You are on page 1of 4

KASALUKUYANG SITWASYON NG EDUKASYON SA

BAYAN NI JUAN ni Reynele Bren Zafra


Sa kulturang Pilipino ang edukasyon ay maituturing na isa sa mahalagang bahagi ng pagkatao ng
bawat indibidwal. Ginagampanan nito ang isa sa malaking bahagi sa paghubog ng isipan at ugali ng
isang kabataan upang magkaroon ng magandang hinaharap. Kung titingnan, ito ay maituturing na
pundasyon ng isang bata sa paghubog ng kanyang katauhan. Sa katunayan kung ang isang bata ay
magkakaroon ng magandang edukasyon malaki ang posibilidad na makakuha siya nang maayos na
trabaho na magagamit niya upang matulungan ang kanyang sariling pamilya. Dagdag pa nito, ito ay
kayamanang hindi makukuha ng sinuman. Ito'y kayamanang madadala n'ya sa kanyang pagtanda.
Ayon nga sa Foundations of Education, 1998 ang edukasyon ay tumutukoy ay ang pagkuha ng
kaalaman, kasanayan, at tamang pag-uugali upang maging mahusay ang isang indibidwal. Hindi
lamang ito isang paghahanda sa darating na bukas bagkus ito mismo ang iyong bukas (Sariling
Salin). 

Sa Pilipinas tunay na mahalaga ang pagtatamo ng karunungan ng isang tao sapagkat sa


paniniwalang ang edukasyon ay susi upang makaahon sa kahirapan ng buhay. Subalit papaano
makakaahon sa kahirapan ng buhay ang isang Pilipino kung hindi niya natatamasa ang isang
edukasyong de-kalidad na dapat ay sa kanya sapagkat iyon ang itinalaga ng ating saligang-batas.
Ayon sa 1987 Konstitusyon Artikulo XIV: Edukasyon, Agham at Teknolohiya, mga Sining, Kultura, at
Sports Seksyon 1. Dapat pangalagaan at itaguyod ng Estado ang karapatan ng lahat ng mga
mamamayan sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas at dapat magsagawa ng angkop na mga
hakbang upang matamo ng lahat ang gayong edukasyon (Curriculum Development in the Philippine
Setting, 1989). 

Malinaw sa nasabing Konstitusyon na dapat pangalagaan ng Estado ang karapatan ng mga


mamamayan nito sa pagtatamo ng isang mahusay na edukasyon. Subalit sa kasalukuyang panahon
nasaan ang ginagawang pangangalaga ng Estado sa mga kabataan upang mahubog ang kanilang
katauhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon? Nasaan ang itinadhana ng
batas? Kung titingnan malayo na nga ang antas ng edukasyon ng bansang Hapon, Tsina, Thailad at
Singapore kumpara sa sistema ng edukasyon sa ating bansa. Kung ang mga bansang ito'y
nangunguna sa larangan ng Siyensya at Matematika sa global na kompetisyon, nasaan na ang
Pilipinas? Bagamat sinasabi ng mga pag-aaral ng ilang ahensya na mataas ang literacy rate sa ating
bansa pansin parin ang hindi magandang sistema ng edukasyon. 

Lantad ang kakulangan at kabulukan ng sistema ng edukasyon sa ating bansa. At ang ganitong
sistema ay hindi lingid sa ating lahat partikular na sa ang mga mag-aaral sa mga pampublikong
paaralan sa ating bansa kung saan sila mismo ang nakararanas ng masamang sistema ng edukasyon
sa bansa. 

Ilan sa mga kakulangan at kabulukang ito ay ang mga sumusunod:

1.Kakulangan ng sapat na bilang silid-aralan. Dahil sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral sa mga
pampublikong paaralan sa bansa nagiging resulta ito ng kakulangan ng mga silid-aralan para sa
mga mag-aaral. Bunga nito, siksikan ang mga mag-aaral sa isang maliit na silid-aralan kung saan
pinagkakasya nila ang kanilang sarili para lamang matuto. Dagdag pa nito ang init ng panahon na
nagbibigay sa kanila ng karagdagang pasanin. Sa katunayan, ang isang silid-aralan na dapat ay may
laman lamang na 30-40 mag-aaral upang maging mabisa ang pagkatuto ay nagiging 60-70 mag-
aaral sa isang silid-aralan. Kitang-kita ang pagtitiis ng mga mag-aaral sa ganitong sistema ng
edukasyon sa bansa. Isa na ang San Pedro Relocation Center High School sa San Pedro, Laguna na
taglay ang ganitong uri ng suliranin. 

