You are on page 1of 7

#RevolutionGo | Tungkol sa

makabayang panitikan sa
panahon ng Facebook, Twitter at
Instagram*
Malaki ang hamon para sa makabayan at progresibong artista, manunulat, aktibista at
manggagawang pangkultura sa matalinong paggamit sa internet at social media bilang
daluyan ng bagong kulturang pambansa, siyentipiko at makamasa.

Ni KERIMA LORENA TARIMAN


Bulatlat

Isang serye ng mga tweet mula sa ABS CBN News ang naging balita nitong nakaraang linggo. Sinisipi ng mga tweet na ito
ang mga salita ni Wilma Austria-Tiamzon, bagong-layang bilanggong pulitikal, sa isang panayam sa midya noong Agosto
19:

“Para sa mga kabataang Pilipino at sa iba pang kababayan na sa ngayon ay nahuhumaling sa paghuli ng mga monster sa
Pokemon Go,”

“Alam po ninyo napakaraming tunay na monster sa ating bayan.”

“Dapat po sanang pagtuunan din natin ng pansin na kilalanin at labanan ang mga monster na ito.”

“Sa halip na Pokemon Go, mas maganda po sana ang Revolution Go!”

Kasama ang mag-asawang Wilma at Benito Tiamzon sa mga ipiniit na konsultant ng Pambansa Demokratikong Prente ng
Pilipinas o National Democratic Front of the Philippines (NDF). Pansamantala silang pinalaya ng administrasyong Duterte
upang lumahok sa usapang pangkapayapaan na muling binuksan nitong Agosto 22 sa Oslo, Norway.

Mahigit dalawang taong ibinilanggo ang mag-asawang Tiamzon sa Kampo Crame, sa bisa ng mga gawa-gawang kasong
kriminal na isinampa ng nakaraang rehimen ni Benigno Aquino III. Sa midya, ipinarada sila ni Aquino at ng Armed Forces
of the Philippines (AFP) bilang “malalaking isda” dahil sila diumano ang pinakamatataas na pinuno ng Partido Komunista
ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan o CPP-NPA (Communist Party of the Philippines – New People’s Army) na sa
ngayon ay halos limang dekada nang nagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon sa ating bayan.

Ito ang “Revolution Go!” na tinutukoy ni Ka Wilma sa naturang mga tweet. Ang armadong pakikibaka ng Bagong
Hukbong Bayan sa ating mga kanayunan ngayon, anila, ay isang bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Ang rebolusyong ito ay karugtong ng Rebolusyong Pilipino ng 1896 – ang armadong pagbangon na sinimulan nina Andres
Bonifacio at ng Katipunan laban sa kolonyalismong Espanyol. Mahalaga ang pagkakataong ito upang itampok ang
kadakilaan at kabuluhan nito, lalo na ngayon at ginugunita rin natin ang ika-120 taon ng Unang Sigaw na naging hudyat
ng Rebolusyong Pilipino noong Agosto 1896.

Ang paksa natin ngayong araw – ang makabayang panitikan – sa katunayan, ay walang ibang paghuhugutan sa ating
kasaysayan kundi ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa kolonyalismo. Makabayan ang akdang naglalantad sa
arogansya at kabuhungan ng mananakop at tumutuligsa sa dominasyon at pang-aapi ng dayuhang kapangyarihan.
Makabayan ang panulat na nagbubuklod sa saklaw ng gutay-gutay nating kapuluan, at sa iba’t ibang pangkat etno-
linggwistiko upang maging malay sa ating kakanyahan bilang isang bansa.

Ito ang kabuluhan ng Kilusang Propaganda at ng makabayang akda nina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. del
Pilar, at nina Bonifacio mismo, Emilio Jacinto, Antonio Luna at Apolinario Mabini. Ang kanilang panulat ay naging bahagi
ng “rebolusyong pangkultura ” na naghanda sa mga dakilang anak ng bayan sa pag-aarmas at pagkalas sa yapos ng
“Inang Espanya.” Bago ang Rebolusyong 1896, di-kukulangin sa 200 pag-aalsa ang inilunsad sa iba’t ibang dako ng
kapuluan batay sa kalat-kalat na simulain at adhika ng masa, gaya ng pagtutol sa polo o sapilitang paggawa, mga
dahilang relihiyoso, usapin sa lupa, o pagpapatalsik sa malulupit na prayle. Sa Rebolusyong 1896, naging buo ang
konsepto ng kasarinlan o patriyotismo na pinanday sa dakilang anti-kolonyal na pakikibaka ng sambayanan.

