You are on page 1of 4

1.

Ang Pagbibinyag kay Kristo

Ang mabuting balita ayon kay San Mateo

Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan.
Ngunit tumututol si Juan at patuloy na sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa
inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong
ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang
kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan. Nang siya'y mabautismuhan, umahon
si Jesus sa tubig. Biglang nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos
na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. At isang tinig mula sa
langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”

Ang mabuting balita ng panginoon

2. Ang Kasalan sa Cana


Ang mabuting balita ayon kay San Juan

Pagkalipas ng dalawang araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni
Jesus. Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. Kinapos
ng handang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, naubusan sila ng alak.”
Sinabi ni Jesus, “Huwag po ninyo akong pangunahan, Ginang. Hindi pa po ito ang
tamang panahon.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang
anumang sabihin niya sa inyo.” May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman
ng pitumpu't lima hanggang 115 litro. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas
ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon,
“Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” At pinuno nga nila ang mga banga.
Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng
handaan.” Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan, at tinikman nito ang tubig
na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga
sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal at sinabi, “Ang masarap na
alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang
mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!” Ang nangyaring ito
sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y
inihayag niya ang kanyang kapangyarihan at nanalig sa kanya ang mga alagad.
Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga
kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw.

Ang mabuting balita ng panginoon

3. Ang Pagpapahayag ng Paghahari ng Diyos


Ang mabuting balita ayon kay San Mateo

Nang mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi
na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng
Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. Sa gayon, natupad ang sinabi ni
Propeta Isaias, “Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali, daanang papunta sa lawa, sa
ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil! Ang mga taong nasa kadiliman ay nakakita
ng maningning na ilaw! Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan ay sumikat ang liwanag.”
Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi na kayo at talikuran
ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng
lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang
kapatid niyang si Andres. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin
ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga
lambat at sumunod kay Jesus. Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang
magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama
ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. Agad nilang iniwan
ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus. Nilibot ni Jesus ang buong
Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita
tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit
at karamdaman. Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala
sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman,
mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay
kanyang pinagaling. Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea,
sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.

Ang mabuting balita ng panginoon

4. Ang Pagbabagong Anyo ni Kristo

Ang mabuting balita ayon kay San Mateo

Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago


at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. Habang sila'y naroroon, nakita
nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at
nagningning sa kaputian ang kanyang damit. Nakita na lamang ng tatlong alagad sina
Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon,
mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo,
isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Habang nagsasalita pa si Pedro, nililiman
sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal
kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Nang marinig ng mga
alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at
hinawakan. “Tumayo kayo, huwag kayong matakot!” sabi niya. Nang tumingin sila, si
Jesus na lamang ang kanilang nakita.

Ang mabuting balita ng panginoon

5. Ang Pagtatatag  ng Eukaristiya

Ang mabuting balita ayon kay San Mateo

Habang sila'y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa


Diyos ay pinaghati-hati niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at
kainin. Ito ang aking katawan.” Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa
Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi niya, “Uminom kayong lahat nito sapagkat ito
ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos
para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami. Sinasabi ko sa inyo, hinding-hindi na
ako iinom nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw na ako'y muling uminom nito
na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama.”

Ang mabuting balita ng panginoon

Ngayong gabi, sa ating pagdarasal ng santo rosary, isama natin sa panalanging


intension ang mga delubyo at sakuna na dinadanas ng ating bansa. Nawa’y matigil na
ang sunod sunod na lindol sa iba’t ibang panig ng bansa. Nawa ang paparating na
bagyo ay hindi magdulot ng pinsala sa bansa.

You might also like