You are on page 1of 1

Sa panahon ng Pananakop ng mga Hapones ay nagtayô ng isang pamahalaan noong 14 Oktubre 1943 at

itinuturing itong Ikalawang Republika ng Filipinas. Si Jose P. Laurel (Ho·sé Pi Law·rél) ang nahalal na
pangulo ng naturang pamahalaan.

Isinilang si Laurel sa Tanauan, Batangas noong 9 Marso 1891 kina Sotero Laurel at Jacoba Garcia.
Nagtapos siyá ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas at ikinasal sa kaeskuwelang si Paciencia Hidalgo.
Nagkaroon silá ng siyam na anak at ilan ang humawak din ng mataas na tungkulin: si Jose Laurel Jr. na
naging ispiker ng Mababàng Kapulungan (1953-1957), si Sotero Laurel na naging pangulo ng Lyceum of
the Philippines, at si Salvador Laurel na naging pangalawang-pangulo ng Filipinas (1986-1991).

Dahil sa talino, ipinadalá siyáng pensiyonado sa Yale University. Pagkatapos, nag-aral siyá ng
pilosopiyang political sa Oxford University. Pagbalik ay humawak siyá ng iba’t ibang tungkulin sa
gobyernong Amerikano hanggang kumandidato noong 1925 at manalong kinatawan sa Asamblea.
Naging majority floor leader din siyá sa Senado at delegado sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal, at
naglingkod na kagawad ng Kataas-taasang Hukuman. Sa panahon ng digma, hinirang siyá ni Quezon na
Kalihim ng Katarungan, at sa ilalim ng mga Hapones ay hinirang siyáng Komisyoner ng Katarungan at
pagkatapos ay Komisyoner Panloob sa Philippine Executive Commission sa ilalim ni Jorge B. Vargas.
Nahalal siyáng pangulo ng Filipinas ng itinatag na Ikalawang Republika sa ilalim ng mga Hapones. Nása
Hapon siyá nang makabalik ang mga Amerikano at kasáma doon ang pamilya at ilang lider na sina Camilo
Osias ng edukasyon, Ispiker Benigno S. Aquino, at Hen. Mateo Capinpin.

Isa siyá sa mga inihablang kolaboreytor ngunit nabigyan ng amnestiya ni Pangulong Manuel A. Roxas.
Kumandidato siyáng senador noong 1953 at nagwagi. Bahagi ng tagumpay niya ang Kasunduang Laurel-
Langley na nagtatakda ng panahon para sa pag-iral ng karapatang hanggang 3 Hulyo 1974. Pumanaw si
Laurel noong 6 Nobyembre 1959 dahil sa atake sa puso.

You might also like