You are on page 1of 4

“Liwanag sa Dilim”

Juan 8:12-18

Iba’t ibang pakuhulugan ng “liwanag” ang nasa diwa at katauhan ng bawat isa, sang-ayon sa
pagkakahubog ng kaunawaan ng bawat isa sa atin. Suriin natin ang ating sarili, ano nga ba ang
pakahulugan ng liwanag? Ano din ang pakahulugan sa atin ng dilim? (Sandaling pagnilayan ang mga
tanong sa pamamagitan ng sandaling pagtahimik)

Mula sa teksto ay litaw ang katotohanang paliwanag ni Kristo at opinyong nagmumula sa mga Pariseo.

Na hindi nalalayo sa hindi inaasahang kapanganakan ng isang manliligtas o Mesiyas, minsan nang
sinabing ipapanganak ang isang Tagapagligtas ngunit iba ang hinahanap ng mga tao. Dahil hindi
sanggol sa sabsaban ang kanilang inaasahan. Lugmok na nga sa kahirapan ang mga tao noon, talamak
ang di-makatarungang sitwasyong nararanasan ng mga tao. Ngunit isang bulnerableng sanggol na
isinilang sa isang “spare space” at walang VIP treatment ika nga, ito ba ang sinasabing manliligtas sa
mga tao buhat sa emperyong nagpaalipin at nagpahirap sa mga tao? Anong laban ng isang anak
lamang ng karpintero? Ano nga ba ang ating pamantayan kapag sinabing manliligtas?

Habang nalalapit ang kapaskuhan, ay suriin natin ang ating sarili sa kahulugan ng Kapanganakan ni
Kristo. At bilang mga tagasunod kay Kristo, ano nga ba ang ibig sabihin nito sa ating buhay at
kahulugan sa ating eksistensya? Bakit ganito na lamang kasidhi ang patotoo ni Kristo, na siya ang
Liwanag? Nakakalungkot isipin na kung sino pa ang may ganap na kaunawaan at kabatiran ng
Kautusan o ng Kasulatan na minana pa sa Lumang Tipan ay sila pa ang hindi ganap na makaunawa at
makakita sa nais ipahiwatig at patotoo ni Kristo. Mula sa pagsusuri at pag-aaral, sinasabing ang mga
Pariseo ay mga naturingang espesyalista sa Kautusan ngunit napaka-literal ng pag-unawa sa Kautusan.
At dahil dito, gayon na lamang ang paalala ni Kristo upang huwag silang malinsad o mangaligaw dahil
nalunod na sa sariling interpretasyon at pang-unawa na walang pagsusuri o pagtitimbang sa
nangyayari sa paligid. Nalunod sa sariling pamantayan.

v.12-”Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at
di na lalakad sa kadiliman.” Ito ang patotoo ni Kristo, ngunit dahil sa pamantayan ng tao ay hindi na
natin makita ang sinasabing pagiging ‘ilaw’… na kung saan ay hindi tayo natitinag sa anumang tuksong
umaakit sa atin dahil
alam natin ang ating pinanggalingan at saan tayo pupunta,
walang paghahatol na ginagawa sa ating sarili, paligid at kapwa;
at lumalakad tayo sa buhay na dala ang kalooban ng Diyos.

Alam ni Kristo kung sino ang nagsugo sa kanya, alam niya kung ano ang dapat niyang gawin dahil
nakapaloob siya sa kalooban ng nagsugo sa Kanya.

Dahil dito nakita natin ang linaw ng eksistensya at layunin ni Kristo sa ating buhay.

At mula rin sa v.17 “Nasusulat sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalwang saksi.”

Ang patotoo ni Kristo, at ng Manlilikhang nagsugo kay Kristo.

Ngunit dahil sa pakikipagsabayan natin sa bilis ng takbo ng mundo at pakikiuso sa anumang materyal
na pagkakauso at maging sa mapusok nating emosyon o damdamin, ito ang nagdudulot ng
pagkabulag natin upang hindi natin makita ang tunay na liwanag..kung bakit hindi natin makita ang
pag-asa mula sa aral at buhay na iniwan sa ating ni Kristo.. at kung bakit hindi natin maramdaman ang
presensya at pagkilos ng Diyos sa ating buhay.

