You are on page 1of 1

Erickson T.

Garcia Psy1B

Ang K-12 ay ang programang ipinatupad ng pamahalaan kung saan nadagdagan ng


dalawang taon ang high school. Ito ay sa kadahilanang hindi umabot sa international standards
ang edukasyon ng Pilipinas kung saan kinakailangan ng labindalawang (12) taon upang matapos
ang Basic Education. Ang bansang Pilipinas ay sinasabi ring pangalawa sa listahan ng bansang
may pinakamaraming napapadalang trabahador (labor export) sa iba’t ibang panig ng mundo. Ito
ay isa sa dahilan ng pagtatatag ng K-12 na may layunin din na pabilisin ang trabaho ng mga Pilipino
sa ibang bansa, sapagkat ang isang mag-aaral na nakatapos ng senior high school ay maaari nang
magtrabaho. Ayon rin sa DepEd at CHED, ang labindalawang (12) taon para sa Basic Education
ng mga mag-aaral ay para na rin sa harmonization ng sistema ng edukasyon sa iba pang bansa.
Masasabing maraming mamamayang Pilipino ang naapektuhan ng programang ito. Isa ang
Pilipinas sa mga bansang mataas ang dropout rate at inaasahan na mas tataas pa ang bilang ng
hindi makakapagtapos ng high school dahil sa K-12. Gayundin, isa sa pangunahing tindig ay ang
pagkakaroon ng sapat na suporta ng estado sa mga mag-aaral at eskwelahan gaya ng libro,
lamesa, at pati na rin silid-aralan, upang matiyak na makatapos ng Basic Education ang isang
daang porsyento (100%) ng mga mag-aaral na Pilipino.

Bilang isang mag-aaral na nakaranas ng K-12, aking nasaksihan kung paano ito
nakaapekto sa kurikulum ng Filipino at Panitikan. Dahil sa K-12, nanganib na maalis ang
asignaturang Filipino at Panitikan dahil sa inilabas na CHED memo, kung saan mula sa
animnapung mga yunit (60 units) ay naging tatlumpu’t anim na mga yunit (36 units) na lamang ito.
Hindi na umano kailangan ang asignaturang Filipino sa kolehiyo sapagkat ito ay nakapaloob na sa
kurikulum ng K-12 o ng senior high. Dahil dito, isang organisasyong “Tanggol Wika” ang naitatag
noong Hunyo 21, 2014 sa De La Salle University – Manila. Ito ay ang samahan ng mga estudyante
at guro kung saan sila ay nakibaka upang ipagtanggol ang wikang Filipino at Panitikan. Ang
kanilang posisyong papel ay pinamagatang “Pagtatanggol sa wikang Filipino, Tungkulin ng bawat
Lasalyano.” Binigyang-diin dito na ang wikang Filipino ay ang susi ng kaalamang bayan, sapagkat
ito ang wika ng pakikipagtalastasan ng mga Pilipino, at ito ang kaalamang tutulong upang
humubog sa ating bayan. Bukod din sa kurikulum ng Filipino at Panitikan, nanganib rin ang ilang
departamento ng Filipino sapagkat maaaring magsara ang mga ito lalo na ang mga departamento
sa pribadong unibersidad, at maaaring mawalan ng trabaho ang mga guro ng Filipino.
Gayunpaman, naging matagumpay ang organisasyong “Tanggol Wika” dahil hanggang sa ngayon
ay may Filipino at Panitikan pa rin sa kurikulum ng kolehiyo. Ang adbokasiyang ito ay dapat
ipagmalaki at itaguyod ng bawat Pilipino, sapagkat ito ang nagpatibay ng ating wika na
nakatutulong upang mas mapalapit ang damdamin ng bawat Pilipino. Ang noo’y nanganganib
mabura na pambansang identidad ay patuloy na lumalago hanggang sa ngayon at sa habang
panahon.

You might also like