Ang ganitong sulirarnin ay pinatunayan ng pagkakaroon ng konsepto ni CNN Hero Efren Florida ng
nagsagawa siya ng pushcart classroom. Ang sistemang ito ay isinagawa upang mabigyan ng
edukasyon ang mga bata sa na hindi kayang suportahan ng pamahalaan.

2.Kawalan ng maayos na silid-aralan. Ang kawalan ng maayos na silid-aralan ay isa sa rin sa


kalunos-lunos na kalagayan na nararansan ng mga Pilipinong mag-aaral sa mga pampublikong
paaralan sa bansa partikular na sa Metro Manila. Bagamat may mga silid-aralan, ang mga ito ay
maituturing na hindi condusive upang matamo ng isang kabataan ang karunungang dapat ay
kanyang makuha. Walang tamang pasilidad ang bawat silid-aralan na magbibigay sana sa kanila ng
isang maginhawang paligid para ganahang mag-aral. Nariyan din ang kawalan ng proper
ventilation, kawalan ng malinis na palikuran o maging ang kakulangan ng maayos na mga upuan.
Ang ganitong kalunos-lunos na kalagayan ay taglay ng Taguig National High School sa Taguig City,
Tipas National High School at Rizal Experimental Pilot Station Cottages and Industry sa Las Piñas
City.

3.Kakulangan ng bilang ng sapat na guro. Sa isang paaralan ang mga guro ang itinuturing na
pangalawang ina. Sa katunayan, ang mga guro ang nagtuturo sa mga kabataan kung paano maging
isang ganap na tao sa pamamagitan ng paghubog sa kanilang puso at isipan. Subalit dahil sa
kakulangan ng bilang ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ang paghubog sa kanilang isipan
ay tila mahirap sa bahagi ng isang guro. Sa katunayan ang isang guro sa mga pampublikong
paaralan ay may hawak na 60 hanggang 70 na mag-aaral kumpara sa isang guro sa mga pribadong
paaralan na may 20 hanggang 40 na mag-aaral. Ang ganitong kalagayan ay lantad na mula pa
noong administrasyong Ramos at lalong lumalala ng pumasok ang administrayong Arroyo na hindi
seryoso sa pagpapaunlad ng edukasyon sa bansa.

4.Kakulangan ng mahuhusay na guro. Upang maging mahusay ang isang mag-aaral dapat taglay rin
ng mga paaralan ang pagkakaroon ng mahuhusay na guro na siyang huhubog sa isipan ng bawat
kabataan. Subalit sa kasalukuyang sitwasyon kitang-kita natin na ang mga guro sa pampublikong
paaralan ay tila kulang sa kaalaman ng sa kanilang asignaturang itinuturo. Ang ganitong sitwasyon
ay ramdam din ng mga mag-aaral sa ilang pribadong paaralan na itinuturing subalit sa katotohanan
ay hindi pa pasado ang mga guro. Sa ganitong kalagayan, paano uusad ang edukasyon sa Pilipinas?
Kulang rin ang mga guro sa tamang training upang makahabol sa mabilis na pag-unlad ng
teknolohiya. Makikita rin na masyadong tradisyonal pa rin ang kasalukuyang pamamaraan ng
pagtuturo ng mga pampublikong paaralan sa bansa gayundin sa ibang mga maliliit na pribadong
paaralan. Swerte na ng isang klase kung ang kanilang guro ay marunong magbukas ng kompyuter.
Masakit tanggapin pero ito ang katotohanan. Sino ang dapat sisihin? Sa ganitong kalagayan ng
edukasyon sa bansa sa kasalukuyang panahon, malinaw na may paglabag ang kasalukuyang
gobyerno tungkol sa pagbibigay ng kagalingan pampropesyonal sa mga guro. Sapagkat malinaw sa
1987 Konstitusyon na dapat paunlarin ng estado ang kagalingang pampropesyonal ng mga guro sa
pampublikong paaralan sa bansa. Subalit nasaan? 

5.Kakulangan ng bilang ng sapat na libro. Dahil sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral sa mga
pampublikong paaralan sa bansa hindi na matugunan ng mga paaralan ang pagkakaroon ng mga
mag-aaral ng isang libro bawat isang mag-aaral sa bawat asignatura. Ang ganitong kalagayan sa
sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay lalong lumala sa kasalukuyang administrasyon. Mapalad na
ang isang mag-aaral kung makakuha siya ng kumpletong bilang ng libro. Kung hindi naman,
nagtitiyaga na lamang sila sa panghihiraman o ang masaklap ay hindi na lang magbabasa kung saan
ang nagiging resulta ay mababang kalidad ng edukasyon. Kumbaga ang isang mag-aaral na nasa
ikalimang baitang, ang kaalamang napulot ay katumabas lamang ng kaalaman ng isang mag-aaral
sa ikatlong baitang. 