Dahil nalulunod na tayo sa sasabihin ng iba sa atin, sa makikita ng iba sa atin..nalulunod na tayo sa
pamantayan ng tao. Sa sandaling ito, tayo’y tumahimik, ibukas ang ating diwa at suriin ang ating
sarili…
Tayo ba’y may ilaw sa ating buhay o puro kadiliman?
Tayo ba’y nakabase sa pamantayan ng tao o sa kalooban ng Diyos?
Tayo ba’y daluyan ng pag-asa o insecurities ng mga tao?
Tayo ba’y may kagaanan pang nararamdaman o puro sakit/karamdaman ang
bumabalot sa atin?
Tayo ba’y may kaligayahang nagmumula sa Diyos o bugnot/galit/inis ang
nakadagan sa ating mga dibdib?
Puro kakulangan ba sa buhay ang nakikita natin at hindi na napapahalagahan
kahit ang hininga at paggising sa araw-araw?
Sino nga ba tayo sa araw-araw?
Paano nga ba natin tinitingnan ang pang-araw-araw na buhay?

Mula sa ebanghelyo ni Juan ay mariing ipinaliwanag ni Hesus kung paano natin mararanasan ang
liwanag na nagmumula sa kanya. Ang liwanag ng pag-asa at init ng pagmamahal ay itinanim na sa
ating katauhan, pauulit ulit itong ipinagkakaloob sa atin ng Diyos at mas ganap na pinalalim pa sa
kapanganakan ni Kristo, isang patotoong propesiyang nagkaroon ng kaganapan at buhay na buhay.
Ang Diyos ay nagpahayag ng kanyang liwanag sa pamamagitan ni Kristo.

At kung may ilaw ang buhay natin, tayo rin ay magiging daluyan at kailan man ay hindi mamamatay
ang liwanag ng pag-asa, pagmamahal, kagaanan ng pakiramdam sa kabila ng mga iba’t ibang hamon
at problemang dumadagsa sa bawat segundo ng ating buhay. Ang aliwalas ay hindi lamang sa ating
mga mukha makikita kundi mula sa ating kaibuturan o “loob” ay maipapasa at mararamdaman din sa
buhay ng iba.

Sabi nga sa awitin ni Rico Blanco “Liwanag sa Dilim”, ito ay pagpapaalaala sa atin na tayo din ay
liwanag sa dilim. (Ang awitin ito ay muling iniawit bilang alay sa ating mga frontliners sa kalagitnaan
ng pandemyang COVID-19)
“Isigaw mo sa hangin
Tumindig at magsilbing
Liwanag
Liwanag sa Dilim
Harapin mong magiting
Ang bagong awitin
Ikaw ang
Liwanag sa Dilim”

Gayondin sa awitin ni Joey Ayala na “Lumiyab Ka”, dapat lamang na idipa natin ang liyab ng ating
liwanag. Kaya kung tunay na nagliliwanag si Kristo sa atin at nais nating tumingkad pa ang liwanag
ay….
“ Lumiyab ka, lumiyab ka
Liwanag mo ay idipa
Lumiyab ka, lumiyab ka
Liwanag mo ay idipa”

Kaya’t sa nalalapit na kapaskuhan, kanino at anong klaseng pamantayan ang ating pagdiriwang ng
Pasko? Muli nating pakinggan ang bulong ng hangin at ingay ng paligid, pakiramdaman ang lamig ng
simoy ng hangin at igting ng araw sa ating mga balat, pakilasahan kung may nutrisyon pa bang
natatanggap ang bawat isa, pakiamoy ang sidhing dagok at hirap na nararanasan ng mga nawawalan
ng pag-asa, at tingnan ang maraming sulok at natatagong katotohanan sa likod na mga mapanlinlang
na mga pahayag at patotoo.