Ngunit hindi pa tapos ang rebolusyon ni Bonifacio, ayon sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Ang ihip ng
nasyunalismo mula dekada ’60 hanggang ’70 – mahigit kalahating siglo makalipas ang Unang Sigaw – ay itinuring bilang
“Ikalawang Kilusang Propaganda ” na nakahagip sa maraming kabataan at mamamayan. Sumibol ang bagong dugo ng
mga proletaryong rebolusyonaryo na noon din ay nagpasya na sumuong sa masalimuot na landas ng pagrerebolusyon.

Gaya na rin ng mag-asawang Tiamzon – na bago nasangkot sa aktibismo ay ordinaryong magkababata, at kapwa
mamamahayag pangkampus sa isang pampublikong sekondaryong paaralan sa Pasig. Si Benito ay naging manunulat at
editor ng Philippine Collegian nang sila’y pumasok dito sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman bilang mga iskolar. Ang
kanilang panulat, at tuluyang pakikisangkot sa aktibismo at rebolusyon ay napanday sa tinaguriang Sigwa ng Unang
Kwarto o First Quarter Storm (FQS) noong 1970. Bago ito, itinatag na muli ang Partido Komunista ng Pilipinas sa
pundasyon ng proletaryong teorya ng Marxismo-Leninismo at Kaisipang Mao Zedong noong Disyembre 26, 1968.

Ang muling pagtatatag ng PKP ang hudyat ng pagpapatuloy ng pambansa-demokratikong rebolusyon na anila’y hindi
nalubos ng Katipunan, pagkat ang abot-kamay na tagumpay ng sambayanan ay inagaw at ipinagkait ng bagong
mananakop – ang imperyalistang US o Estados Unidos. Sa mga sulatin ni Amado Guerrero (Jose Maria Sison) at mga
dokumento at publikasyon ng muling-tatag na PKP, matalas na sinipat ang ating kasaysayan gamit ang proletaryong
metodo na siyentipiko at may diin sa moda ng produksyon at tunggalian ng mga uri. Sa suri ng PKP, ang lipunang Pilipino
ay mala-pyudal at mala-kolonyal. Ang magiting na pakikibaka ng mamamayan laban sa diktadurang US-Marcos at Batas
Militar ay isang tampok na katangian ng panahong ito ngunit ika nga’y hindi lang si Marcos ang nag-iisang monster sa
lipunang Pilipino, bagamat siya, noong mga panahong iyon ang pangunahing ahente o kinatawan ng mga ito. Ang mga
batayang suliranin ng lipunang Pilipino ay ang tatlong salot o mga tunay na monster sa ating bansa – ang imperyalismo,
burukrata kapitalismo at pyudalismo.

Mahalagang mabigyang-diin na inilatag ng PKP ang simulain at direksyon ng Rebolusyong Pilipino sa punto de bista at
malinaw na makauring pamumuno ng manggagawa o proletaryado. Ang Rebolusyong 1896 ay luma – hindi dahil sa mga
lumang itak at bolo – kundi dahil sa lumang ideolohiyang liberal-burges at pag-agaw ng pamunuan ng mga ilustrado. Ang
pundasyon ng makauring pananaw, panininidigan, pamamaraan at pamumuno ng proletaryado ang siyang nagtatakda
ng pagiging “bago” ng demokratikong rebolusyon sa Pilipinas ngayon.

“Bago” ang Demokratikong Rebolusyong Bayan sapagkat tinatanaw o perspektiba nitong tumungo sa sosyalismo, isang
bagong epoka sa kasaysayan ng sangkatauhan, sa pamamagitan ng sosyalistang rebolusyon sa pamumuno pa rin ng
proletaryado. Bago ang pagsisikap ng sangkatauhan na itatag ang isang sistemang sosyalista, kapalit ng lubhang
mapangwasak, parasitiko at naghihingalong yugto ng pandaigdigang sistemang kapitalista na ilang daantaon na ring
nakapamayagpag sa buong daigdig mula noong Rebolusyong Industriyal ng 1700s. Ito rin ang dahilan kung bakit
hanggang sa kasalukuyan, o halos limang dekada na mula nang ito’y itatag – ang Bagong Hukbong Bayan o NPA ay
“bago” pa rin, at ika na rin ni Ka Wilma, ay hindi matalo-talo, bagkus patuloy pang lumalakas at lumalawak.