6.Maling paggamit ng meduim of instruction. Gaya ng guro, malaki ang gampanin ng wika upang
matutong mabuti ang mga mag-aaral. Wika ang nagsisilbing midyum ng mga guro upang
maiparating sa mga mag-aaral ang mga aralin ng maayos at maikintal ang bawat aralin sa kanilang
isipan nang magamit ito sa hinaharap. Gaya ng mga ilang bansa sa Asya at Europa, ang Pilipinas ay
isang multi-lingual na bansa. Ibig sabihin, taglay nito ang higit sa isang wika. Bawat mamamayan
sa isang lugar sa Pilipinas ay may kinagisnang wika. Wikang kanyang ginagamit mula sa kanyang
paggising hanggang sa pagtulog. Kung gayon sanay na siya sa paggamit nito. Kaya ako'y naniniwala
na hindi dapat ikulong ng mga nasa sangay ng Departamento ng Edukasyon sa kasalukuyan kung
ano ang dapat na wikang gamitin sa pagtuturo ng mga aralin mula sa elementarya hanggang
sekondarya. 

Sa aking pananaw, hindi angkop na ipagamit ang wikang banyaga sa mga Pilipinong mag-aaral
sapagkat hindi ito ang kanilang kinagisnang wika. Kung ang ilang mga katutubo ay hirap na sa
paggamit ng wikang Filipino mas mahihirapan sila sa paggamit ng isang wikang hindi naman nila
gamay gaya ng Ingles. Kaya makabubuting gamitin ng mga guro sa pagtuturo ang wikang sinasalita
sa lugar kung saan nakatayo ang kanilang paaralan.

Hindi mali ang paggamit ng wikang banyaga gaya ng Ingles upang matuto ang mga mag-aaral
subalit marapat na gamitin lamang ito sa tamang edad at sa tamang panahon. Sa katunayan,
itinuturing kong mali ang pagpipilit ng kasalukuyang polisiya ng administrasyong Arroyo sa
paggamit ng wikang Ingles bilang wikang panturo sa mga paaralan sa Pilipinas. Ito'y maituturing na
maling hakbang upang matamo ng mga mag-aaral ang global na pagkatuto. Bakit ba hindi na
lamang pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad ng wikang Filipino? Ito'y ating wika. Kaya dapat na
ito'y ating nililinang. Patunay rito ang mga kalapit bansa natin sa Asya na hindi gumagamit ng
wikang Ingles subalit kitang-kita ang kanilang kahusayan sa Matematika, Siyensya, Ekonomiya at
iba pa. Muli, hindi sagot sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas ang paggamit ng
wikang hindi sinasalita ng pangkaraniwang Juan dela Cruz. Kung patuloy na ipagpipilitan ang
paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo, malamang mahihirapan ang mga mag-aaral na matamo
ang pagkatuto. Tandaan na mas mainam na matutuhan ng mga mag-aaral ang nilalaman ng aralin
kaysa matutuhan nila ang wikang Ingles. 

7.Kawalan ng mga kagamitang panteknolohiya sa pagtuturo. Sa kasalukuyang panahon kompyuter


na ang kalimitang ginagamit ng mga tao mula sa iba't-ibang larangan upang magkaroon nang
mabilis na transakyon at upang makahabol sa global na pagkatuto. Ang Japan, Korea at Singapore
ay ilan lamang sa mga kalapit bansa ng Pilipinas na nagkaroon ng programang paunlarin ang
sistema ng edukasyon sa kanilang bansa sa pamamagitan ng pagtuturo kung paano gumamit ng
kompyuter o ng makabangong teknolohiya. At kung paano ang mga nasabing teknolohiya
makatutulong sa pagtatamo ng pagkatuto. Bagamat ang mga pampublikong paaralan sa Pilipinas ay
nakisabay sa ganitong sistema, hindi pa rin ito masasabing matagumpay. Sa katunayan, marami pa
rin sa mga nagtapos ng sekondarya sa mga pampublikong paaralan sa bansa ang hindi marunong
gumamit ng simpleng Microsoft Word o simpleng presentasyon sa kompyuter. Ang malalala pa nito,
may mga guro rin na hindi marunong gumamit ng nasabing teknolohiya at nakokontento na lamang
sa tradisyunal na pamamaraan ng pagtuturo. Subalit hindi mo naman pwedeng masisi ang kaguruan
sapagkat ang ganitong pangyayari ay kakulangan ng Kagawaran ng Edukasyon sa kasalukuyang
administrasyon na magbigay ng mahusay na pagsasanay sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa
pagtuturo. 