Ang liwanag ni Kristo’y sumaatin,


Huwag matakot at ikahiya ang Kanyang ningning,
Nasa ating mga palad ang pagpapakalat ng liwanag,
Liwanag na nagbibigay buhay sa atin
Na kahit tayo’y makasalanan
Bawat isa sa atin ay magsama-sama
Upang maging sa susunod na henerasyon
Hindi mapupundi ang liwanag na kaloob ng Mesiyas
“Ikaw ay liwanag din sa dilim”

Sa ngalan ng Diyos at walang hanggang Liwanag, kay Kristong nagparamdam at nagpatotoo ng


pagkilos ng tunay na Liwanag, sa Diwang Gabay na nagniningning sa ating buhay. AMEN.

Suhestyon na Daloy ng ika-limang Simbang Gabi

Mga Pagbati at Pagtanggap

Mga Awiting Pamasko

Salita ng Paghahanda
“Sandaling tapikin at galawin ang mga balikat,
Sandaling pigilin ang antok,
Buksan ang mga mata at tenga,
Palayain ang damdamin,
Handa ka na ba?
Ngayon, ngumiti ng may kagalakan at yakapin ang Diyos na Buhay” -ak

Panimulang Panalangin ------- Tagapanguna

Panimulang Awitin
“Purihin ang Liwanag” (tono: Twinkle Twinkle Little Star)
Purihin ang Liwanag
Buhat sa Manlilikha
Ilaw na tumitingkad
Dulot sati’y pag-asa
Papuri’t pasalamat
Bathala ng Liwanag

Purihin ang Liwanag


Si Kristo’y nagniningning
Buhay sa kanya’y laan
Upang maging daluyan
Dahil ikaw at ako
Ay liwanag din sa dilim

Pagbasa sa Banal na Kasulatan ------ Juan 8:12-18

Mensahe ng Buhay

Pagtatalaga ng Buhay at Bulsa


 (Suhestyon lamang ito at maaari pang makapagsagawa ng iba pang magbibigay paalala sa
hamon at turo ng Ka-Linawag Kay Kristo ♡ )
Ang Malikhaing Kapahayagan ng pagiging kaisa sa Liwanag ni Kristo
Ipikit ang mga mata
Itaas ang mga kamay na para bang inaabot ang langit
At huminga ng hingang-paloob (inhale) at hingang-palabas (exhale) ng tatlong beses
Habang itinatanim ang mga sumusunod,
“Dakilang Diyos,
Tunay na Ilaw
Dakilang Tanglaw,
Kami’y pakilusin,
Na may Pag-ibig
At puno ng Pag-asa.
AMEN.”

At unti-unting ibaba ang mga kamay habang nakapikit at nagdeepbreathing ng tatlong beses.
Pagkatapos ay dahan-dahan buksan ang mga mata.

 (Habang umaawit ng AWIT NG PAGTATALAGA ay gaganapin din natin ang PAGHAHANDOG)

“Dalhin ang Ilaw” MASPblg.259


“Mata’y Buksan ng Makakita” MASPblg.260
“Ang Lumapit sa Ilaw” MASPblg.58
“Sa Tana’y May Balitang Mainam” MASPblg.278

Pangwakas na Panalangin

Pagpapalang Bendisyon (sabay-sabay)


Ang walang hanggang pagyakap ng Diyos ang patuloy na mamayani sa bawat isa sa atin
upang taglayin natin ang nakakahawang pag-ibig at kumakalat na liwanag sa buong
sangnilkha, ngayon at magpakailan pa man, sa ngalan ng Diyos na Manlilikha, Manunubos at
Umaalalay. AMEN.

Tugon:
> Tatlong AMEN
> “Purihin ang Liwanag”
Purihin ang Liwanag
Si Kristo’y nagniningning
Buhay sa kanya’y laan
Upang maging daluyan
Dahil ikaw at ako
Ay liwanag din sa dilim. AMEN.

You might also like