Ang makabayang panitikan sa kasalukuyan, kung gayon o kung mulat sa ganitong makauring pagsusuri sa kasaysayan at
lipunan, ay nararapat lang na maging anti-imperyalista. Ayon dito, ang ating bansa ay hindi pa ganap na malaya – ang
malawak na masa ng sambayanan ay inaapi at pinaghaharian sa isang neokolonyal na estado na sunud-sunuran sa dikta
at interes ng imperyalismo at ng mga kasapakat nitong mga (tunay na monster din na) lokal na burukrata kapitalista,
malalaking panginoong maylupa at burgesya kumprador.

Itinatanghal ng makabayang panitikan ang dakilang pakikibaka ng sambayanan – mula sa panahon nina Bonifacio
hanggang sa kasalukuyan – sa gitna ng isang buháy at nagpapatuloy na adhikain para makamit ang tunay na kalayaan at
demokrasya sa ating bansa. Ang pambansa-demokratikong pakikibaka o mga rebolusyon sa mga kolonya at mala-
kolonya gaya ng Pilipinas ay itinuturing nitong ambag sa pagpapahina sa pandaigdigang sistemang kapitalista at
pananalasa ng imperyalismo sa buong mundo.

Paano naman ang “nasyunalismo” na alam natin at ipinamamarali sa madla? Mainam itong pag-isipan kaugnay ng ating
paksa. Ang nasyunalismo ba ay katumbas ng bulag na pagsuporta sa gobyerno ng Pilipinas? Tungkol ba ito sa promosyon
ng mga katutubong tradisyon gaya ng mga pyesta na madalas sa hindi ay para lang sa pagdayo ng mga turista at
konsumerismo? Tungkol ba ito sa “Pinoy Pride,” na nadarama natin sa tuwing natatampok sa internasyunal na larangan
ang mga pambihirang indibidwal gaya ng ating mahuhusay na atleta at artista, mga beauty queen, at iba pa? Tungkol ba
ito sa sobinismo, sa pagtangging matuto sa karunungan na mula sa ibang bansa at sukdulang pagtatakwil sa lahat ng
impluwensyang dayuhan?

Ang usaping pambansa kung nais nating unawain sa punto de bista ng proletaryado ay mas malalim na tinatalakay ng
mga gurong komunista na sina Lenin at Stalin, kaugnay ng kongkretong mga suliranin sa pagsusulong ng Rebolusyong
Bolshevik. Ngunit kung ang makabayang panitikan para sa atin ay anti-imperyalista, mahalagang pagkakataon na rin ito
upang itampok ang kabuluhan ng akdang Imperyalismo: Ang Pinakamataas na Yugto ng Kapitalismo (1916) ni Lenin sa
pagsulong ng anti-imperyalistang pakikibaka ng sambayanang Pilipino at iba pang inaapi at pinagsasamantalahang
mamamayan ng mundo. Isandaang taon na ang nakalipas mula nang ilatlahala ang Imperyalismo ni Lenin, ngunit ang
mga puntong inilatag nito ay araw-araw na pinatototohanan ng mahahalagang pangyayari sa pandaigdigang ekonomiya,
pulitika, kultura at larangan ng digma. Sa susunod na taon, gugunitain naman ang ika-100 taon ng Rebolusyong Oktubre
ng 1917 at pagtindig ng Rusya at USSR bilang unang sosyalistang estado sa daigdig.

Ano ngayon ang kabuluhan ng mga ito sa panahon ng Twitter, Facebook at Instagram kung kailan ang Komunismo – o
ang mga “komonesta” ika nga ng naglipanang mga troll – ay mistulang tampulan na lang ng panlilibak at pangungutya?
Totoo nga bang lipas na ang mga ideyang ito, at wala nang puwang sa kasalukuyang panahon kung kailan ang
sangkatauhan ay malaya at mapayapa na diumanong pinag-uugnay sa social media sa pamamagitan ng mataas na
teknolohiya sa komunikasyon at impormasyon o haytek na information and communications technology (ICT)? Nang
dahil sa internet, ay naglaho na nga ba ang batayan para sa proletaryong rebolusyon, anti-imperyalistang paglaban at
mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya?
II.

