng hindi pagkatuto at ng
guro. Wala ng laban ang guro, at ang mag-aaral ang kahabag-habag na sumalo sa kakulangang
dulot nito. Sa mga nabanggit na pagkakataon, ang resulta, halos wala ng direktang impluwensya
ang guro sa pagkatuto ng mga mag-aaral lalo na at sasabayan pa ito ng sunud-sunod na
buwanang aktibidad, training, at kumperensiya na kinakailangan din na asikasuhin at puntahan.
Kaugnay naman ng tanong na umaalam sa pananaw ng mga guro kung malaki ba ang
epekto ng hindi pagtuturo sa isang guro, sampu o lahat ay sumang-ayon na malaki ang epekto
nito lalo na sa mental, emosyunal at sikolohikal na aspeto ng pagkatao nila. Ipinaliwanag nila na
sa aspeto ng mental, ang mga guro ay para ring mag-aaral na kapag hindi regular na nagpu-
proseso ng kaalaman ang utak ay may kaakibat na pakiramdam ng paghihina at paglabo ng mga
natutunan. Ayon kay Guro 5, “ito ay nagdudulot sa akin ng pakiramdam na lumalayo ang loob
sa akin ng mga mag-aaral at kapwa ko guro”. Samakatuwid, naaapektuhan ang relasyong sosyal
nila sa mga ito at may epekto ito sa kanilang emosyon. Mapapansin na ang mga bata ay malapit
at malambing sa mga guro na laging nagtuturo, at gayundin din ang pakikitungo ng mga kapwa
guro. Kabalintunaan naman ang nangyayari kapag hindi nakapagtuturo lalo na at madalas itong
mangyari. Napupuna ni Guro 6 na, “ang mga mag-aaral ay hindi ako binabati tulad ng pagbati
nila sa iba, at parang walang pakialam kahit makasalubong nila ako”. Gayundin ang pakitungo
ng mga kapwa guro lalo na kung ang guro na iyon ang partikular na sasalo sa pagtuturo na hindi

6
nagampananan, sa anumang dahilan, ng guro na hindi nakapagturo. Nabanggit din ni Guro 1 na ,
“nakaiirita ang komosyon kapag ang katabi kong klase ay magulo dahil hindi nagturo ang sana
ay guro sa oras na iyon”. Bukod dito, malaki rin daw ang epekto nito sa kanilang sikolohikal na
aspeto ng pagkatao lalo na kung sa madalas na hindi pagtuturo ay nagiging tatak na nila iyon sa
mga mag-aaral, magulang, at mga kapwa guro na kadalasang humahantong sa pagkuwestiyon at
pagdududa sa sarili kung sila ba ay guro pa rin na umiiral o guro na lamang sa ngalan ng
propesyon.
Sa tanong na guro ba na maituturing ang guro na hindi nagtuturo? Pito ang nagsabi na oo
guro sila sa konsepto, ngunit hindi sa pag-iral. Tatlo naman ang nagsabi ng tahasan na hindi
maituturing na guro ang guro na hindi nagtuturo. Bilang pagpapalalim ng mga kasagutang ito,
minabuti ng mananaliksik na susugan ang kanilang mga sagot. Ayon kay Guro 9, “Lamang sa
konsepto ngunit hindi sa pag-iral ang guro na hindi nagtuturo, ang puso at konsentrasyon ng
pagiging guro ay ang pagtuturo. Kung ang guro ay hindi nagtuturo, maihahalintulad sila sa
isang bumbilya na pundido at hindi nagagampanan ang pinaka esensiyal nitong gampanin na
maging daan sa pagbibigay ng liwanag kahit na dinadaluyan pa ito ng kuryente”. Ibig sabihin,
oo nga at guro sila na nag-aral, nagsanay at kwalipikado sa pamantayan ng Komisyon ng
Serbisyo Sibil at dinadaluyan ng talino, ngunit nabibigo silang gawin ang bagay na siyang
dahilan kung bakit sila guro: ang maghatid ng kaalaman at magdulot ng pagbabago sa buhay ng
mga mag-aaral. Samakatwid, hindi nagkakaugnay ang konsepto ng guro at pag-iral ng guro
kapag hindi nagtuturo ang guro.
Sa panig naman ng mga tahasang nagsabi na hindi guro ang guro na hindi nagtuturo,
ipinaliwanag nila na simple lamang ang kanilang pananaw. Ang guro ayon sa kanila, maging ito
man ay propesyunal o gurong tinatawag dahil sa paggabay sa mga bata, sila ay itinakda para
magturo, para maging direktang kahalubilo ng mga mag-aaral at regular na nakikita sa loob ng
silid-aralan. Ayon kay Guro 1, “Ang guro ay hindi magiging guro kung wala siya sa piling ng
mga mag-aaral dahil wala ang kanilang presensiya upang ipakita ang pagiging modelo”. Sa
pagkabanggit ng pagiging modelo, ang hindi pagtuturo ayon sa kaniya “ay pagsira na agad sa
sinumpaang tungkulin dahil paano sila magiging modelo kung wala sila sa klase at di
masumpungan ng mga mag-aaral”. Sa pakikipagtalastasang ito inilabas din ni Guro 5 na, “ang
hindi pagtuturo ay kaugnay ng paggawa ng hindi tama ng isang guro tulad ng pagsunod na
dayain ang resulta ng mga eksaminasyon maging kinalabasan ng implementasyon ng mga
programa at interbensyong ipinamamalakad ng kagawaran ng edukasyon, o ikubli ang totoong
antas ng pagbasa o pagkatuto ng mga mag-aaral maipasa lamang ang lahat at ng hindi na
madagdagan ang napakarami na nilang responsibilidad na ginagampanan”. Ayon sa kanila, ito
ay hindi pagtuturo dahil may kaakibat na pandaraya hindi lamang laban sa propesyon bilang guro
kundi sa pag-iral ng isang guro. Dito nagsisimula ang kanilang pag-iisip na unti-unti ng lumalabo
ang guro at patungo na ito sa pagiging hindi guro at kung pababayaan ito, ayon kay Guro 10,
“may panganib na ang Kagawaran ng Edukasyon ang siya pang pagmumulan ng kawalang-
katapatan at dulot ito ng mga guro na hindi na nagiging guro”.

