You are on page 1of 1

Maskara

Takot ka bang mamatay? Takot ka bang lumabas ng bahay nyo dahil baka ika’y masagasaan?
Takot ka bang lumaban sa holdaper dahil baka ika’y masaksak? Takot ka bang matulog dahil
baka di ka na magising pa?
Ako, di ako takot mamatay, takot akong mabuhay. Di ako takot lumabas ng bahay namin, takot
ako sa mga mata ng nakararami. Takot akong maglakad at sasalubungin ako ng mga matang di
ko alam kung ano ba talaga ang gustong sabihin. Sa bawat padyak, maririnig ko ang kanilang
mga halakhak. Nakakatakot. Sa bawat hininga, maririnig ko ang kanilang pagtataka.
Nakakatakot. Sa bawat salita, maririnig ko ang kanilang panunumbat. Nakakatakot.

Di ako takot mamatay, takot akong mabuhay. Di ako takot lumaban sa holdaper, takot akong
humingi ng tulong sa mga taong nagsabi sa akin ng “Best Friend kita forever” at “Nandito ako sa
tabi mo forever.” Noong sumigaw sila ng “Tulong!” liningon ko agad sila, pero noong halos
mawalan ako ng boses sa kasisigaw ng “Tulong!” walang lumingon, ni-isang parte ng katawan
nila. Noong muntikan na silang mahulog sa bangin, dali-dali ko silang hinila gamit ang aking
dalawang kamay at paa, pero noong muntikan na akong mahulog sa bangin, bigla silang nawalan
ng dalawang kamay at paa. Nakakatakot.

Di ako takot mamatay, takot akong mabuhay. Di ako takot matulog, takot akong magising. Takot
akong tumingin sa salamin dahil baka makita ko ang pilit na sinasabi nila sa akin. Baka makita
ko yung mukha ng sinasabi nilang “Dapat di ka nagkakamali.” Baka makita ko yung mga mata
ng sinasabi nilang “Dapat kang magbulag-bulagan.” Baka makita ko yung mga tainga ng
sinasabi nilang “Dapat kang magbingi-bingihan.” Baka makita ko yung bibig ng sinasabi nilang
“Dapat kang manahimik.” Baka makita ko yung taong sinasabi nila…yung taong di ko kilala.
Nakakatakot.

Di ako takot mamatay, takot akong mabuhay. Dahil nabubuhay ako sa isang mapanlinlang na
buhay.

You might also like