Ilugar natin ang talakayan ng makabayang panitikan sa anti-imperyalistang pakikibaka ng sambayanan. Sa ating bansa,
ang paglikha ng makabayang mga akda ay nagpatuloy hanggang sa panahon ng madugong Digmaang Pilipino-
Amerikano, at sa direktang pananakop ng imperyalistang US mula 1899. Sa panahong ito, ang diwang makabayan ay
marahas na sinupil. Ipinagbawal maging ang paglaladlad ng watawat ng Pilipinas – ang makabayang mga dula ay
tinaguriang “sedisyoso” at maraming makabayang artista at manunulat gaya nina Juan Abad at Aurelio Tolentino ang
ipiniit kasama ng magigiting na “tulisan” na nag-armas laban sa mananakop. Ipinakilala ang sistema ng edukasyong
publiko, ginawang wikang opsiyal ang Ingles, at ipinalaganap ang Kanluraning mga pagpapahalaga upang linangin ang
kolonyal na mentalidad sa hanay ng sambayanang naghahangad ng kasarinlan.

Ngayon ay sukdulan pa ring binubura sa ating kamalayan ang pagiging anti-imperyalista. Nabura na nga rin diumano ang
hanggahan ng mga bansa, kultura, relihiyon, kasarian at lahi, mayaman at mahirap – at mismong tunggalian ng mga uri –
nang dahil sa “demokratisasyon sa impormasyon at komunikasyon” na dulot ng haytek na ICT. Laganap din ang ideya na
ang internet at ICT ay hindi na raw nasasaklaw ng moda sa produksyon o ng mismong pandaigdigang sistemang
kapitalista, sapagkat ang mahalaga na lang daw ngayon ay ang “moda ng impormasyon.”

Ngunit sa loob ng nakaraang 25 taon ng pag-iral ng pampublikong internet, ano nga ba ang nagawa nito upang wakasan
at burahin ang marahas na tunggalian sa pagitan ng imperyalismo at ng aping mamamayan ng daigdig? Hindi
nakapagtataka na halos kaalinsabay ng panahong ito ang marahas na pananalasa ng neoliberalismo at imperyalistang
globalisasyon sa ekonomiya, pulitika at kultura ng mga atrasadong bayan na gaya ng sa atin.

Una, ang sinasabing “malayang akses sa impormasyon” na ipinapangako ng haytek na ICT ay hindi naman makakamtan
kung wala ang aktwal na mga kalakal (consumer good) – gaya ng kompyuter. Hindi tayo makapapasok sa internet o sa
sinasabing “malayang daluyan ng kaalaman at impormasyon” kung wala ang mga kalakal na gaya nito. Ang napakabilis at
walang kapararakang kumpetisyon at akumulasyon sa pagitan ng mga dambuhalang monopolyo na siyang lumilikha ng
sandamakmak na modelo ng kompyuter, laptop, tablet, teleponong mobile at iba pang periperal na gaheto at produkto
para sa akses sa internet at social media ay nagpapatunay na ang haytek na ICT ay hindi hiwalay o hindi ligtas sa
sistemang kapitalista at sa likas nitong krisis ng labis na produksyon.

Mangyari pa, ang haytek na ICT bilang mahalagang kasangkapan sa produksyon (capital good) ang nagpapatotoo na ito’y
bahagi ng kapitalistang moda sa produksyon. Upang suportahan ang konektibidad na hatid ng internet, kinakailangang
itayo ang imprastraktura gaya ng mga tore ng komunikasyon, satelayt, mga dambuhalang server, at iba pa. Walang duda
na ang ICT ay nakapagpaunlad sa mga pwersa sa produksyon – makailang ulit nitong pinabibilis at pinahuhusay ang linya
ng produksyon at paglikha ng mga kalakal sa pamamagitan ng bagong teknolohiyang gaya na rin ng robotiks o mga
presisong instrumento. Gayunman, ang mga ito ay walang binabago sa pangkahalatang moda ng kapitalistang sistema –
pribado pa rin ang pagmamay-ari o apropriyasyon ng mga kasangkapan at ganansya, habang ang produksyon ay
sosyalisado o nililikha na ng buong lipunan.