8.Kakulangan ng sapat na pondo sa edukasyon. Ang mga nabanggit na kakulangan o kabulukan ng


sistema ng edukasyon sa bansa ay nag-uugat sa mababang pondo ng edukasyon sa ating bansa
partikular na sa kasalukuyang administrasyon. Bagamat sinasabi sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas
na dapat ang edukasyon ang may pinakamataas na pondo sa lahat ng departamento ng
pamahalaan, ito ay hindi nangyari. Bakit? Baka dahil kaya sa ang kasalukuyang Administrasyon ay
abala pangungurakot? 

Ang mga bagay na ito ay ilan lamang sa mga problema o pagkukulang sa edukasyon sa bansa na
lantad na sa ating lahat. Ang ganitong sistema ay maaring mananatili sa mga susunod na taon kung
ang mga nanunungkulan sa gobyerno ng Pilipinas ay patuloy sa pagbabalewala sa pagbibigay ng
karampatang lunas sa bulok na sistemang ito at kung tayong mga Pilipino ay mananatili sa pagiging
pipi at bulag sa sitwasyon ito. Magkaganoon, pa man, malaki ang aking paniniwala na ang sistema
ng edukasyon sa bansa ay magiging mahusay at mananatiling mahusay sapagkat minsan nanguna
rin tayo sa mga karatig bansa natin sa Asya. Iyon nga lamang ay kung ang mamumuno sa
pamahalaan ay may tunay na pagpapahalaga sa edukasyon at hindi lamang nakapokus sa
pagpapataba ng bulsa.

NAIIWAN na ang Pilipinas ng mga kalapit na bansa sa Asia kung ang pag-uusapan ay
ang kalidad ng edukasyon. Masyadong malayo na ang mga karatig bansa. Kung noong
dekada ’60 at 70 ay maraming nagtutungong dayuhan sa bansa para mag-aral, ngayon
ay iilan na lamang at maaaring sa mga susunod na taon ay wala nang mag-aral dito.
Mababa na ang kalidad ng edukasyon at sa halip na dito magtungo, sa ibang bansa na
lang na mas mahusay kaysa Pilipinas.

Mismong ang chairman ng Commission on Higher Education (CHED) ay nababalisa


sa nangyayaring paghina ng edukasyon sa Pilipinas. Inamin niya na talagang ang
edukasyon sa bansa ay “deteriorated” na at napag-iiwanan na ng neighboring
countries. Sinabi pa ni CHED chairman Dr. Emmanuel Angeles, na sa halos lahat ng
fields ay napag-iiwanan na ang Pilipinas. Noon daw, ang Pilipinas ay identified sa
may pinaka-kalidad na edukasyon pero ngayon ay talagang nawala na ang pagkilalang
iyon.

Nakakaligtaan at napapabayaan ang edukasyon. Iyan daw ang dahilan kaya mababa
ang kalidad. Idinagdag pa ni Angeles na nagsimulang ma-deteriorate ang edukasyon
sa bansa sa huling tatlong dekada. At sabi pa ng CHED chairman, kailangang
gumugol ng 20 taon para mapanauli ang mahusay at may kalidad na edukasyon. Isa sa
mga paraan para raw magkaroon ng may kalidad na edukasyon ay i-required ang mga
guro na may master’s degree. Dapat daw na mahigpit itong ipatupad.

Tama ang suhestiyon ni Angeles pero dapat din namang buhusan ng pondo ang
DepEd. Ito ang dapat pagtuunan ng susunod na administrasyon. Maraming
mahuhusay at matatalinong guro pero nasaan sila. Yung iba ay nag-aabroad, nagdo-
domestic helper sa Hong Kong, nagki-caregiver sa London. Maliit lang kasi ang
suweldo nila bilang teacher. Subukang lakihan ang kanilang suweldo at dagdagan ng
benepisyo, gaganahan silang magturo rito at magpo-produce ng mga batang mahu-
husay at matatalino.

Read more at https://www.philstar.com/opinyon/2010/03/23/560042/editoryal-


kalidad-ng-edukasyon-ay-pagtuunan-ng-pansin#eJksfsIO8dsYQLM5.99

You might also like