You are on page 1of 1

#JustAnExercise

#StoryFromAPicture
#WritingPrompt

Tomorrow of Chances
by: Ayako_Yoko

ISANG kuntentong buntonghininga ang pinakawalan ni Charlotta nang matapos na niyang


maalalayang makaupo sa malaki at patag ma bato ang asawang si Josue. Awtomatikong
hinanap ng mga kamay nito ang sa kaniya upang pagsalikupin. Binigyan niya ito ng
magandang ngiti bago tinanaw ang lawa at ang imahe ng Mount Fuji na nasa likod ng
katubigan.

"Mahal?" untag ni Josue na nagpatinag sa kanya sa pagtitig sa napakagandang


tanawin.

"Ano iyon? May masakit ba sa iyo?" alerto niyang tanong, nag-aalala sa lagay ng
asawa lalo pa at hindi na biro ang edad nilang dalawa.

Umiling ito at may naituro. "Tingnan mo ang dalawang iyon. Hindi ba't ganoon na
ganoon din ang nangyari sa atin nang minsang maabutan kitang umiiyak roon mismo sa
puwestong iyon?"

Napapangiti siyang tumango bilang pagsang-ayon sa asawa. Isang babaeng nakaupo ang
abot-abot ang kamay ng isang lalaking nakalahad ang isang kamay. Nakakatuwa dahil
nakakita siya ng katulad nila sa mismong lugar na pinagsimulan ng kanilang mahaba-
habang istorya.

"Sa ilang taon na kapiling kita, naging masaya ako at wala ni minsang pinagsisihan
kahit pa labis na hirap ang ibinigay sa atin ng buhay," litanya ni Josue na halos
magpatunaw sa kaniyang puso.

Gamit ang isa pang kamay ay hinawakan niya ang magkahugpong nilang mga daliri.
"Wala rin akong pinagsisisihan. Naging masaya ako sa piling mo sa loob nang
limampung taon at kahit kailan, hindi mawawala sa isip ko ang ating mga
pinagsamahan."

Sumandal ang ulo ng kaniyang asawa sa kaniyang balikat. Humigpit ang kanyang hawak
sa kamay nito bago niya tiningala ang maaliwalas na kalangitan. At sa kaniyang
pagpikit, masasaganang luha ang bumuhos kasabay ng pagluwag ng kapit ni Josue sa
kaniyang kamay.

Sa lugar kung saan nagsimula ang kuwento nilang dalawa . . . ay doon din tuluyang
nagwakas ang ilang taon nang pasakit at paghihirap ng kaniyang minamahal sa sakit
na lung cancer.

Nagmulat siya at ipinako ang tingin sa dalawang pigura ng taong masiglang


nagpapakilala ng sarili at mukhang bago pa lang magkakilala. Ngunit kahit ganoon,
sigurado si Charlotta na kagaya nila ni Josue, may mas malalim pang relasyon na
uusbong sa pagitan ng mga ito sa bawat bukas na ang mga ito'y magtatagpo. Isang
bagay na sumasalamin sa pag-ibig nilang dalawa. Na mawala man ang isa, sa mga
susunod pang bukas, maghihintay naman ang isa pa para sa panibagong pagtatagpo na
kung saan, payapa at maligaya na ang lahat.

You might also like