Gaya ng nagaganap sa tuwing ipinakikilala sa produksyong kapitalista ang bagong makinarya at teknolohiya, ang
paggamit ng haytek na ICT ay nangangahulugan din ng ibayong paglaki ng tantos ng pagsasamantala sa mga
manggagawa – habang pumapaimbulog ang panghuhuthot ng supertubo ng mga monopolyo kapitalista, patuloy na
nakapako sa napakababang antas ang sahod ng mga manggagawa. Higit nitong sinusuhayan ang kanilang pagkatiwalag o
alienasyon. Sa isang sweatshop ng Apple sa Tsina, naibalita ang paglalagay ng “suicide nets” upang pigilan ang mga
manggagawang gustong magpakamatay dahil sa napakababang sahod at masahol na kondisyon sa paggawa.
Ang ganid na kalikasan ng sistemang kapitalista ang siyang nagtutulak sa mismong pagkawasak ng mga produktibong
pwersa. Ang hayok na paghahabol sa supertubo at ganansya ang siyang pumipigil sa lubusang pagbwelo ng mga pwersa
sa produksyon para sana sa makabuluhang pakinabang ng sangkatauhan.

Sa ating bansa, halimbawa, wala pa rin tayong sariling industriya at patuloy tayong nakaasa sa mga yaring produkto na
imported o may tatak ng mga multinasyunal na korporasyon. Patok sa bawat internetan sa kanto ang network gaming –
halos lahat ng tao na narito ngayon sa palagay ko ay online at may teleponong touch screen – ngunit sa ating mga
kanayunan, lubha pa ring atrasado ang agrikultura. Kung hindi kinakawit ang buwig gamit ang karit na ikinabit sa
pinagdugtung-dugtong o mahabang kawayan, inaakyat pa rin ng ating mga magsasaka ang mga puno ng niyog tuwing
panahon ng pagkokopra. Kahit nakarating na sa ating bansa ang haytek na ICT, salat pa rin ang mahuhusay na produkto
na para sa pangangailangan ng tao, habang walang tigil ang pagbaha ng samu’t saring dayuhang kalakal para sa luho at
konsumerismo.

Bukod sa ginagawang tambakan ng imported na yaring produkto ang Pilipinas bilang isang neokolonya, patuloy na
pinipiga ng mga imperyalista ang ating bansa sa pamamagitan ng ating murang lakas-paggawa at likas na yaman. Ang
ating mga minahan, lalo na sa lupaing ninuno ng ating mga pambansang minorya, ay walang tigil na dinarambong ng
mga dayuhang korporasyon dahil sa yamang mineral at hilaw na materyal na para sa mabibigat na industriya, at para rin
sa industriya ng ICT.

Ikalawa at kaugnay pa rin ng una, ang moda ng distribusyon ng mga kalakal ay makailang ulit na ring pinabilis at
ginawang higit na sopistikado nang dahil sa haytek na ICT. Makikita ito sa direktang pagbebenta ng mga produkto sa
laganap na online shopping at walang puknat na ads sa internet.

Sumulpot na ring parang kabute sa ating bansa ang tinatawag na business process outsourcing (BPO) o mga call center
para sa serbisyong pangkonsumer ng mga korporasyong dayuhan. Ang kabataang petiburgis sa ating mga sentrong
lungsod ay maramihan nang nahihigop nitong tinaguriang sunshine industry na sagot diumano sa malawakang kawalan
at kakulangan ng empleyo sa ating bansa. Ngunit ang ating mga “propesyunal” ay pumapasok sa BPO hindi upang ilapat
ang kanilang pinag-aralan o piniling karera, kundi upang magsilbi bilang mumurahing mga manggagawa sa serbisyo na
nagmamantini ng merkado para sa partikular na mga kalakal ng dayuhan.

Mangyari pa, dahil na rin sa pagkahaling ng marami sa social media, tayo mismo ay namomobilisa ng mga dambuhalang
korporasyon bilang mga “endorser” na hindi na nila kailangang sahuran. Tayo pa mismo ang natutuwa na ipamarali ang
mga produkto na kaya nating bilhin at tangkilikin sa bawat post o litrato ng pagkain, OOTD, at pagkukuwento ng
personal nating karanasan sa kunsaang engklabo ng konsumerismo.