7
III. Ferriols sa Guro at Pagiging Guro
Ayon kay Ferriols (2017), ang pagiging guro ay kinapapalooban ng pagsikhay na
makalikha ng atmospera o kapaligiran kung saan ang mga mag-aaral ay hinahayaan at nahihimok
na makita ang mga bagay na dati ay hindi nila nakikita, mga bagay na kahit na ang guro ay hindi
nakita ni minsan. Binigyang-diin niya na ito ang dahilan kung bakit ang isang guro ay dapat
magkaroon ng lakas ng loob na matuto mula sa mga mag-aaral, at magkaroon ng pasensiya na
linangin ang katahimikan na magpapagana sa kanila na makagalaw mula sa mundo ng purong
pag-iisip tungo sa mundo kung saan ang katotohanan ang nangyayari at nananaig. Ayon pa sa
kaniya, sa mundong ito ng reyalidad, ang pinakaimportante ay hindi ang nasasabi bagkus ang
isinasabuhay.
Kaugnay ng pilosopiyang ito ni Ferriol ang saliksik na ito sa paraang ang manunulat ay
nililinang ang katahinikan sa pamamagitan ng pagmumuni-muni, naghahanap ng katotohanan, at
nagnanais na makakawala mula sa mundo ng purong ideyalismo para matuklasan at ibahagi ang
reyalidad na umiiral sa mundo ng mga guro at ng pagtuturo. Ang pagbibigay-diin na ang
paghanap sa katotohanan ay pag-amin na may totoong kasagutan na naghihintay matuklasan ay
prinsipyong pinanghahawakan upang ipagpatuloy pananaliksik. Ang pagtuklas sa kasagutan na
ito ay maaaring napakahirap at kumonsumo ng mahabang panahon ngunit ang sigurado,
mayroong totoong sagot. Sa paghahanap ng katotohanan, idinagdag ni Ferriols na
pinakamahusay na gamitin ang lengguwahe ng lugar kung saan ang isang tao ay namimilosopiya
at ito ay ang wikang ginagamit ng karaniwang mamamayan gaya ng mga tao sa labas na
naglilinis ng kalye, mga nagmamaneho ng dyipni o bus, papasok sa kanilang trabaho. Sa
pagkakataong ito, ang mananaliksik ay minabuting gamitin ang salitang Filipino sa pag-ungkat
ng katotohanan sa pagiging guro at hindi guro sa Sto.Nino Integrated School bilang pagtanggap
na ng pilosopiya ay hindi lamang pagsasaayos ng mga konsepto kundi pagyakap sa totoong
nararanasan.
Bukod pa dito, ideya rin ni Ferriols na kung ang isang guro ay hindi na epektibo sa
kanyang pagiging guro, o hindi na kasing-epektibo tulad ng dati, mabuti pang hindi na lamang
magturo. Taliwas ito sa pananaw ng marami na ang isang guro ay may kakayahan na laging
maiayos ang sarili at kaalaman ayon sa hinihingi sa kaniya ng institusyon. Katunayan nito,
maraming guro ang nagtuturo ng mga asignaturang labas sa kanilang espesyalisasyon dahil
kulang sila sa bilang. Mayroon din naman na itinuturo ang kanilang espesyalisasyon ngunit salat
naman sa kakayahan na gampanan ang iba pang responsibilidad na iniatang sa kanila. Ang higit
na problema sa lahat, ang mga guro ay wala sa posisyon upang isama sa pagpipilian ang hindi
pagtuturo, epektibo man sila o hindi sa ginagawa nilang pagtuturo.