Naging sopistikado na nga ang moda ng distribusyon ng mga kalakal nang dahil sa haytek na ICT, sapagkat ang pagsukat
sa trend, pagkokondisyon sa “uso” at sa “panlasa” ng mga konsumer ay hindi na lamang idinadaan sa manu-manong
sarbey at pag-aaral sa sikolohiya at sosyolohiya, kundi sa mismong personal na impormasyon, lokasyon, mga hilig,
interes, damdamin at gawain na araw-araw ay “boluntaryong ibinibigay” ng milyun-milyong katao sa shopping sites at
social media sites na gaya na nga ng Facebook, Twitter at Instagram.

Saan pa kaya gagamitin ang istadistika na napakabilis na natitipon at napoproseso sa pamamagitan ng mga algoritmo ng
ICT, kundi na rin sa otomatikong pagtutumbas ng suggested ads o panibagong produkto na madalas sa hindi ay walang
malisya nating kiniklik at agad-agad na tinatangkilik?

Ikatlo, makailang ulit din na pinabibilis ng haytek na ICT ang oligarkiyang kontrol sa kapital sa pinansya – sa online
banking, galaw ng stock market at walang kapararakang ispekulasyon sa pinansya. Sa isang iglap, makapagpapabagsak
ito sa ekonomiya ng buu-buong mga rehiyon at bansa. Sa maagang bahagi ng pag-unlad ng ICT, halimbawa, ang
mismong pagputok ng tinatawag na bula ng dotcom (dotcom bubble) ay nag-ambag sa walang sagkang paglaki ng kapital
sa pinansya na pinalobo lamang ng ispekulasyon na lubha tagibang o hindi tugma sa aktwal nitong salalayang
produktibo.

Ikaapat ay nalantad na rin, ayon na mismo sa mga eksperto sa ICT na gaya nina Assange at Snowden, na ang
teknolohiyang ito ay tusong ginagamit hindi lamang para sa mga nabanggit nang halimbawa sa kalakalan at negosyo,
kundi sa para sa layuning pulitiko-militar ng imperyalismo. Ang social media ay ginagamit sa paniktik o pang-eespiya sa
tinaguriang mga terorista, ekstremista’t mga kaaway ng estado – at kahit sa pagmomonitor ng “kahina-hinalang kilos” ng
mga sibilyan at ordinaryong mamamayan.

Ang internet, na nagsimula bilang isang proyektong militar, ay hindi nakapagtataka kung tahasang ginagamit ng
imperyalismo para sa pagpapaunlad ng kanilang military-industrial complex, sa drone warfare, at mga digmang agresyon
na araw-araw ay pumapatay o pumipinsala sa buhay ng libu-libong mamamayan sa iba’t ibang bayan sa ngalan ng
kanilang buhong na “gera kontra terorismo.” Malaki ang papel ng ICT sa mga proyektong politiko-militar ng
imperyalismo, gaya ng mga konspiratoryal na pakana sa regime change o pagpapatalsik sa mga pinuno at pagluluklok ng
bagong rehimen na suportado ng US, at sa mabangis na pagsupil sa anti-imperyalistang paglaban, at mga kilusan para sa
pambansang pagpapalaya sa iba’t ibang panig ng daigdig.

III.

Kung kaya, bilang huling punto – may puwang nga ba ang bagong kultura, at ang panulat ng mga makabayang gaya ni
Bonifacio, mga anti-imperyalistang gaya nina Luna at Tolentino, at mga radikal na gaya nina Sison at mga Tiamzon sa
panahong ito ng Facebook, Twitter at Instagram?

Pagdapo pa lang ng pambihirang tweet tungkol sa “Revolution Go!,” pwede na nating sabihing oo. Gaya ng tradisyunal
na masmidya at iba pang institusyon, ang internet ay di-maikakailang daluyan ng imperyalismo sa kultura, at
kasalukuyang pagpapabango at pagbibigay-katwiran sa kasamaan ng neoliberalismo. Sa sarili nating mga sirkulo, o sa
mga tambayan at luklukan ng mga Pilipino sa internet at social media, hindi naman maikakaila ang dominasyon ng mga
ideya na nagpapanatili at nagpapalakas sa bulok na kulturang burges, kolonyal at pyudal. Ang internet at social media ay
larangan din ng tunggalian.

Sapagkat buhay ang nasyunalismo at nagpapatuloy ang rebolusyon, halimbawa, sa bersong likha ni BLKD, isang rapper at
“kawal ng kultura” na naunang nakilala sa internet at youtube dahil sa popular na ligang Fliptop. Ang “pagmulat ay
pagkasa,” ayon nga sa isang trak sa album niyang Gatilyo, na inilabas kamakailan alay kay Bonifacio at kay Marlon
Caacbay, isang musikero na namartir bilang mandirigma ng BHB noong nakaraang taon. Samantala, ang mga sanaysay at
tula ni Ericson Acosta na isinulat sa kulungan at kagyat na pinadaloy ng kanyang mga kaibigan sa Facebook at blog ay
umabot sa signipikanteng bilang ng netizen sa loob at labas ng bansa, bagay na nakapagpalapad sa hanay ng mga
sumuporta sa kampanya sa pagpapalaya sa dating detenidong makata at aktibista.

Ngunit sa katunayan, ang mga publikasyon mismo ng PKP gaya ng opisyal nitong pahayagang “Ang Bayan,” na mula
noong Dekada ’70 ay pinararami gamit ang makinang mimeo at manu-manong imprentang V-type ay isa sa mga unang
makabayang babasahin na naging online mga 18 taon na ang nakararaan, sa unang website ng NDF. Mula noo’y makikita
ang tuluy-tuloy, masinop at sistematikong pagsisikap ng PKP sa pagmamaksimisa sa puwang na ito sa internet para sa
pagpapalaganap ng makabayan at rebolusyonaryong panitikan.
Sa kasalukuyan, nasa Facebook, Twitter at Instagram na rin ang Philippine Revolution Web Central o PRWC , at
nagpapalaganap di lamang ng mga akda mula sa iba’t ibang publikasyong pampanitikan na maaakses sa internet gaya ng
Ulos na inilalathala ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS), at mga panrehiyong dyornal pangkultura na gaya
ng Ramut at Rissik ng Hilagang Luzon, Inang Larangan ng Gitnang Luzon, Dagitab ng Timog Katagalugan, Punla ng Bikol,
Sublak ng Panay at iba pang rebolusyonaryong pahayagan, magasin at dyornal. Nasa PRWC na rin ang pinakahuling
balita, bidyo, at mga meme kaugnay ng demokratikong rebolusyong bayan.

Ang makata at kritiko na si Gelacio Guillermo ang isa sa mga unang nagsikap na mag-upload ng makabayan at
rebolusyonaryong akda noong maagang bahagi ng 2000s, sa pamamagitan ng independyenteng website ng Instityut sa
Panitikan at Sining ng Sambayanan (IPASA) . Nauna nang inihanda ni Guillermo sa pamamagitan ng IPASA ang makapal
na antolohiyang Muog: Ang Naratibo ng Kanayunan sa Matagalang Digmang Bayan sa Pilipinas na inilathala ng UP Press
noong 1998. Tinipon sa Muog ang mayamang prosa na likha sa mga sonang gerilya na kinikilusan ng BHB mula 1972
hanggang 1997.

Sa Facebook, isa sa matitisod na mga rebolusyonaryong makata ang isang “Maya Daniel” na tumutula sa tatlong wika:
Ingles, Hiligaynon at Filipino. Bagamat karamihan sa mga tula ay nasa Ingles, matining niyang naipapahayag ang
damdamin at hangarin para sa pambansang pagpapalaya sa larawan ng kalikasan at pakikidigmang gerilya. Ang mga tula
sa kanyang Facebook wall ay nakatipon rin sa isang blog.

Malaki ang hamon para sa makabayan at progresibong artista, manunulat, aktibista at manggagawang pangkultura sa
matalinong paggamit sa internet at social media bilang daluyan ng bagong kulturang pambansa, siyentipiko at
makamasa. Ang potensyal nito sa pagpapalaganap ay hindi na maaaring maliitin, bagamat sa kabilang banda ay hindi rin
dapat pabayaan ang sistematikong paglalathala at popularisasyon ng mga babasahin, pahayagan, komiks at iba pang
epektibong anyo upang tiyak na makakarating ang makabayang panitikan sa masang mambabasa o sa mamamayang
wala namang akses sa internet.

Sa katuus-tuusan, ang pagkupkop sa makauring paninindigan ng mga manggagawa, o pagpapanibagong-hubog at


matatag na pagtindig para sa kagalingan at interes ng masang anakpawis, ang siyang pinakamahalagang hakbang upang
magkaroon ng matibay na gulugod ang ating panulat para sa bayan. (https://www.bulatlat.com)

You might also like