Konklusyon
Anuman ang dahilan sa likod ng pagiging isang propesyunal na guro, ang mga guro ay
pare-parehong umiiral ayon sa nananaig na kultura sa institusyon ng edukasyon. Ang guro ay
guro sa konsepto ng pamantayang meron sa propesyon na ito, subalit ang katotohanan ay ang
reyalidad

8
na ang mga guro ay kung hindi salat sa bilang ay walang sapat na kakayahan kaya may mga
pagkakataon na ang kanilang pag-iral ay lamang ang pagiging hindi guro. Saya at pagiging
kuntento ang namamayaning pakiramdam sa mga guro kapag sila ay nakapagtuturo, samantalang
lungkot at panghihinayang naman ang nananaig na damdamin sa guro kapag hindi
nakapagtuturo. Madalas na dahilan ng hindi pagtuturo ng mga guro ang iba’t-ibang gawain na
may kinalaman sa institusyon o sa paaralan. Ang guro na hindi nagtuturo ay guro pa ring
maituturing sa ngalan ngunit hindi sa karanasan.

Hamon sa Pagiging Guro


Maraming hamon sa pagiging guro ang nararanasan maging ang pag-iral nila ay guro o
hindi guro. Ilan sa mga ito ay ang pagbubunyag ng totoong kalagayan ng pagkatuto ng bata,
hating puso at pag-iisip sa pagsasabuhay ang pamantayan sa de-kalidad na edukasyon, makasarili
o makalahat na pagsasagawa ng mga saliksik at pagpapatupad nito ng hindi pinagtatakpan ang
tunay na resulta, ang kakayahan o walang kakayahana na humindi sa mga utos na walang
direktang kinalaman sa pagkatuto ng mga bata, ang kumplikado at mahirap na pagdisiplina ng di
mo kaano-ano, pero kailangang gawin ito ng may puso, ang determinasyon na gawin ang tama
para sa mga bata, at higit sa lahat, ang paghawak ng armas na ang bala ay pagmamahal na
walang hinihintay na kapalit, pagtitiyaga, pagkamalikhain, at pasensya.

Sanggunian

Caena, F. (2015). Teachers’ Core Competencies: Requirements and development. Thousand


Oaks, CA: Corwin Press.

Calano, MJ. (2017). Patakarang Pilosopikal: Pambungad sa Pamimilosopiya ni Roque Ferriols.


Volume 2 s.1 98-102.

Capistrano, PM. (2016). Who is Padre Ferriols? Budhi Journal, Department of Philosophy,
Ateneo De Manila University.

Moustakas, C. (2014). Phenomenological Research Methods. Norwich, UK: Jarrold and Sons,
Ltd.

Republic Act No. 4670: Magna Carta for Public School Teachers. (2015). The Rights and
Privileges of Filipino Teachers, Rex Book Store

Williamson, G. (2016). Rethinking Teacher Capacity, Handbook of Research on Teacher


Education. Enduring questions in changing contexts. Newyork/Abingdon: Routledge.

You might also like